Thursday, February 8, 2007

Amado V. Hernandez Resource Center

KALAGAYAN NG SINING AT KULTURA SA PANAHON NG GLOBALISASYON
Binigkas ni Jenifer Padilla
Executive Director
Amado V. Hernandez Resource Center

I. INTRODUKSYON

Kamakailan lamang ay nag-survey ang Pulse Asia tungkol sa kawalan ng pag-asa ng mga Pilipino sa ating bansa. Ayon sa survey, wala pa sa kalahati ng mga Pilipino ang naniniwalang “may pag-asa pa ang bansang ito.” Dama ng karamihan ang pangangailangan para sa pundamental na pagbabago sa ating lipunan ngayon. Kailangan ng pagbabago sa ating ekonomya kung saan ang karamihan ay nananatiling hikahos, hindi nakikinabang sa kanilang pinagpapawisan. Kailangan ng pagbabago sa ating pulitika, kung saan ang gobyerno ay gobyerno ng iilan, at hindi ng karamihan.

Pero batid din natin na ang pagbabago sa lipunan ay hindi magiging ganap kapag walang kasabay na pagbabago sa kultura ng bayan. Pagbabago sa dominanteng kaisipan, kaugalian, pagpapahalaga, panlasa, sining at panitikan. Pero ano nga ba ang kailangan baguhin sa kultura sa bansa ngayon? Hayaan ninyo akong magbahagi ng aming pagsusuri hinggil sa kasalukuyang kalagayan ng sining at kultura sa Pilipinas, mga patakaran at programa sa kultura ng pamahalaan at pribadong sektor, at ugnayan ng mga ito sa ekonomya at pulitika ng bansa sa panahon ng globalisasyon. Kung ito ay makakatulong sa paglilinaw at paggigiit sa tungkulin ng artistang Pilipino sa pagsusulong ng pagbabago sa ating lipunan, nakamit na rin namin ang aming layunin sa pagkakataong ito.

II. KASALUKUYANG KRISIS NG SINING AT KULTURA SA PILIPINAS

Ang dominanteng kultura sa Pilipinas ay nananatiling kolonyal, burges at pyudal sa kasalukuyang panahon. Itinatakda ito ng mga dominanteng pwersa sa ekonomya at politika ng bansa – ang U.S. at ang mga elit sa ating lipunan, ang malalaking kapitalista at asenderong Pilipino.

Ang pamantayan ng U.S., hindi lamang sa pulitika at ekonomya, kundi maging sa kulturang kolonyal ang nagiging sukatan kung ano ang mahusay at hindi para sa mga Pilipino. Sa kulturang burges, ang sining ay kalakal at ang mga tao ay palengke na pwedeng manipulahin para higit na pagtubuan. Pinapanatiling mangmang, kimi at palaasa sa “swerte” at sa kawanggawa ang masang bihag ng kulturang pyudal. Sa tulong ng dominanteng kulturang ito, nagiging mas madali ang patuloy na pagkontrol at pagsasamantala ng mga dayuhan at iilan sa sambayanang Pilipino.

Sa ngalan ng “globalisasyon”, ibayo ang pananalakay ng dalawang pinakadominanteng pwersa sa kulturang Pilipino – ang imperyalismong U.S. at ang simbahang Katoliko Kinakasangkapan din ng mga dayuhang imperyalista at mga naghaharing uri ang estado upang ipalaganap ang artipisyal na kulturang popular, ang kultura ng korupsyon, at kultura ng pasismo upang palakasin at higit na palawakin ang kanilang dominasyon.

Kultura ng Globalisasyon

Ang Pilipinas ay nakapailalam sa mga kasunduan at patakarang pinagkaisahan at idinidikta ng mga economic superpowers o mga imperyalistang bansa. Kabilang dito ang mga neoliberal na patakaran ng liberalisasyon, deregulasyon at pribatitsasyon na itinutulak ng IMF, WB at WTO lalo na sa mga mahihirap na bansa. Sa gayon ang mga bansang katulad ng Pilipinas ay nagsisilbing mas maluwag na palengke para sa mga produkto at serbisyo ng mga malalaking kapitalista mula sa mayayamang bansa.

Malayang kalakalan ng mga produktong pangkultura

Dahil sa patakaran ng import liberalization mas malaya nang nakakapasok pati mga dayuhang produktong pangkultura sa Pilipinas katulad ng pelikula, aklat, musika at software. Sa ilalim ng Trade-Related Aspects of Intellectual Property Rights o TRIPS ng WTO, nagiging mas madali para sa mga higanteng korporasyon mula sa ibang bansa ang pamumuhunan, pagbili, pag-agaw, pagkontrol at pagmomonopolyo sa mga sumusunod: 1) likhang sining at distribusyon nito (sa pamamagitan ng karapatang ari at mga kaakibat nito), 2) tatak (trademark) at pagtukoy sa pinagmulan ng produkto (geographical indications), 3) imbensyon (sa pagmamagitan ng patente), industrial design at trade secrets.

Sa pamamagitan ng General Agreement on Trade in Service o GATS ng WTO, pinadali rin ang dominasyon ng mga imperyalistang bansa sa mga serbisyo sa Pilipinas. Kabilang dito ang mga serbisyong tumutugon sa pagpapalaganap at preserbasyon ng mga produktong pangkultura, gaya ng distribusyon at pagpapalabas ng pelikula. Sa buong mundo, ang US ang pinakamalaking exporter ng mga produktong pangkultura ngayon.

Kasabay ng halos monopolyado ng US ang produksyon at distribusyon ng produktong pangkultura hinuhulma nito ang panlasa ng mga tao upang lumikha ng pangangailang (demand) para sa kanyang mga produkto. Ang panlasang pinoy ay matagal ng nabababad sa pamantayang Amerikano kaya madaling tanggapin ito ng marami.

Ngunit nagreresulta ito sa pagkalugi o paglamon sa lokal na industriyang pangkultura. Dahil sa matinding kumpetisyon lumalaban ang mga ito sa pabababaan ng sahod, kontraktwalisasyon at pagbabawas ng mga manggagawa na nagaganap sa mga estasyon ng telebisyon at mga produksyon pampelikula. Binubunsod din ng kumpetisyon na ito ang lalong pagkasadlak ng mga likhang sining sa pamantayang komersyal at kolonyal para makapatas sa mga imported na likhang sining at pamantayan ng kahusayan. Naging laganap din ang pamimirata ng mga nais kumita ng malaki sa mababang kapital. Habang sa isang banda, ang panggagaya ay kinukunsinti ng mga dayuhang korporasyon dahil pinalalaganap pa nito ang dayuhan o anila’y “global” na panlasa, ang pamimirata nama’y malupit nilang nilalabanan sa larangan ng intellectual property rights dahil umuuk-ok ito sa kanilang tubo.

Nagkakaroon din ng impluwensya o kontrol ang pribadong korporasyon sa mga likhang sining sa pamamagitan ng pagpondo nito sa mga ahensyang pangkultura at mga grupo o indibidwal na artistang hindi nakatatanggap ng suporta mula sa gubyerno. Ang ganitong kalagayan ay lalong pang dadausdos kapag naisulong ang mungkahing charter change ng administrasyong Arroyo kung saan kabilang ang pag-alis ng mga restriksyong pang-ekonomya sa dayuhang pag-mamay-ari.



World Class Culture

Sa hanay ng kultura, itinuturing na world-class ang mga nagkamit ng parangal mula sa mga dayuhang institusyon. Hindi masamang makilala ang kakayanan ng pinoy sa ibayong dagat. Ngunit kung ang gagamiting pamantayan ng pag-unlad at kahusayan ay nakabatay sa kulturang maka-dayuhan gaya ng laganap sa ating mga palabas, musika, atbp. mas malaki ang pinsala nito. Anti-nasyunal na kaisipan ang kabilang mukha ng “world class culture” na nagmamaliit at nagbabansot sa halip na nagpapayabong sa kulturang Pilipino .
Maging ang sistema ng edukasyon ay hinuhubog ding maging world-class. Kinakailangan daw ito para maging competitive o makipagtapatan sa pandaigdigang kumpetisyon. Sa mga paaralan, pilit inaayon ang mga kurso at aralin na maghuhubog ng mga susunod na manggagawang skilled at english speaking para sa mga multinasyunal na kumpanya na nagdidikta ng kung ano ang kailangan nilang trabaho. Sa kasalukuyan laganap ang call centers, kung saan maraming kabataan ang namamasukan bilang kontrakwal. Inihahanda rin ng ganitong mga patakaran sa paaralan ang mga susunod na OFWs na pinagkakakitaan ng pamahalaan.

Cultural Diversity

Ang cultural diversity o ang pagkakaiba-iba ng mga kultura sa daigdig ay ang pagtingin na may esensyal na kaibahan ang mga kultura at nararapat lamang na igalang, protektahan at paunlarin ang mga pagkakaibang ito. Subalit ang pakahulugan sa cultural diversity – na itinataguyod ng globalisasyon at tinatangkilik ng gobyerno – ay ang paglikha ng napakaraming produkto at serbisyo mula sa iba’t ibang kultura. Binibigyan ng halaga na parang sa palengke ang mga “kakaiba,” ispesipiko, “walang katulad,” at exotic na kultura. May pagromantisa pa sa samu’t-saring tribo at komunidad na nagsisilbing materyal para sa imahinasyon at pantasya ng “mas maunlad” na sibilisasyon.

Hungkag ang ganitong konsepto ng ”cultural diversity” sapagkat hinihiwalay ang kultura sa kinaiiralan nitong panlipunang konteksto. Mapananatili ba ng mga katutubo ang kanilang kultura kung sila ay sapilitang inaalis sa kanilang lupain? Sa anong antas makikipagturingan nang matino sa mga Muslim kung patuloy silang itinatakwil at binabansagang terorista?

Kultura ng Turismo

Laganap ang samu’t-saring festival sa buong kapuluan ngayon sa layunin ng mga lokalidad at ng pambansang pamahalaan na pasiglahin ang turismo sa bansa . Sa isang banda nakabubuti ang turismo, kung bahagi ito ng edukasyon ng mga Pilipino at ng mga dayuhan na makilala ang mayamang kultura sa ating bayan . Ngunit kung ang pangunahing layunin ay kumita ng pera, nagiging kapital ang turismo sa komersiyalisasyon ng kultura. Bukod pa sa pinagkakakitaan ang kultura, mas masahol ang usapin ng panghihimasok sa isang kultura at ang artipisyal na pagpoproseso dito upang maging mabenta sa pinakamaraming tao. Madalas kaysa hindi, nababago sa kalaunan ang isang kultura kundi man ito tuluyang nasisira.

Sa praktika ng gobyerno, ginagamit nito ang turismo bilang tugon sa kahirapan. Sa isang banda, sinusuportahan nito ang produksyon ng mga tradisyunal na kagamitan. Ngunit ang pagpayag at paghihikayat ng gobyerno sa pagpasok ng mining companies at sa laganap na militarisasyon na nagtataboy sa mga kababayang tumutugon sa tradisyunal na kagamitan ay siya ring pumapatay sa tradisyunal na produksyon.

Kulturang Popular at Artipisyal

Ang tinaguriang “kulturang popular” ba ay tunay na kultura ng masa? O nagiging popular ito dahil pilit itong ipinamumudmod sa masa, hinuhubog ang kanilang panlasa hanggang sa tanggapin na nila ito bilang sariling kultura?

Ang mga eksena mula sa palabas na Wowowee at iba pang gameshow ay nagpapakita ng matinding desperasyon ng napakaraming maralitang Pilipino . Pinapalaganap nito ang pantasya na “swerte” at kagandahang-loob ng iba ang sagot sa kahirapan ng masa. Nilalako nito ang hungkag na pag-asa sa milyon-milyong tagapanood, kasabay ng mga produkto ng mga malalaking kumpanyang isponsor ng mga palabas na ito, sila na kumikita ng limpak-limpak sa pagtangkilik ng masa.

Gayundin, hungkag na kaligtasan ang nilalako ng mga fantaserye at telenovela, gawa man dito o dinub mula sa ibang bansa, Sa mga palabas na ito, hindi sistemang panlipunan o gobyerno ang ugat ng paghihirap kundi mga masasamang nilalang. At ang katubusan ay nasa balikat ng mga indibidwal na may kakaibang mga kapangyarihan, mga superhero, hindi sa kolektibong pakikibaka ng mga inaapi at pinagsasamantalahan.

Ito ang artipisyal na kulturang popular na “binebenta” ng industriyang pangkultura ng mga local na naghaharing-uri at ng imperyalismo sa masang mamimili. Dahil ang mga lokal na naghaharing uri at imperyalismo ang mayhawak ng halos lahat ng mayor na industriya sa kultura at sining (musika, pelikula atbp.) sila ang nagtatakda kung ano ang isinasalaksak sa isipan at panlasa ng masa. Sila ang nagtatatak na pang-masa ang ganitrong kulturang mapang-alipin. Sila ang nagpapanatiling mababaw o tanga ang masa – habang umaani ng tubo mula sa mga produktong kanilang ibinebenta sa masa.

Kultura ng Korrupsyon

Ang “kultura ng korupsyon” ay ang pananatili ng malawakang korupsyon (o ang pag-abuso sa posisyon para sa sariling interes) sa halos lahat ng antas ng gobyerno Sa loob ng burukrasya, mas tumitindi ang korupsyon habang pataas nang pataas ang posisyon dahil lumalaki rin ang kapangyarihan at dumadami ang oportunidad para dito .Kaya’t ang mismong paggogobyerno ay ginagamit ng mga naghaharing uri upang higit na magpayaman at panatalihin ang kanilang kapangyarihan. Sa aktwal, tinatangkilik nila kultura ng korupsyon habang kunwa’y iwinawaksi nila ito sa publiko.

Halimbawa na lang ang programa ng kasalukuyang gobyerno para labanan ang korupsyon. Nasasaad dito ang values formation, lifestyle check, kompyuterisasyon at deregulasyon ng mga transaksyon ng gubyerno. Pero sa dami ng kinasangkutang anomalya ng Pangulo at ng pamilya nito, mula sa Diosdado Macapagal Highway, Jose Pidal account, ang fertilizer scam, paggamit ng pondo ng OFWs sa OWWA para sa pangangampanya, pandaraya sa eleksyon, atbp., wala ni isang na-imbestiga ng malaliman.

Ang kulturang ito ay sinusuhayan din ng US upang matiyak ang pagyuko ng burukrasya sa kaniyang mga maniobra, lalo na sa usaping negosyo. Walang magtatagumpay na kampanya laban sa korupsyon hanggang may pakinabang ang mapagsamanatalang sistema ng globalisasyon at nagahaharing uri dito.

Kultura ng Panunupil at Pasismo

Sa kasalukuyan, halos 80% ng mamamayan ay mahirap at mahigit 11 milyong Pilipino ang wala o kulang ang kabuhayan. Ang lumalalang krisis pang-ekonomya ang nag-uudyok sa mamamayan na magpahayag ng hinaing at diskontento lalo pa’t nasasangkot sa maraming anomalya ang gobyernong Arroyo. Ngunit sa halip respetuhin ang karapatang mapahayag at magtipon-tipon, ibinaba ang Executive Order 464 -- pumipigil sa mga kawani ng gobyerno na umattend ng hearing sa Senado at Kongreso ng walang pahintulot mula sa pangulo; ibinaba rin ang Proclamation 1017 upang ideklara ang state of emergency, kasabay ng pagbabawal sa mga kilos protesta, pagbibigay kapangyarihan sa mga pulis na marahas na buwagin ang anumang pagtitipon, pasukin ang mga opisina ng mga publikasyon at arbitraryong mang aresto ng mga kritiko ng pamahalaan tulad ni Ka Crispin Beltran.

Kultura ng Terorismo

Inatras na ang State of Emergency pero hindi natigil ang “pagsensura” sa mamamayan. Patuloy at dumarami ang di malutas na kaso ng mga pandurukot at pagpatay sa mga aktibista, mamamahayag at maging mga taong simbahan. Sa tinatayang 747 na pinatay mula nang maupo si Arroyo sa Malakanyang, kalakhan ay nagmula sa mga progresibo at militanteng organisasyon na kritikal sa mga patakaran ng gobyerno. Matindi ang mensahe ang naiis ipaabot ng panunupil at pasismo -- nais nitong patahimikin ang mga naghahangad ng pundamental na pagbabago, nais nitong kitlin ang kaisipang mapanlaban at mapagpalaya -- hanggang sa mamanhid ang mamamayan sa ganitong kalagayan.

Bahagi ng all-out-war laban sa terorsimo ng gobyerno, laganap ngayon sa kanayunan ang papatinding militarisasyon na bumibiktima sa mga magsasaka at mga katutubo. May itinatakdang curfew at checkpoints, ipinagbabawal ang flashlights, kailangan laging may hawak na sedula ang mga residente. Ang mga hindi tumutugon ay arbitraryong inaakusahan na miyembro o tagasuporta ng NPA. Kasunod nito ay harasment, pandarahas, o sa sukdulan, pagpatay . Bahagi ito ng “all-out war” ng gobyerno, alinsunod sa “giyera laban sa terorismo” ng US. Asahan pang titindi ang kultura ng terorismo kapag naisabatas na ang Anti-Terrorism Bill (ATB) na masugid na tinutulak ng gobyernong Arroyo sa kongreso.

Kultura ng Pangangayupapa

Ginagamit ng gobyerno ang islogang “culture of peace” para palubagin ang loob ng mga nag-aaway na grupo. Ang iba’t ibang cultural exchange programs na binubuo ng immersion activities at mga pagtatanghal ay aktibo nitong sinusuportahan upang idiin ang “esensiyal na pagiging mapayapa at mapagkasundo” ng mga kultura. Subalit sadya itong inihihiwalay sa konteksto. Halimbawa, ang mapanlabang tradisyon ng maraming katutubo sa Cordillera ay pinahihina at pinipilit gawing masunurin sa pagpapaloob sa development aggression projects ng pambansa at lokal na gobyerno.
Isa pang halimbawa ay ang gera laban sa terorismong isinusulong ng US, kung saan ang Pilipinas ay nagiging lunsaran na rin ng digmang idinidiin ang pangkulturang katangian. Binabansagan ang Islam bilang sibilisasyon ng mga barbaro at terorista. Ang “militanteng Islam” ay ipinapailalim sa “mapayapang Kristiyanismo”; sa totoo’y binibigyan lang nito ng katuturan ang sistematikong pagsasantabi sa mga karapatang pantao ng mga Muslim sa Mindanao at iba’t ibang bahagi ng bansa. Ang islogang “culture of peace” ng gobyerno ay kapayapaang mabuway dahil hindi nakasandig sa makatarungang kaayusan ang natututunan ng mamamayan.

I. KONKLUSYON AT MGA RESOLUSYON

Pinatitingkad ng globalisasyon, kulturang popular, korupsyon at panunupil at pasismo ang dominanteng kulutrang kolonyal, burgest at pyudal. Ang ganitong kalagayan sa kultura ay sumasalamin sa malakolonyal na estado at malapyudal na ekonomya ng bansa. Naisasalarawan ng kulturang ito ang tumitindi at mas sopistikadong pagsasabwatan ng imperyalismo, burukrata kapitalismo at pyudalismo – ang tatlong ugat ng kahirapan sa Pilipinas.

Hamon at Panawagan

Mahalaga ang pagsabay ng pangkulturang pakikibaka sa pagsulong ng pagbabago sa pulitika at ekonomya. Mahalaga ang papel ng mga artista sa paglikha ng sining na bitbit ang kaisipang direktang sumasalungat sa dominanteng kultura. Mahalaga ang kulturang pambansa – na nagtataguyod ng pambansang identidad na nasasalamin ng pambansang pamana ng mga mayayamang kultura ng iba’t-ibang rehiyon at ng mga grupong etnolingwistiko. Mga tatak ng paggalang sa sarili at sa kasaysayan ng mga Pilipino, sa kakayanan ng komunidad mabuhay ng sagana, na nagpapatibay ng patriotismo. Dapat bitbitin ang kulturang may kritikal na pananaw at pamamaraan, dahil may kaakibat ang sining na gawaing edukasyong nagpapalaya at nagpapalawak ng kamulatan salungat sa pyudal na kaisipang nagpapamangmang. Bibit din ng mga alagad ng sining ang pagpapalaganap ng kulturang maka-masa, hindi para sa iilang sector lamang ng lipunan. Sinasalamin nito ang kanilang mithiin at ibinabandila ang kakayahan ng malawak na mamamayan, partikular ang mga manggagawa at magsasaka, sa paghubog ng lipunan at paglikha ng kasaysayan.

Komprehensibo ang gawaing kultura, dahil komprehensibo din ang saklaw nito. Sa usapin ng paglikha ng sining na bitbit ang kulturang pambansa, kritikal ang pananaw at pamamaraan, at para sa malawak na mamamayan, malaki ang hamon sa mga artista, ngunit bahagi lang ito ng pagbabago sa kultura. Mahalagang tungkulin din niya makiisa, makilahok sa pagkilos ng mamamyan sa pagsusulong ng pagbabago. Dahil ang pagbabago ng lipunan ay gawain ng lahat.

Walang bansang masagana ang walang sariling kultura.

Dekadang 70's at 80's

Mga Kagilagilalas na Pakikipagsapalaran ng Artistang Bayan ng Dekadang 70's at 80's
ni Bonifacio Ilagan

PAGBIBINYAG SA APOY, PAG-AARUGA SA DUGO

Ang dekadang 70 at 80 ay panahon ng sigalot sa Pilipinas. Kabilang sa mga walang kaparis na pangyayaring naganap noon ay ang 14-na-taong batas militar, isang tinatawag na People Power Uprising na nagpabagsak sa isang despotikong gobyerno, isang serye ng mga bigong kudeta, at ang pamamayani ng isang kilusang rebolusyonaryo, na nagsisimpan ng umano’y pinakamatagal na rebelyong komunista sa Asya.

Sa alimpuyo ng mga nasabing pangyayari, isang kilusang pangkultura ang nagpakislot sa kasaysayan. Isinilang mismo bilang rebelyon laban sa dominanteng kultura ng lipunan, ang kilusang ito ay namandila ng mapangahas na pagkilos at masigasig na paglikha -- na kumalaban sa represyon ng estado, paghaharing militar at kaisipang alipin na kung tutuusi’y sintanda na ng panahon.

Ang sulating ito, paglalahad ng isang tuwirang sangkot, ay isang pagsisikap na arukin ang kilusan ng mga artistang bayan sa Pilipinas nang nasabing panahon, at nagtatangka ring maglahad kung bakit maging ang rebelyong ito sa larangan ng kultura ay namamayani.

* Pasintabi kina Katotong Domingo Landicho at Jose F. Lacaba.

BAGAMAN ikinukubli kami ng maliit na apartment mula sa patrulya ng mga pulis at sundalo, mas mabuti na ring iwasang mag-ingay. Mga walo katao kami – manunulat, artista sa teatro, artista ng sining biswal. Bandang 1973 iyon, santaon nang andergrawnd kung kami ay kumilos.

Abala kami sa sambuong araw na talakayan. Lagpas hatingggabi na. Umakyat na kami sa silid ng ikalawang palapag, naglatag ng banig, saglit pang nagbiruan, at mabilis na nakatulog – ngunit mabilis ring nagising. Nagkakaingay ang mga aso sa kapitbahayan. Alam namin, hindi simpleng dumaraan lamang ang taong bumulabog sa katahimikan ng komunidad na iyon sa Quezon City, alas tres ng madaling araw.

Mula sa de-kurtinang bintana, sinilip namin ang mga lalaking suot-sibilyan, may taling panyo sa ulo. Armado sila ng malalakas na assault rifles. Kami nama’y walang armas kahit ano, walang alam sa pakikipagyera, sabihin mang nakapambalibag na kami ng patpat at bato sa ilang demonstrasyon nitong nakaraan.

Takot ang sumaklot sa amin habang pinapanood ang mga lalaking pumupusisyon sa labanan. Napapaligiran na namin kayo, anunsyo nila. Tapos, nag-utos sila para sumuko ang dapat sumuko. Ngunit nakapagtataka: Hindi sa aming panig nakatingin ang mga armado. Ang mga riple nila ay nakatutok sa ibang direksyon. Nakahinga kami nang maluwag nang mapagtanto namin na hindi kami ang target nila, kundi ang kapitbahay naming diumano’y elementong kriminal.

Katunayan, isang bukodtanging lagim ang ipinunla ni Marcos sa buong Pilipinas noong Setyembre 1972. Ayon sa Konstitusyon, hindi uubrang siya ay magtatlong termino bilang presidente, kaya siya’y nagmaniobra ng sitwasyon para mabigyang-katwiran ang batas militar, at nang sa gayon ay manatili sa poder. Bago pa man binasa ni Francisco Tatad ang Proclamation 1081 sa publiko, ang AFP ay larga na pala sa pang-aaresto sa mga lider ng oposisyon, kabilang ang mga nasa militanteng kilusan.

Ipinagpalagay naming kasama sa listahan ng mga wanted ang mga artistang aktibo sa militanteng kilusan. Kaya nga, sa layuning isulong ang gawaing pangkultura sa nagbagong sitwasyon, nag-andergrawnd na kami.

Ang batas militar ang huling raket ng demokrasyang Pinoy na isinilang ng pag-aarugang Kano noong huling bahagi ng dantaong 19. Ang pinakamatibay na resulta ng nasabing demokrasya ay ang akumulasyon ng yaman at kapangyarihan sa sandakot na pamilyang elitistang nakakabit sa pundilyo ni Uncle Sam, habang ang mayorya ng taumbayan ay naglulunoy sa kahirapan. Naturalmente, ang ganoong kaayusan ay napanatili lamang sa pamamagitan ng todong karahasan ng estado upang sawatain ang pag-aalburoto ng taumbayan.

Sa simula

Freshman ako sa UP Diliman noong 1969. Para makalibre sa matrikula, sumali ako sa isang grupong panteatro na ang pangalan ay UP Mobile Theater. Ang guru namin ay si Wilfrido Ma. Guerrero, naging Pambansang Artista. Nangangastila si Freddie, nagsusulat sa Ingles at isinasalin sa Pilipino. Kabilang sa aming repertoire ang isang-yugtong dulang “Wanted: Muchacho” na may mga tauhang Pinoy na sinisiklot ng tunggalian ng palipas na mga kostumbreng Kastila at nauusong kaugaliang Amerikano.

Noong panahong iyon, ang UP Mobile Theater, na nagbabayan-bayan sa pagpapalabas, ay igpaw sa tradisyon ng lehitimong dulaan – dahil, ayon sa turong kolonyal, ang teatro, upang maging lehitimo, ay kailangang ipinapalabas sa mga prestihiyosong tanghalan, gumagamit ng kagalang-galang na wika, kabilang na ang pagiging Ingles.

Ang ganitong artistikong paghuhusga ay nagsantabi sa sining at panitikan ng mga katutubo at ng mga mayoryang grupong etnolinggwistikong Pilipino. Kung ang teatrong Pilipino ay masasabing teatro, iyon ay segunda klase.

Ngunit ang pinakatampok sa akreditasyon ng lehitimong sining at panitikan ay ang kung paanong ang mga iyon ay umaayon at nagpapatatag sa status quo. Ang sining at panitikang umiistorbo sa status quo ay tinatatakang subersibo, gaya ng mga dulang sedisyoso, may kalahating dantaon na ang nakakaraan.

Hamon ng bagong kilusang pangkultura

Kasabay ng pagsali ko sa UP Mobile Theater, may bagong kamulatang nagkakahugis sa kampus – isang aktibismo na nagsasabing ang sistemang panlipunan ang maysala sa siklo ng kahirapan at korapsyon na bumibiktima sa taumbayan. Inusig nito ang isang naghaharing uri at ang patron nitong dayuhan bilang promotor ng paghihirap at nakikinabang sa korapsyon. Iginiit nito ang isang agresibong nasyonalismo, pambansang identidad at tunay na hustisya’t demokrasya. Kung paanong ang aktibismong ito ay mabilis na nakilala sa pagiging radikal, ganoon din iyon kabilis sa pagkabig ng mga disipulo -- isang simulaing naghihintay na maihayag, maiguhit sa kanbas, awitin, isadula.

Noong una ay dula-dulaan lamang ng mga grupong walang pangalang artistiko. Pagkatapos ay nakilala na ang Samahang Kamanyang, Panday Sining, Gintong Silahis, Tanghalang Bayan, Nagkakaisang Progresibong Artista-Arkitekto, Siningbayan, Panulat para sa Kaunlaran ng Sambayanan, Tambuli at iba pang grupong pangkultura sa labas ng Maynila. Kabataan-estudyante ang panimulang kasapian, na naging multisektoral kalaunan. At naganap: Isinilang ang kilusang pangkulturang humamon sa sining at panitikan ng status quo sa Pilipinas.

Ang mga ideya, tema, tauhan at tunggalian ay hinango namin sa pakikibaka at pangarap ng mga karaniwang taong nagpapatakbo ng pabrika at nag-aaruga ng bukirin. Sila ang mayamang bukal ng dramatikong materyal na nagpabulaklak sa aming panulat at pinsel.

Upang mas mainam na lumikha ng sining at panitikan, ang mga artistang bayan ay nakipamuhay sa masa, natuto sa kanila, sumali sa kanilang digma, nakibahagi sa kanilang mga pangarap.

Ang pinagpapalabasan namin ay plasa, patyo, basketbulan, palengke, plantasyon, welgahan, pati ang gate ng Clark Airbase. Ngunit hindi gaya ng dati kong mobile theater na nagtatanghal sa mga komunidad bilang isang outreach program, ang teatro ng kilusang masa ay nagpapapalabas bilang gawi ng buhay. Nagpapatawa rin ang teatrong iyon. Ngunit ang mas matingkad nitong papel ay ang paghimok sa marurungis at di-nakapag-aral upang mag-organisa, at umigpaw sa kanilang kaapihan at pagkaalipin.

Sa pagyaman ng praktika, nagawa naming iangat ang karanasan sa antas ng karunungan. Sa pagyaman ng karunungan, naintindihan namin ang teorya at ang pagpapalawig nito para sa instruksyon at sistematikong pagsasanay.

Harangan man ng sibat

Nakuha namin ang atensyon ng gobyerno, tiniktikan kami. Dumagsa ang mga ulat ng panggigipit. Naroong pigilan kami sa pagpapalabas o pagdaraos ng palihan. O kung nagpapalabas na, biglang mawawalan ng kuryente. O kami’y babatuhin at papuputukan. O aarestuhin. Ang mga ito ay tumindi sa pagbulusok ng kalagayang pang-ekonomya at pampulitika. Ubos na ang argumento ng gobyerno. Ang ipinagdidiinan na lamang nito ay ang panganib ng isang "teroristang planong komunista."

Taong 1971, sinuspinde ni Marcos ang pribilehiyo ng writ ng habeas corpus bilang pasakalye sa martial law.

Ilang buwan bago ang deklarasyon ng martial law, lahat ng organisasyong pangkultura sa teatro, panitikan at sining biswal ay nagbuklod sa isang alyansang tinawag naming Konsehong Tagapag-ugnay ng Rebolusyonaryong Sining (Kontres).

Pagkalipas ng panimulang pagkagimbal sa deklarasyon, pinlano ng Kontres ang pag-angkop sa kondisyon ng batas militar. Kung paanong maiikutan ang batas militar – iyon ang nag-aapoy na usapin. Sinubok namin ang mga dulang iglap. Itinanghal ang mga ito kung saan maraming tao, gaya ng palengke o simbahan kung may misa. Tatlo o apat na aktibista ang gagawa ng eksena na tumutuligsa sa diktadura at mananawagan sa mga tao upang itakwil at labanan ito. Tapos, karipas na sila nang takbo bago dumating ang mga sundalo.

Ang mas nagtagal na paraan ay ang pagbubuo ng mga bagong grupong mistulang inosente, gaya ng isang tinawag naming Babaylan, pangalan ng katutubong pinunong espiritwal. Muling binuhay ng Babaylan ang dramang relihiyoso at ritwal ng masa, na pinalamnan namin ng pagtuligsa sa diktadura.

Mula sa andergrawnd, naglabas rin kami ng mga publikasyong pangkultura na naging daluyan ng rebolusyonaryong sining at panitikan. Hindi miminsang niligalig ng mga iyon ang rehimeng militar.

Paglalaon, ang kilusang antipasista ay pinasigla sa hayag ng mga grupong panteatro sa kampus, gaya ng UP Repertory Company. Kabilang sa mga itinanghal nito ay ang mapangahas na “Pagsambang Bayan” na hayagan kong inialay sa aking kapatid na babaeng artista sa teatro, na dinukot, ginahasa at pinaslang ng militar noong 1977, kasama ng siyam na iba pa. Ang Philippine Educational Theater Association ay tumampok rin sa sunod-sunod na produksyon ng mga dulang kontra sa diktadura. Sa Visayas at Mindanao, naging tuntungan ng gawaing pangkulturang antipasista ang network ng mga simbahan.

Sa kasagsagan ng batas militar noong dekadang 70, binuo ng Kontres ang maliliit na pangkat ng mga manunulat, artista sa teatro at artista sa sining biswal upang ipadala sa kanayunan. Doon, sa piling ng masang magsasaka at katutubo, mas malaya silang nakisangkot sa pagpapaunlad ng mapagpalayang sining at panitikan.

Sa dakilang eksodong ito sa kanayunan, at maging sa kilusang lihim at hayag sa kalunsuran, naging kawangki ang mga artistang bayan sa paglaban sa diktadurang US-Marcos. Di-mabilang ang naaresto, ikinulong, tinortyur, ginahasa, pinatay. Isang henerasyon ng mga makabayan at makamasang artista at manunulat ang lumikha ng tradisyon ng militansya at walang-hanggang paglilingkod sa sambayanan.


Masigabong pag-oorganisa at pagsubok sa estetika

Noong 1981, inalis ni Marcos ang batas militar. Alam ng lahat na kunwari lang iyon, paper-lifting, dahil ang lahat ng presidential decree, general order, at iba pang tuntunin ng batas militar na siya lang ang may gawa ay siya pa ring sinusunod bilang pamantayan ng peace and order at pamamahala. Lahat ng opisyal ng burukrasya na itinalaga niya, laluna ang mga galing sa AFP, ay hindi natitinag sa kani-kanilang pwesto. At – sa kaisipan ng madla, naroong nakatanim na ang kamalayan ng batas militar bilang kalakaran ng pamumuhay.

Gayunman, sinamantala ng mga artistang bayan sa mga komunidad ng buong kapuluan, pati na sa malalayong lalawigan ng Luzon, Visayas at Mindanao, ang pagkakataon upang pag-ibayuhin ang pag-oorganisa at pagtatanghal sa hanay ng masa. Ang dekadang 80 ay kinatangian ng walang humpay na pagbubuo ng mga grupong pangkultura at popularisasyon ng iba’t ibang porma at obrang artistiko sa teatro, panitikan, sining biswal, musika at sayaw, kabilang na ang sa Moro, lumad at sambayanang Cordillera. At maging sa mga pook na naaabot ng mamamatay-taong vigilantes, ang mga artistang bayan ng Mindanao ay nagtatanghal. Gayundin, sinimulang tanganan ng mga artistang bayan, gaya ng mga nasa AsiaVisions, ang teknolohiya ng video para sa ibayong pagpapalaganap ng mensahe ng kilusang mapagpalaya.

Ang bunga ng kambal na dambuhalang pagsisikap sa organisasyon at produksyon ay buong-buong makikita sa kalagitnaan ng dekadang 80.

Noong 1983, ang asasinasyon ni Sen. Ninoy Aquino ay kumumbinsi maging sa mga sumang-ayon na sa "awtoritaryanismong konstitusyonal” na dapat ipagpatuloy ang pakikibaka laban sa rehimen -- bagay na siyang ipinupunto, sapul simula, ng kilusang pambansa-demokratiko. Pagsapit ng 1986, ang daigdig ay sasaksi sa isang penomenon, na tinatawag na People Power, na nagpatalsik sa diktadurang Marcos.

Sa pagluklok sa poder ng gobyernong Cory Aquino, ang mga artistang bayan ay nagbuklod sa isang pambansang network na tinawag naming Bugkos. Ito’y binuo sa panimula, ng mahigit sa 300 organisasyong pangkultura ng mga manggagawa, magsasaka, estudyante, kabataan, maralitang lunsod, katutubo. Pumaloob sa Bugkos ang mga panrehiyong alyansa at network ng Cordillera (Dap-ayan ti Kultura iti Kordilyera), Visayas (Dungog), Mindanao (Mindanao Community Theater Network at Mindanao Council for People’s Culture), Bikol (Kaboronyogan), Southern Tagalog (Makabayang Alyansa sa Sining Anakpawis), Central Luzon (Buslo) at Metro Manila (Sining).
Maging ang iba’t ibang institusyong pangkultura sa Luzon, Visayas at Mindanao ay nagbuo ng isang samahan na tinawag namang Consortium of Institutions for People’s Culture.

Naganap sa Bugkos ang masigabong interaksyon ng mga artistang bayan ng iba’t ibang grupong etnolinggwistiko. Sa kanilang pagkakaiba-iba, pinagtibay nila ang pagkakawangis ng mga pakikipagtunggali ng isang sambayanang naghahanap ng pambansang identidad, kalayaan at demokrasya. Pinagtibay rin ng Bugkos ang pagsusuri na samantalang ang bagong gobyerno ay siya nang namamayani sa estado, ang tinatawag na power relations, at ang sistemang sosyoekonomiko ng lumang kaayusan ay naroon pa rin, namamayani at bumibiktima sa taumbayan.

Nauna rito, ang mga artista at manunulat sa mga komersyal na daluyang masmidya, kasama ang iba’t ibang personalidad sa pelikula, ay nagsimulang maging aktibo sa kilusang antidiktadura. Nabuo ang Free the Artist, Free the Media, na nang maglaon ay naging Concerned Artists of the Philippines.

Pumiling sa masa, tumangan sa ideolohiya

Hindi naging banayad ang paglalayag ng Bugkos. Sa paglawak ng kilusan ng mga artistang bayan, nagsulputan ang samutsaring suliranin. Subalit napatunayan nito na ang ang sining at panitikan ng mga artistang bayan ay makikipagmatagalan lamang sa panahon hanggang ang mga artistang nabanggit ay nasa piling ng kilusang masa. Kapag sila’y nahiwalay sa taumbayang kanilang pinaglilingkuran, mahihiwalay na sila sa realidad at di-malayong maligaw. Ang mga kagilagilalas nilang pakikipagsapalaran ay mauuwi sa kabiguan.

Makikipagmatagalan rin tayo sa panahon kung ang mga artistang bayan ay magpapakatibay sa ideolohiyang pinagmumulan ng karapatdapat na komitment, kapwa sa sining at pulitika. Opo, taliwas sa pagkasuklam sa ideolohiya ng ibang tipong artista, dapat tayong tumangan sa bukodtanging ideolohiyang nagliliwanag sa isip at nagpapatatag ng loob upang patuloy na makalikha maging sa pinakamahihirap na kabanata ng buhay-at-kamatayang pagtatanghal ng ating digma at paglaya. ###

Prof. Bienveinido Lumbera

EDUKASYONG PANITIKAN NG MGA PILIPINO
Binigkas sa Philippine Cultural Summit 2006 ng Amado V. Hernandez Resource Center
September 12 – 14, 2006, St. Michael Retreat House, Antipolo City

Magandang umaga po. Bago ako magsimula ipaliwanag ko muna kung bakit pinili kong paksain ay ang edukasyong panitikan, literary education, sa mga Pilipino. Ang kung paano tinulungan ang mga kabataang Pilipino nitong panitikan ay isang paraan upang maging ganap ang kolonisasyon ng mga Pilipino sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano, at ang kolonisasyon na yan ay nagpapatuloy sa ating panahon. Kasi yung kulturang dala ng panitikang Kanluran ay nagkaron ng malalim na bisa sa kamalayan ng mga Pilipinong intelektwal, yung mga nasa akademya, kasi sila ang nagtuturo ng mga panitikan sa ating mga kabataan. Ang aking pag-uulat ngayong umaga o pagdiskusyon ay ang tungo sa paglilinaw kung bakit ang panitikang nililikha ng mga Pilipino ay may ganitong katangian at kung paano sa panahon ng huling pagbangon ng nasyonalismo noong Dekada 1960 ay nagkaron ng pagbabago ang mga nilalaman, pararaan, at layunin ng malikhaing pagsusulat.

Magsisimula ako sa paglilinaw ng wikang pang-turo, na Ingles, ay nagkaron ng impluwensya kung bakit ang mga akdang pinag-aralan ng mga kabataan sa paaralan, mula elementarya hanggang kolehiyo, ay naglalaman ng mga kaisipan, na sa ating panahon at saka mula sa pananaw ng Kilusang Pambansang Demokrasya, ay mga kaisipang reaksyonaryo. Wikang Ingles, ang wikang pangturo. Kaya ang mga akdang binasa ay galing sa Estados Unidos o sinulat ng mga Pilipino na natutuhan ang pagsusulat sa wikang Ingles. At sapagkat ang kanilang pinagaralang panitikan, bilang paghahanda para sila ay maging manunulat, ay ang mga akdang sa kulturang burgis ng Kanluran na lumitaw ay dinadala ito sa mga akdang lumalabas sa ating lipunan, noong sa elementarya, nung matandang subject na itinuturo ay ang Language. Ang tinutukoy ko dito ay ang sistema ng edukasyon sa pagitan ng aking panahon atsaka ang latent. Ang aking panahon ay umaabot ng hanggang 1940 kaya nandun pa ang malinaw na tatak ng kolonyal na edukasyon. Language ang tawag, at ang mga babasahin ay makikita natin, ang mga halimbawa sa mga textbook na inedit ni Cameo Osiyas, tinatawag na Cosiyas-readers, at dito sa librong ito halos ilan-ilan lamang ang mga akdang sinulat ng mga Pilipino o pumaksa sa kultura ng mga Pilipino. Ang mga malalaking bahagi ng seleksyon ay mga galing sa iba’t ibang bansa sa kanluran. Sa makatwid, yung Kosiyas-readers kasi grade four na yata yan nagsimula, yung introduksyon ng ating mga kabataan, tinutukoy ko dito ang mga kabataan na kahit pa noon ay minsan nagiging guro at siya’y humahawak ng posisyon na nagpalaganap sa panitikan, ang mga seleksyon ay galing sa iba’t ibang bansa sa kanluran at ang resulta ang mga kabataan ay itinutok sa kultura na iba sa kulturang kanilang kinagisnan. Sa pananaw ng mga kolonyalista ng panahon na iyon, yon ay upang ang mga Pilipino ay mapasulong tungo sa panahon na sila’y makakaagapay sa kultura ng Kanluran.

Pero kung ating lilingunin yung mga ganong pamamaraan ng pagtuturo ng panitikan, iyon ay isang paraan upang ang mga Pilipino ay maiwalay sa kulturang Rebolusyon ng1896 at ang kultura ng panahon ng pakikibaka ng mga Pilipino laban sa kolonyalismong Amerikano. Sa high school nagsimula ang pormal ng introduksyon sa panunulat. Merong text book na batayan ng pag-aaral. Ito ay English-American writings at English-American literature. Ang mga seleksyon ay hango sa panitikang Inglatera at panitikang Estados Unidos. Kung bakit English and American literature ang introduksyon para sa mga Pilipino na inahahanda para makapagkolehiyo ay unang dahilan ang language of instruction, bilang pangturo, ay Ingles.

Samakatwid, pinakamadaling damdamin, mga galaspag, na sa habang panahon ay hindi nag babago. Importante itong paglilinaw na yung universal at immortal kasi pagdating ng panahon ng aktibismo sasalungat ito ng kaisipan na nagsasabi “ang katotohanan ay hindi nakapirmi, ang katotohanan ay hindi iisa, depende palagi sa konteksto, ang itinatawag na katotohanan.” Pagdating sa kolehiyo, dahil Ingles ang wikang pangturo sa elementarya, high school at kolehiyo, ang sino mang studyante na naghahangad maging guro sa wikang Ingles o kaya maging isang manunulat ay walang medyo mapupuntahan kundi English literature o American literature. Nakakatwa dahil bakit ang isang Pilipino na naghahangad matutukan ang pagbabasa at pagsusuri sa panitikan ay palaging sa American at saka English literature padadaanin.

Ang isang katangian ng panitikang galing sa kanluran ay yung dumating sa pamamagitan ng kursong ang major na English literature o American literature ay yung pagpapahalaga sa indibidwal, pagpapahalaga sa anyo ng pagkakasulat, ang husay ng paglalarawan kapag tuon sa mga pormal na katangian ng panitikan. Sa halip na kung paano ang isang akda ay umaakit sa mga magbabasa na umugnay sa tunay na buhay sa lipunan. Pinalitaw na ang panitikan ay may sariling buhay. Ang panitikan ay hindi laging nakaugnay sa tunay na buhay, na ito ay pwedeng pag-aralan nang hiwalay sa mga nagaganap sa lipunan.

Ngayon, ang unang ganitong introduksyon sa panitikan, ang pagbasa ng mga Pilipino ng panitikan ay hinukob ng kanilang karanasan sa panitikan ng kanluran. Sa halip na ang pagbasa ng panitikan ay isang pag-uugnay ng magbabasa sa buhay sa kanyang kapaligiran, sa buhay ng lipunang kanyang sinilangan, sa buhay na kanyang kinabibilangan. Ang kamalayang umiiral sa hanay ng mga nagpapdalubhasa sa panitikan ay kamalayang hinubog ng kultura ng kanluran. Madalas tawagin ang ganitong proseso na “westernization”, na ang mga Pilipino ay ginawang taga kanluran sa pamamagitan ng kanilang mga pagaaral ng panitikan.

Ngayon ano ang naging bisa nito sa pagsusulat ng mga author na Pilipino at sa pagsusuri ng mga kritikong Pilipino sa romantikang likha sa Pilipinas. Ang panitikan na galing sa kanluran ay panitikan, syempre, na bunga ng karanasan ng mga tao sa lipunan sa kanluran. Maaring merong pagkakahawig ang mga karanasan ng mga Europeo, mga Pranses, Aliman, ng mga Amerikano, mga Ingles, sa mga karanasan ng mga Pilipino. Pero merong simplicity, merong mga partikularidad ang kultura ng mga Pilipino na hindi umaayon sa kultura na kanilang nababasa sa panitikan sa kanluran. Ang pwedeng maging epekto nito ay hangarin ng mga Pilipino na yung kanilang nababasa sa panitikan ng kanluran ay danasin din nila o tularan nila. Maari namang ang epekto nito ay hindi nila nauunawaan kung bakit ganun ang kilos, bakit ganun ang pangdamdam ng mga tao sa panitikang kanluran, mga pinagaaralan. Kabuuan ng arkitektural, nandon ang pagkahiwalay ng mga nagaaral at nagsusulat ng panitikan sa Pilipinas sa aktwal na danas na idinudulot ng mga pangyayari, ng mga takbo ng pagiisip sa lipunan ng mga Pilipino.

Sa kanluran, nung dekada 1940s-50s, even earlier, ay umiral sa kanluran ang panunuri sa panitikan na binansagang “new criticism”. Yon ay kritisismo na sumalungat sa naging kalakaran ng kritisismo sa lipunang Amerikano nung panahon na ang Estados Unidos ay nagdaraan sa tinatawag na Great Depression, nung panahon ng malaking kagipitan ng mga Amerikano. At ang panunuring pampanitikan na naging malaganap sa panahong yoon ay panunuring para tignan pano inimpluwensyahan ng mga kaisipan, mga tunguin ng panunuring pampanitikan sa Unyon Soviet

Ang impluwensya ng Sosyalista at Komunistang kaisipan ay naging bahagi ng kultura ng mga intelektwal sa Estados Unidos noong 1930-1940. Ang hinahanap ng mga kritiko at manunulat noon sa mga akdang nilikha sa kanilang panahon ay yung tinatawag na proletarian: proletarian experience, proletarian characters, proletarian sentiments and so on. Naging malaganap ang ganitong panunuring pampanitikan at nasantabi yung paghahanap ng mga unibersal at immortal na mga katangian ng panitikan. Sa bandang 1940 nagsimula nang magkaron ng malakas na reaksyon ang mga nasa akademya sa Estados Unidos. Sawa na raw sila sa paghahanap ng kaugnayan ng panitikan sa buhay sa lipunan, boring na, kaya ang napagtuunan ng pansin ay ang pagsusuri sa akda upang hanapin kung ano ba ang katangian ng akda na nagbibigay dito ng katawagang artistiko o artistic. So nandoon sa pagsusuri sa porma, sa anyo, pamamaraan. At ang ganitong kritisismo ay nagsimulang tawaging new criticism.

Natapat sa panahon ng Cold War ang ganitong pagsibul ng new criticism. Sa Cold War kasi naging matindi ang kumpetisyon ng kultura ng mga kapitalistang bansa, tulad ng Estados Unidos, Inglatera, at Sosyalistang pagpapahalaga sa karanasang panglipunan. Yung Cold War ay sinabing tunggalian ng dalawang idyelohiya: idyelohiyang Kapitalismo at idyelohiyang Sosyalismo. At sa ganitong tunggalian, sinuportahan ng pamahalaan ng Estados Unidos, sa pamamagitan ng CIA, ang panibagong pagugod sa consciousness o kamalayan ng mga intelektwal sa lipunan. Ang pinakamahalaga ay yung pagsusuri pampanitikan na sinabing paghahanap sa mga katangiang artistiko ng may-akda, yung pagbibigay sa akda ng sariling buhay. Pagkalikha sa isang akda, yon ay nagkakaron ng sariling mundo at hindi kailangan ito ay iugnay sa mundo ng realidad. Sa ganitong pananaw ay naging malaganap, at ang akademya ng Estados Unidos ay nagsimulang maging muog ng new criticism. Kaya yung mga manunulat, kritiko na nagdaan sa unibersidad sa panahong ito ay lubos-lubosang napainugud na maging bahagi ng kilusang new criticism.

Sa Pilipinas nung 1940, ikalawanghati ng 1940, nang ang Pilipinas ay muling sinakop ng Estados Unidos, nagkaron ng programa ang pamahalaang Estados Unidos, sa pakikipagtulungan ng panitikan ng pamahalaan ng Pilipinas, magpadala ng mga intelektwal sa Estados Unidos… Syempre ang layuning itong malinaw ay akitin yung mga intelektwal na Pilipino na umanib sa Estados Unidos. May panglikurang dahilan dito, dahil ang ikalawang bahagi ng 1940 ay panahon ng pagkabalisa ng mga lipunan sa Central Luzon. Lumabas ang impluwensya ng Partido Komunista ng Pilipinas, at bunga ng ganitong kalagayan, nandoon yung posibilidad na yung mga intelektwal, mga periodista; mga author, ay maakit na pumanib sa mga Komunista. Kaya ang programang cultural exchange sa pagitan ng Estados Unidos at Pilipinas ay isang politikal na programa upang ang mga guro, mga manunulat, mga intelektwal ay ipailalim sa impluwensya ng Estados Unidos.

So yung maraming mga manunulat ang ipinadala sa Estados Unidos, nagaral sila para sa graduate degree sa mga unibersidad sa Estados Unidos o kaya ay binigyan sila ng travel grant, nag-obserba sila sa iba’t ibang unibersidad tungkol sa creative writing at nung sila’y bumalik sa Pilipinas syempre sila ay new critics na. Ang mag-asawang Tiempo ay siyang nagpasimula ng new criticism sa Pilipinas. Sila ay nakabase sa … University, at sa pamamagitan ng workshop na kanilang itinayo, ang mga manunulat, mga intelektwal na magiging kritiko ay hinubog sa mga hinubog na mga kaisipan ng new kritisismo.

Sa bandang 1960, nagkaron ng hiwalay na pagsibul ng mga organisasyong pang-kabataan at ang mga organisasyong na ito ay may ibang oryentasyon sa oryentasyon ng akademya. Samantala ang mga nasa akademya ay masiglang nagpapalaganap ng mga ideya ng new criticism. Yung mga organisasyong pangkabataan, yung pinangunahan ng sa simula …, sa UP pagkatapos ng Kabataang Makabayan ay naghimagsik na sa pagtuturing sa panitikan bilang isang hiwalay na larangang ayaw magpakita ng kaugaya nito sa nagaganap sa lipunan . Ngayon, yung issue ng art against propaganda ay naging matingkad sa panahon na ito. Ano ba yung puon ng tunggalian sa pagitan ng sining ika nga at saka ng propaganda? Sinasabi nila na ang sining ay isang larangang malinis, isang larangang dalisay, pure, at ang propaganda ay isang larangan na kataliwas ng sining. Kasi pilit iniuugnay ng propaganda ang sining at ang pagkilos ng mga artista sa mga nagaganap sa lipunan. At saka sa ganung paraan nababahiran ng di kanaisnais na mga katangian ng lipunang kilusan ang panitikan. So pati kahit ang art against propaganda sa taon dekada 1950.

Ngayon sa pagsibul ng mga aktibistang organisasyon, ang mga konsepto tungkol sa panitikan sa unibersidad ay nasimulang hamunin ng mga kabataan, at ang sa paghamon na yan, ang mga kaisipan ni Claro M. Recto ay naging panimula para sa pagbabago sa paningin tungkol sa kalagayan ng Pilipinas. Malakas ang reaksyon ng mga Amerikano sa mga ideya ni Recto na nagdidiin sa pangangailangan ng mga Pilipino na magisip ng hiwalay sa mga Amerikano, at pinatuyan ang lakas ng impluwensya ng Estados Unidos nang si Recto ay magkumandidato sa pagka-presidente. At sa hanay ng apat na kandidato, siya ang lumabas na kulelat nung magkaron ng eleksyon. Ito ay tanging, hindi lamang sa impluwensya ng mga Amerikano, pero nandun rin yung impluwensya ng simbahan na bansag kay Recto bilang isang komunista. Pero hindi na mapigilan ang pagsalungat ng mga bagong kaisipan sa mga ideya ng new criticism. Ang organisasyong Paksa, ay isang organisasyon na tahasang nagpahayag na ang panitikang nililikha ng mga tao…

…tahasan naguugnay sa likhang pampanitikan sa mga nagaganap sa lipunan, para sa kaunlaran ng sambayanan. Merong social mission ang pagsusulat para sa mga kabataan sa Paksa. Yoon ay salungat, syempre, doon sa paniniwalang pinalaganap ng new criticism na hiwalay sa lahat ng mga nagaganap sa lipunan ang isang akdang pampanitikan, sapagkat ang akdang pampanitikan ay sining na kailangang magkaroon ng dalisay na katangian bilang isang likhang pangsining.
Nag-iba ang pagtingin sa panitikan mula ng lumitaw ang Kilusang Makabayan. Ang isang konsepto na lumitaw sa pamamagitan ng panitikan … na paksa panitikang pangmasa, panitikan na ang nilalaman ay hinango mula sa karanasan ng masa at binigyan ng anyo ang sining upang ito ay bumalik sa masa, panitikan mula sa masa, tungo sa masa. May tatlong katangian na hinahanap ng panitakang pangmasa: na ito ay maging makabayan, maging siyentipiko, at maging pangmasa. Syempre ang usaping ng panitikang pangmasa ay malaganap sa mga kabataan sa labas ng unibersidad. Sa loob ng unibersidad ay patuloy pa rin na pinaiiral ng mga guro, at mga manunulat na nasa akademya ay ang mga kaisipan ng new criticism. …

Ngayon siyentipiko, nandoon yung pagtatakwil sa mga pyudal na kaisipan sa mga ideyalistang kaisipan na dala ng imperyalismo at ng pyudalismo. At yung sa pangmasa, ang panitikan ay itinuturing isang paraan upang ang nakakarami sa sambayanan ay mapukaw tungo sa paghahangad na kumilos upang baguhin yung kalagayan na ang mga nangingibabaw sa lipunan ay mga nasa uring elitista. Ngayon, so magkakaron ng pangangailangang baguhin ang mga reaksyonaryong pamantayan na pinalaganap ng new criticism. Ang mga manggagawa, magsasaka, mandirigma na hindi nagdaan sa burgis na pag-aaral ng pagsulat at pagbasa ay siyang nais maabot ng panitikang pangmasa. Kaya yung mga burges na konsepto tungkol sa panitikan, na hindi naman naging bahagi ng edukasyon ng nakararaming Pilipino, ay patuloy pa ring tinuligsa dahil ang mga kaisipan ng burgesya ay sa awa ng panahon ng kolonyal na pagaari ng Estados Unidos ay naging bahagi na ng kamalayan ng mga Pilipino kahit na ang mga Pilipinong hindi nagkaron ng mataas na edukasyon.

Ang isang kaisipan na kinailangan isulong ng Kilusang Pambansang Demokrasya ay yung ideya ng popularisasyon at pagtataas ng pamantayan, popularization and raising of standards, ayon sa pananalita ng Yenan Forum. Ano ba yung kung ang kalagayan ng maraming mga mamamayan ay siningil sila at ang kanilang kaisipan sa pamamagitan ng kolonyal na edukasyon, nandun yung pangangailangan na sila ay maisabay sa pagsulong ng bagong panitikan ngunit pano ito magagawa? Kapagka sa panahon ng new criticism, sinasabi ng mga kritiko “Ang isang manunulat ay lumilikha ng akdang itinuturing niyang sining, at ang mga magbabasa na siyang may tungkuling iangat ang kanyang sarili upang maabot nila ang pamantayang kinakailangan upang mapahalagaan yung akda nung mahuhusay na awtor.” So nandun lagi yung paniniwala na hindi mo sinusugalan ang panlasa ng nakararami, kung ang isang akda ay tunay na mahusay ito ay siyang dapat tangkaing maabot ng mga magbabasa. Syempre sumasalungat ito sa katotohanan, sa lipunang Pilipino na nakararaming mamamayan ay tunay na napagiwanan ng mga sinasabing kaunlaran sa paglikha at pagsusuri ng panitikan. Paano ngayon makakaabot ang mga manunulat sa mga taong napagiwanan ng pagunlad ng intelektwal sa ating lipunan? Palagi bang ang paghahalagahan ay ang likha ng mga awtor at sining ng mga awtor kahit na ang mga nakararaming mamamayan ay walang kakayahang magpahalaga sa likha ng mga awtor na ito. Ito ay isang usapin na naging matindi at may kaugnayan na rin ito sa paniniwala na ang awtor ay merong katayuang nakakaaangat sa lahat ng mamamayan, na ang awtor ay namumukod dahil siya ay isang artista, isang taong makasining at hindi dapat pakialaman ang kanyang ginagawa, ang kanyang paglikha.
Pero sa isang kilusan, hindi mangyayaring iwanan ng mga intelektwal ang nakararami. So umangat yung kwestyon tungkol sa popularisasyon. Ngayon kailangan din maitaas ang pamantayan ng panitikan. Papaano mapagtatagpo ang popularisasyon at ang pagaangat ng pamantayan? Ito ay isang usapin na tinalakay na sa panayam ni Mao Tse Tung sa Yenan Forum. Ito ay naging gabay ng mga aktibistang manunulat na kabilang sa Paksa. Ang edukasyong pampanitikan ng mga Pilipino samakatwid ay nagdaan sa yugto na hinubog ito ng kolonisasyon ng mga … nagsimulang magkaroon ng reaksyon sa dekada 1960 nang ang Kilusang Makabayan ay nagsimulang…

Pero ang mga usapin tungkol sa sining ay nanatiling malaking suliranin at ang naging tunkulin ng mga nasa Kilusang Pambansang Demokrasya ay ihanap ng mga, hindi naman solusyon kundi ihanap ng mga pagsusuri ng pagpapahalaga sa akda bilang isang likha na nag-uuganay sa nagaganap sa lipunan na hindi naman sinasakripisyo ang pagiging sining ng akda. Sa ating panahon, may bago nang yugto na nagsisimulang mabuo sa edukasyong pampanitikan ng mga Pilipino. At ito ay paghahanap ng mga pamantayan na nababagay sa mga akda ng mga Pilipino, nababagay sa kasaysayan ng mga Pilipino, nababagay sa kultura ng mga Pilipino. Sa halip na mga pamantayang hiniram sa mga dayuhan, mga pamantayang minana ng panitikan sa Pilipinas bunga ng edukasyong kolonyal na tumubo sa mga kabataan sa panahon ng kolonyalismo. Paano gagawin ito… pamantayan umakop sa kalagayan ng mga Pilipino. Kakailanganin na magkaroon ng pagkilala sa mga akda na sulat ng mga Pilipino, na pagkilala sa nilalaman nitong mga akdang ito, at pagkilala sa kasaysayang humubog sa mga dangasan.

May mga panimulang paglilinaw kung paano magagawa at ang isang paraan na naiharap na sa mga mambabasa ay yung pagbibigay halaga sa pagtanggap ng mga mambabasa sa isang akda. Mapapansin ninyo na sa kahoy ng mga akdang nilikha sa ilalim ng impluwensya ng new criticism, ang mga mambabasa ay hindi na pinaguusapan, hindi problema ang mga mambabasa. Nawari baga, ang mga babasahin nandiyan lamang, lumilikha ang mga awtor. At pagkatapos malikha yung akda, bahala na ang mambabasa kung paano niya pahahalagahan yung akdang nilikha. Pero, sa isang kilusang makabayan, sa isang kilusang naglalayon na isulong ang pangmasang panitikan, hindi mangyayaring ibukod ang mambabasa at ang impluwensya ng mambabasa sa pagpapahalaga sa isang nilikhang sining. Kaya’t ito ngayon ang siyang hinahayaang pagtuunan ng pansin ng mga kritiko, alamin kung sa paanong paraan mapapahalagahan ang pagtanggap ng mga mambabasang Pilipino sa isang akdang nilikha ng awtor na Pilipino, kung papaano ang likha ay hindi para lamang makabuo ng isang nilikhang sining kundi upang ang isang akda ay makaabot, magkabisa sa kamalayan ng mga mambabasa. Hanggang dito na lamang ang aking pagpapaliwanag sa edukasyong pampanitikan ng mga Pilipino, at nasa hantong na magkakaron tayo ng talakayan pagkatapos..

Prof. Ed Villegas

Komersalisasyon ng Sining at Panitikan
sa ilalim ng Kapitalismo

Sa panahon ng globalisasyon ay lalong tumitindi ang komersalisasyon ng sining at panitikan sa ilalim ng kapitalismo. Ang nagiging pangunahing pakay ng karamihan na mga publiser, produyser at iba pang nagpopondo sa mga artista at mga manunulat ay kumita ng malaki ang kanilang mga produkto – mga libro, sine, palabas at CDs sa palengke. At ito din ang nagiging layunin ng mga kilalang manunulat, halimbawa, sina Robert Ludlum, Stephen King, J. K. Rowlings at iba pa, kaya binabagay nila ang laman at istilo ng kanilang mga sinusulat sa kung anong madaling magustuhan ng mga konsumer. Sa madaling salita ang komersalisasyon ng sining at panitikan ay pinapababaw ang damdamin at pagunawa ng mga tao sa mga bagay-bagay.Ang pasimuno ng ganitong gawi sa panahon ng globalisasyon ay ang mga kapitalista sa sining at panitikan sa Estados Unidos. Sinasamantala nila ang mga madaling paigtingin na damdamin at tendensiya ng mga tao na mayroon din ang mga hayop, kagaya ng pagnanasa sa laman( sex), biolenteng emosyon, at katakutan (horror) upang kaagad mabili ang mga produkto nila. Kung kailangan ng kaunting imahinasyon ay ginagawa nila yung madaling maintindihan ng madla kagaya ng mga pantasiya (Spider Man, Superman, Lord of the Ring).

Kinakalat din ng mga namamayaning uri sa kultura ang mga heneral na ideya na wala naman batayan sa kongkretong kalagayan ng mga nakakaraming tao. Halimbawa, ang mga idealistang pananaw nila tungkol sa kalayaan, katarungan, pag-ibig, global village at iba pa na lumulutang sa ulap, ika nga.. Kailangan malaman na ang mga heneral na ideya ng tao na pinapairal ng mga naghaharing uri sa nakaraan at kasalukuyan ay kalimitan hango sa obhektibong kalagayan nila, sa partikular, ng kanilang kabuhayan sa lipunan. Halimbawa, ang depinisyon ng kalayaan ng tao ng mga sinaunang pilosopong Greigo nagmumula sa panggitnang uri(Aristoteles) at aristokrasiya(Plato) ay batay sa interes ng kanilang uri. Di ba ayun kay Aristoteles may mga tao na likas na walang kalayaan at ito ay mga alipin na binansagan niyang mga “nagsasalitang kasangkapan”? Di ba sabi ni Plato ang mga magsasaka at manggagawa ng isang lipunan ay di dapat makailam sa pulitika sapagkat gawain lamang ito ng mga intelektwal?”. Ito ay dahil ang mga intelektwal noong panahon na yun na galing sa panggitnang uri at aristokarsiya, kasama na sina Aristoteles at Plato, ay di makakagawa kung anuman ang kanilang kinakaabalahan kung walang manggagawa, magsasaka at alipin sa lipunan..

Ang mga abstraktong heneral na ideya ng mga intelektwal ng mga naghaharing uri sa kasalukuyan ay nagagamit upang pagsamantalahan at pahirapan ang iba. Halimbawa, ang ideyang “demokrasiya” at “kalayaan” na binabandila ni Bush at mga kasama niya sa Iraq ay “halalan” lamang ng kanilang mga sinusuporta at walang saysay sa buhay ng karaniwang Iraqui na ngayon ay lalong naghihirap dahil sa okupasyon na ginagawa ng Estados Unidos sa bayang ito. Lalong tumindi ang kawalan ng serbisyo sosyal para sa mga Iraqui dahil pagkatapos masalanta ang bayan nila nagdatingan ang mga korupt na mga negosyante Amerikano na nakakuha ng kontrata sa kanilang pamahalaan upang itayo muli daw ang mga inprastruktura sa Iraq na nawasak ng bomba ng kanilang hubko.

Mahalaga ipakita sa panahon natin ang tunay na kalagayan ng mga tao na napipinsala sa pagmamayani ng kultura ng komersaslisayon sa sining at panitikan. Kailangan ilantad ang mga mapalinlang na mga heneral na ideya ng iilang nangingibabaw na uri sa ekonomiya at pulitika, kagaya na kanilang mga pananaw sa kalayaan, pagibig at kaganapan ng isang tao. Kailangan ipaalam sa madla na ang ugat ng mga ideya ng mga naghaharing uri na ipinapakalat ng mga binabayarn nilang mga alagad sa sining at panitikan ay naka-ugat sa kanilang kanaisan na panatilihan ang kaugalian ng kanilang uri.

Ang mga problema ng mga myembro ng burgesiya pati na ng mga peti-burgis sa mga kapitalistang bansa ay hindi problema ng bilyun-bilyung tao naghihirap sa gutom at kawalan ng trabaho sa daigdig. Ang hinaing ng kawalan ng kahulugan sa buhay (angst ang tawag ng mga peti-burgis na intelektwal na Aleman, “absurd” ang tawang ng mga Pranses peti-burgis), paghahanap sa sarili (looking for one’s identity ng mga Kanong burgis at peti-burgis) at Freudian problems sa sex ng mga burgis at peti-burgis na nagiging mga paboritong paksa sa maraming manunulat sa Estados Unidos at Europa na kumakalat na sa ilang manunulat sa ating bansa ay di problema o pangunahing problema ng bilyun-bilyun mahihirap ng daigdig kasama na ang mga Pilipino. Imbes na mga problema ng burgesiya ang atupagin natin, isulat natin at ilarawan sa sining ang matinding depresyon ng mga manggagawa, magsasaka at iba pang dehadong sektor sa lipunan kung hindi sila makahanap ng trabaho, ang pagkawala nila ng pagkatao dahil sa nararanasang pagkutya at pangaapi ng mga nakakataas sa kanila at ang iba’t-ibang anyo ng relasyon nila sa ibang uri. Paksain natin ang pananaw sa kalayaan ng mga tao sa gitna ng kanilang kahirapan.

Mga kasama, sa panahon ng krisis at rebolusyon ng isang lipunan kagaya ng dinadaanan natin ngayon, doon lalong umiigting ang mga damdamin at hinaing ng masa. Noong panahon, halimbawa, bago at pagkatapos ng rebolusyon sa Pransiya noong 1789, naglabasan ang mga mahuhusay na akda tungkol sa buhay ng masa sa Pransisya, “Nouvelle Heloise” ni Jean-Jacques Rosseau, “Candide” ni Voltaire, “Les Miserables”(Ang Mga Mahihirap) ni Victor Hugo, at iba pa. At ito ay sa mga nobela lamang. Sa Rusya noong panahon ng kaguluhan sa lipunang ito bago at pagkatapos ng rebolusyong Bolshevik, nalathala ang mga nobela ni Fyodor Doestoevsky tungkol sa kalagayan ng masa “Poor People”, “House of the Dead”, ni Nikolai Gogol “Dead Souls”, tungkol sa korupsyon ng burukrasiya ng pamahalaan ng Czar, at ni Maxim Gorkay “In the Lower Depths”, isang mahabang dula tungkol sa pagkawala ng dignidad ng mga mahihirap.

Masasabi natin na sa ating kasaysayan mismo, noong panahon ng “Propaganda Movement”, na tinatawag ng mga aktibista na “Unang Rebolusyon Kultural sa Pilipinas” bago sumapit at pagktapos ng rebolusyon 1896, naglabasan ang mga nobeleta ni Padre Burgos “La Loba Negra”, tungkol sa pagaabuso ng mga prayle. ni Lopez Jaena “Padre Butod”, isang satirikong akda tungkol sa isang korupt na prayle, mga nobela ni Rizal, mga sanaysay ni M.H. del Pilar at Mabini at tula ni Bonifacio. Sa mga nabanggit, ang mga akda ni Bonifacio at Mabini ang mas malapit sinasalamin ang tunay na damdamin at adhikain ng masang Pilipino noong panahon na iyon dahil nang sumiklab ang rebolusyon, libo-libong Pilipino, ang ilan ay galing sa mga tinatawag na ilustrado, ang sumanib sa himagsikan. Nakalimutan na nila ang paksa ni Rizal at ibang propagandista na gawing probinsiya ng Espanya ang Pilipinas at magkaroon ng representasyon sa Cortes ang mga Pilipino.

Ang layunin namin sa AVHRC ay bigyan ng expresyon ang mga hinaing at ideya ng demokratikong masa ng Pilipinas, ang mga manggagawa, magsasaka at iba pang dehadong sektor sa ating lipunan at di ng kanilang mga nagpapanggap na lider galing sa burgesiya, peti-burgesiya na inaalagaan ng mga dayuhang imperyalista. Ang kultura, sa partikular, ang sining at panitikan, ay kailangan paunlarin ang kakayahan ng masa sa pagunawa ng tunay nilang kalagayan at pagsasalarawan nito sa sining at panitikan.. Nagsimula ang sining at panitikan sa kasaysayan ng tao bilang behikulo ng pagpapahiwatig ng tuwa, kalungkutan at pagkikipagsapalaran ng madla at ng mga indibidwal na naapektuhan ng problema ng lipunan. Ngunit, sa takbo ng kasasayan, sa pag-igting ng pribadong pag-aari ng mga kasangkapan ng produksyon, na-hijack, ika-nga, ang sining at panitikan ng mga kapitalista at ginawang produkto ito na nilalako nila sa kanilang palengke. Ang resulta ng ganitong sitwasyon ay ang kababawan ng kultura ng kinakalat ng globalisasyon ng mga kapitalista. Masasabi na ang napababaw na tao ay madaling lokohin at pagsamantalahan.

Ibalik natin ang sining at panitikan bilang isang paraan ng pagpapalalilm ng pagintindi ng tao sa tunay na kalagayan ng kanilang lipunan. Di namin tinatatwa na may kalayaan naman ang isang manunulat o artista na gumawa ng isang akda na may katuturan lamang sa kanyang sarili o iilang piling tao, halimbawa, ang mga comma poems ni Jose Garcia Villa o ang nonsense poem ni Lewis Carrol na “Jobberwocky”(ngunit kailangan tandaan na ang “Alice in Wonderland” ni Carrol ay isang satirikong kuwento tungkol sa monarkiya ng Inglaterra noong panahon na yun, kagaya ng “Gulliver’s Travels” ni Jonathan Swift). Ngunit, kailangan malaman na ang pagawa ng mga akda na may katuturan lamang sa sarili o iilang tao ay nangyayari sa isang kontekstong sosyal. Kailangan malaman na ibig palaganapin ng mga nangingibabaw na uri ang mga ganitong akda dahil ito’y nakakatulong sa pananatili ng kanilang interes sa kapahamakan ng nakakarami. Ang mga kapitalista ay maaaring suportahin at palawakin pa ang mga akda sa sining at panitikan na walang katuturan sa problema ng isang lipunan, halimbawa, ang sining pantasiya. Sa naghaharing uri mainam na ang mga intelektwal at artista ay walang paki-alam sa pulitika kung saan sila ang naghahari.

Ngunit, pagkinggan natin ang sinambit ni Otto Rene Castillo, isang bantog na manunula ng Guatemala na nanalo ng maraming parangal sa Latin Amerika at sinunog na buhay ng mga reaksyonaryong Hukbo ng bayan niya sa pagsusuperbisa ng CIA pagkatapos mahuli sa isang engkuwentro. Namatay siya sa edad ng tatlong po’t isa noong 1967.

Ayun kay Castillo isang araw darating ang mga mahihirap at magtatanong sa mga intelektwal na walang pakialam sa pulitika:

“Sa araw na yun,
ang mga simpleng tao ay darating,
sila na walang lugar
sa mga aklat at tula
ninyo mga intelektwal na walang paki-alam sa
pulitika
ngunit araw-araw ay naghahatid
ng inyong tinapay at gatas,
ng inyong tortillas at itlog,
silang nanahi ng inyong damit
nagmamaneho ng inyong sasakayan,
nagaalaga ng inyong aso at hardin,
at nagtratrabaho para sa inyo,
at magtatanong sila:
“Anong ginawa ninyo habang ang mga mahihirap
ay nagdurusa, habang ang kalambingan
at buhay
ay dahan-dahan nauupos sa kanila?”

Mga intelektwal na walang pakialam sa pulitika
ng aking bayan,
di kayo makakasagot.

Ang buwitre ng katahimikan
ay lalapain ang inyong kalooban
Ang inyong kahungkagan
ay nga-ngatngatin ang inyong budhi
At di kayo makakasalita
sa inyong kahiyaan.

(Galing sa Tula ni Otto Rene Castillo, “Para sa Mga
Intelektwal na Walang Pakialam sa Pulitika”)

Palaganapin natin ang mga akda sa sining at panitikan na nagsasalamin ng tunay ng kalagayan ng masang Pilipino sa panahon natin ngayon ng matinding krisis na tinatahak ng ating bayan.

Palaganapin ang sining at panitikan tungo sa landas ng pagpapalaya.

Mabuhay kayo!

Dir. Joel Lamangan

SENSURA SA PELIKULA AT ANG KALAGAYAN NG INDUSRIYA NG PELIKULA
Binigkas sa Philippine Cultural Summit
ng Amado V. Hernandez Resource Center

September 12 – 14, 2006, St. Michael Retreat House, Antipolo City

Magandang-magandang hapon sa inyo mga kasama. Natutuwa ako at narito ako. Nakita ko ang mga dating kasamahan, propesor, at mga kaibigan..

Hindi ako ang dapat narito ngayon dahil ang naimbita ay si Dirketor Carlitos Siguion-Reyna upang tumalakay sa kanyang assigned topic. Pero siya ay pinadala namin sa Kuala Lumpur dahil mayroong kumperensya ng mga manggagawang pampelikula na nagaganap doon. Bilang kasapi ng nagkakaisang manggagawa ng pelikulang Pilipino, na bagong tatag lamang noong isang taon, ako ang naatasang pumalit sa kanya. Walang papel na nabuo dahil mabilisan ang pagbabago ng aming pakikipag-ugnayan sa avhrc.

Naatasan sa akin na talakayin ang kasalukuyang kalagayan ng industriya ng pelikulang Pilipino, at kaakibat ang topic sa sensura. Ngayong hapong ito, magandang sipatin talaga natin ang tinatawag nating industriya ng pelikulang Pilipino. Bigyan natin ito ng siyentipikong pagtanaw sa kung ano bang klaseng industriya ito. Ito ba ay totoong industriya?

Tingnan natin kung ano ba ang sine. Ang sine na pinapanood natin, pumapayag na ngayong ng mahigit na 100 piso. Doon sa mga first class mall umaabot sa 250 to 300 upang makapanood ka ng sine. Hindi kagaya noong unang panahon, noong dekada sisenta at setenta, na mura lang ang sine. Ngayon, ang nakakapanood lang ng sine ay ang makakapag-shell-out ng 200/ 300 para makapanood ng sine. Ano ba ito? Itong sine ay pinagtagni-tagning mga imahe ng isang kuwento o kasaysayan batay sa interpretasyon ng grupong gumagawa ng pelikula. Ang pelikula bilang sining ay hindi ginagawa ng isang tao, kundi ginagawa ng isang komunidad ng tao. Sa isang pull-out (isang araw na shooting) ng shooting na komersyal/ mainstream, may 150 to 250 na manggagawang involved sa pagbuo ng sine. Lahat ng involved doon, most of them ay casual/ di permanente. Kundi man, arawan ang bayaran. Ang casual sa sine, kung gaano katagal ang shooting ng sine, ganoon din kalayo ang iyong trabaho. 25 days, 15 days, ngayon uso na ang 8 o 7 days. Pagkatapos noon wala ka na uling trabaho. Maghahanap ka na uli nang panibago. Walang tinatawag na seguridad sa mga manggagawa roon sa pelikula. Ang may seguridad lang, ang kapitalistang nagpo-produce ng sine.

Ano bang pagkakaiba ng sining na ito sa ibang sining? Ito nga ay binubuo ng komunidad na gumagawa. Maraming taong involved sa pagbuo nito. Maraming utak sa pagbuo nito, bagama’t ito’y pina-pilot ng isang direktor, at galing sa utak minsan ng grupo ng mga writers. Pero sino ba talaga ang nasusunod pag ito’y komersiyal? Ang nasusunod doon ay ang naglalabas ng pera. Ang prodyuser. May isang direktor na papasok. Mayroon siyang ideya. Sabihin nating kakaiba. Maganda. Subalit sa tingin ng prodyuser hindi kikita. Hindi iyon kukunin. Hindi iyon magiging pelikula. Ang sine ay dapat tingnan bilang isang produkto at negosyo. Saan papasok ang pagka-sining nito?

Iba ang pelikula na ang target ay upang maging sining. Iyon ay totally different animal. Iba yung pelikulang parang gumagawa ng kendi, na ginagawa ngayon. Para kang gumagawa ng kendi every week. Para iyon lang ang gusto ng tao. Iyon lang ang ipapakita mo. Yoong mga gustong ipakita ng prodyuser sa pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulan, na ang dapat mo lang gagawin ay ang mga produktong ayaw magpaisip sa tao. Dahil natatakot sila, na pag nag-isip ang tao, pag gumawa ka ng isang produkto magpapaisip sa tao, mamumulat ang tao sa katotohanang sila ay inaapi, sila ay pinagsasamantalahan, na kailangan talaga ang rebolusyon. Ayaw nila iyon.

Bakit hinahayaan na ganito na lamang ang pinapalabas? Sapagka’t ito ay umaayon sa plano ng kung sino man ang kumo-kontrol sa industriyang ito, umaayon sa existing na rehimen o pamahalaan, at nang manatiling nasa status quo ang lahat ng nangyayari. Pansinin ninyo, ano bang pelikula ang nagkaroon ng tema na tungkol talaga sa mga manggagawa? Wala. Anong pelikula ang talagang tumalakay sa malalimang problema ng mga magsasaka? Wala. Bakit? Bawal. Bagama’t hindi sinasabi, bawal. Mayroong kalakaran na pumapalaot na ito ay hindi maari, dahil ito ay hindi ipo-prodyus. Hindi ito magkakaroon ng katuparan. Ano ang mangyayari? Magkakaroon ng mga karakter ng mga manggagawa, pero yung malalimang pag-aaral ng pagiging manggagawa, wala. Mayroong karakter na magsasaka, pero walang malalimang pagtalakay sa magsasaka at kanyang mga kontradiksyon, hinaing, at mga programa sa buhay niya. Hindi iyon hindi pinapayagan. Iyon ay bawal. Kung mayroon mang mga tendensiya na tumalakay ang isang pelikula tungkol sa pag-aklas ng tao laban sa kahirapan at pagsasamantala, iyon ay nagiging karampot lang na bahagi ng isang buong pelikula.

Noong dekada sitenta, nagkaroon ng mga ganoong pagtatangka. May mga pelikulang nagnanais na magladlad ng katotohanan, gaya ng ginawa ng mga pambansang artista sa sining kagaya ni Brocka, Bernal. Pero sa kasalukuyang panahon, na tinatawag nating globalisasyon, kung saan lumawak ang produktong Amerikano at tinalo ang produktong Pilipino sa box office, wala nang pinapayagan na gumawa ng anything political. Magtangka ka man, may sensorship na agad sa pag-iisip mo pa lamang. Hindi na makakakuha ng buhay ang iniisip mong ideya dahil bawal na. Hindi puwede iyan. Hindi iyan kikita. Iyon ang kalakaran sa komersiyal na pelikula.

Ngayon, gaano ba ka halaga ang sining na ito? Napakaimportante ng sining na ito dahil napakaramin tao ang nanonood dito. Dahil napakaraming tao ang naiimpluwensiyahan ng sining na ito na maaaring magdulot ng consciousness na mali sa katotohanan. Napakahirap pumasok sa loob ng sining na ito at magsabing mayroon akong ideya na maka-rebolusyonaryo, na magpapakita ng katotohanan, dahil naka-set na ang mga big-wigs ng production outfits. Ayaw na ayaw nila iyon.

Dapat nating pag-aralan nang mahusay kung bakit napakaraming nanonood ng mga pelikulang tinatawag nating basura? Wala namang sinasabi. Dahil kaya wala ng naibibigay na ibang uri ng panoorin? Bilang manggagawang pangkultura dapat lagi nating isipin na maaaring mayroong lengguwahe na nakikita ang ating mga manonood sa mga porma at estilo na ipinakikita sa telebisyon at sa pelikula, na maaari nating gamitin upang maging instrumento ng pagmumulat sa ating mga kasamahan. Imbes na itaas natin ang ating kilay, at i-condemn ang nakikita natin sa komersiyal na panoorin, dapat nating isa-konteksto ang mga napapanood natin at dapat magkaroon tayo ng pag-aanalisa kung bakit kahit ganyan ay maraming nanonood. Gamitin natin ang estilo upang mapaniwala at mamulat natin muli ang ating mga kasama, at mga kasamahang nawala na.

Sa mga festivals abroad, marami na rin akong napuntahan, noong una akong nananalo tuwang-tuwa ako. Wow nanalo akong best picture. Wow nanalo nag artista ko ng best actress. Wow kinilala ako. Pero unti-unti kong na-realize, pinapalakpakan pala ako dahil ang pelikula ko, tungkol sa third world. Natutuwa sila dahil ang pelikula ko, nagpapakita ng sinasabi nilang exotica. Pinapalakan ako dahil third world ako. Ang ipinapakita ko ay kahirapan. Ang ipinapakita ko ay kabaklaan. Panalo. Dahil gusto nilang makita na third world lang tayo. Gusto nilang manatili tayong third world. Gusto nilang makita na maganda ang pagkagawa mo ng isang third world na pelikula para palakpakan ka. Inanalays ko kung bakit ganoon ang pagtingin sa isang third world artist. Hindi kailanman makakaagapay bilang kapareho nila. Pag tumalakay ka ng mga universal issues na kaya naman nilang gawin, hindi ka na nila kikilalanin. Pero pag tungkol sa kahirapan, slums, kabaklaan at exotica, doon ka lang nila kikilalanin. Bagama’t maganda ang iyong pelikula, titingnan lang nila ito bilang very good third world movie.

Ano ang nangyayari sa industriya ng pelikulang Pilipino? Dahil sa maraming rason, ito ay nasa kondisyong halos patay na. Sabi ka ni Roland, kakaunti na lang ang pino-prodyus na pelikulang Pilipino. Noong 2005, there are about 30 something. Ngayong 2006, mga 25 na lang. Bakit? Dahilsa pagwawalang-bahala ng gobyerno sa kondisyong ito ng pelikula. Wala namang malinaw na programang pampelikula, o pangkultura ang pamahalaan. At kahit sabihin nating nagbibigay sila ng 5 million pesos sa kung sinumang maaaprub na ma-prodyus ng film development council, nakadepende pa rin ito sa temang gagamitin mo. Kung nagbigay ka ng temang politikal tungkol sa malawakang pagpatay ng rehimeng ito, hindi iyon maaaprub. Kung gagawa ka pelikula tungkol sa eleskyon na fake, na siya ay fake na presidente, hindi iyon maaaprub.

Napakataas ng tax na ini-impose sa industriyang ito. Ito ang may pinakamalaking tax sa lahat ng industriya. Napakalawak ng piracy. Hindi ito makalaban sa in-flux ng pagdating ng hollywood. Hindi ito makalaban sa takilya dahil iba naman ang market ng hollywood. Ang market ng hollywood ay buong mundo. Ang market ng Pilipinas ay dito lamang sa Pilipinas. Samantalang may tinatawag na kontrol ang ibang bansa tungkol dito, tayo nananatiling wala. Sa Korea, may kontrol. Halimbawa ang Warner Bros. ay nag-prodyus ng tatlo, may batas sila na kailangan silang mag-prodyus ng isang lokal. Nanana tiling malamig ang pamahalaan sa estado ng industriya. Hindi nila ito tinitingnan bilang isang industriya o sektor pang-ekonomiya. Tinitingnan lang nila ito bilang tagapag-aliw at tagapagpaiyak na kinakailangan nila tuwing eleksiyon. Samantalang may posibilidad na maging economic power ang industriyang ito kung magkakaroon lang ng maliwanag na programa tungkol dito. Dapat bigyang pansin ang pagma-market dito sa ibang bansa sa isang siyentipkong paraan. Hinuhuthutan lang ang industriya, pero hindi naman tinutulungan. Ang mga proyuser at takot sa pamahalaan. Natatakot nga ako na gigising na lang tayo isang araw at ang magkukuwento ng mga kuwento natin ay HBO at CNN. Wala nang gagawa dahil patay na.

Ang mga batang na gumagawa ng independent film ang pag-asa kung mabibigyan ng tuwirang direksyon sa kung anong market ang dapat nilang i-target, at mabigyan ng oryentasyon sa mga pelikulang dapat nilang gawin. Ang mga kabataan bata ngayon, wala naman talagang ginagawang totoong political movie. They are all individual expressions. Walang socio-political inovolvement. Hindi kasama sa isang mass movement.

Kaya namin binuo ang nagkakaisang manggagawa ng pelikulang Pilipino (ito ang mga marginalized sector sa pelikula, mga extra, stuntman, projectionist, lagarista, bookers, takilyera, crew sa production, sa shooting, at sa post-production) na umaabot sa 10,000 na pamilya. Pero napaka-volatile pa ang sitwasyon. Pinag-aaralan pa kung paano ito mapapaunlad dahil napaka-piyudal ng set-up sa isang pelikula. Napakalakas ng takot panginoong prodyuser, panginoong may-pangalang artista. Halimbawa FPJ, Bong Revilla, Rudy Fernandez, at Sharon Cuneta. May mga taong ang loyalty nila ay parang isang sakada sa isang panginoong maylupa. Itong malalaking tao ang nagbibigay sa kanila ng pero tuwing pasko. Kawang-gawa ang tinatawag. Pag may nasaktan sa kanila, hihingi, bibigyan ng pang-ospital. May ganoong uri ng loyalty. Kaya napakahirap iorganisa ang mga ito. Hindi pa siya isang sektor, dahil hindi nga niya maipagtanggol ang kanyang sarili. Wala siyang mukha. Ang parating nakikita ay ang mukha ng artista. Bagama’t kasapi nila ang mga artista, mas maraming mukha sa likod ng kamera. Mas malawak ang nagpapawis para mabuo ang pelikula. Ang mga manggagawa ang pinaka-insecure dahil wala naman silang SSS, GSIS, at security of tenure. Sila ay nanatiling may trabaho kung kinuha sila ng direktor o artista na kaibigan nila. Or else, wala na silang trabaho sa isang taon o dalawa. Dalawang pelikula sa dalawang buwan lang. Magkano ang sweldo nila? Mura lang. Pero nananatiling naririyan sila dahil nakikita sila ng mga kamag-anak nila sa pelikula at pinapalakpakan sila, bagama’t kakaunti ang kanilang sinasahod. Ang Mowelfund, na isang government agency na itinayo ni Erap, ay nagbibigay ng insurance sa mga manggagawa. Pero kakaunting manggagawa lang ang kaya nilang isama. Hindi kasama ang mga non-formal sector na binanggit ko sa inyo. Ang mga kasama lang ang mga editor, director, at production designer. Ang mga nasa upper bracket lang kasama. Ang mga nasa lower bracket o non-formal walang gumagawa nun para sa kanila. Kaya binuo ang nagkakaisang manggagawa ng pelikulang Pilipino.

Ganyan ang sitwasyon sa ngayon. Halos lahat ng tao sa pelikula ay walang trabaho. Umaasa na lang ngayon sa telebisyon. Telebisyon na ngayon ang pangunahing source ng income. May mga manggagawa sa pelikula na hindi maka-transfer sa tv dahil hindi nila alam ang midyum. Dahil walang mahusay na pagsasanay para malaman ang bagong midyum ng telebisyon. Ang mga iyon, wala na silang lahat na trabaho. May mga nakatira na sa kanila sa sementeryo. Ang iba naman napunta sa mga relocation sites.

Sana magkaroon ng pag-aaral sa tv. Ang tv ang pinaka-potent na midyum sa kasalukuyan dahil napakalawak ng sakop nito. Nasa bahay ka lang at palipat-lipat ng channel. Hindi ka nagbabayad ng 100 hanggang 200 pesos. Nagbago na ang uri ng mga nanonood ng pelikula. Hindi na nanonood ng pelikula ang mga nasa below poverty line. Umaasa na lang sila sa pirata. 30 pesos lang, isang barangay na ang nakakanood sa kanila. Hindi sila gagastos ng 200 pesos. Bibili na lang sila ng bigas. Ang mga nanonood na lang ngayon ay ang upper middle class. Pero ang audience ng tv, iyon ang pinakamarami. Iyon ang dapat nating pag-aralan.

Ngunit bakit ba nariyan ang sensura? Bakit ba sila nilagay diyan? Sila ay pulis ng rehimen para mapanatili ito sa puwesto. Upang walang makagawa ng anumang bagay na makakapagpainit sa kalooban ng mga tao nang sila ay mag-aklas dahil sa kanilang kalagayan. Kaya naririyan ang MTRCB. Anumang rehimen ay may sensura. Sabi nila wala raw. Pero meron, kasi naging miyembro ako noon. The mere fact na dinidiscourage mo na gumawa ng ganitong mga topic, sensura iyon. Bakit ganito nahulma ang utak ng mga gumagawa ng pelikula sa mainstream? Dahil hindi na sila makaisip ng iba pa. Hindi na sila binibigyan ng pagkakataon na umisip ng iba pa dahil bawal, sensored. Sa punto ng estilo at content, hulamado na. Dapat ganito ang lalabas. Other than that, hindi puwede dahil ayaw ng prodyuser na mapaaway at makabangga ang sensura, sa gobyerno o kung anumang kumakatawan sa estado. Nariyan ang sensura para pangalagaan ang ineteres ng pamahalaan.

Mamaya na natin palawakin ang usapan sa pamamagitan ng inyong mga katanungan. Hanggang dito na lamang. Maraming salamat.

Prof. Roland Tolentino


KULTURANG POPULAR, IMPERYALISTANG GLOBALISASYON AT GAWAING KULTURAL

Binigkas sa Philippine Cultural Summit ng Amado V. Hernandez Resource Center
September 12 – 14, 2006, St. Michael Retreat House, Antipolo City

Magkalinawan muna tayo. Sino ka ba sa kulturang popular? Ikaw ba ang mangangalakay at basurera sa bundok ng Payatas na handang gumasta ng ilang pisong tinging tipid-load para tignan kung mabuti ang lagay ng iyong mga musmos na anak sa paanan? Ikaw ba ang pumila sa Ultra Stadium isang lingo bago ang anniversary show ng Wowowee para sa pagkakataong maging kontestant—sa pila ka na kumain, natulog, nag-alaga ng anak, at namatay? Ikaw ba ang kabataang nagtratrabaho sa fastfood o call center na nagkaroon ng instant na pang-ekonomiyang kapangyarihan, nakabili ng bagong cellphone, nakatulong sa gastusin sa bahay, pati pag-aaral ng nakakabatang kapatid, at kayang bumili sa nagsulputan tulad ng kabuti na 24/7 na mga outlet ng pang-araw-araw na pangangailangan? Ikaw ba ang manggagawang bumibili ng pirated na DVD player—pinapili ka pa nga ng brand na itatak sa iyong makina--para magpalabas ng isiniksik na siyam na pelikula sa pirated na dividi? Ikaw ba ang anak ng magsasakang sa hacienda sa Villa Escudero, na tumutulong sa pangongopra sa tag-ani at sa ibang panahon ay pinagsasayaw ng tinikling at pandanggo sa ilaw sa resort ng hacienda? Ikaw ba ang muy bueno familia na hindi kukurap sa anumang nais mapasaiyo, madalas pa nga ay ang produkto at serbisyo ang lumalapit sa iyo? Ikaw ba ang intelektwal na nakakabili ng art at cult films sa Quiapo, nakakapag-ukay sa Anonas at Baguio, nakakabili ng segunda-manong mature (mateorya) na libro sa Booksale? At huli, ikaw ba ang aktibistang nakikibaka laban sa imperialismo, burukrata kapitalismo at pyudalismo, gayong sa labas ng publikong politikal ay isa ka rin sa mga naunang identidad?

Paano maging aktibista sa larangan ng kulturang popular? Kung itong politikal na gawain ay nanghihimok ng nasyonalisasyon ng industriya, hustisya sosyal at tunay na kalayaan, bakit naninigarilyo ka pa rin ng Marlboro o Winston, nakasuot ng Levi’s o Wrangler, nakikinig sa alternatibong mga banda, nasisiyahan kapag nakakakain sa Jollibee o McDonald’s at kapag nagmo-malling sa SM, ang entidad na nakaperfekto ng subcontractual labor praktis sa bansa? Madaling sabihin na napakalaganap na ng kulturang popular na hindi na tayo maaring makatakas pa rito. Kung gayon, bakit pa tayo nakikibaka sa pambansa at pandaigdigang antas kung hindi rin pala mapapagpag ang imperialismo at ang kulturang kaakibat nito? Bakit sa hanay ng aktibismo ay nakikita ang politikal at kultural bilang magkaibang spero ng gawain—hardcore at purista kapag usaping politikal, samantalang kontradiktoryo, kundi man hypokritikal, sa usaping kultural. Pwede ka bang maging aktibista na sabayang gusto ang kulturang popular at ang imperyalistang kulturang kaakibat nito, at ang pakikibaka para sa sambayanang inaapi, kung saan integral ang kulturang popular sa pagpapadaloy ng kaapihang ito?

Mag-prayer meeting muna tayo—gunitain ang operasyon ng kulturang popular at matapos, magkaroon ng malalim na paninindigan para sa tunay na kultural na transformasyon ngayon pa lamang. Kung tunay na kaakibat ang kultural na rebolusyon—na oposisyonal na sasagka sa naghaharing elitista, pyudal at kolonyal na kultura—sa politikal na masang pakikibaka, lalo na sa gawaing rebolusyonaryo (literal at figuratibo), hindi ba’t ngayon pa lamang ay sustenidong nagsusulong na ng kulturang nasyonalistiko, syentipiko at makabayang kultura—ang mga salik ng mismong kultural na rebolusyon? Tila ba ibang spero ng gawaing politikal ang gawaing kultural, magkasalikop lamang kapag nagtatagpo sa masang kilusan? Instrumento lamang ba ng gawaing politikal ang gawaing kultural, ginagamit sa politisasyon, mobilisasyon at organisasyon ng masa? Kung hindi, paano ba sisipatin ang gawaing kultural para maging mabisang pwersa, tulad ng politikal na gawain, sa politikal na transformasyon na may relatibong autonomiya ng dalawang mahahalagang spero o ng partikulardad ng gawaing kultural, sa isang banda, at sa kabilang banda ay ang pagkalahatang diwa ng rebolusyonaryong gawain—ang paglulunsad ng rebolusyonaryong kultural na kamalayan sa rebolusyonaryong politikal na gawain na may sabayang pagkabig sa politika at kultura? Maari bang ang politisasyon ay kaabikat ng kulturalisasyon, paglulunsad ng kontra-namamayaning kultura, at politika na rin?

Sa sanaysay na ito, nais kong bigyan-diin ang gawaing kultural sa rebolusyonaryong gawain na sabayang may natatangi at pangkalahatang ugnay sa politikal na rebolusyonaryong gawain—natatangi dahil ang mismong gawaing kultural ay tumutumbas sa relatibong autonomiya ng spero sa pagbabaklas ng namamayaning kamalayan at pagkilos, nakaugnay dahil hindi lalampas sa potensyal ng politikal ang gawaing kultural—nananatiling nakapaloob ang anumang pagtatangkang baguhin ang pangkamalayan sa aktwal na kondisyong panlipunang pinamamayanian ng pambansang saklaw ng tradisyunal na politika. Ang pakahulugan ng rebolusyonaryong gawain ay antitetikal sa namamayaning ekonomiya, politika at kultura ng gobyerno sa partikular, at estado sa pangkahalatan na nagdulot ng mabigat na paghihirap at pambubusabos sa nakararami at nagbiyaya sa iilan, mga pambansang kubrador sa partikular. Ito ay sumasakop mula sa egalitaryong layunin ng burgesyang lipunan hanggang sa aktwal na rebolusyon ng pambansang demokratikong kilusan; kung gayon, mula sa transformasyong reformista hanggang himagsikan laban sa gobyerno at estado. Sa ganitong pagturing lamang maaring baklasin ang kalayaang indibidwal bilang bahagi ng dispensasyong pang-estado sa binibigyan-pribilehiyong ideal na mamamayan at mamimili (consumer), at pagtataguyod ng aspirasyon para sa kolektibong kalayaan ng bansa laban sa tumitikis at umaapi sa nakararami.

May kakatwang puwang ang malawakang pagtanggap sa kulturang popular bilang normal na operasyon ng karanasan sa pang-araw-araw na imperialismo, burukrata kapitalismo at pyudalismo dahil ito ang pangkaraniwang kulturang binabagtas sa kalunsuran at urbanisadong kanayunan. Kung ang kulturang pyudal—direktang dulot ng kawalan ng edukasyon at maledukasyon na nagbibigay-pribilehiyo sa politika at pang-ekonomiyang pamamatronahe ng panginoong maylupa sa periperi—ang siyang humuhubog sa kamalayang pangkultura sa kanayunan, maaring isipin na ang pangunahing humuhubog ng kamalayan sa kalunsuran at urbanisadong kanayunan ay ang kulturang popular—indirektang dulot ng maledukasyon na nagbibigay-pribilehiyo sa politikal at pang-ekonomiyang pamamatronahe ng burgis komprador sa sentro. Bagamat magkasalikop rin ang mga usapin, ang partikularidad ng kulturang popular sa formulasyon ng kultura sa kalunsuran ay simptomatiko ng namamayaning kultura ng elitista, kolonyalista at pyudal. Maari pa ngang isipin, sa implementasyon ng pambansang kaunlaran ng pamahalaan, ang isang pangunahing motibasyon ng mito ng pag-unlad na ipinapalaganap ay ang urbanisayon at kosmopolitanisyon ng bansa: hindi ba’t ang isang marka ng pagiging urbanisado ng lugar ay ang pagkakaroon ng McDonald’s at Jollibee na ang signage ay kasing-taas ng kampanaryo ng simbahan? o ang paghahanay-hanay ng mga bagong tayong bahay at bungalo sa gitna ng di man lang sementadong kalsada ng mga liblib na lugar ay dulot ng informal na recruitment ng mga OCW sa kanilang kapitbahay? o ang ukay-ukay ng brand labels na sinusuot ng mga taong ni hindi man lang kilala ang mga ito?

Ang mga informal na referensya ng di-pantay na karanasan sa kulturang popular ay indikasyon na malaganap na ang kulturang ito sa paghubog ng namamayaning kultura, at kung gayon, ang kulturang binabagtas at nagsusubstansya sa gawaing kultural. Sa pagpapaliwanag kung ano ang kulturang popular, paano ito ginagamit sa pagpapayaman ng namamayaning kultura, at paano rin ito magagamit para sa pagbalikwas ng sarili nitong operasyon sa gawaing kultural ay mga mahalagang usapin para mailugar ang puwang ng sabayan at magkahiwalay na gawaing kultural at politikal sa pagrerebolusyon. Ang rebolusyon ay mahalagang larangan ng literal at figuratibong espasyo ng transformasyong panlipunan. Isinasaad nito ang pangkamalayan at pangmateryal na transformasyon ng namamayaning kaayusang nagdudulot ng napakaraming pang-uri, sexual, pangkasarian, lahi at etnisidad, henerasyon at relihiyosong opresyon sa nakararami at nagbibiyaya sa iilan tungo sa mas egalitaryo, kritikal na publiko, at tunay na demokratikong lipunan. Kung ang namamayaning kamalayan ang nagdulot ng napakarami at napakabigat na bagaheng pinapasan ng mamamayan na nagpapamangmang sa kanila, ito rin ang nagdulot ng imahe at utopia ng rebolusyon bilang paraan ng pagbalikwas sa loob (kritikal na publiko hindi ng civil society kundi ng people’s party at kilusang masa) at labas (aktwal na rebolusyon).

Ang pagsasaalang-alang sa rebolusyon ay naglalahad ng pananaw sa kulturang popular. Walang nasa labas ng namamayaning kultura—kulturang (sa pangunahin) pyudal sa kanayunan at kulturang popular sa urbanisadong lunan. Gayunpaman, tulad ng rebolusyon, ang isinusulong ng gawaing kultural ay pagbalikwas ng namamayaning kultura sa loob (kritikal na publiko ng kilusang masang nagbibigay-diin, sa pangunahin, sa pang-uring politika) at labas (aktwal na rebolusyon, pagtatatag ng sosyalista o kontra-estado ng kasalukuyang lipunan). Sa isang banda, ang sosyalismo ay nananatiling lehitimong utopia sa kasalukuyang dystopia ng masibong korapsyon at paghihikahos; at sa katangian ng utopia, ito ang kolektibong fantasy-ideal kung bakit nanlalaban at nakikisangkot pa rin tayo. Ito o ang wholesale na pagbili sa kasalukuyang predikamento ng kumikitid na panlipuang mobilidad (pangunahin, ang call center at OCW) at ang misrekognisyon na mabuti naman pala ang kolektibong lagay. Sa kabilang banda, ang sosyalismo ang direksyon ng kultural na gawain—pagtutol sa politikal na pagpaslang, sa pagpatay sa mga peryodista, anti-chacha (charter change) at rebolusyon, halimbawa--na nagbibigay-diin sa makabuluhang papel ng people’s parties, kritikal na media, at institusyong nagbabantay at nagtatag ng pambansang soberenya. Ito o ang paglulusaw sa bisyong sosyalismo—kawalan ng kumpiyansa sa progresibong politika, pagsasaalang-alang ng mito ng deglobalisasyon sa edad ng umiigting na neoliberalismo, pagtanggap ng administratibong posisyon sa burukrasya ng kasalukuyang pamahalaan--at kung gayon, pagpapaluwang sa espasyo ng kolonyal at elitistang demokrasyang puno’t dulo ng pagsustina sa pang-ekonomiyang paghihirap ng sambayanan.

Pinangungunahan ko na ang aking argumento. Magsimula tayo sa ilang matingkad na katangian ng kulturang popular, kung paano ito nagnonormalisa ng namamayaning kultura. Maglalahad ako ng apat na tesis tungkol sa kulturang popular sa namamayaning kultura at ang gawaing kultural. Kaiba ang usapin ng kulturang popular bilang aparato ng paghahari ng estado at pagbabalikwas nito ng kontra-estado. Nanghihimok sa gamit ng dahas, hindi aktwal na gumagamit ng dahas ang kulturang popular. Ang sanaysay ay tatalakay sa magkakasalikop na usapin ng kulturang popular dulot ng pag-igting sa kita ng kulturang industriya sa panahon ng imperyalistang globalisasyon. May apat akong nakikitang bahagi ang papel: una, komodifikasyon ng luho bilang pangangailangan; ikalawa, ang tunay (real) at politikal; ang intelektwal na gawain; at ang kultural bilang politikal na gawain. Tatalakayin ko ang usapin ng resureksyon ng Wowowee sa telebisyon, ang proliferasyon ng cellphones at text messaging, ang dominasyon ng Hollywood at ang pag-unlad ng dokumentaryong kolektibo (Sipat/Kadao/ST Exposure), at ang digital film movement ng kasalukuyang panahon bilang paraan ng pagpapalawig sa apat na paksa. Nilalayon ng papel na linawin ang usapin ng kulturang popular bilang insidente ng panghihimok ng negosyo at estado sa naghaharing kaayusan, at ang lalo pang pag-igting ng pagnanais kumita sa edad ng lumalawak na kahirapan sa panahon ng imperyalistang globalisasyon. Nilalayon ding linawin ng papel ang halaga ng kulturang gawain para sa politikal na pagbabago.
Kulturang Popular at Normalisasyon ng Global na Kasiyahan.

Kapag iniisip ang kulturang popular—ng nangangalakay na nanay sa itaas ng bundok ng basura na ginagamit ang kakakurampot na kita para makapagtext sa anak sa bahay sa paanan ng bundok o sa panonood ng romantikong pelikula, halimbawa—ang isinasaalang-alang ay ang relief, na nakakain na ang mga bata at ligtas sa peligro, o ang temporal na pagkalimot ng sariling pagkatao sa sine para tunghayan at pangibabawan ng pagkatao ng mga bida. Hindi naisasaalang-alang ang kakulangan, kung gaano kasaid ang buhay sa paanan at ibabaw ng bundok, ng abang pagkataong pinagkakaitan ng marami pa ring panlipunang oportunidad sa dilim o liwanag man, sa loob at labas ng sinehan. Ang realisasyon ng kakulangan ay isang politikal na muestra, parang pagtataas-kamao, parang automatiko pero may paninindigang politikal—sabayang reafirmasyon sa realisasyon ng kasalatan at ang posibilidad ng transformasyon sa pamamagitan ng pag-igpaw sa sariling predikamento. Kapag narealisa ng isang tao na siya ay salat, may siwang na pamandaling bumukas para sa politikal na interbensyon—naigpawan na niya ang pagtanggap sa inakalang normal na kalagayan, namarkahan bilang kulang, at nanghihikayat na punan ng ibang larangan.

Kung walang politikal na organisasyon sa lugar, kagyat na nagsasara ang siwang na ito, babalik sa normal na dati. Pero hindi tulad ng lingab, hindi ito naghihilom. Parati itong nagmamarka ng kasalatan at ng salat na indibidwal. Maging ang pagtunghay sa sarili bilang salat ay maaring maging normal, tulad ng normalisadong dysfunctionality--may mali pero bahagi ang sablay ng katanggap-tanggap na normal dahil walang ibang naalok na lagusan. At ito ang kapangyarihan ng kasiyahan sa pasakit at pighati, kayang lunukin ng nauna ang huli bilang mismong relief sa aktwal na karanasan sa huli. Hindi katulad ng realisasyon kapag alam mong inaapi ka na, opresibo na ang kondisyon ng iyong paggawa at buhay, hindi ka masaya dahil hindi kasiya-siya ang kondisyong. Pwede kang maging masaya kahit na malungkot ka, napapangibabawan ng kasiyahan ang paghihirap. Kung gayon, ang kasiyahan sa hanay ng naghihikahos ang muestra o manifestasyon ng kanilang relief sa abang kalagayan. Kakatwa ito dahil ang mekanismong sikolohikal—paghahanap ng relief sa gitna ng masibong anxiedad o pagkaatake sa sarili--ay nagiging pagsipat sa pang-araw-araw na buhay sa kasalatan. Iba rin ang turing ng gitnang uri sa kasiyahan dahil reafirmasyon ito sa karanasan ng kanilang uri, ang uring ginagawang batayan ng kulturang popular. Kung magsha-shopping ang gitnang uring indibidwal, kinokonsumo niya hindi lamang ang karanasan ng pamimili kundi ang aktwalisasyon ng ethos ng kanyang uri—nakakapamili at hindi nangangalakay, may kapasidad magdesisyon sa bibilhin, may pang-ekonomiyang kapangyarihan, may politikal na karapatan habang namimili, at iba pa.

Kung mahirap ang nakakagawa ng akto ng panggitnang uri, ito ay pagdanas ng lampas at labis sa kanyang uring pinagmulan. May bumubukas na siwang, at ito ang siwang ng uring kasalatan sa kanyang pinagmulan at kalabisan ng kanyang tinatangkang mapantayan, at sa pagitan nito, ang misrekognisyon na kabahagi na siya ng lampas sa kanyang uri. Ang kakatwa rito, sa kasalukuyang proliferasyon ng kulturang popular, ang mahirap ay parating nasa ipinapadanas ang pang-uring siwang. Sa bawat pagmo-malling, panonood ng telenovella at dividi, sa paglalakad lamang sa kalye, kahit pa pamamalimos ng paslit sa nakaabang mag-go na kotse, maging ang nanay na nangangalakay ng basura ng Jollibee o ang pag-uukay-ukay, hindi maiiwasan ang normalisasyon ng panggitnang uri bilang panuntunan ng pagkamamamayang buhay. Natutunghayan ng mahirap ang mga produktong abot-tanaw, abot-pangarap dahil salamin (sa pagitan ng di bumibiling maller at produkto ng tindahan, o ng namamalimos sa driver ng sasakyan) o dukwang (ng nangangalakay ng tira-tirang pagkain sa fastfood) ang pagitan, o ito nga lang ba? Hindi ba’t kosmos ng kontradiksyong panlipunan, historikal at modernidad ang pagitan ng gitling?

Walang nangarap nang mas mababa sa kanyang uring pinagmulan. Ang tunguhin ng panlipunang mobilidad ay mas mataas kaysa sa aktwal na kalagayan. Hindi ito hiwalay sa pambansang kalagayan sa malawakang kahirapan at iilang karangyaan: “In 2003 per capita gross income was US$1,090, below the $1,390 average for lower-middle-income countries. Refelecting regional disparities, in 2003 11 percent of Filipinos lived on less that $1 per day and 40 percenton less than $2 per day, according to the World Bank.”[1] Tinitiyak lalo ito ng karanasan sa kulturang popular. Nililikha ang kasiyahan bilang normal pero normal na ideal na antas, tinitiyak na hindi aktwal na maabot ng nakararami gayong binibigyan ng aproksimasyon para sa nakararami, parang abot-tanaw lahat ng nakakataas na uring pangarap—parating karatig-hapit kahit pa magkaibang mundo ang pagdanas sa mga ito. Nagagawa ito sa pangunahin ng kulturang popular dahil ang direksyong pinaghahalawan at tunguhin nito ay sa global na pamuntunan. Global ang karanasan sa hamburger (McDonald’s at Jollibee), theme park (Enchanted Kingdom at Disneyland), mall (Robinson, SM at Glorietta), mass transportation (MRT, LRT, LRT2), cell phone (Globe at Smart), panlalakeng underwear (Bench) o pambabaeng underwear (Herbench), halimbawa dahil nakamit ng mga ito ang panuntunan ng pwersa ng globalisasyon—mataas na kalidad ng produkto, kapasidad na makapanghimok ng malaking premium sa tunay na halaga ng produkto sa pamamagitan ng kapani-paniwala at nabibiling kwento ng produkto at ng dating (affect) nito, tungo sa pagiging komoditi (produkto plus premium/kwento) at komodifikasyon nito (ang tao ba ang fetishistikong humuhulma sa produkto o ang produkto na ang humuhulma ng tao? Noong 2003, ang Pilipinas ay mayroong 11.5 milyong radio, 3.7 milyong telebisyon, 3 milyong landline at 1.5 milyong computer kahit pa limang milyon lamang ang may access sa internet, 85 porsyento ay umaasa sa dial-up connection.[2] Sa limitadong akses sa komunikasyon at media, bakit nangangarap ng labis?

Ang matingkad na katangian ng global ay ang kapasidad nitong magbenta ng erotisadong kwento, may lahok ng sexual na nasa at kasiyahan sa reafirmasyon ng uring nais o aktwal na kinabibilangan. Ang Bench ay taunang nagtatanghal ng pagdispley ng mga produktong pangkatawan (mismong briefs at ang katawang nakasuot nito) sa one-night event nito. Maging ang pagkain ng Jollibee at McDonald’s na gumagamit ng musmos ay reafirmasyon ng sexual na nasa ng gitnang uring nakakatanda na dulutan ang mga walang kapangyarihang indibidwal ng gratification sa akto ng pagbili at pagkonsumo ng hamburger at iba pang produkto ng fastfood. Bahagi ito ng gitnang uring heteronormativity--pagbibigay pribilehiyo sa rekurso ng heterosexualidad bilang normal na kalakarang panlipunan—na nakasentro sa pamilya at sa lalaking breadwinner. Ang MRT, branch ng McDonald’s sa Angono, Coke na nabibili sa Sagada ay global sapagkat ito ay kahalintulad ng produkto at serbisyong matutunghayan sa iba pang bahagi ng mundo—parehong quarter-pounder (presentasyon, sangkap at maidadagdag na langkap) sa parehong kapaligiran (ilaw, muwebles, lamig, amoy) sa parehong serbisyo (paraan ng pagluluto, pagbati at pagkuha ng order ng crew, pagluluto sa kusina, bilis ng pag-deliver ng order). Kaya kapag sinabing McDonald’s, ang katumbas na kwentong ipinagbibili nito sa premium—malaking lampas sa tunay nitong halaga—ay fastfood, Bench ay sexy underwear, Coke ay real thing, Mercedes Benz ay luxury, Palmolive ay makinis na balat, Sunsilk ay malasutlang buhok, Colgate ay maputing ngipin, at iba pa. Ang kwento ang buod ng partikular na pagnanasa, at ang pagiging brand ng produkto—ang pagkakaroon nito ng mabentang kwento sa likod nito—ang siyang mas mahikal na nagtratransforma sa hilaw na materyales (isda) hindi na lamang tungo sa pagiging produkto (malambot na sardinas na walang mga ulo’t lunod sa sarsa, nagsisiksikan sa lata) kundi sa pagiging komoditi nito (Century Tuna na naglalaman ng omega na mabuti para sa puso sa senior citizen o Century Tuna ginataan flavor sa panlasa ng Bikolanang OCW sa Tanzania).

Sa mahika ng transformasyon, ang nawawala—kahit pa man sa antas ng produkto—ay ang lakas-paggawa. Tila bigla na lamang lumukso ang mga walang ulong isda sa maliit na lata! Nawala ang mangingisda at manggagawa. Kagyat na lamang nagsulputan ang mga lata sa groseriya. Sa antas ng global brand, kahit pa harap-harapan na ang subcontractual na empleyado sa pagkuha at pagluluto ng order at paglilinis ng pinagkanan, nakakayanan na natin siyang gawing invisible. Hindi ito tao, hindi ito manggagawa, ito ay bahagi ng aparato ng mismong global na establisyimento—nandoon pero wala, lahat ay nasa anino na lamang ng arko ng global na komoditi. Kaya nga kung matagpuan ng mamimili ang sarili na napuwesto sa tabi ng salamin at mayroong paslit na yagit na namamalimos sa kabilang panig, hindi ito nadidisoryento dahil malinaw ang prioridad ng panggitnang uring mamimili—ang makonsumo ang kanyang pinapangarap at pinaghirapang kitain-para-mabayaran na hamburger. Makakain pa rin ito kahit na nasa gitna siya ng isa sa pinakamarahas na eksena ng tunggalian ng mga uri. Ang pagkain niya sa fastfood ang kanyang piniling katotohanan at tunay, ang paslit ang aparisyon ng tunay. At tulad ng mga aparisyon, sa pang-araw-araw natin pagtunghay sa kahirapan o mga birheng nagpapakita, hindi na ito nagiging kakatwa dahil wala nang irony rito. Ang pagdanas sa trahedya bilang hindi trahedya ang mismong trahedya ng kalakarang makakita ng kapangyarihan ng diyos sa pang-araw-araw.

Simula 1980s, ang pressure ng International Monetary Bank at pamahalaan ng U.S. na mag-deregulate at i-privatize ang sistemang media at komunikasyon, at ang pagpasok ng satellite at digital na teknolohiya, ang nagresulta sa pagsulpot ng higanteng transnasyonal na media.[3] Ang pandaigdigang sistemang media ay pinamamayanian ng siyam na higanteng korporasyon na kabilang sa unang nakakataas na baiting; ang lima sa pinakamalaki ay Time Warner (1997 sales, $24 bilyon), Disney ($22 bilyon), Bertelsmann ($15 bilyon), Viacom ($13 bilyon) at Rupert Mudoch’s News Corporation ($11 bilyon).[4] Noong 1990, 15 porsyento ng kita ng Time Warner at Disney ay galing sa labas ng U.S., noong 1997, ang kita sa labas ay mga 30 hanggang 35 porsyento.[5] Ang kinalabasang higanteng korporasyon sa media ay nakalahok sa maraming industriya ng media—ang ginawang pelikula ng media ay ipapalabas sa kanilang sinehan, at mayroong soundtrack mula sa recording studio, may spin-off na TV show, video games, amusement park na sakay—na hindi kakayanin ng mga korporasyong walang conglomerated holdings.[6] Ang nalilikhang produktong media ay nag-uumapaw sa “hyper-commercialism” o “veritable commercial carpetbombing of every aspect of human life.”[7] Ika nga ng C.E.O. ng Westinghouse, “We are here to serve advertisers. That is our raison d’etre.”[8] May rekurso rin sa imperialistang diskurso ang lohika ng pagpapalaganap ng serbisyo ng media conglomerates, ika nga ng Presidente ng HBO si Jeffrey Bwekes na ang global na paglaganap ng HBO ay “manifest destiny,” tulad ng afirmasyon ng pananakop ng Pilipinas sa Amerika sa nakaraang siglo.[9]

Hindi kakatwa na ang media sa Pilipinas ay kabahagi ng susunod na mga negosyong na bahagi ng kasalukuyang round ng neoliberalisasyon. Kasama ng edukasyon at kalusugan, ang media ay ang isa pang negosyo na tinatarget simula pa sa panahon ni Fidel Ramos na iamenda ang Konstitusyon para makapasok ang dayuhang pag-aari. Sa Medium-Term Philippine Development Plan (MTPDP 2004-2010), ang isa sa mga intension ay pahintulutan ang dayuhang pag-aari ng mga domestikong negosyo na ipinagbabawal ng 1987 Constitution.[10] Bahagi ng mga target pang-ekonomiko ng MTPDP ay ang mga sumusunod: “1) raising the economic growth rate to 7 percent by 2009; 2) reducing the poverty incidence from 28.4 percent of Filipino households to 17.0 percent by 2010; and 3) creating 1.5 million jobs annually.”[11] Inaasahan na sa pagbubukas ng mga negosyo, tulad ng media, sa dayuhang pag-aari na makakamit ang mga pang-ekonomikong target. Pero gaya nang nabanggit ng peryodistang Luis Teodoro, “There’s another objective missing from that list: the making of a compliant media.”[12] Sa pamamagitan ng pagbubukas ng pambansang ekonomiya sa dayuhan, kasama na ng malaki at patuloy na dumarami ng bilang na pagpaslang sa peryodista sa bansa, nahihikayat at napipilit ng pamahalaan na gawing sunod-sunuran ang media. Wika pa ni Teodoro, “The dominance of trivia and avoiding critical reporting or comment on the public issues that are of concern in the Philippines would not only be contrary to efforts to make journalism more meaningful in this country. It would also be no less a Godsend to this as well as future governments.”[13]

Ang nangyayaring pagiging sunodsunuran ng pambansang pamahalaan sa pwersa ng neoliberalismo ay hindi lamang nagbubuyanyang sa kasiyahan bilang katampukang dating kundi pati na rin ng paglalahad ng depolisadong ideolohiya ng pagiging masunuring mamamayan. Wala nang papalag dahil sino ba ang ayaw manood ng D.C. superhero na naging big-budgeted Hollywood film, o ang hindi na bibili ng kiddie meal ng fastfood na may kasamang figura ng karakter sa pinakabagong animation feature? Ang masunuring gitnang uring mamamayan ay nakakakonsumo kaya nagiging kwalipikadong mamimili, hindi lang maller, at mayroong politikal na kapangyarihan, nakakatimbang ng pagpipilian at nakakapili sa pang-indibidwal at kolektibong disposisyon. Mayroon siyang kapangyarihan sa kultura dahil kasapi siya sa komunidad na may rekognisyon sa brand, paraan ng pagdanas nito, at pagpapatuloy ng produkto sa iba pang karanasan sa kulturang popular. Para sa kanya, sapat na ito.

Noong unang panahon, nag-uusap ang magkakalayong tao sa pamamagitan ng sulat, o kung may emergency, ng telegrama. Kung papalarin, matapos ng sampung taong pag-aantay ng linya, nakakapag-usap ang mga tao sa teleponong monopolyo ng PLDT. Ngayong halos kulang sa kalahating Filipino ay may cell phone, anong ganda ng pagbubukang-liwayway! Mula sa panahon ni Marcos, ang anim na diyaryo sa Manila ay naging 12, ang tatlong estasyong pantelebisyon ay naging anim.[14] Labindalawang taon matapos ang People Power 1, may 156 na estasyong pantelebisyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa, 402 na estasyong radio, 25 na diyaryo na may pambansang saklaw na hindi lalampas ng apat na milyong sirkulasyon bawat diyaryo, at higit sa 200 na lingguhan o dalawang beses-isang buwan na diyaryo.[15] Noong 1980s, ikatlong bahagi lamang ng mga bahay ang mayroong telebisyon; noong 1997, sinasabing 87 porsyento ay nanonood ng telebisyon, 97 porsyento sa Metro Manila.[16] Tinatanya na kalahating milyong telebisyong ang binibili taon-taon noong 1990s.[17] May kalahating milyong subscribers ang SkyCable, pag-aari ng pinakamalaking media conglomerate ABS-CBN, 60 porsyento ng cable market na inaasahang madoble matapos ng limang taon.[18] Noong 1996, binili ng PLDT na may hawak ng 45 porsyento ng landlines ang pinakamalaking internet service provider sa pananakot dito na puputulan ng linya kapag hindi ito pumayag sa pagbebenta.[19] Ang isang resulta ng convergence ng media, ayon kay Sheila Coronel, ay “it will provide a backdrop that will allow foreign firms to own media networks. Most of the new telephone ventures set up since 1992 involve foreign capital.”[20] Samakatuwid, kahit hindi pa naamenda o nababago ang Konstitusyon, may ilang maniobra na ng pagpasok ng dayuhang pag-aari sa pambansang negosyo na lalo lamang iigting sa mas malawakan pang kontrol kapag nabago ang Konstitusyon.

Ang pangunahing motibasyon ng dayuhang industriya ng kulturang popular at media ay magdulot ng kasiyahang mabebenta nang may premium. Kaya mas matindi ang kasiyahan, mas mabenta ang produkto, mas nagiging transformatibo sa komodifikasyon ng produkto at ng mamimili. Kung mas matindi ang pagtataya sa kasiyahan, mas matindi ang pagtatago sa pasakit at pighating nagkukubli sa at pinagtutuntungan ng kasiyahan. At kung magpaganito, mas depolisado ang ipinapalaganap na ideolohiya ng estado at negosyo (mutlinasyonal na kapital at kubrador nito sa uring burgis kumprador): mas nagiging katanggap-tanggap ang pinakarumaldumal na karanasan sa politikal na pagpaslang, ng lumalawak na paghihikahos at kamangmangan, ng korapsyon at pamamaluktot ng politika sa personal na interes, ng pagsasanla ng intelektwal at artista sa pinamalaking makakapagbayad, ng mga telebiswal na trahedya ng kontestants na namamatay sa stampede at pagka-promote sa heneral na berdugo ng mga aktibista sa burukrasya ng pamahalaan, ng pagpapalaganap ng cha-cha bilang imperatibo ng pambansang pag-unlad, ng pagso-sorry bilang resolusyon sa bintang ng masibong pandaraya sa eleksyon, at iba pa.

Ang politikal na kaguluhan na may potensyal ng transformatibong pangkamalayan ay itinatatwa bilang hindi kasiya-siya dahil pinaglumaan na—People Power, at pagpapatalsik at akusasyon ng korapsyon at nepotismo kay GMA, halimbawa—kaya may imperatibong mapalitan ng kasiya-siyang spektakularisyon ng pang-araw-araw na karanasan, tulad ng pagtatagumpay ng Pilipinas sa 2005 Southeast Asian Games, pagkapanalo ni Manny Pacquiao, beauty contestants at iba pang Filipino sa internasyonal na kompetisyon ng spesyalisadong kagalingan, at iba pa, at maging ang mga ito ay naluluma rin sa takdang panahon. Niluluma ang politikal at ang nilikhang bago ay ang reimbensyon ng politika, lalo na sa media at industriya ng kultura. Ang paglalahad ng bago at ang kabago-bago ay ipinapasok sa parametro ng politika ng global na kulturang popular—bagong Superman na naman, bagong branch ng Starbucks, bagong mall, bagong modelo ng cell phone, at kung magpaganito, bagong kasiya-siyang karanasan. Ito o ang luma, alin ang mas gugustuhin? Ang fetishismo ng relasyon, tulad ng sadista at masokista, ng nambubugbog at binubugbog, ng nang-aapi at inaapi ay nakapaloob rin sa kahalintulad na predikamento ng kasiyahan ng bago: itong abusadong relasyon o ang kawalan ng relasyong humuhubog ng pagkatao? Kung magpaganito, paano lalampasan ang kawalan ng pagpipilian? Paano gagawing politikal ang kultural na predikamento?

Unang Eksena: Komodifikasyon ng Luho Bilang Pangangailangan
Nabuhay tayo minsan sa panahon ng walang cell phone, kasabay ng ginhawa (kaligtasan sa konektado-tayo-sa-mundo) at panganib (ilan na ang pinatay sa ngalan nito?) nito. Sa kasalukuyan, sa akto na makalimutan ang cell phone sa bahay o sa di inaasahang pagkawala nito, tila tayo kulang, napilayan, may kabawasan, hindi buo, hindi na ang regular na Maria o Jose. Naging integral ang cell phone, tulad ng iba pang modernong gadget at serbisyo, sa panggitnang uring buhay na umaasa ng pang-indibidwal na seguridad, expektasyon, kalidad ng serbisyo, estetika, halaga at iba pa bilang kolektibong karanasan sa uring ito. Sa isang banda, mismong ang panggitnang uri ay ginawa nang komoditi, itinampok bilang kanasa-nasang buhay, buhay na bumebenta sa takilya, CD at magazin dahil namumutiktik sa material at sikolohikal na mga detalye nagmamarka ng pakiiisa at pakikipag-kapwa sa uring ito. Pero bago pa man ang uring ito ay naging komoditi, ang produktong ipinapatangkilik sa kanya ay bumagtas na sa kaangkupan ng komoditi sa kabilang banda.

Nagkaroon na ito ng kwentong kabenta-benta, naging brand na, na ang binibili ay hindi na lamang ang panghugas ng buhok kundi ang buhok na nakakabit sa babaeng naliligo sa maluhong bathtub, naggagayak ng marangyang kasuotan para sa pakikipagtagpo sa kanyang prince charming kinagabihan. Ito ang buhok na tumatangkilik ng shampoo brand. Ang shampoo ay nilalahukan ng kwento at ang kwento ay bahagi ng naratibisasyon ng panggitnang uring buhay bilang pamantayang pang-ekonomiya, politika at kultura. Lampas sa tunay na halaga, nag-uumapaw sa labis na kwentong hindi kakamit-kamit, at higit sa lahat, may masang napapatangkilik dahil sa lampas at labis. Ang produkto ay naging komoditi para sa gitnang uring pangarap ng mismong nagnanais mapabilang sa at mareafirma ang pagiging gitnang uri. Ang kulturang loop ay naghuhudyat ng pagkalusaw ng politikal dahil wala nang pagtatanong sa naturalisasyon ng komodifikasyon at ideolohiya. At kahit pa ginagamit ang shampoo para lang mapanlinis ang buhok, hindi naman aabot ang shampoo mula manggagawa sa pabrika at manggagawa sa groseriya hanggang sa mamili (na malamang ay manggagawa o anakpawis rin) kung hindi naging konduit at daluyan ang komodifikasyon sa paglilipat-lipat ng proseso ng produksyon at konsumpsyon. Hanggang ang produkto ay nagnanais na mabentang hiwalay sa paggawang lumikha nito, ito ay kagyat na nakapaloob na sa proseso ng komodifikasyon, alam man ng tumatangkilik ang kwento sa likod nito o hindi.

Sa ganitong komodifikasyon ng produkto, pagbibili at mamimili na ang luho ay nagiging pangangailangan ng karanasan sa gitnang uring buhay. Sa isang banda, napapatangkilik tayo ng luho—mula Jollibee hanggang bagong modelo ng cell phone, depende sa persepsyon ng uring kinabibilangan—dahil tila tinatangkilik ito ng iilang may mas higit na ekonomiyang kapangyarihan kaysa sa atin. Sa pagdaan ng panahon, simula ng pagkilala sa bago at paghudyat at pagiging lumaan na nito, nagkakaroon ng tila demokratisasyon sa produkto, napapamura ito dahil may pumapalit nang bagong uso na mas mahal at di-asesible sa nakararami. Gayunpaman, lumilikha ang kapitalismo ng niche markets na mabebentahan pa rin ang bawat uri ng pinapatangkilik na produkto—pinakabagong modelo ng cell phone sa maykayang uri, ang susunod na tier ng medyo lumang uso para sa gitnang uri na minsanan lamang makakabili, at mga lumang-lumang uso para sa naghihirap na uri, bagong nakaw na luma at uso para sa lumpen proletaryado. Sa kabilang banda, sa familiaridad sa uso at produkto, sa akto ng pagkaalam at pagbili ng mga mga ito, ang produkto ay nagiging pangkaraniwan na, kabahagi na ng mga bagay at detalye na nagbibigay-definisyon sa gitnang uring karanasan.

Tinatayang mayroong 30-40 milyon ang may cell phone sa Pilipinas, gumagamit ng Global System for Mobile Communications, isang second-generation digital na teknolohiya na ginagamit ng 71 porsyento ng mundo.[21] May apat nang domestikong carrier ang pinahintulutan na ng National Telecommunications Commission na magdulot ng third-generation cellular service simula 2008 na may kapasidad na high-speed, high-bandwidth video application sa cell phone.[22] Ang Short Message Service (SMS), ang sistema para sa text message na may kulang ng 160 karakter ang haba ay malaganap ang gamit at may 200 milyon messages ang ipinapadala sa bawat araw gayong hinihikayat rin ang pagpapadala ng Multimedia Message Service simula pa 2003.[23] Sa ibang pagtataya, ang bilang ng text messages na ipinapadala ng bansa ay umaabot ng 350 milyon, mas malaki pa sa pinagsama-samang SMS volumes ng European na bansa, Amerika at China.[24] Ang Smart Communications ay may hawak ng 54 porsyento ng market noong 2003 at ang Globe Telecommunications ay hawak ang 46 porsyento, at sa taong ito, nagsimula rin ang Sun Cellular na nag-aalok ng mas mababang halagang serbisyo.[25]

Walang lalampas ang araw na hindi nag-a-advertise ng dalawang buong pahinang may kulay ang dalawang kompanyang telecommunication. Walang oras na lalampas sa telebisyon at radyo na hindi rin ito ginagawa ng mga kompanya, o isang gabi na walang spino-sponsor na event na magtatampok sa kanilang serbisyo. Ipinapalaala sa atin dahil kay daling makalimutan na ang cell phone ay luho at hindi pangangailangan. Araw-araw ay nire-referendum tayo ng mga kompanya sa moral na dilema nito, para bumotong pabor sa pagpapatuloy ng kanilang serbisyo. Hindi nga ba’t ang isa ring silbi ng cell phone ay magtext sa panahon ng kaburyongan (boredom). Sa ilang sandali, nawawala ang buryong, nagiging mas interesante ang buhay. Para sa karanasan ng gitnang uri, ang text ay nakakapagdulot ng ginhawa at relief. May seguridad na alam mong mahuhuli ang dapat mong katagpuin sa isang partikular na oras at may magagawa ka pang ibang bagay. May ginhawa sa pag-alam na ligtas ang mga bata sa sakuna sa lugar na tinirhan, lalo na sa OCW na ina; o kahit pa ang balitang namatay na ang magulang ilang segundo matapos mangyari ito. Para sa kinakailangang impormasyong magbibigay ng seguridad, ipinapakita natin ang mga kompanyang telecommunications. At tulad ng call center sa information technology, ang texting ang ating niche market sa information, communication and technology—ang mga Filipino raw ang may pinakamabalis na mga daliri sa buong mundo. Ang mababang kapasidad ng mga Filipino sa larangan ng ekonomiyang global ay naghuhudyat lamang ng ating mababang antas sa pandaigdigan at sexual na dibisyon sa paggawa.

At dahil ito ang bansa ng malawakang korapsyon at paghihikahos, at limitadong infrastruktura, maging ng pinakamaraming pagkakataon ng karanasan sa natural na kalamidad, maraming informasyon ang kinakailangan para magpalagay ng loob. Sa malawakang pagbebenta ng mga produktong ipinapatangkilik, may kapasidad ang malawakang diseminasyon na magkaroon ng sariling pintig sa bawat tumatangkilik nito—iba ang iniiyakan ni Omeng at On-on sa sine kahit pa pareho ang kanilang pinapanood dahil sa ibang sikolohikal na impedimento ipinapapakat ito, magkaiba at magkahalintulad na karanasan sa paglaki bilang mamamayan. Ang pagmanufaktura ng kulturang popular ay nakapaangkla sa kapasidad nitong ipersonalisa ang brand o henerikong karanasan. Makakaisip tayo ng sampung bagay na pwedeng gawin sa cell phone para maging kakaiba ito kaysa sa milyon-milyong cell phones—pagpili ng ring tones, screen saver at wall paper, paggamit o hindi ng mga features nito, kompanyang telecommunication at serbisyong tatangkilikin, casing at holder, paraan ng pagtext at pagsagot, at iba pa. Parang kakaiba lang ang sa atin kahit pare-pareho tayong dumadanas ng karanasan sa kulturang popular. Kaya kapag nawalay o nawala ang objek, tila tayo piglas. Ginagawa nating tao (anthropomorphize) ang objek, kabahagi ng ating pagkatao. Kung magkagayon, sino ang objek at sino ang sabjek ng kulturang popular—ang pinapatangkilik ba o ang tumatangkilik? Sa huli, ang pagmamay-ari mo ay nagmamay-ari na sa iyo, pareho nang naging objek sa kulturang popular.

Ang pakiwari na nakakapagdesisyon (sa features halimbawa ng cellphone) at interaktibo (halimbawa, sa pagboto sa “Philippine Idol” na tulad sa reputasyon ng mga Filipino, ang sumira sa Asyanong record ng pagboto sa mahigit na 300,000 text votes sa isa sa mga unang episodes pa lamang nito) ay kabahagi ng linyang asembleya ng pagiging gitnang uri.[26] Nakakalahok ang liberal demokratiko at konsumeristang sabjek na nakapag-ehersisyo ng kanyang karapatang mamili, makaboto at maging bahagi ng lehitimasyon ng mismong proseso, dito sa kulturang popular. Sa kabilang panig naman, mayroong muling pagsasaayos ng mga objek ng kulturang popular. Ayon sa report ng isang peryodistang Amerikana ukol sa cell phone texting:

The technology is […] changing the organization and dynamics of protests, allowing leaders to control, virtually minute-by-minute, the movement of demonstrators, like military generals in the field. Using texts that communicate orders instantly, organizers can call for advances or retreats of waves of protesters.[27]

May produktibong praktikal na halaga rin ang mga objek ng kulturang popular, kahit pa tila komandista ang nabanggit na deskripsyon sa report. Napapag-alam kagad ang kalagayan, lalo na sa umiigting na dispersal at iba pang karahasan sa kilos-protesta. Tiyak na kasama ang mga aktibista sa hanay ng mga Filipinong pangkahalatan ay nagpapadala ng walong texts kada araw.[28] Nang matanggal nga si Joseph Estrada sa pagkapangulo via People Power 2, umangal ito na ang pag-aaklas na nagyari ay “coup de text.”[29] Gayunpaman, kinakailangan ng hinay kapag sinabi na ang produktibong praktika na dulot ng texting—o kahit ano pang objek ng kulturang popular—ay transformatibo sa politika, tulad ng banggit ng lider kabataan sa pagtatapos ng sanay na ang texting “is a development for democracy.”[30] Pumapasok ang aktibista sa fetishistikong pananaw hinggil sa kulturang popular, na kahit pa normalisado sa gawaing pampolitika ay tumutulong magpatindig sa negosyo ng kulturang popular. Walang ganap na transformasyong politikal kapag walang pagbabago sa nagmamay-ari ng pang-ekonomiyang produksyon.

Sa kontra-insureksyon ng militar at gobyerno, ang mahalagang dokumentong nagtatalaga ng identifikasyon ay hindi naman cell phone. Ito ay sedula na galing sa pinakamalapit na baranggay na tinutunghayan ng kontra-insureksyon na operasyon.[31] Ito ang nagmamarka ng posisyon ng taumbayan, kung sila ay taga-loob (lehitimong mamamayan ng lugar) o taga-labas (iligal na tao at pagkatao, kasapi ng New People’s Army). Hindi nga ba’t ang pagpunit ng sedula ng mga Katipunero sa Pugadlawin ang naging senyales ng Rebolusyong 1896? Na ito ay nananatiling papel ng opisyal na identidad ay patunay na pananatili ng karahasan ng estado. Sa kasalukuyan, ang low-tech na papel ay tinutumbasan ng high-tech na anyo ng pagmamatyag sa cell phone:

Together with the National Security Agency, the Central Intelligence Agency also maintains “Project Echelon,” the most sophisticated and most technologically advanced eavesdropping system that has been devised. Through a relay system of satellites and spook stations in Australia, New Zealan, United Kingdom, Canada and United States, the US intelligence system is able to intercept all (emphasis sa awtor) telephone, fax, e-mail, Internet and cellphone transmissions worldwide. Its nerve center is located at Fort Meade in Maryland where the NSA maintains its headquarters. This has grave implications for both our public and private security.[32]

Samakatuwid, itong objek ng kulturang popular na nagmamarka ng gitnang uring identidad ay instrumental rin sa pagmamatyag at disiplina ng estado at imperyalistang bansa. Kaya ang kulturang popular ay nakaugnay sa relasyon ng estado sa imperyalismo. Ang komodifikasyon ay hindi na lamang sa pagtransforma ng sabjek bilang objek at ng objek na sabjek na naghuhudyat ng tao bilang sabjek; ito ay ang komodifikasyon na rin ng sabjek bilang objek ng estado at imperyalismo.

Ikalawang Eksena: Politika ng Tunay, Politikal sa Tunay
Linawin naman ang usapin ng inaangking katotohanan (truth-claim) ng mga objek ng kulturang popular—lalo na nga ng brand labels—sa pagpalaganap nito bilang namamayaning katotohanan sa larangan ng hegemoniya o ang kalakaran sa ideolohiya at pagkilos ng nakakapagdiktang minoryang may lampas na politika at ekonomiyang kapangyarihan at ng mayoryang tumatanggap ng kaayusan ng kawalan-kapangyarihan. Ang inaangking katotohanan, kapag ipinagpilitan ng pwersa ng pagsang-ayon (ideolohiya) at karahasan (politika), ay nagiging tunay (real). Tulad ng pekeng pagkapangulo ni GMA, sa pagdurog nito sa politikal na tumutunggali sa kanya, pati na ang oposisyong politika, at sa pagkumbinsi sa higit pang neoliberalismo ng kapital at negosyo sa bansa ay nagiging katanggap-tanggap sa nakararami bilang ang kasalukuyang imperatibo ng tunay. Wala nang papalag dahil sa karanasan ng pananakot at panganib ng politikal na pagpaslang at ng karangyaan at kasiyahan ng paggasta at dayuhang kapital. Nililikha ang gitnang uri bilang panuntunan ng pagdanas sa kasalukuyang pagsasabansa, lalo pa sa malakolonyal at malapyudal na sistema na kayang-kayang pagsanibin ang karanasan sa karahasan at kasiyahan sa pamamalakad ng pambansang pamahalaan.

Ang nangyayari sa mga aparatong kultura—media, relihiyon, edukasyon at sining halimbawa—ay gawin itong paramilitar o sumeserbisyo sa militarisasyon ng politikal na aparato ng estado. Tunghayan ang gameshow na Wowowee, na ang isa sa likas na katangian ng format ay ang dispensasyon ng awa at tulong (charity), hindi sa nangangailan kundi sa karakter na pinakarepresentatibo ng media-saviness. Ang kontestant ay ginagawang tao hindi pa sa antas ng pagpapalalim ng pagkilala sa kanyang pagkatao, kundi bilang isang liberal demokratikong tao na nagnanais mapabuti ang kanyang abang kondisyon o ang lagay ng kanyang pamilya. Ang game show host ang representatibo ng media conglomerate na hindi lamang namimili, kundi nagseset ng parametro ng kontest, nagpapakilala sa kontestants, nanghihimok ng partisipasyon ng audience sa bahay, at nagbibigay ng pabuyang premyo sa pinaka-deserving na kontestant. Siya na may media personality na makapagdispensa ng kapangyarihan ay nagmimimick ng kapangyarihang kultura ng kapitalista at burgis kumprador ay naghahanap rin ng kahalintulad niyang pinakarepresentatibo ng tagapagpadaloy ng kapangyarihan sa hanay ng kontestants. Ang kapitalista at burgis kumprador naman ay gumagaya sa kapangyarihan ng estado. Para sa kapitalista at estado, ang charity ang mekanismo ng pamumudmod ng ekonomiyang ganansya sa naghihikahos na nakararami.

Noong Pebrero 2006, para sa unang anibersaryo ng Wowowee na nagpakalat ng balitang dodoblehin ang premyo, marami na ang pumila ilang araw bago ang palabas. Pitongpu’t tatlo ang namatay sa stampede nang magkagulo ang mga tao sa labas ng pila sa ULTRA Stadium hindi dahil sa pag-aakalang hindi sila makakapasok kundi dahil sa balita na namang may perang pabuya ang unang ilang daang makakapasok. Nakipagsapalaran ng kanilang buhay ang mga tao para sa balita, sa fantasya na makakapasok sila kahit malinaw na sa dami ng bilang ng pumila ay hindi mapapagbiyan ang lahat. Walang paghahanda sa crowd control dahil akala ay kakayanin na ng balita at impormasyon (tagapaghatid ng balita ng posibilidad na makaangat) na madisiplina ang malaking hanay ng hindi lamang naghihikahos kundi yaon pang gustong mapabilang sa nakakaangat na hanay. Silang nabubuhay sa kahirapan ay hinahayaang mamatay sa kanilang paghihikahos.

Ilang araw matapos ang stampede ay nabura na ito sa alaala ng gitnang uring mamamayang kumondena sa pangyayari. Hindi naman ito kaiba sa iba pang gawang-taong trahedya sa bansa, walang nangyayari sa sampu-sampu, daan-daan o libo-libong buhay na namatay sa kasakiman ng kapitalista at paggarantiyang seguridad ng estado sa kanilang tagapagtaguyod: 4,000 ang namatay sa paglubog ng Dona Paz noong 1987, tinagurian bilang pinakamalubhang maritime disaster sa postwar era; 5,000 hanggang 8,000 ang nasawi sa flash flood sa Ormoc, Leyte noong 1991 dahil sa illegal logging; gayundin, 1,500 ang nabaon sa putik sa Aurora at Quezon noong 2005.[33] Naabswelto ang mga kinasuhang opisyal sa 400 kabataang namatay sa sunog sa Ozone Disco, at nananatiling nakatakas ang may-ari nito. Malinaw na hindi sa dami ng bilang ng namamatay sa mga gawang-taong trahedya ang pinagtutuunan ng pansin sa trahedya kundi ang paraan ng pag-manage ng trahedya bilang exemption o ang krisis na sandali, at ang kawalan nito bilang ang normal o ang kawalan ng krisis. Pinapatingkad lamang ng trahedya ang pagdanas ng krisis bilang normal at ang kawalan nito bilang exemption. Minomobilisa ng kapitalista at ng mga alipores nito—iba pang contract artist ng media conglomerate, pag-iyak ng host sa ibang show sa telebisyon, telebiswal na pagpapamisa, at paghina ng coverage ng anti-GMA rallies, halimbawa—at ng estado—pakikiramay ng pangulo, paghingi ng pondo sa publiko para sa biktima ng trahedya, paggawa ng fact-finding body, at iba pa.

Ang trahedya ay hindi na lamang misrekognisyon ng krisis bilang karaniwang karanasan sa pagsasabansa kundi sa pagtanggi na nagkaroon ng trahedya. Sa ganitong pagtanggi nagtatagumpay ang estado na maghugas ng sariling kamay dahil ang trahedya ay nangyayari sa spero ng negosyo, kahit pa magkasiping naman ang mga ito. Ang kultural na gawain ay ang pagbaklas ng tunay sa antas ng anti-administrasyon (sa pag-igting ng pasismo at neoliberalismo) at anti-estado (na ang mga pangulo pa sa hinaharap ay lalo lamang magpapaigting sa karahasan at kahirapan). Ang kulturang popular ay may afinidad sa kapitalista at estado kaya ang tungkulin ng aktibistang kultural ay ang ideolohikal na pagbaklas nito—kritikal na pagbasa at pagtingin, at artistikong gamit—konsistent sa materyal na pagbaklas nito sa aktibistang indibidwal at sa kanyang politikal na hanay. Ito ang pagpapatuloy ng comeback ng mga opresibong trahedya ng mga luma, nakilatis na at patuloy na nagkakaroon ng kumikitang buhay sa kasalukuyang kapitalismo.

Sa pagbabalik ng OCW na domestic workers mula sa ginigiyerang Lebanon, ginawang guests ang 235 na OCW na tumakas sa giyera sa Wowowee noong 5 Agosto 2006, nagpamigay ng P1 milyong piso (ang parehong halaga ng premyo sa anniversary show noong Pebrero) na pantay na paghahatian ng kontestants. Kumpleto na ang comeback ng luma at ng binaong trahedya. Heto ngayon tayo sa mas mabigat na trahedya na kahit na nasa harap na natin ay hindi pa rin nakikilala ang pagdating, pag-abang, pagtunghay at pag-alis nito.

Ikatlong Eksena: Intelektwal Bilang Ubod ng Gawaing Kultural
Ang organikong intelektwal sa malay ng marxistang Antonio Gramsci ay nanggagaling mula sa hanay ng kilusan, hinulma ng kilusan at nakakasagap ng lakas sa kilusan, gaya ng pagbibigay ng lakas niya rito. Intelektwal dahil kritikal—umuusbong na alternatibo at oposisyonal—ang kanyang inihahayag na posisyong panlipunan at historikal. Siya ang kontra sa kultura ng namamayaning kapangyarihan. Ang gawaing intelektwal, sa aking palagay, ang ubod ng gawaing kultural. Kung ang politika ay tumutukoy sa pamamalakad ng pamahalaan na nilalahukan ng palitan ng pabor, ang politikal ay katawagan sa transformatibo tungo sa mas egalitaryong kaayusan hanggang sa anti-estado. Maaring isipin ang kultura-kultural sa ganitong pagpapakahulugan: na ang kultura ay tumutukoy sa ideolohiya at praktis ng namayaning kapangyarihan ng estado at negosyo, at ang kultural ay ang transformatibong panlipunan.

Pinakaabante sa gawaing intelektwal ang manggagawang kultural dahil sa kanyang hanay nasisiwalat ang pagpapalawak at pagpapalalim ng politikal na kaisipan, panunuri at pagkilos. Sila ang nagdaraos ng mga ensayo ng aktwal na rebolusyon. Ang kaibahan niya sa proletaryado ay ang paraan ng pagkamulat na hiwalay sa produksyon. Ang manggagawang kultural ay may iba’t ibang pinanggagalingang uri ngunit may kaisahan tungo sa pagbabagong ideolohikal na nakabatay sa sosyalistang hinaharap sa pagdanas ng kasalukuyang kapitalismo—at ang ideolohikal na ito na ang pangunahing sangkap ay intelektwal ang siyang impetus para sa aktwal na gawaing politikal: sa partikular, ang pagpapalawak ng hanay ng kultural, at sa pangkalahatan ang paghulma at pagsubstansya ng kamalayan at praktis na babalikwas sa imperyalismo, burukrata kapitalismo at pyudalismo.

Paano sasagkaan, halimbawa, ang pamamayani ng Hollywood na pelikula gayong ito ay napakalawak na ng saklaw, hindi lamang sa Pilipinas maging sa buong bahagi ng mundo? Ang Hollywood films sa partikular ang kumakatawan sa tinatawag na “kultural na imperialismo” o ang dominasyon ng imperyalistang bansa sa industriyang kultural ng ibang bansa, ang kung magpagayon, ng hulmahang kultural ng naturang mamamayan. Noong 2004, may 53 na pelikula na lamang na naipalabas mula sa lokal na industriya sa Pilipinas. Noong 2005, ito ay 36 na pelikula na lamang. Lubhang mababa na ito kung ikukumpara sa 1990s na produksyon na umaabot sa 150 pelikula kada taon, ginagawang isa sa pinakamaraming pelikulang nagagawa ang bansa sa buong mundo. Wala nang makakatawad pa sa global na pamamayani ng U.S. sa produksyong pampelikula. Noong 1998 ang overseas box office ng US ay US$6.821 bilyon na halos katapat ng domestikong kita ng $6.877 bilyon.[34] Ang pinakapopular na 39 na pelikula sa buong mundo noong 1998 ay galing ng U.S. kahit pa ito ay gumagawa lamang ng maliit na porysento ng pandaigdigang feature film.[35] Sitenta’y singko porysento ng kita sa sinehan sa buong mundo, at mas malaking porsyento kapag isinama ang video rentals at pagbenta nito.[36]

Ayon sa Social Weather Station (SWS) survey, 52 porysento ng matatanda sa bansa ay nanonood ng sineng Filipino ng isang beses o higit pa isang linggo pero 6 na porsyento lamang ang nanonood sa sinehan.[37] 29 porsyento ang nanonood na lamang ng sine sa telebisyon, isang indikasyon ng paghihirap ng buhay ng gitna at mababang uri.[38] Edukado ang manonood ng pelikulang Filipino: 49.4 porsyento ay high school o nakapagkolehiyo, 18.9 porsyento na nakapagtapos ng elementarya o nakapaghigh school, at 17.8 ay tapos ng kolehiyo o nag-aaral nang higit pa rito. Ang educational capital ay natatanghal sa akto ng panonood ng sine, kakatwa na hindi na pejoratibong “bakya crowd” o ang mga di-aral ang manonood ng pelikulang Filipino. Ipinapakita nito ang pagbabago ng paradigmatiko ng panonood ng sine—ito ay hindi na batayang pangangailangan, ito ay luho na, gamit sa pag-eehersisyo ng gitnang uring identidad, kahit pa nga sa telebisyon na ito tinutunghayan.

Ang pandaigdigang epekto nito ay malawakan din. Nagbagsakan na sa Europa at iba pang bahagi ng mundo ang domestikong industriya: sa Germany, 10 porsyento na lamang ay kita mula sa lokal na pelikula; Britain ay 12 porsyento; France ay 26 porsyento; Spain ay 12 porsyento; Canada, 2 porsyento; Australia, 4 porsyento; at Brazil, 5 porsyento.[39] Ang kabuuang laki ng industriyang pampelikula sa Europa ay 1/9 na lang ang laki kung ikukumpara noong 1945.[40] Dagdag pa, sa Western Europe noong 1985, 41 porsyento ang kita ng Hollywood na pelikula, at ng 1995, ang kita ay lumaki sa 75 porsyento.[41] Mula sa kitang $11 bilyon sa pag-export ng pelikulang Hollywood noong 2002, ito ay lalaki sa $14 bilyon sa 2004, at inaasahang kumita ng $24 bilyon sa 2010.[42] Kaya ang dating kita na 50 porsyento ng pelikulang Hollywood mula sa ibayong dagat ay lalaki pa hanggang sa 70 porsyento.[43] Natitiyak ng World Trade Organization at General Agreement on Tariff and Trade ang pagdaloy ng pelikulang Hollywood sa higit pa nitong paglaganap sa ibang bansa dahil walang lubos na lokal na industriya, maliban na lamang siguro ang India at China, ang makakatapat dito.

Ang unang antas ng pagsagka ay ang kritikal na pagbasa sa pelikulang Hollywood, ang hayag at kubling ideolohikal na plataporma nito, ang paglalatag ng mga detalye at kabuuan ng panggitnang uring karanasan sa liberal na demokrasya. Kinakailangan dito ng literacy training na naghahayag ng mga kritikal na kapamaraanan ng pagbasa, panonood at pagtunghay sa pelikula at iba pang media. Ang layunin nito ay lumikha ng antas ng kritikalidad sa hanay ng mga indibidwal at ng sektor na mahalaga sa paggiya ng materyal na artistikong produksyong sasagka sa ideolohikal na agenda ng pelikulang Hollywood at iba pang objek ng kulturang popular. Sa antas ng artistikong produksyong kultural, maaring lagumin ang karanasan ng nagsulputang documentary film collectives sa iba’t ibang rehiyon. Ang documentary film collectives, tulad ng Southern Tagalog Exposure, Sine Patriyotiko (Sipat ng Metro Manila), Kodao, at iba pang grupo sa Bikol, Central Luzon, Kordilyera, Ilokos, Visayas at Mindanao, ay binubuo ng mga aktibistang kabataan na filmmakers.

Ang proyekto ay kultural—artistikong produksyon ng kontra-estadong mga dokyu (dokumentaryong pelikula) na ang pangunahing layon ay magturo ng pagsusuri sa mga isyu at pangyayari at politikal—pagtaas ng panlipunan at historikal na kamalayan, pag-organisa at pagmobilisa. Kultural ang proyekto dahil rin ito ang paglikha ng kultural na akda ay nakabatay sa politikal na kilusang masa—sa pag-aaral ng kondisyong panlipunan at pangkasaysayan at mula rito, pag-angkat ng kontra-estadong pagsusuri sa mga kasalukuyang isyu at kaganapan. Iba rin ang moda ng produksyon—kolektibo ang proseso ng artistiko at lohistikal na pagdedesisyon, multi-tasking ang filmmakers (kadalasan, editor, cinematographer, direktor, scriptwriter, at iba pa sa iisang pagkatao), low-budget, issue- at cause-oriented ang motibasyon ng paglikha, ibinabalik sa masa ang nalikhang pelikula. Ang inilalahad ng gawaing kultural ay ang itelektwalisasyon—sa artistikong politikal na kapamaraanan—ng isyu. Parang nag-iisip pa rin sa mas malaking kahon ng politikal sa gawain na gamit ay lente ng kultural na diin ng masining at mapagturong kapamaraanan. Ang kasiningan nito ay nagmumula sa kakayahang bumaklas ng namamayaning kapangyarihan at magtatag, kapalit nito, ng alternatibo o oposisyonal na pinagmumulan ng kapangyarihan, mula sa hanay ng nakikibakang masa.

Ikaapat na Eksena: Gawaing Kultural Bilang Gawaing Politikal
Ang gawaing kultural ay gawaing politikal sa ilang mga antas: sa indibidwal na aktibistang antas, ang kultural na internalisasyon sa pang-araw-araw na buhay na nadudulot ng maraming katanungan hinggil sa kontradiksyon ng posisyong gitnang uri sa kamulatang makamasa; sa loob ng hanay, ng artistikong produksyong kultural bilang moda ng pagtaas ng kamulatan, pagmomobilisa at pag-oorganisa, tulad ng pagwelga sa manggagawa bilang impetus ng pagtaas ng kamulatang politikal at kultural; sa labas ng hanay tungo sa mas malaking kilusang politikal, ang kultural na pananaw sa politikal na isyu at kaganapan bilang paraan ng konsolidasyon ng muestra at pagkilos. Maari ring ilahad ang proposisyong ang gawaing politikal ay gawaing kultural hindi lamang sa kumprehensibong pagsinop ng politikal na pagsusuri na naglalahad ng makabago (sosyalista) na paraan ng pananaw, pag-iisip at pagkilos kundi sa mulat na internalisasyon ng politikal at kultural bilang magkahalintulad at produktibong nakikipag-usap na pwersa sa rebolusyonaryong gawain.

Kung magkagayon, maari tayong tumunghay sa posibilidad ng mga gawain: sa hanay ng kultural, digital feature films dagdag sa mas mahabang panahon sa pananaliksik sa full-length na documentary films o dokyung iglap na kagyat na nakakatugon sa kahilingan ng napapanahong isyu, live animation (tinutunghayan ng kamera ang mga model figures at kapaligiran) na naglalahad ng mga progresibong kwento, makabayang sing-a-long videos, literary readings na high tech at may vcd at dividi, multi-media dance presentation, at tungo sa tunay na second-generation sa visual arts, halimbawa; sa hanay ng politikal, kultural na manggagawa sa iba’t ibang hanay, cultural nite bilang anyo ng konsolidasyon, writing at performance workshops sa loob ng piketlayn o mass leave ng mga guro at kawani sa gobyerno, mass leader na nakakatula at nakakaawit, at matulain na palaban na kilusan, halimbawa. Kung walang nasa labas ng namamayaning kapangyarihan at kulturang popular, ang kapamaraanan ng pagbalikwas mula sa loob ay nangangahulugan ng higit pang pagkamalikhain at politisadong kapamaraanan, hanggang ang kulturang popular, sa abot ng makakaya, ay maging kulturang mapagpalaya nang nakararami.

Ang mga posibilidad ng politikal sa pamamagitan ng gawaing cultural ay imperatibo sa pambansang kondisyong malakolonyal at malapyudal na tumutukoy sa kondisyon ng lampas ng 700 at tumataas pang bilang ng politikal na pinaslang, at walang nakukulong, nasasakdal at napaparusahan sa isang banda, at tumitindi pang pagbaba ng sweldo at kawalan ng seguridad sa trabaho, pabigat na kahilingan ng gawain, call center at pag-OCW bilang tanging kambal na opsyon ng bagong graduate, pagbukas ng pinakamalalaking malls, sa kabilang banda.[44] Ang tanging kalayaan sa kasalukuyan ay ang mapanlikhang posibilidad ng aktwal na paglaya. Ang pag-ehersisyo at pag-eensayo ng kalayaan sa posibilidad ang tutumbas sa rebolusyonaryong pagkakamit nito sa hinaharap. Kung gayon, ang gawaing kultural at kultural na produksyon sa kasalukuyan ay nagaganyak sa mamamayan para sa rebolusyon.