Komersalisasyon ng Sining at Panitikan
sa ilalim ng Kapitalismo
Sa panahon ng globalisasyon ay lalong tumitindi ang komersalisasyon ng sining at panitikan sa ilalim ng kapitalismo. Ang nagiging pangunahing pakay ng karamihan na mga publiser, produyser at iba pang nagpopondo sa mga artista at mga manunulat ay kumita ng malaki ang kanilang mga produkto – mga libro, sine, palabas at CDs sa palengke. At ito din ang nagiging layunin ng mga kilalang manunulat, halimbawa, sina Robert Ludlum, Stephen King, J. K. Rowlings at iba pa, kaya binabagay nila ang laman at istilo ng kanilang mga sinusulat sa kung anong madaling magustuhan ng mga konsumer. Sa madaling salita ang komersalisasyon ng sining at panitikan ay pinapababaw ang damdamin at pagunawa ng mga tao sa mga bagay-bagay.Ang pasimuno ng ganitong gawi sa panahon ng globalisasyon ay ang mga kapitalista sa sining at panitikan sa Estados Unidos. Sinasamantala nila ang mga madaling paigtingin na damdamin at tendensiya ng mga tao na mayroon din ang mga hayop, kagaya ng pagnanasa sa laman( sex), biolenteng emosyon, at katakutan (horror) upang kaagad mabili ang mga produkto nila. Kung kailangan ng kaunting imahinasyon ay ginagawa nila yung madaling maintindihan ng madla kagaya ng mga pantasiya (Spider Man, Superman, Lord of the Ring).
Kinakalat din ng mga namamayaning uri sa kultura ang mga heneral na ideya na wala naman batayan sa kongkretong kalagayan ng mga nakakaraming tao. Halimbawa, ang mga idealistang pananaw nila tungkol sa kalayaan, katarungan, pag-ibig, global village at iba pa na lumulutang sa ulap, ika nga.. Kailangan malaman na ang mga heneral na ideya ng tao na pinapairal ng mga naghaharing uri sa nakaraan at kasalukuyan ay kalimitan hango sa obhektibong kalagayan nila, sa partikular, ng kanilang kabuhayan sa lipunan. Halimbawa, ang depinisyon ng kalayaan ng tao ng mga sinaunang pilosopong Greigo nagmumula sa panggitnang uri(Aristoteles) at aristokrasiya(Plato) ay batay sa interes ng kanilang uri. Di ba ayun kay Aristoteles may mga tao na likas na walang kalayaan at ito ay mga alipin na binansagan niyang mga “nagsasalitang kasangkapan”? Di ba sabi ni Plato ang mga magsasaka at manggagawa ng isang lipunan ay di dapat makailam sa pulitika sapagkat gawain lamang ito ng mga intelektwal?”. Ito ay dahil ang mga intelektwal noong panahon na yun na galing sa panggitnang uri at aristokarsiya, kasama na sina Aristoteles at Plato, ay di makakagawa kung anuman ang kanilang kinakaabalahan kung walang manggagawa, magsasaka at alipin sa lipunan..
Ang mga abstraktong heneral na ideya ng mga intelektwal ng mga naghaharing uri sa kasalukuyan ay nagagamit upang pagsamantalahan at pahirapan ang iba. Halimbawa, ang ideyang “demokrasiya” at “kalayaan” na binabandila ni Bush at mga kasama niya sa Iraq ay “halalan” lamang ng kanilang mga sinusuporta at walang saysay sa buhay ng karaniwang Iraqui na ngayon ay lalong naghihirap dahil sa okupasyon na ginagawa ng Estados Unidos sa bayang ito. Lalong tumindi ang kawalan ng serbisyo sosyal para sa mga Iraqui dahil pagkatapos masalanta ang bayan nila nagdatingan ang mga korupt na mga negosyante Amerikano na nakakuha ng kontrata sa kanilang pamahalaan upang itayo muli daw ang mga inprastruktura sa Iraq na nawasak ng bomba ng kanilang hubko.
Mahalaga ipakita sa panahon natin ang tunay na kalagayan ng mga tao na napipinsala sa pagmamayani ng kultura ng komersaslisayon sa sining at panitikan. Kailangan ilantad ang mga mapalinlang na mga heneral na ideya ng iilang nangingibabaw na uri sa ekonomiya at pulitika, kagaya na kanilang mga pananaw sa kalayaan, pagibig at kaganapan ng isang tao. Kailangan ipaalam sa madla na ang ugat ng mga ideya ng mga naghaharing uri na ipinapakalat ng mga binabayarn nilang mga alagad sa sining at panitikan ay naka-ugat sa kanilang kanaisan na panatilihan ang kaugalian ng kanilang uri.
Ang mga problema ng mga myembro ng burgesiya pati na ng mga peti-burgis sa mga kapitalistang bansa ay hindi problema ng bilyun-bilyung tao naghihirap sa gutom at kawalan ng trabaho sa daigdig. Ang hinaing ng kawalan ng kahulugan sa buhay (angst ang tawag ng mga peti-burgis na intelektwal na Aleman, “absurd” ang tawang ng mga Pranses peti-burgis), paghahanap sa sarili (looking for one’s identity ng mga Kanong burgis at peti-burgis) at Freudian problems sa sex ng mga burgis at peti-burgis na nagiging mga paboritong paksa sa maraming manunulat sa Estados Unidos at Europa na kumakalat na sa ilang manunulat sa ating bansa ay di problema o pangunahing problema ng bilyun-bilyun mahihirap ng daigdig kasama na ang mga Pilipino. Imbes na mga problema ng burgesiya ang atupagin natin, isulat natin at ilarawan sa sining ang matinding depresyon ng mga manggagawa, magsasaka at iba pang dehadong sektor sa lipunan kung hindi sila makahanap ng trabaho, ang pagkawala nila ng pagkatao dahil sa nararanasang pagkutya at pangaapi ng mga nakakataas sa kanila at ang iba’t-ibang anyo ng relasyon nila sa ibang uri. Paksain natin ang pananaw sa kalayaan ng mga tao sa gitna ng kanilang kahirapan.
Mga kasama, sa panahon ng krisis at rebolusyon ng isang lipunan kagaya ng dinadaanan natin ngayon, doon lalong umiigting ang mga damdamin at hinaing ng masa. Noong panahon, halimbawa, bago at pagkatapos ng rebolusyon sa Pransiya noong 1789, naglabasan ang mga mahuhusay na akda tungkol sa buhay ng masa sa Pransisya, “Nouvelle Heloise” ni Jean-Jacques Rosseau, “Candide” ni Voltaire, “Les Miserables”(Ang Mga Mahihirap) ni Victor Hugo, at iba pa. At ito ay sa mga nobela lamang. Sa Rusya noong panahon ng kaguluhan sa lipunang ito bago at pagkatapos ng rebolusyong Bolshevik, nalathala ang mga nobela ni Fyodor Doestoevsky tungkol sa kalagayan ng masa “Poor People”, “House of the Dead”, ni Nikolai Gogol “Dead Souls”, tungkol sa korupsyon ng burukrasiya ng pamahalaan ng Czar, at ni Maxim Gorkay “In the Lower Depths”, isang mahabang dula tungkol sa pagkawala ng dignidad ng mga mahihirap.
Masasabi natin na sa ating kasaysayan mismo, noong panahon ng “Propaganda Movement”, na tinatawag ng mga aktibista na “Unang Rebolusyon Kultural sa Pilipinas” bago sumapit at pagktapos ng rebolusyon 1896, naglabasan ang mga nobeleta ni Padre Burgos “La Loba Negra”, tungkol sa pagaabuso ng mga prayle. ni Lopez Jaena “Padre Butod”, isang satirikong akda tungkol sa isang korupt na prayle, mga nobela ni Rizal, mga sanaysay ni M.H. del Pilar at Mabini at tula ni Bonifacio. Sa mga nabanggit, ang mga akda ni Bonifacio at Mabini ang mas malapit sinasalamin ang tunay na damdamin at adhikain ng masang Pilipino noong panahon na iyon dahil nang sumiklab ang rebolusyon, libo-libong Pilipino, ang ilan ay galing sa mga tinatawag na ilustrado, ang sumanib sa himagsikan. Nakalimutan na nila ang paksa ni Rizal at ibang propagandista na gawing probinsiya ng Espanya ang Pilipinas at magkaroon ng representasyon sa Cortes ang mga Pilipino.
Ang layunin namin sa AVHRC ay bigyan ng expresyon ang mga hinaing at ideya ng demokratikong masa ng Pilipinas, ang mga manggagawa, magsasaka at iba pang dehadong sektor sa ating lipunan at di ng kanilang mga nagpapanggap na lider galing sa burgesiya, peti-burgesiya na inaalagaan ng mga dayuhang imperyalista. Ang kultura, sa partikular, ang sining at panitikan, ay kailangan paunlarin ang kakayahan ng masa sa pagunawa ng tunay nilang kalagayan at pagsasalarawan nito sa sining at panitikan.. Nagsimula ang sining at panitikan sa kasaysayan ng tao bilang behikulo ng pagpapahiwatig ng tuwa, kalungkutan at pagkikipagsapalaran ng madla at ng mga indibidwal na naapektuhan ng problema ng lipunan. Ngunit, sa takbo ng kasasayan, sa pag-igting ng pribadong pag-aari ng mga kasangkapan ng produksyon, na-hijack, ika-nga, ang sining at panitikan ng mga kapitalista at ginawang produkto ito na nilalako nila sa kanilang palengke. Ang resulta ng ganitong sitwasyon ay ang kababawan ng kultura ng kinakalat ng globalisasyon ng mga kapitalista. Masasabi na ang napababaw na tao ay madaling lokohin at pagsamantalahan.
Ibalik natin ang sining at panitikan bilang isang paraan ng pagpapalalilm ng pagintindi ng tao sa tunay na kalagayan ng kanilang lipunan. Di namin tinatatwa na may kalayaan naman ang isang manunulat o artista na gumawa ng isang akda na may katuturan lamang sa kanyang sarili o iilang piling tao, halimbawa, ang mga comma poems ni Jose Garcia Villa o ang nonsense poem ni Lewis Carrol na “Jobberwocky”(ngunit kailangan tandaan na ang “Alice in Wonderland” ni Carrol ay isang satirikong kuwento tungkol sa monarkiya ng Inglaterra noong panahon na yun, kagaya ng “Gulliver’s Travels” ni Jonathan Swift). Ngunit, kailangan malaman na ang pagawa ng mga akda na may katuturan lamang sa sarili o iilang tao ay nangyayari sa isang kontekstong sosyal. Kailangan malaman na ibig palaganapin ng mga nangingibabaw na uri ang mga ganitong akda dahil ito’y nakakatulong sa pananatili ng kanilang interes sa kapahamakan ng nakakarami. Ang mga kapitalista ay maaaring suportahin at palawakin pa ang mga akda sa sining at panitikan na walang katuturan sa problema ng isang lipunan, halimbawa, ang sining pantasiya. Sa naghaharing uri mainam na ang mga intelektwal at artista ay walang paki-alam sa pulitika kung saan sila ang naghahari.
Ngunit, pagkinggan natin ang sinambit ni Otto Rene Castillo, isang bantog na manunula ng Guatemala na nanalo ng maraming parangal sa Latin Amerika at sinunog na buhay ng mga reaksyonaryong Hukbo ng bayan niya sa pagsusuperbisa ng CIA pagkatapos mahuli sa isang engkuwentro. Namatay siya sa edad ng tatlong po’t isa noong 1967.
Ayun kay Castillo isang araw darating ang mga mahihirap at magtatanong sa mga intelektwal na walang pakialam sa pulitika:
“Sa araw na yun,
ang mga simpleng tao ay darating,
sila na walang lugar
sa mga aklat at tula
ninyo mga intelektwal na walang paki-alam sa
pulitika
ngunit araw-araw ay naghahatid
ng inyong tinapay at gatas,
ng inyong tortillas at itlog,
silang nanahi ng inyong damit
nagmamaneho ng inyong sasakayan,
nagaalaga ng inyong aso at hardin,
at nagtratrabaho para sa inyo,
at magtatanong sila:
“Anong ginawa ninyo habang ang mga mahihirap
ay nagdurusa, habang ang kalambingan
at buhay
ay dahan-dahan nauupos sa kanila?”
Mga intelektwal na walang pakialam sa pulitika
ng aking bayan,
di kayo makakasagot.
Ang buwitre ng katahimikan
ay lalapain ang inyong kalooban
Ang inyong kahungkagan
ay nga-ngatngatin ang inyong budhi
At di kayo makakasalita
sa inyong kahiyaan.
(Galing sa Tula ni Otto Rene Castillo, “Para sa Mga
Intelektwal na Walang Pakialam sa Pulitika”)
Palaganapin natin ang mga akda sa sining at panitikan na nagsasalamin ng tunay ng kalagayan ng masang Pilipino sa panahon natin ngayon ng matinding krisis na tinatahak ng ating bayan.
Palaganapin ang sining at panitikan tungo sa landas ng pagpapalaya.
Mabuhay kayo!
wow andito pic ni sir ed. sa pagkakaalam ko nobelista din yan si sir ed, pinakita niya samin ang kanyang katha noong nasa kolehiyo pa lang kami. Mga ilang taon lang ang nakakaraan.
ReplyDelete