Thursday, August 9, 2007

Ang Wika ay kasangkapan ng maykapangyarihan:Ang Wika Bilang Instrumentong Politikal

Bienvenido Lumbera
National Artist
Panayam, Seryeng Filipinolohiya DLSU
29 Oktubre 2003

Parang hininga ang wika, sa bawat sandali ng buhay natin ay nariyan ito. Palatandaan ito na buhay tayo, at may kakayahang umugnay sa kapwa nating gumagamit din dito. Sa bawat pangangailangan natin ay gumagamit tayo ng wika upang kamtin ang kailangan natin - kung nagugutom, humihingi ng pagkain; kung nasugatan, dumadaing upang mabigyan ng panlunas; kung nangungulila, humahanap ng kausap na makapapawi sa kalungkutan.

Subalit kaiba sa hininga, hindi likas na bahagi ng pisikal na buhay natin ang wika. Isa itong instrumentong hiwalay sa ating katawan, isang konstruksiyong panlipunan na kinagisnan nating "nariyan" na. Natutunan natin ito sa magulang, pamilya, paaralan at komunidad, at pagdating sa atin, kargado na ng mga kahulugan at pagpapahalaga na galing sa ibang tao, ibang lugar, at ibang panahon. Sa pagtanggap natin sa wika, pumapaloob tayo sa isang lipunan at nakikiisa sa mga taong naroon. Samakatwid, ang kamalayan natin bilang indibidwal ay karugtong ng kamalayan ng iba sa lipunan. Kapag may kapangyarihang sumakop sa kamalayan ng kapwa natin sa lipunan, kasama tayong napapailalim sa nasabing kapangyarihan.

Mula sa paksaing "Wika at Politika," humango ako para sa panayam na ito ng buod na nakasaad sa pamagat: "Ang wika ay kasangkapan ng maykapangyarihan." Ihahanap ko sa ating kasaysayan ng mga halimbawa ang nasabing buod. Sa aking pakahulugan, ang "maykapangyarihan" ay sinuman at alinman na may lakas na pinanghahawakan na nagpapasunod sa tao o nagpapatupad ng balak at layunin. Ang "instrumentong politikal naman" ay mekanismo na kumukuha ng pagsang-ayon ng maraming tao sa mga espesipikong gawaing itinatakda ng maykapangyarihan.

Ang wikang Filipino (sa anyo nitong Tagalog sa maagang yugto ng ating kasaysayan) ay naging instrumentong politikal nang sakupin tayo ng dayuhan noong siglo 16. Ang dumating na mga kolonyalista ay alagad ng dalawang panginoon, ang Monarkiyang Espanyol at ang Simbahang Katoliko. Nauna nang sinakop ng mga kolonyalista ang Amerika Latina, at doon ay natuto sila sa naging karanasan nila sa pagpapasuko ng mga katutubo. Naging madugo ang walang-habas na pagpapasuko nila roon, kaya't nang dumating sila sa Filipinas, ay handa nilang subukin ang "mahinahong" pagpapasuko, lalo pa't maliit lamang ang pangkat nila kung ikukumpara sa mga mamamayang dinatnan nila.

Sa panig ng mga misyonerong kasama ng mga sundalo, ang misyon nila ay ang pagpapalaganap ng relihiyong Katoliko. May pag-aalangan sa hanay nila kung paano ibabahagi sa mga katutubo ang doktrina ng Simbahan - ayon sa paniniwala na naipalaman na ng Simbahan sa Peninsula ang mga banal na aral ng Katolisismo sa kanilang wika, tila wikang Espanyol ang kailangang gamitin sa pagsasalin ng relihiyon sa mga bagong binyagan. Subalit iilan lamang ang mga misyonero at lubhang marami ang mga paganong kailangang agawin sa demonyo sa lalong madaling panahon. Sa isang pagpupulong ng mga pinuno ng mga orden relihiyoso, naipasyang sa mga wikang katutubo gagawin ang pagtuturo ng pananampalataya. Sa kapasyahang iyon, naging instrumentong politikal ang mga wika ng mga katutubo. Ang bawat orden ay nagtalaga ng mga misyonero na ang tutungkulin ay ang pag-aaral ng mga wikang katutubo, at dito lumitaw ang mga pangalang ngayon ay kinikilala bilang mga tagapagpauna sa pag-aaral ng wika ng mga Tagalog -- Francisco Blancas de San Jose, Gaspar de San Agustin, Juan de Plasencia, Pedro de San Buenaventura, Francisco de San Antonio, Domingo de los Santos, Juan de Noceda at Pedro de Sanlucar.

Ang pagsasalin ng mga tekstong Espanyol ay masasabi nating siyang panimulang hakbang sa pag-angkin ng mga misyonero sa Tagalog. Noong 1593, lumabas ang uang librong limbag sa Filipinas, ang Doctrina Christiana. Nasa librong ito ang mga batayang dasal ng Simbahan na isinalin sa Tagalog: Padre Nuestro, Ave Maria Purissima, Credo, Salve Regina atbp. Mahalagang banggitin na ang librong ito ay nilimbag hindi para sa mga katutubo kundi para sa mga misyonerong magpapalaganap ng pananampalataya. Matututunan ng mga katutubo ang mga dasal sa pamamagitan ng tradisyong pabigkas. Ibig sabihin, sa simbahan sa oras ng katesismo, isinasaulo ang mga dasal at paulit-ulit na bibigkasin hanggang ang mga ito ay maging bahagi na ng kamalayan ng mga binyagan.

Sa unang hati ng siglo 17, isang misyonerong nagngangalang Pedro de Herrera ang nagsalin ng mga pagninilay tuwing may Santo Exercicio, na nalimbag bilang Meditaciones, cun manga mahal na pagninilay na sadia sa Santong pag Eexercicios (1645). Nasa anyong patula ang mga pagninilay, dalit ang tawag ng mga Tagalog, at ito ay nagpapakilala sa bisa ng tradisyong pabigkas na inangkin na rin ng mga misyonero upang mapadulas ang pagkatuto ng mga katutubo.

Sa pagsisimula ng siglo 18, isang manlilimbag na layko ng mga Heswita, si Gaspar Aquino de Belen, ang magsasalin ng Recomendacion del Alma ni Tomas de Villacastin at ilalabas ito bilang Mga panalanging pagtatagobilin sa caloloua ng tauong naghihingalo (1703). Ang saling ito ni Aquino de Belen ay katibayan ng masinsinang pagsakop sa kamalayan ng mga katutubo na hanggang sa hukay ay inaakay sa pananampalataya ng mga misyonerong armado ng wikang katutubo.

Nakita natin sa halimbawa ng Meditaciones ni Pedro de Herrera kung paano inangkin ang anyong pabigkas upang maihatid sa mga bagong binyagan ang mga kapaniwalaang Kristiyano. Ang lumang anyo ng tulang dalit ay pinasukan ng bagong nilalaman. Upang ang mga paganong tulang pasalaysay, marahil ay kabilang dito ang nawalang epiko ng mga Tagalog, ay magamit sa ikasusulong ng Kristiyanismo, ang salaysay ng pagsakop ni Kristo sa kasalanan ng sangkatauhan ay iginawa ni Gaspar Aquino de Belen ng mahabang tula na aawitin ayon sa tradisyon ng mga Tagalog. Ito ay ang Mahal na Passion ni Jesu Christong P. Natin na Tola (1703), ang akdang pagsusumundan ng Pasyong Pilapil na hanggang sa kasalukuyan ay inaawit ng mga Filipino tuwing sasapit ang Mahal na Araw.

May mahabang kasaysayan ang tula sa Filipinas, na ang pinagsimulan ay hindi na natin matutunton palibhasa'y kasintanda ito ng tradisyong pabigkas. Subalit ang unang akdang nakasulat sa prosa ay tila nalikha lamang noong siglo 17 at ito ay pamanang kolonyal ng prayleng Francisco Blancas de San Jose. Memorial de la vida cristiana en lengua tagala (1605) ang pamagat na Espanyol ng libro subalit ito ay kinatha sa wikang Tagalog. Nilalaman ng Memorial de la vida cristiana ang mala-sermong pagpapaliwanag sa bawat isa sa Sampung Utos ng Diyos sa prosang batbat ng talinghaga at nagpapamalas ng galing ni San Jose sa paghuli sa estilo ng mga Tagalog. Totoo na ang sinaunang mga Tagalog ay nagsasalita ng prosa sa kanilang pang-araw-araw na pakikipag-usap sa kanilang mga kabaranggay, kaya lamang ang kanilang prosa ay hindi pa isang anyo ng pagpapahayag dahil wala silang imprenta. Si San Jose ang siyang naging unang prosista dahil ang ordeng Dominiko ay nag-aari noong mga unang taon ng siglo 17 ng tanging imprenta sa Filipinas.

Ang kapangyarihan ng mga prayle sa unang yugto ng kolonyalismong Espanyol ay sinisimbolo ng imprenta. Ito ay bagong teknolohiya na ipinasok sa kultura ng mga Tagalog sa pamamagitan ng mga misyonero. Hindi nito nahalinhan ang tradisyong pabigkas ng mga Tagalog kahit pa sa panahon ng Rebolusyong 1896, pero dahil kamangha-manghang teknolohiya ang magsatitik sa papel ng mga salitang dati'y mga tunog lamang, ang imprenta ay nangyaring maging bukal ng lakas ng kulturang dayuhan na ipinatanggap sa mga katutubo.

Magsisimulang bawiin ng mga Filipino sa siglo 19 ang kapangyarihang kalakip ng wikang Tagalog na inagaw ng mga prayle. Sa bagong siglo, ang imprenta ay hindi na esklusibong pag-aari ng mga orden relihiyoso. May naitayo na noong mga imprentang komersiyal, at ang produksiyon ng mga libro ay nakapagpalitaw na ng mga akdang sinulat ng mga katutubo. Ang Florante at Laura (ca. 1838) ni Francisco Baltazar ay isa sa mga akdang iyon. Iilan pa sa panahong iyon ang marunong bumasa kaya't lumaganap ang tula sa pamamagitan ng tradisyong pabigkas at paawit. Sa bawat pagkakataong ito ay bigkasin/awitin sa mga pagtitipon ng mga Tagalog, ang karanasang nilalaman ng tula ay namamahay sa kamalayan ng mga nakikinig at doon ay nagkakaanyong personal at umuungkat sa mga danas at alaala ng indibidwal sa kanyang pakikipamuhay sa ilalim ng kolonyal na pamahalaan. Nag-iba na ang nilalaman ng wikang naririnig at isinasaloob ng mga katutubo na dati'y ang danas na dala ng mga salita ay limitado lamang sa mga sermon at pagninilay. Ngayo'y may pagsusuyuan, pagbabaka at pagtutol sa pagtataksil at pang-aapi. At hindi nag-iisa ang tula ni Baltazar sa paghahatid ng bagong karanasan; may iba pang mga awit na kapanahon ng Florante at Laura.

Ang pagsilay ng Florante at Laura sa lipunang kolonyal ay naghatid ng kapangyarihan sa wikang Tagalog. Gumamit ito ng tradisyonal na himig at ng ritmong pamilyar ng pagtulang Tagalog. Isinunod ni Baltazar ang daloy ng naratibo sa naratibo ng mga romance na mula sa Espanya. Ang mga tauhan ay isinunod rin sa padron ng mga tauhan sa mga romance. Subalit sariling imbento ng imahinasyon ni Baltazar ang kanyang salaysay. Samakatwid, tila gustong ipakita ni Baltazar na kaya rin ng isang indio ang humabi ng tulang maihahanay sa mga tulang pasalaysay na dala ng mga Espanyol. At habang lumalawak ang madlang nakarinig at tinablan ng bisa ng naratibo ni Baltazar, sa pagsasanib ng karanasan ng iba't ibang indibidwal na umangkin sa tula, nagsimulang ituring na isinasatinig ng tula ang hinaing ng mga mamamayang nahihirapan sa pamamahala ng mga dayuhan. Sa ganitong transpormadong anyo tatanggapin ng mga edukadong indio at mestisong tulad nina Rizal at Mabini ang tula ni Baltazar.

Ang kapangyarihang ibinalik ni Baltazar sa wikang Tagalog ay magbubunsod ng hayagang pagtutol sa pagtula ni Marcelo H. del Pilar. Ang "Sagot ng Espanya sa Hibik ng Filipinas" ay hindi na lamang naghahandog ng isang kawiliwiling salaysay at mga pahiwatig. Ang diyalogong nakapalikod sa tula sa pagitan ng Ina at Anak ay umungkat sa mga isyu laban sa mga prayle. May pagtalakay sa tula sa relasyon ng Monarkiya, Simbahan at mga mamamayan. Ito ay tahasang pag-angkin sa kapangyarihan ng wikang Tagalog upang maipaabot sa Monarkiya ang paghihirap na dinaranas ng mga mamamayan. Sa dakong hulihan ng tula, ipinahihiwatig ng Inang Espanya na pulutin ng Filipinas ang mga aral sa isinalaysay na kinahantungan ng mga prayle sa Europa nang maganap ang Repormasyon ni Martin Luther.

Ang Rebolusyong 1896 ay pinasabog ng mitsang sinindihan ng Kilusang Propaganda nina Rizal at Del Pilar. Ang pag-angkin ng kapangyarihan ng wika ay lalong titingkad kung gugunitain ang prosa ng misyonerong Francisco Blancas de San Jose sa Memorial (1605) at itatabi ito sa prosa ni Emilio Jacinto sa Liwanag at Dilim (ca. 1896). Kapwa prosang matalinghaga ang dalawang akda. Ang una ay pagpapaliwanag sa mga kapaniwalaang Kristiyano na ipinatanggap ng mga misyonero, ang ikalawa ay paglilinaw sa mga kaisipang mapagpalaya na ang tinatanaw ay ang pagsasarili ng mga Filipino.
Ang "Pag-ibig sa Tinubuang Bayan" (1896) ay isang pagninilay gaya ng mga pagninilay sa Meditaciones (1645) ni Pedro de Herrera. Ang inihaharap ni Andres Bonifacio sa kanyang madla ay ang kalagayan ng bayang lugmok sa mga kahirapang dulot ng kolonyal na pamahalaan. Sa pamamagitan ng mga ispesipikong halimbawa ng pagkaapi at pagkaduhagi, hinahalukay ng tula ang kalooban ng kanyang mga tagapakinig upang ang mga ito ay makiisa sa paghihimagsik ng Katipunan. Taglay pa rin ng wikang binawi sa mga misyonero ang mga konotasyon ng pagsisisi at pagtangis sa naging bunga ng pagpapabaya ng Kristiyano kay Hesukristo na pamana ng kasaysayan ng wika. Ngayo'y nagiging instrumento ang wika para maihiwalay ang mga Filipino sa mga taliba ng kolonyal na pananakop.

Pagsapit ng 1898, nang ang Filipinas ay sakupin ng mga Amerikano, ang wikang Tagalog ay humakot sa Rebolusyon ng matinding lakas at ito ay ginamit ng mga rebolusyonaryong manunulat sa pagsisikap na maitaboy ang mga bagong kolonyalista. Ang panitikan, ang teatro at ang peryodismo ay nagpamalas ng tapang at giting na nagpasigla sa paglabang gerilya sa kanayunan. Ang unang dekada ng siglo 20 ay kinatampukan ng mga nobelistang Inigo Ed. Regalado at Faustino Aguilar, ng mga makatang Pedro Gatmaitan at Albino Dimayuga, ng mga mandudulang Aurelio Tolentino, Juan Abad at Juan Matapang Cruz, at ng mga peryodistang Lope K. Santos at Pascual Poblete.

Mananatiling sandigan ng lakas ng wikang Tagalog ang Rebolusyon at ang pakikidigma sa mga Amerikano. Hanggang sa kasalukuyan ay pinasisigla ng pinagdaanang kasaysayan ng wika ang paggamit sa wikang Tagalog ng mga manunulat. Subalit sa pagkatatag ng sistema ng edukasyong sa Ingles tinuturuan ang mga kabataang Filipino, may ilang panahon ding naliliman ng wika ng mga bagong kolonyalista ang wikang Tagalog. Ang bagong instrumentong politikal ng mga mananakop ay ang school, paaralang publiko sa simula, at di naglaon, pati na ang mga pribadong paaralan na tumanggap sa wikang panturong dala ng dayuhan. Dahil ito ay nasantabi sa labas ng paaralan, walang institusyong masilungan ang wikang Tagalog. Hindi ito inagaw ng bagong mananakop, itinulak lamang sa laylayan ng lipunang kolonyal. Sa larangan ng paglalathala, nasadlak ang wikang Tagalog sa mga babasahing popular na inaba-aba ng mga edukadong sa Ingles nagbabasa at nakikipag-usap. Sa kabutihang palad, pinulot ito ng bagong teknolohiya ng pelikula at sa pamamagitan ng kamangha-manghang sining ng tinawag na "aninong gumagalaw," pinalakas ito sa hanay ng nakararaming mamamayan hindi lamang sa Katagalugan kundi pati sa iba pang bahagi ng bansa. Subalit ang lingguhang magasin at ang pelikulang Tagalog ay mga anyong popular na sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano ay itinuring na mababang uri ng libangan, kaya't sa kabila ng malaganap ng pagtanggap sa wikang Tagalog sa iba't ibang dako ng Filipinas, nanatili itong walang prestihiyo.

Sa huling hati ng dekada 60, isang kilusang politikal ang pinasilang ng mga kondisyong inihanap ng mga kabataang nasa kolehiyo at unibersidad ng kalutasan. Ayon sa pagsusuri ng bagong kilusan, ang mga kagipitan sa pamumuhay sa bansa ay bunga ng kontrol ng mga dayuhan sa ekonomiya at ng paghahari ng mga mayayamang nagmamay-ari ng malalawak na lupain. Mula sa hanay ng mga lider na naninilbihan sa mga kapitalistang dayuhan at sa mga panginoong maylupa nanggagaling ang humahawak sa gobyerno, at ang mga ito ay nagpapayaman sa pamamagitan ng mga opisinang kanilang inuupan. Hindi sa mga datihan nang naglilider manggagaling ang pagkilos na maglalapat ng lunas sa sakit ng lipunan. Ayon sa mga aktibista ng kilusang makabayan, ang babago sa lipunan ay ang nakararami sa lipunan. May bagong salitang pumasok sa wika, ang salitang "masa," na tumutukoy sa nakararaming hindi isinasali sa paghawak ng kapangyarihan. Ang "masang" iyan na isinisentro ng kilusan ang panggagalingan ng panibagong lakas ng wikang Tagalog bilang instrumentong politikal.

Nakita ng mga lider-estudyanteng naglalayong baguhin ang lipunan na kailangan nilang maka-ugnay sa nakararami, at ang Ingles ay nagiging sagwil sa halip na kawing sa kanilang pakikiisa sa masa. Sa mga kolehiyo at unibersidad, magsisimulang igiit ng mga aktibista na sila ay bigyan ng kakayahang umugnay sa mga mamamayang ang karamiha'y hanggang paaralang primarya lamang ang naabot. Iyon, sa kanilang paningin, ay magaganap lamang kung magkakaroon sila ng kasanayan, kung kindi man katatasan, sa pagsasalita ng wika ng masa. Wala mang patakaran ang mga paaralan para pagbigyan ang hinihingi ng mga estudyante, nagkaroon ng pagbubukas ang mga ito sa pagtuturo na gumagamit sa wikang Tagalog (na noo'y nasimulan nang tawaging "Pilipino").

Sa kasalukuyan, nagkapuwang na ang wikang Filipino sa kurikulum. Hindi pa ito ang kinikilalang wikang panturo, pero may lugar na ito sa school. Nakapasok na sa Akademya ang wika ng "masa." Bagamat ang marami sa mga maykapangyrihan ay nagmamatigas pa rin na sa Ingles lamang magaganap ang tunay na edukasyon ng kabataang Filipino, hindi na naigigiit ang ganyang delusyon nang walang sumasalungat. Napanghawakan na ng kilusang makabayan ang wika ng masa, at wala nang esklusibong kapangyarihan ang mga maykapangyarihan sa wikang inangkin ng kabataan.

6 comments: