Philippine Cultural Summit: Asserting the Role of Filipino Artists in Nation-building in the Time of Globalization
Bunsod ng malawakang pagbabagong nagaganap sa ekonomya at pulitika ng ating bansa, inilunsad naming mga manggawang pangkultura ang cultural summit upang mabuo ang makabuluhang tungkulin ng sining at kultura sa ating nagbabagong lipunan.
Ang pag-iral at kalagayan ang nagtatakda ng kamalayan. Kung pinaghalong piyudal, burgis, dekadente, at anti-sosyal ang pagsasalarawan sa dominanteng kultura ng ating bayan, ito ay sa kadahilanang ang Pilipinas ay atrasado, agrikultural, pre-industriyal at dominado ng dayuhan. Nasuri natin kung paanong ang kulturang popular na batay sa kita ay hinuhulma ng globalisasyon upang mapalawak pa ang interes ng kapital at ipatupad ang depolitisasyon ng mamamayan. Sa ating pagiging kritikal at sa paglulunsad ng alternatibong sining mamumulat ang masang tumatangkilik na magbuo ng progresibong tugon. Nalaman nating ang sensura sa mga likhang-sining, lalo na sa pelikula, ay panunupil sa kalayaang maipahayag sa malikhaing pamamaraan ang mga pananaw natin sa mga usaping may kinalaman sa ating pamumuhay: isyu sa pamilya, trabaho, karapatan, kabuhayan, relasyon ng tao sa tao. Nakita rin natin na ang mga programang ekoturismo, industriya ng mga piyesta, pagtatampok sa mga indigenous groups, at kultura ng kapayapaan ay mahigpit na kaakibat ang mga tradisyon, kaugalian, saloobin, at pamumuhay ng ating mamamayan.
Tumampok sa mga talakayan ang pangangailangan sa mas masinop na dokumentasyon dahil habang tayo’y naglulunsad ng mga proyektong kultural, hinihingi naman ang pagsasakasaysayan ng atin nang mga nakamit. Hinihiling ito sa atin ng mga institusyon at pormasyong nagnanais na humalaw ng mga aral sa ating hanay. Habang pinapanday ang sining sa paglilingkod sa sambayanan, hindi uunlad ang anumang kultural na agenda kung hindi papaghusayin ang paglikha sa iba’t ibang mga porma ng sining. Dapat dumami at dumalas ang mga palihan, talakayang teoretikal at kritikal, at mga paglubog sa batayang masa matapos ang pagtitipong ito. Simulan na rin natin ang pagtatayo ng mga organisasyong pang-artista at mga institusyong magiging sentro ng gawaing edukasyon, pananaliksik, paglilimbag, mass media, pinansiya at kaakibat na mga trabaho.
Susing mga salita ng tema ang papel o tungkulin (role), pagbubuo ng bansa (nation-building), at globalisasyon; siyempre pa’y ang mga artistang Pilipino. Ang mga artista at manunulat ng bayan ay kinakailangang maging aktibong kalahok sa pagbubuo ng bansa sa pamamagitan ng pagsasakatawan sa kanilang mga likhang-sining ng mga makabayang adhikain. Sapagkat ang gawaing pangkultura ay gawaing edukasyon na humuhubog sa ating kamalayan, sentral na dapat tugunan ang kamalayang magbabago sa hindi pantay na kaayusan. Magiging makatarungan lamang ang sining na isinasalarawan ang suliranin ng bayan, nagtatanong sa mga problemang panlipunan at nagtatampok ng mga pamamaraan para sa pagbabago. Tingin nami’y kailangang problemahin ng sining kung bakit mayaman ang Pilipinas ngunit naghihirap ang sambayanang Pilipino. Sa panahon ng pagkubabaw ng mga dayuhang interes dahil sa globalisasyon, mas matingkad higit kailanman ang pagbubuo ng isang bansang haharap sa pandaigdigang mga transpormasyon.
Sa panahong hindi ligtas pati ang mga manggagawang pangkultura sa marahas na panunupil, mariin naming kinokondena ang paglabag sa mga karapatang pantao at pamamaslang.
Hinihiling namin na palayain ang aming mga kasamahan sa Teatro Obrero ng Negros Occidental at pagpursigi sa kaso ng pandurukot sa mga kasapi ng Southern Tagalog Exposure. Dapat ding maparusahan ang mga salarin sa dumaraming bilang ng mga mamamahayag na pinatay, dinukot, at hina-harass.
Kinakailangang maging kabahagi sa partikular tayong mga artista sa pagtutol sa lahatang digma (all-out war) na ipinatutupad ng pamahalaan. Maging matapat tayo sa pagtatambol ng torture, massacre, abduction, at killings. Magbantay rin tayo na hindi magamit ang lokal na tradisyon, kaugalian, kalinangang bayan, at pamumuhay sa mas matinding panunupil sa karapatang magpahayag at maghimagsik.
Pinagtitibay namin ang kahalagahan ng isang pambansang wikang Filipino na magiging midyum ng pagkakaunawaan ng iba’t ibang etnikong grupo at komunidad sa bansa. Nararapat itong gamitin maging sa mga larangan ng edukasyon, negosyo, at mga gawaing pampamahalaan. Ang kulturang Filipino ay magiging tunay na pambansa lamang kung kinakatawan nito ang pinakamalawak na interes ng mamamayang naghahangad ng tunay na kalayaan at kapayapaang nakabatay sa katarungan.
Kami, mga artista, manunulat, manlilikha, at mga manggagawang pangkultura ay nagpapahayag ng pagkakaisa na higit pang pagbigkisin ang sektor pangkultura habang masikhay na nagmumulat, nag-oorganisa at nagpapakilos sa hanay na aming kinabibilangan. Bilang bahagi ng malawak na kilusan sa malawakang pagbabago, aming iginigiit ang pangangailangang tuluy-tuloy na baguhin ang kamalayang magpapasyang kumilos upang palayain ang lipunan.
Thursday, February 8, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment