Thursday, December 6, 2007

KULTURA NG REPRESYON

Ni Bonifacio P. Ilagan
Unang lektyur ng Leo Rimando Lecture Series
Polytechnic University of the Philippines, Sta. Mesa, Manila, 23 Agosto 2007



Binabati ko ang Amado V. Hernandez Resource Center, PUP Center For Human Development, Concerned Artists of the Philippines at SinagBayan sa pag-oorganisa ng Leo Rimando Lecture Series. Salamat po sa pag-iimbita sa akin para pasinayaan ang Leo Rimando Lecture Series.

Malaking karangalan at katuwaan ang magpanimula sa seryeng ito, lubha pa’t si Prof. Leo Rimando ay personal kong nakasama sa gawaing pangkultura sapul 1970, nang pagtulungan naming itatag at paunlarin, kasama ng iba pang aktibista ng Kabataang Makabayan na gaya ni Merardo Arce, ang Panday Sining. Si Ka Leo, ang pinagpipitaganang direktor ng burgis na teatro na nagwaksi sa kaburgisan, ang aming eksperto sa teatro. Kung may kayabangan man kami noon, iyon ay dahil mayroon kaming Leo Rimando na nag-alay ng kanyang namumukod na talino at kahusayan sa pagpapaunlad ng kultura ng nakikibakang sambayanan. Karapatdapat siyang parangalan sa maraming paraan, kabilang ang pagpapangalan ng ating pag-aaral ngayon sa kanyang alaala.

Kultura ng represyon. Mainam na pag-usapan ang paksang ito ngayong umaabot na sa 888 ang pinapatay na mga aktibista at 184 naman ang dinudukot mula noong 2001, nang okupahin ni Gloria Macapagal-Arroyo ang MalacaƱang, hanggang ngayong hapon na magkakasama tayo sa silid na ito. In fairness to her, and in spite of the illegitimacy of her presidency, she was not the one who invented extrajudicial killings and abductions. Ngunit, sa pagmamana ng madugong tradisyong ito, sa pagpapatuloy ng kultura ng represyon, ang kanyang mga kamay ay tigmak din sa dugo.

Alamat ng represyon

Ano nga ba, mayroon nga bang kultura ng represyon? Matinding salita ang “represyon” (salitang Ingles na binaybay sa Pilipino). Ang ibig sabihin nito ay paninikil o paniniil. Nangyayari ang paninikil o paniniil dahil may dalawang interes na nagbabanggaan – ang interes ng naninikil/ naniniil at ang interes ng sinisikil/ sinisiil. Ang paninikil o paniniil ay maaaring diplomatiko, mapagmaniobra, mapagbanta o kaya’y lantarang marahas at malupit. Isa pang kahulugan ng represyon ay pananaig sa pamamagitan ng dahas, malupit na paghahari – o pagrereyna, kung babae ang pinunong nagmamalupit.

Ngunit hindi lamang simpleng “represyon” ang sinasabi natin, kundi kultura ng represyon. Mas matindi ito. Sapagkat sa “kultura,” may sangkot nang sistema at kasaysayan. Ibig sabihin, ang represyon ay sistematiko at, sa paglipas ng panahon, ay umusbong-lumaki-namulaklak-namunga na.

Ibig sabihin, ang ating tinutukoy ay hindi lamang ang partikular na akto ng pagbabawal ng mga Kastila sa Noli at Fili ni Rizal; o ang partikular na akto ng pagbabawal ng mga Amerikano sa bandilang Pilipino; o ang partikular na akto ng pagbabawal ng rehimeng Marcos sa awiting “Bayan Ko” -- bagaman ang tatlong ito ay napakadramatikong halimbawa ng represyon.

Ang una kong tinutukoy, kung may kultura ng represyon, ay: Hindi minsan lang o isolated o pambihira ang mga pangyayari ng represyon. Ang mga ito ay ang mismong kalakaran. May padron at patakaran ng mga ganoong paninikil. At para sa mga umaalma, may nakalaang mabigat na parusa.

Pagtuntong na pagtuntong ng mga Kastila sa baybay-dagat ng ating kapuluan, hindi ba’t ang una nilang ginawa ay ang ipagbawal ang mga katutubong gawi? Pagsunog sa kung anumang sining at panitikan mayroon ang ating mga ninuno – dahil, diumano, ang mga iyon ay gawa ng dyablo? Ano ang maitatawag dito kundi hubad na represyon? Paglalaon, walang pinayagang sining at panitikan na hindi inaaprubahan ng isang lupon ng sensura.

Nang pumalit ang mga Amerikano bilang kolonyalistang panginoon, ang una nilang hinakbang ay ang gawing ilegal ang lahat ng pagpapamalas ng kalayaan ng bayan. Krimen ang magtaguyod ng soberaniya ng Pilipinas, krimen ang manindigan ng pagsasarili, krimen ang umawit ng “Lupang Hinirang.”

Kapwa noong panahon ng Kastila at Amerikano, kung hindi ka tatalima sa mga kautusang kolonyal, maaari kang makulong at pahirapan, ipatapon at pahirapan, pahirapan at gawaran ng kamatayan.

Ang ikalawa kong tinutukoy, kung may kultura ng represyon, ay: Ginagamit ng mga nasa kapangyarihan ang buong makinarya ng estado, laluna ang sandatahang lakas ng gobyerno, upang ipatupad ang kanilang dominasyon. Ang isa sa mga pangunahing kabuluhan, kung gayon, ng militar at paramilitar ng gobyerno ay ang pagtiyak na ang taumbayan ay napapangibabawan ng mga nasa poder sa pamamagitan ng armadong pwersa.

Ngunit hindi maaaring sa lahat ng oras ay gising sila; hindi maaaring sa lahat ng sulok ay magbantay sila. To the credit of the powers-that-be, they did much more than simply put up checkpoints, conduct search and seizure and aim their weapons against the people. Kailangan nilang gawing institusyonal at “lehitimo” ang represibong paghahari upang paamuin ang balana. Kailangang iyon ang maging konteksto ng “normal” na buhay-panlipunan.

Sa kaso ng mga kolonyalistang Kastila, nagtayo sila ng Simbahan. Sa kaso ng mga kolonyalistang Amerikano, nagtayo sila ng Eskwelahan. Ang Simbahan at Eskwelahan ay itinutok sa kaisipan ng mga nasasakupan. Ang represyon ay sinimulang ipatupad, hindi sa pamamagitan ng espada o baril, kundi sa pamamagitan ng paghubog sa kamalayang “sibilisado” ng mga katutubo at taumbayan. Kabanalan at edukasyon ang ibinihis sa represyon. “Sibilisadong tao” ka kung ang mga problema mo ay idinaraan mo sa dasal, sa pangungumpisal sa padre at hindi sa paglaban. “Sibilisadong tao” ka kung nakikipag-usap ka at hindi namumundok na hawak ang sandata. Ang represyon ay ipinaunawa bilang mahalagang proseso sa ikabubuti ng indibidwal at komunidad. Ang proseso ay tinawag na paglalatag ng kapayapaan at kaayusan – the much-abused “peace and order.” Sa dambana ng peace and order, naghuhumindig ang kautusan: Sundin ang loob ng mga tagapamahala, ng mga awtoridad -- nang walang pasubali – no questions asked – dahil sila ang nakakaalam ng kung ano ang mabuti at masama.

At ngayon, ika-23 ng Agosto, in the year of our Lord 2007, at pagkalipas ng mahigit na 400 taon ng ganitong sistema, magtataka pa ba tayo kung bakit, sa kabila ng nagpapatuloy na pampulitikang pamamaslang at pagdukot sa mga tinataguriang “kaaway ng estado,” ang karaniwang tao ay maaaring natitigatig ngunit bukod doon ay wala nang ginagawa para matigil ang madugong represyon?

Resulta ng kultura ng represyon

Dahil ang represyon ay matagumpay na nakultura sa isip ng madla, nawala na ang kakayahang maging kritikal. Sakali mang naroon pa rin ang bakas ng kritikal na pag-iisip, hindi na iyon sapat upang magsalita at kumilos nang labag sa mga patakaran at kautusan ng mga nasa kapangyarihan. Nawala, laluna, ang tapang. Nabaog na ang kritikal na pag-iisip sa simpleng pribadong pag-aalala. Ngunit para pumirma sa manipesto o mag-ambag ng piso o dumalo sa rali ng mga militante, naku, hindi.

Hindi – dahil bukod sa ako’y natatakot, may mas mahalaga akong aasikasuhin. Ang aking pag-aaral, ang aking hanapbuhay, ang aking pamilya, ang aking gimik. Kung sasali ako sa mga kumakalaban sa represyon, baka ako mapahamak. Hindi ako dapat makialam. Hindi, talagang hindi. Ako, ang aking sariling kalagayan at kaligtasan, ang mahalaga. Malinaw: Kaisipang indibidwalista ang parametrong pang-ideolohiya ng represyon. Eh ano ba. Anu’t anuman, nakikisimpatya naman ako sa kanila. Ipagdarasal ko na lamang sila.

Kung sa inyong palagay ay hindi OK ang ganitong aktitud, paano pa kaya ito: Bakit naman kasi wala silang nakikitang positibo sa ginagawa ng gobyerno. Lahat na lang, masama. Sila lang ang mabuti at tama. Palibhasa, Kaliwa sila, komunismo ang ideolohiya nila. Ayaw nila ng kapayapaan at kaayusan. Rebelde kasi sila.

Nang kalabanin ba ni Lapu-Lapu si Magellan, nang maghimasik ba ang mga Raha Sulayman, Magat Salamat, Sumoroy, Dagohoy, Diego at Gabriela Silang, ang Kaigorotan at Bangsa Moro, ang mga Emilio Jacinto at Andres Bonifacio, ayaw ba nila ng kapayapaan at kaayusan? Rebelde silang lahat, opo, ngunit rebelde sila laban sa represyon at sa ngalan ng kapayapaan at kaayusan.

Malinaw, sa talaksan ng mga resulta ng represyon, nangunguna ang pagkakahati ng taumbayan sa dalawang panig. Sa isang panig, ang mga kritiko at rebelde. Sa kabilang panig, ang lahat ng iba pa, kabilang ang mga pumapagitna, ang mga ayaw makialam. Tuso ang mga nasa poder na gumagamit ng represyon. Ganito ang garantiya nila sa madla: Walang ikakatakot ang mga walang kasalanan – ibig sabihin ay ang mga sarado ang bibig at hindi gumagalaw. (Naririnig ba ninyo sina Ermita at ang dalawang Gonzales?) Sumige lang kayo sa matahimik na pamumuhay, sa paghabol sa inyong sari-sariling minatamis na pangarap, sa inyong pagiging indibidwalista. Garantisadong hindi kayo maaano, basta huwag kayong sumama sa mga maiingay at mapanggulo.

And so the repression continues. Because while a vocal segment of society refuses to suffer repression by fighting it in concrete terms, a bigger number of the public allow themselves to be victims of repression -- either because their consciousness has been perverted or because in timidity and silence, they find security. Pakatandaan natin ito: Kalasag ng mapaniil na pamahalaan ang laksang mamamayang hindi nakikialam sa mga usaping pambayan.

Ang punto po ay ito: Kailangang dumami nang makailang ulit ang mga aktibo at militanteng lumalaban sa represyon upang matigil ang represyon. Sa ibang salita, kailangang sa mga lansangan ay maging daang libo ang ilang libong demonstrador, at milyon ang daang libo. Kailangang sa kanayunan ay walang maliw na umani ng tagumpay ang papakapal na hukbo ng taumbayang nagbabalikwas at nakikipaglaban. Lahat ng iyan ay upang pasukuin sa katarungan at kalayaan ang mga rehimeng mapanikil, at mailuklok sa kapangyarihan ang demokratikong rehimen ng sambayanan.

Sapagkat sa huling pagsusuri, kung hindi magiging materyal na pwersa ang mga ideya sa paglaban sa represyon, ang gutom ay mananatiling gutom, ang maysakit ay maysakit, ang bilanggo ay bilanggo. At ang mga nawawala ay hindi kaylanman matatagpuan.

Artista kontra Represyon

Nariyan na tayo. Mauugat ang palit-palit na gobyerno sa pangkasaysayang represyong nangyari sa Pilipinas. Nakatuntong sa ganoong pundasyon ang lantarang batas militar ni Marcos at ang di-lantarang batas militar ni Gloria Macapagal-Arroyo. Nagbunyi ang mga Pilipino nang mapatalsik si Marcos noong 1986. May nagtanong ba ng ganito: Bakit tumagal nang 21 taon bago napatalsik ang diktador na ito? Sapagkat noon lamang 1986 bumuka ang bitak sa kultura ng represyon. At ating pansinin: Ang represyong dinurog noong 1986 ay tatak-Marcos lamang. Nanatili ang represyong “lehitimo” na mas malapad at malalim na itinayo ng kolonyalismo at imperyalismo, na siyang tinuntungan ng mga pumalit kay Marcos.

Sa ngayon, matagumpay pa ring nakukultura ang represyong ito, kaya natitigatig man ang publiko sa mga pinapaslang ng rehimeng GMA, mayroon ba silang kongkretong ginagawa upang labanan ito? Ano, kung gayon, ang dapat gawin? The inevitable question: What is to be done?

Bilang artista, manindigan tayo laban sa represyon ng malayang pag-iisip, malayang pamamahayag at malayang paglikha ng sining at panitikan. Ang paglikha ng sining at panitikan na ukol sa mga isyung pambayan ay bahagi ng mga kalayaang ito. Kalabisan nang sabihin na ang artista ay nararapat magrebelde kapag ang mga kalayaang ito ay sinasagkaan.

Ang mga artista at manunulat ay may natatanging lugar sa kabuuang kilusan laban sa represyon. Sapagkat ang larangan natin ay larangan ng kamalayan – na siyang epektibong kinokontrol ng mga pwersang mapanikil -- kagyat ang bisa ng kanilang mga likha sa pagpapalaya sa kaisipan ng taumbayan. Sa madaling sabi, ang mga artista, manunulat at manggagawang pangkultura ay kailangang patuloy na lumikha ng mga obrang malaya at mapaglaya, laluna sa panahon ng pinakamararahas na paninikil. Sapagkat upang gumalaw ang katawan, kailangang magpasya ang kaisipan. Ang mga tula, kwento, dula, awit, sayaw sa iba’t ibang tradisyonal at makabagong midya ay may kakayahang kagyat na magbukas ng pinid na imahinasyon. At minsang mabuksan, maaari nang dumaloy ang liwanag at ang imahinasyon ay maglakbay. Wala itong iniwan sa paggising sa natutulog. Kapag gising na, ang lahat ay posibleng gawin.

Sa ganitong pagtingin, kailangang ang lumilikha ng sining at panitikan ay nakaugnay sa malawak na kilusang masa. Hindi siya magtatagumpay sa paglikha ng malaya at mapaglayang akda kung siya ay nakakulong sa kanyang silid, o kaya’y solong nakikipag-ulayaw sa mga musa ng kanyang diliwariw. Kailangang maramdaman niya ang kalam ng sikmura ng maralitang sangkahig-santuka, marumihan ang kanyang mga paa’t kamay ng putik na nililinang ng magsasaka, matalamsikan siya ng dagitab ng bakal na pinapanday ng manggagawa.

Kailangan niyang lagukin ang likido ng pakikipagsandugo sa masang anakpawis. At mula sa lakas noon, kailangan niyang lumikha, at lumikha pa, sukdang ipagkait ang laya sa paglikha. ###

(Ginamit ding batayan ng lektyur sa Alternative Classroom Learning Experience sa pagtataguyod ng Narra-Youth, University of the Philippines, Diliman, Quezon City, 4 Setyembre 2007.)

1 comment:

Anonymous said...

Hello. This post is likeable, and your blog is very interesting, congratulations :-). I will add in my blogroll =). If possible gives a last there on my blog, it is about the MP3 e MP4, I hope you enjoy. The address is http://mp3-mp4-brasil.blogspot.com. A hug.