Tuesday, May 8, 2007

ISANG PAMBANSA, SYENTIPIKO AT PANGMASANG KULTURA

ni Prof. Jose Ma. Sison
Ikalawa sa Serye ng Lektyur sa
KRISIS AT REBOLUSYONG PILIPINO
13 Mayo 1986

Para maisagawa ang bagong demokratikong rebolusyon ng mamamayang Pilipino, na komprehensibong rebolusyon ng lipunan, kailangang magrebolusyon hindi lamang sa mga larangan ng ekonomya at pulitika kundi pati sa larangan ng kultura. Kung hindi gayon, magagamit ng US at mga lokal na reaksyunaryong uri ang mga institusyon at impluwensya nila sa kultura para walang humpay na kontrolin ang puso at isip ng mamamayan at padaliin ang kontra-rebolusyon sa lahat ng larangan. Hanggang matapos ang dekada ‘50, ang pagtatangkang ipagpatuloy ang pambansa-demokratikong rebolusyon ay naging malungkot sa kabiguan dahil ang isa sa mga esensyal na sanhi ay ang kabiguan ng rebolusyonaryong partido na ilunsad ang bagong demokratikong rebolusyon sa kultura. Ang masiglang gawain sa ideolohiya at ibang gawain sa kultura ng mga proletaryong rebolusyonaryo noong dekada ‘60 ang naghatid ng bagong demokratikong rebolusyon sa kultura na sumiklab noong 1970-72 umpisa sa Unang Sigwa ng 1970. Ang rebolusyong ito sa kultura ay nakatulong nang malaki sa pagsusulong ng bagong demokratikong rebolusyon.

Ang Bagong Demokratikong Rebolusyon sa Kultura. Ayon sa kasabihang hindi magkakaroon ng rebolusyonaryong kilusan kung walang rebolusyonaryong teorya, lumahok sa gawaing pang-ideolohiya ang mga proletaryong rebolusyonaryo sa kabila ng mga peligrong dulot ng Anti-Subversion Law.
Nakapaloob sa pang-ideolohiyang gawain ang pag-aaral ng mga akdang klasikal ng Marxismo-Leninismo, mga kontemporaryong akda ng matatagumpay na proletaryong rebolusyonaryo sa ibang mga bayan, at mga sulatin ng mga rebolusyonaryong Pilipino. Kinailangang isama rito ang pag-aaral ng kasaysayan at mga sirkunstansya sa Pilipinas nang may mahigpit na pagtutuon ng pansin sa mga saligang problema ng lipunan ng mamamayang Pilipino at sa rebolusyonaryong kilusang Pilipino mula 1896 hanggang dekada ‘50. Ang punto ay ilapat ang rebolusyonaryong teorya ng talibang uri at partido sa kongkretong praktika ng rebolusyong Pilipino. Ang pang-ideolohiyang gawain ay nagbunga ng muling pagtatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas sa teoretikong patnubay ng Marxismo-Leninismo, at batay sa saligang programa ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Ang ginawa ng mga proletaryong rebolusyonaryo ay hindi naiiba sa ginawa ng mga prinsipal na lider ng Katipunan at rebolusyong Pilipino sa paglalapat ng mga prinsipyo ng rebolusyonaryong demokrasyang liberal sa kongkretong kondisyon ng Pilipinas.
Ang dominanteng kulturang pro-imperyalista at pyudal ay hinamon ng mga proletaryong rebolusyonaryo sa tatlong paraan: pinagtibay ang Marxismo-Leninismo bilang patnubay na teorya; inilapat ito sa kondisyon ng Pilipinas sa pamamagitan ng programa ng demokratikong rebolusyon ng bayan; itinaguyod ang isang pambansa, syentipiko at pangmasang kultura. Hindi nagtagal at sumiklab ang bagong demokratikong rebolusyon sa kultura. Nagkaporma ito na malalaking rali at martsa, malawakang teach-in at dg (grupong talakayan), masiglang pagtataguyod sa pambansang wika, pamumulaklak ng protestang sining at literatura, bagong oryentasyon ng pananaliksik sa lipunan at pagtuturo ng syensya sa hanay ng maraming guro at estudyante. Ang lahat ng ito ay isinagawa ayon sa bagong demokratikong linya. Umalingawngaw ang popular na panawagan para sa isang pambansa, syentipiko at pangmasang kultura. Nanguna sa bagong demokratikong rebolusyon sa kultura ang mga estudyante, lider manggagawa, guro at ibang propesyunal. Nagbuo sila ng mga organisasyon sa Maynila-Rizal at iba pang erya sa lunsod para itaguyod ang bagong demokratikong rebolusyon at likhain ang bagong demokratikong kultura. Kasabay na pinalakas ng mga proletaryong rebolusyonaryong nasa kanayunan ang kanilang gawaing pang-ideolohiya at itinaguyod nila ang bagong demokratikong kultura. Natural lamang na kalahok sila sa pag-aaral ng teorya at pulitika, pero masipag ding nagtatag sila ng mga organisasyong pangkultura sa kanayunan. Maipagpapalagay na ang mga proletaryong rebolusyonaryo ay sumulong sa kanilang gawain sa ideolohiya at ibang gawain sa kultura tulad ng pagsulong nila sa ibang mga aspeto ng gawaing rebolusyonaryo sa kabila ng mga kahirapan sa buhay-at-kamatayang pakikibaka sa pagitan ng rebolusyon at kontra-rebolusyon. Ang mag-usap tungkol sa bagong demokratikong rebolusyon sa kultura na nagtataguyod at lumilikha ng isang pambansa, syentipiko at pangmasang kultura ay pagpapatibay ng mabungang aktibismo ng mga proletaryong rebolusyonaryo sa gawaing pang-ideolohiya at ibang gawaing pangkultura. Pero ang mga progresibong liberal na demokrata ay nagbigay din ng makabuluhang kontribusyon sa mga paghahanda at pagsasagawa ng bagong demokratikong rebolusyon sa kultura. Mahusay na ginunita nila ang rebolusyonaryong diwa ng 1896, pinagbuklod ang mga pakikibakang anti-imperyalista at antipyudal, binaka ang reaksyunaryong katangian ng dominanteng simbahan at ipinagtanggol ang mga kalayaang sibil. Ang mga progresibong liberal na demokrata ay makakapagbigay ng mas malalaking kontribusyon sa bawat mayor na aspeto ng bagong demokratikong rebolusyon kung kakombinasyon lamang ng mga proletaryong rebolusyonaryo. Kinikilala kapwa ng mga proletaryong rebolusyonaryo at progresibong liberal na demokrata na kapag magkasama sila, maipapanalo nila ang bagong demokratikong rebolusyon at malilikha ang pambansa, syentipiko at pangmasang kultura. Sa lakas ng impluwensya ng bagong demokratikong rebolusyon sa kultura, na nagbunsod ng militansya ng malalaking bilang ng kabataang nakapag-aral, marami-raming propesor at ibang mga propesyunal na nakakuha ng mas mataas na pag-aaral sa mga reaksyunaryong eskwelahan sa US at dito, at kahit mga pari at madre ng dominanteng simbahan, ay kumilala ng pangangailangan sa isang pambansa, syentipiko at pangmasang kultura. Ang bagong demokratikong rebolusyon sa kultura ay lumilikha ng sarili nitong mga organisasyon at paraan at kasabay na pinapasok nito at at kinukuha ang mga bahagi ng mga institusyon at prosesong pangkultura na dating ginamit para dominahin ang mamamayan.

Ang Aspetong Pambansa

May pambansang katangian ang bagong demokratikong kultura. Pinanghahawakan, ipinagtatanggol at isinusulong nito ang pambansang soberanya at independensya ng sambayanang Pilipino. Ipinagbubunyi nito ang rebolusyonaryong pakikibaka at mga tagumpay ng bansang Pilipinas. Binibigyan nito ng inspirasyon ang bansa para maikongkreto ang mga mithiin nito at matamo ang mas malalaking tagumpay. Pinapawi ng bagong demokratikong kultura ang kolonyal na mentalidad at nilalabanan ang bawat pananalakay ng US sa kultura. Pinayayabong nito ang patriyotismo, paggalang sa sarili at pag-asa ng bansa sa sarili. Pero laging handa itong matuto at tumanggap ng mga dayuhang bagay na kapaki-pakinabang sa bansa.
Pinipreserba nito at inaaruga ang pambansang pamana sa kultura na niluma na nang husto ng panahon pero bagong nadidiskubre. Hinahangad nitong matuto sa nakaraan para makapagsilbi sa kasalukuyan nang walang pinsala sa hinaharap. Itinataguyod nito ang paggamit ng pambansang lengwahe bilang prinsipal na midyum ng opisyal na komunikasyon, edukasyon at impormasyon. Ang punto ay padaliin ang iisang pag-unawa ng buong bansa. Kailangang wakasan ang pangingibabaw ng Ingles bagamat maaaring manatiling prinsipal na lengwahe ito para sa ugnayang panlabas. Samantalang nagmamalasakit sa pagpapanatili at pagpapaunlad ng modernong bansa-estado, niyayakap, iginagalang at itinataguyod ng bagong demokratikong kultura ang mga lokal na lengwahe at kultura, laluna iyong sa mga pambansang minorya na nagrebelde na dahil sa sobinismo at diskriminasyon ng Pilipino. Sa dami ng mga ito, yumayaman ang kulturang Pilipino. Kailangang tapusin ang kontrol ng US sa mga patakaran sa edukasyon at kultura ng Pilipinas sa pamamagitan ng direkta at didirektang opisyal at diopisyal na mga instrumento tulad ng World Bank. Ang ayudang dayuhan para sa edukasyon ay hindi kailangang magbunga ng dayuhang kontrol sa mga patakaran, pag-iistap, pagbibigay ng iskolarsip at kaloob na pondo para sa pananaliksik, konstruksyon ng mga pasislidad, pagkuha ng mga materyal at nilalaman at produksyon ng mga libro sa edukasyon. Ang mga patakaran sa edukasyon, mga kurso ng pag-aaral at mga libro (laluna sa syensyang panlipunan at araling pangsangkatauhan o humanities) ay kailangang gawin ng mga edukador na Pilipino na lipos ng pambansang diwa at mga makabayang ideya ng bagong demokratikong kultura. Dapat palakasin ang loob at mahusay na bayaran ang mga manunulat ng libro. Kung nambubulok ng isip, dapat pagbayarin ng mataas na buwis o ipagbawal ang lahat ng inimport na materyal sa kultura tulad ng mga pelikula, programa sa telebisyon, libro at mga babasahin at mga katulad nito pati ang mga pangkulturang pagtatanghal na hindi nakakatulong sa pagsusulong ng kultura ng Pilipinas. Ang mga Pilipinong manunulat at alagad ng sining at mga produksyon para sa kultura ay kailangang pagkalooban ng pondo at ibang panghikayat sa pamamagitan ng kanilang mga organisasyon at hindi kailangang papagbayarin ng buwis. Kailangang makapamuhay sila batay sa gawaing pangkultura sa halip na umasa pa sa ibang ikabubuhay. Walang anupamang dayuhang entidad ang dapat magmay-ari ng anumang mayor na daluyan ng komunikasyon, edukasyon o impormasyon. Ipagbabawal ang propaganda sa pulitika ng alinmang dayuhang entidad. Hihigpitan ang superbisyon at kontrol ng komersyal na pag-aanunsyo ng US at ibang mga korporasyong transnasyunal.

Ang Aspetong Syentipiko

May aspetong syentipiko ang bagong demokratikong kultura. Pinagtitibay nito ang syentipikong pananaw at metodolohiya. Binabaka nito ang pro imperyalista at reaksyunaryong mga ideya ng pyudal na metapisika at suhetibismong burgis. Pero hindi ito nagsasayang ng panahon sa publiko kaugnay ng mga debate sa teolohiya at pilosopiya. Nirirespeto nito ang kalayaan sa pag-iisip at paniniwala. At hinahangad nito ang nagkakaisang prente at praktikal na kooperasyon ng lahat ng syentipiko, inhinyero at teknolohista para sa pag-unlad ng industriya at lahat ng aspeto ng inangbayan, mga materyalistang diyalektiko man sila, empirisistang burgis o naniniwala sa bathala. Itinataguyod ang syensya at teknolohiya sa malinaw na layuning paunlarin ang industriya at ekonomya ng bayan. Mabilis na palalawakin ang hanay ng mga syentipiko, inhinyero at ibang teknolohista. Ang kanilang kadalubhasaang syentipiko at teknikal ay gagamitin nang malikhain at produktibo. Hindi na lilimitahan ang kanilang mga prayoridad sa paghahangad ng posisyon bilang mga ehekutibo sa bentahan o menor na teknisyan sa mga dayuhang korporasyong transnasyunal dito at sa ibayong dagat.Pamamahalaan nila ang mga saligang proseso at ang todo-todong konstruksyon. Mabilis na palalawakin ang mga programa sa pag-aaral ng mga saligang syensya, inhinyeriya at modernong agrikultura. Ang mga guro at estudyante sa mga larangang ito ay bibigyan ng mataas na prayoridad at todong suporta kaugnay ng bayaran at pasilidad. Bibigyan sila ng pagkakataong matuto ng
pinakaangkop at pinakabagong mga pagsulong sa syensya at teknolohiya sa ibayong dagat sa pamamagitan ng mga programang palitan ng mga tao at sa pagkakaroon ng bagong kagamitan mula sa ibang bayan. Mangingibabaw sa mga syensyang panlipunan ang syentipikong pananaw at metodolohiya. Ang mga pag-aaral at pananaliksik sa syensyang panlipunan ay ikukonsentra sa mga proseso ng pang-aapi’t pagsasamantala sa iba’t ibang panahon nagdaan at sa mga sirkunstansyang umiral kamakailan lamang o umiiral sa kasalukuyan, at sa mga pakikibaka ng mga api at pinagsasamantalahan para palayain ang sarili. Ang punto ay hindi lamang unawain o bigyan ng interpretasyon ang mga batas ng pagbabago sa lipunan, kundi baguhin ang mga mapang-api at mapagsamantalang kondisyon sa lipunan. Ang mga syentipikong panlipunan ay dapat hikayatin na gawin ang kanilang pananaliksik sa hanay ng mamamayan, at huwag ilimita ang sarili sa pananaliksik sa aklatan. Ang punto ay matuto kung paano babaguhin mismo ng mamamayan ang sariling kalagayan nila para sa sariling pakinabang nang walang mga pabigat na dogmatismo at syentismong burgis at dimakatwirang tunguhin sa pag-iisip at paniniwala sa hanay ng nila. Sa mga araling pangsangkatauhan, parte ng syentipikong pananaw at metodolohiya na alamin at irespeto ang lahat ng mga tagumpay sa kultura ng nakaraan, ipreserba ang mga ito para hangaan o punahin, at pagtibayin ang tradisyunal na mga porma ng kultura para sa pagtataguyod ng rebolusyonaryong ideya at damdamin. Kailangang hikayatin sa bagong mga likha ng sining at kultura at gawain ng kritiko ang realismo sa lipunan, rebolusyonaryong romantisismo, panlipunang pagpuna at ibang malulusog na kaisipan at mga tunguhin sa estilo. Kailangang mabuhay ang malalaking bilang ng alagad ng sining batay sa propesyon nila sa sining sa pamamagitan ng sariling mga organisasyon nila at yunit ng produksyon sa kultura. Ang kalusugan, palaro, libangan at lahat ng ibang programa para sa kultura ay kailangang maituon sa mental at pisikal na kagalingan at kaangkupan ng mga tao para sa rebolusyon at konstruksyong panlipunan. Kailangang lubusang bigyan ng puwang ang inisyatiba at pagkamalikhain ng mga indibidwal at kolektiba sa loob at labas ng mga depinidong programa sa syensyang pangkalikasan, syensyang panlipunan at araling pangsangkatauhan na direktang kaugnay ng depinidong programa ng rebolusyon at konstruksyong panlipunan. Hindi mangingibang bayan ang mga propesyunal at teknisyan ng bayan kung natiyak at napalawak ng pagsulong ng bayan sa industriya at sa lahat ng aspeto ang mga oportunidad para sa kanilang kapaki-pakinabang na pagtatrabaho at pagkamalikhain.

Ang Aspetong Masa

May aspetong pangmasa ang bagong demokratikong kultura. Nagsisilbi ito sa mamamayan, laluna sa masang anakpawis na manggagawa at magsasaka, sa kanilang lahatang-panig na rebolusyonaryong pakikibaka at produktibong gawain. Kailangang matutong bumasa at sumulat ang mamamayan para maitaas ang kanilang sariling kamulatan at kahusayan sa rebolusyon at produksyon. Kailangang palawakin ang sistema ng eskwelahang publiko at kailangang maging unibersal ang edukasyon ng kabataan sa mataas na paaralan. Kailangang maglunsad ng mga kampanya para mapawi ang kamangmangan, at kailangang maging epektibo ang mga ito dahil kaugnay ang mga ito ng rebolusyon at produksyon. Kapag mas mataas ang antas ng pormal na edukasyong natatamo ng tukoy na mga tao, mas lumalaki ang kanilang tendensyang mahiwalay sa masang anakpawis. Para maalis ang lumalaking agwat ng may mas mataas na pinag-aralan at may mas mababang pinag-aralan, kailangan ang walang humpay na pagtataguyod sa rebolusyonaryong diwa na nagbubuklod sa dalawa, at kailangang magkaroon ng praktikal na programa para maihatid sa mamamayan ang direktang serbisyo ng mga nakapag-aral at pati ng mga programang nagtataas ng antas ng edukasyon ng mamamayan na hindi nagkaroon ng oportunidad na makapasok sa mga pormal na eskwelahan. Ang midyang limbag at elektronik ay kailangang gamitin para madala ang kompletong mga kurso sa pag-aaral sa mga hindi nakapag-aral at pati para maipopularisa ang kaalamang syentipiko at teknikal tungkol sa kasalukuyang mga problema sa rebolusyon at produksyon sa lipunan.
Kailangang itaguyod ang makasining at ibang mga pangkulturang likha na may mataas na pamantayan sa kagandahan at sumasalamin sa mga paghihirap, pakikibaka at tagumpay ng mamamayang nagtatrabahao. Gayundin kailangang paunlarin ang maraming alagad ng sining at aktibistang pangkultura para lumikha ng kaya nilang likhain nang ginagamit ang tradisyunal at modernong mga porma. Kailangang magkaroon ng mga kadreng pangkultura na namumuhay kasama ng masa at nangunguna sa gawaing edukasyon at kultura sa hanay nila sa pamamagitan ng mga organisasyon sa edukasyon at kultura. Kailangang magkaroon ng mga kadreng pangkultura na maaaring italaga sa iba’t ibang sentro mula pambansa hanggang munisipal na antas. At kailangang may mga kadreng nagmumula sa mga lokal na komunidad na magtataguyod sa mas mataas na antas ng edukasyon at pagsasanay nila sa layuning magsilbi sa mga ito sa isang takdang panahon.
Ang rebolusyonaryong oryentasyon ng edukasyon at kultura at ang diwa ng paglilingkod sa mamamayan ang motibasyon na magpapanatili ng may kasanayan ng propesyunal at teknisyan dito sa bayan. Habang ang mga motibasyong ito ay naikikintal sa kanila, at disenteng nababayaran sila, ang mga nakapag-aral ay hindi aalis sa bayan para lamang makakuha ng mas mataas na bayad pero daranas naman ng sakit ng pagkadistyero.
Sa proseso ng bagong demokratikong rebolusyon, ang mga kadreng pangkultura ay umuussbong sa mga sentrong lunsod at lokal na mga komunidad sa kanayunan. Magtatagumpay ang bagong demokratikong rebolusyon dahil mahusay na ginagawa ng mga kadreng pangkulturang ito ang kanilang trabaho, pinaparami nila ang kanilang hanay, at mahusay na pinaglilingkuran nila ang sambayanan.

No comments:

Post a Comment