ni Dr. Bienvenido Lumbera
National Artist
Sa panahon ng krisis at karahasan, ang pangunahing bagay na nararapat binibigyan pansin ng mga artista’t manggagawang pangkultura ay ang pagtatambal ng sining at komitment. Mahalagang ang isang artista ay may komitment. Ito ang paghawak sa isang panindigang nakabatay sa pambansang interes.
Saan ba nakaukol ang komitment ng isang artista? Ito ay itinatapat sa krisis na nararanasan.
Sa krisis pang-ekonomya, ito ang pagtaas ng presyo ng bilihin, pagbaba ng sahod at kawalan ng trabaho. Ang artista ay hindi ligtas sa kahirapang nararanasan ng lipunan. Karaniwang nangyayari sa artista ang pang-ekonomiyang kagipitan.
Bago ang Martial Law, kahit papano ay mayroong empleyo ang mga tao sa larangan ng sining, pero sa panahon ng batas militar, sa isang sistematikong pagdidikta ng batas ng gubyerno, lahat ng mga empleyado ay pinagbibintangang “kumikilos”. Marami ang nawalan ng trabaho. Kung may nakapanatili sa trabaho, sila ay araw-araw na minamanmanan. Dito pumapasok ang krisis pampulitika: ang pagdaranas ng represyon.
Ang krisis panlipunan ay hindi lamang nagsimula kay GMA (Gloria Macapagal-Arroyo) . Si Marcos halimbawa, ay naging bulagsak sa paghawak ng pampublikong pinansya. Binigyan prayoridad nito ang imprastraktura para sa mga negosyanteng sa kalaunan ay nagdeklara ng pagkalugi. Nagbunga ito ng malakihang utang panlabas na taun-taon ay lumalaki. Wala namang malinaw na programa paano ito mabayaran at sa aktwal ay ipinasa nga sa mamamayan ang problema sa utang. Magkasalimbayang pangungurakot at kawalan ng katapatan ang sagot dito ng pamahalaan.
Sa panahon ni Cory Aquino, mayroon itong mayamang posibildad at magandang pagkakataon na tanggihan ang panlabas na utang ng bansa. Kinikilala ang administrasyon ni Cory bilang isang “revolutiuonary government” at hawak nito ang kapangyarihang baguhin ang kalakaran. Ngunit sa aktwal, ay hindi ito umaktong rebolusyonaryo. Sa bandang huli, siya ay nanatiling isang haciendera, kabilang sa mga naghaharing uri ng mga negosyante at may-ari ng malalawak na lupain.
Upang hindi mabawasan ang angking kayamanan, idineklara niyang, “Ang Pilipinas ay handang akuin ang lahat ng pagkakautang”. Isa itong malaking kahungkagan samantalang ang tinayong atomic plant noon ay maituturing na isang malaking pagkakautang ng pamilyang Marcos.
Kaya’t nananatili ang patakaran sa budget sa pagbibigay prayoridad sa utang panlabas, kasama ng suportang militar at walang kaukulang pansin para sa serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon, kabuhayan, kalusugan, pabahay, tubig, kuryente. Hindi binibigyan ng kaukulang pansin ang mamamayang patuloy na dumaranas ng kagipitan.
Pagkatapos ng rehimen ni Cory, tinuturing ang panahon ni Ramos bilang “Restoration Period”, panunumbalik daw sa dating kalagayan ng Pilipinas. Sa esensiya at sa aktwal, ito ay panunumbalik ng iilan para sa pang-ekonomya at pampulitikang kapangyarihan. Nanatili ang suporta ng gubyerno sa kapitalismo.
Ang sitwasyon sa ngayon ay tulad ng katatapos lamang na tinatawag na post-kolonyalismo. Batay na rin sa karanasan, ang nilikhang problema ng gubyerno sa ekonomya at pulitika ay naging kontradiksyong hinarap ng mga indibidwal sa larangan ng sining: go to work and follow rules or join the “illegal movement”.
Sa kilusan ng pagbabago, ang gawaing pangkultura ay di hamak na “ligtas na larangan”. Binansagang sa larangang ito ay walang karahasan ngunit sa katotohanan, ang kultura ay psyche ng maraming kontradiksyong maaaring humahantong sa isang pisikal na karahasan, pananakit, pagpatay at pagsugpo.
Dahil ang pinag-uusapan sa larangan ay elite vs pinamumunuan o ang naghahari at ang pinaghaharian.
Kung babalikan ang Martial Law, noon ay tunay na ginamit ng estado ang lakas nito upang ang lipunan ay naaayon sa kagustuhan ng diktador. Ganito ang kalakaran ngayon sa rehimen ni Gloria Macapagal Arroyo: ang pamamahala ay nakabatay sa kayamanan, kapangyarihan, ari-arian at impluwensyang militar.
Evat ang naging tugon ni GMA sa obligasyong pang-internasyunal. Lalong lumala ang problema sa gloria dahil si Gloria ay di nagdala ng gloria.
Sa umpisa pa lang, ang kanyang pagkahalal bilang pangulo ay questionable na. Ginamit nito ang lahat ng rekurso para mahawakan ang kapangyarihan. Ang katotohanan ng Hello Garci tapes ay insidenteng kailangan ipaliwanag sa sambayanan dahil ito ay pagbunyag ng ibayong paglubha ng krisis sa lipunan.
Sa kanyang “sorry”, parang sinabi lang sa mamamayang nagising siya isang araw na nakausap ang isang tao sa COMELEC sa panahon ng eleksyon at tumatakbo siya sa pagkapangulo. Isang malinaw na panloloko.
Palaki nang palaki ang bilang ng mamamayang tumututol sa kanyang pamahalaan. Ang impeachment proceedings ay prosesong hindi nalubos dahil ginamit ng administrasyong GMA ang lahat na rekurso, maging panunupil sa kapwa opisyal sa pamahalaan.
Sa laki at lala ng kanyang kailangang pagtakpan, isang direksyon ang tinahak ni GMA: ang paghasik ng terorismo upang pigilan ang mamamayang lumalaban. Ang Proclamation 1017 ay mapanlilang na patakarang kinopya kay Marcos nang ibinaba ang batas militar sa konteksto ng state of emergency.
Ang panukalang charter change o CHA-CHA ay isang pabuya o pagtupad sa pangako ng pangulo ng bansa, ginagamit na ekstensyon ng administrasyon, para sa mga ambisyosong lokal na mga opisyales.
Sa pamamagitan ng CHA-CHA ay maiiwasan ang pagsusuri ng estado hinggil sa mga usapin at isyu. Ang Cha-cha ay lalong pinapatingkad ng administrasyon upang pigilin ang kilusang GMA ouster. May bagong konstitusyon sa tuwing may pagdeklara ng martial law. Asahan ng mamamayan na ang bagong konstitusyon ay hindi para sa mamamayan.
Ano ang magagawa ng mga nasa larangan ng kultura ngayon?
Maaaring humalaw ang mga artista’t manggagawang pangkultura sa karanasan ng mga nasa larangan noong Martial Law: natuto sila sa pamamagitan ng pakikiisa sa malawakang pagkilos at pag-oorganisa.
Sa ngayon, ang krisis ay lalong lumubha at ginagamitan ng karahasan ng pamahalaan upang maputol o mabansot ang diwang palaban ng isang artista o kaya ay gawing masunurin, umaayon sa pamahalaan ang kanyang sinusulat o nililikha.
Ang artista ay may malayang pasya sa pagpapahayag. Sa panahon ng martial law, dalawa ang lugar ng mga artista sa pagkilos: Isa rito ang legal na pakikibaka sa pamamagitan ng mga likhang kontra sa mapanupil na patakaran ng pamahalaan. Ang isa pa ay ang underground na tinatawag o ang pagpasya ng artistang kumilos nang lampas pa sa paghawak ng lapis o paint brush para maipagpatuloy ang nasimulan at para na rin sa sariling kaligtasan.
Ang anyong pangkultura ay epektibo para patuloy na ipahayag ang panindigang makabayan at makabansa.
Ang awit ay isang anyong madaling palaganapin. Ang awit ni Joey Ayala tungkol sa Sta. Filomena: may bukiring masagana sa bunga ngunit walang pumipitas, “wala nang tao sa Sta. Filomena”. Ito ay batay sa isang aktwal na panghahamlet ng militar sa Davao bilang isang larawan ng kagipitang likha ng martial law. Nasa awit ang alusyon ng taktikang militar at ng pamahalaan sa pagbansag ng isang lugar o probinsiya bilang luklukan ng NPA kaya’t ang mga sibilyan dito ay pinalikas diumano kaya’t napabayaan ang bukirin.
Sa Bangon o Internasyunale, ito ay panunumpa ng mga militanteng me komitment sa uring proletaryo.
Ang dula ay maaaring tahasang umaatake sa pamahalaan at pasismong militar.
Ang dulang Welga! Welga na larawan ng isang militanteng unyon ay nalikha bago ang martial law ngunit ipinagbabawal dahil sa radikal na layunin nito. Ang Juan dela Cruz ay tungkol sa kalagayan ng mamamayan sa panahon ng kolonyalismong Amerikano “para bulabugin ang mga tao at malipol ang mga gerilya”.
Ang tula ay maaaring tahasang maglarawan ng kalagayang iba ang tumutukoy sa aktwal.
Ang artista ay isang bulnerableng indibidwal sa lipunan dahil karamihan naman ay walang malaking kakayahang pang-ekonomiya ngunit ang artista ay di dapat humiwalkay sa lipunan.
Kailangan niyang magpasya. Kailan ka magsisimula? Kailan pa magpapatuloy? #
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment