Thursday, February 8, 2007

Prof. Bienveinido Lumbera

EDUKASYONG PANITIKAN NG MGA PILIPINO
Binigkas sa Philippine Cultural Summit 2006 ng Amado V. Hernandez Resource Center
September 12 – 14, 2006, St. Michael Retreat House, Antipolo City

Magandang umaga po. Bago ako magsimula ipaliwanag ko muna kung bakit pinili kong paksain ay ang edukasyong panitikan, literary education, sa mga Pilipino. Ang kung paano tinulungan ang mga kabataang Pilipino nitong panitikan ay isang paraan upang maging ganap ang kolonisasyon ng mga Pilipino sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano, at ang kolonisasyon na yan ay nagpapatuloy sa ating panahon. Kasi yung kulturang dala ng panitikang Kanluran ay nagkaron ng malalim na bisa sa kamalayan ng mga Pilipinong intelektwal, yung mga nasa akademya, kasi sila ang nagtuturo ng mga panitikan sa ating mga kabataan. Ang aking pag-uulat ngayong umaga o pagdiskusyon ay ang tungo sa paglilinaw kung bakit ang panitikang nililikha ng mga Pilipino ay may ganitong katangian at kung paano sa panahon ng huling pagbangon ng nasyonalismo noong Dekada 1960 ay nagkaron ng pagbabago ang mga nilalaman, pararaan, at layunin ng malikhaing pagsusulat.

Magsisimula ako sa paglilinaw ng wikang pang-turo, na Ingles, ay nagkaron ng impluwensya kung bakit ang mga akdang pinag-aralan ng mga kabataan sa paaralan, mula elementarya hanggang kolehiyo, ay naglalaman ng mga kaisipan, na sa ating panahon at saka mula sa pananaw ng Kilusang Pambansang Demokrasya, ay mga kaisipang reaksyonaryo. Wikang Ingles, ang wikang pangturo. Kaya ang mga akdang binasa ay galing sa Estados Unidos o sinulat ng mga Pilipino na natutuhan ang pagsusulat sa wikang Ingles. At sapagkat ang kanilang pinagaralang panitikan, bilang paghahanda para sila ay maging manunulat, ay ang mga akdang sa kulturang burgis ng Kanluran na lumitaw ay dinadala ito sa mga akdang lumalabas sa ating lipunan, noong sa elementarya, nung matandang subject na itinuturo ay ang Language. Ang tinutukoy ko dito ay ang sistema ng edukasyon sa pagitan ng aking panahon atsaka ang latent. Ang aking panahon ay umaabot ng hanggang 1940 kaya nandun pa ang malinaw na tatak ng kolonyal na edukasyon. Language ang tawag, at ang mga babasahin ay makikita natin, ang mga halimbawa sa mga textbook na inedit ni Cameo Osiyas, tinatawag na Cosiyas-readers, at dito sa librong ito halos ilan-ilan lamang ang mga akdang sinulat ng mga Pilipino o pumaksa sa kultura ng mga Pilipino. Ang mga malalaking bahagi ng seleksyon ay mga galing sa iba’t ibang bansa sa kanluran. Sa makatwid, yung Kosiyas-readers kasi grade four na yata yan nagsimula, yung introduksyon ng ating mga kabataan, tinutukoy ko dito ang mga kabataan na kahit pa noon ay minsan nagiging guro at siya’y humahawak ng posisyon na nagpalaganap sa panitikan, ang mga seleksyon ay galing sa iba’t ibang bansa sa kanluran at ang resulta ang mga kabataan ay itinutok sa kultura na iba sa kulturang kanilang kinagisnan. Sa pananaw ng mga kolonyalista ng panahon na iyon, yon ay upang ang mga Pilipino ay mapasulong tungo sa panahon na sila’y makakaagapay sa kultura ng Kanluran.

Pero kung ating lilingunin yung mga ganong pamamaraan ng pagtuturo ng panitikan, iyon ay isang paraan upang ang mga Pilipino ay maiwalay sa kulturang Rebolusyon ng1896 at ang kultura ng panahon ng pakikibaka ng mga Pilipino laban sa kolonyalismong Amerikano. Sa high school nagsimula ang pormal ng introduksyon sa panunulat. Merong text book na batayan ng pag-aaral. Ito ay English-American writings at English-American literature. Ang mga seleksyon ay hango sa panitikang Inglatera at panitikang Estados Unidos. Kung bakit English and American literature ang introduksyon para sa mga Pilipino na inahahanda para makapagkolehiyo ay unang dahilan ang language of instruction, bilang pangturo, ay Ingles.

Samakatwid, pinakamadaling damdamin, mga galaspag, na sa habang panahon ay hindi nag babago. Importante itong paglilinaw na yung universal at immortal kasi pagdating ng panahon ng aktibismo sasalungat ito ng kaisipan na nagsasabi “ang katotohanan ay hindi nakapirmi, ang katotohanan ay hindi iisa, depende palagi sa konteksto, ang itinatawag na katotohanan.” Pagdating sa kolehiyo, dahil Ingles ang wikang pangturo sa elementarya, high school at kolehiyo, ang sino mang studyante na naghahangad maging guro sa wikang Ingles o kaya maging isang manunulat ay walang medyo mapupuntahan kundi English literature o American literature. Nakakatwa dahil bakit ang isang Pilipino na naghahangad matutukan ang pagbabasa at pagsusuri sa panitikan ay palaging sa American at saka English literature padadaanin.

Ang isang katangian ng panitikang galing sa kanluran ay yung dumating sa pamamagitan ng kursong ang major na English literature o American literature ay yung pagpapahalaga sa indibidwal, pagpapahalaga sa anyo ng pagkakasulat, ang husay ng paglalarawan kapag tuon sa mga pormal na katangian ng panitikan. Sa halip na kung paano ang isang akda ay umaakit sa mga magbabasa na umugnay sa tunay na buhay sa lipunan. Pinalitaw na ang panitikan ay may sariling buhay. Ang panitikan ay hindi laging nakaugnay sa tunay na buhay, na ito ay pwedeng pag-aralan nang hiwalay sa mga nagaganap sa lipunan.

Ngayon, ang unang ganitong introduksyon sa panitikan, ang pagbasa ng mga Pilipino ng panitikan ay hinukob ng kanilang karanasan sa panitikan ng kanluran. Sa halip na ang pagbasa ng panitikan ay isang pag-uugnay ng magbabasa sa buhay sa kanyang kapaligiran, sa buhay ng lipunang kanyang sinilangan, sa buhay na kanyang kinabibilangan. Ang kamalayang umiiral sa hanay ng mga nagpapdalubhasa sa panitikan ay kamalayang hinubog ng kultura ng kanluran. Madalas tawagin ang ganitong proseso na “westernization”, na ang mga Pilipino ay ginawang taga kanluran sa pamamagitan ng kanilang mga pagaaral ng panitikan.

Ngayon ano ang naging bisa nito sa pagsusulat ng mga author na Pilipino at sa pagsusuri ng mga kritikong Pilipino sa romantikang likha sa Pilipinas. Ang panitikan na galing sa kanluran ay panitikan, syempre, na bunga ng karanasan ng mga tao sa lipunan sa kanluran. Maaring merong pagkakahawig ang mga karanasan ng mga Europeo, mga Pranses, Aliman, ng mga Amerikano, mga Ingles, sa mga karanasan ng mga Pilipino. Pero merong simplicity, merong mga partikularidad ang kultura ng mga Pilipino na hindi umaayon sa kultura na kanilang nababasa sa panitikan sa kanluran. Ang pwedeng maging epekto nito ay hangarin ng mga Pilipino na yung kanilang nababasa sa panitikan ng kanluran ay danasin din nila o tularan nila. Maari namang ang epekto nito ay hindi nila nauunawaan kung bakit ganun ang kilos, bakit ganun ang pangdamdam ng mga tao sa panitikang kanluran, mga pinagaaralan. Kabuuan ng arkitektural, nandon ang pagkahiwalay ng mga nagaaral at nagsusulat ng panitikan sa Pilipinas sa aktwal na danas na idinudulot ng mga pangyayari, ng mga takbo ng pagiisip sa lipunan ng mga Pilipino.

Sa kanluran, nung dekada 1940s-50s, even earlier, ay umiral sa kanluran ang panunuri sa panitikan na binansagang “new criticism”. Yon ay kritisismo na sumalungat sa naging kalakaran ng kritisismo sa lipunang Amerikano nung panahon na ang Estados Unidos ay nagdaraan sa tinatawag na Great Depression, nung panahon ng malaking kagipitan ng mga Amerikano. At ang panunuring pampanitikan na naging malaganap sa panahong yoon ay panunuring para tignan pano inimpluwensyahan ng mga kaisipan, mga tunguin ng panunuring pampanitikan sa Unyon Soviet

Ang impluwensya ng Sosyalista at Komunistang kaisipan ay naging bahagi ng kultura ng mga intelektwal sa Estados Unidos noong 1930-1940. Ang hinahanap ng mga kritiko at manunulat noon sa mga akdang nilikha sa kanilang panahon ay yung tinatawag na proletarian: proletarian experience, proletarian characters, proletarian sentiments and so on. Naging malaganap ang ganitong panunuring pampanitikan at nasantabi yung paghahanap ng mga unibersal at immortal na mga katangian ng panitikan. Sa bandang 1940 nagsimula nang magkaron ng malakas na reaksyon ang mga nasa akademya sa Estados Unidos. Sawa na raw sila sa paghahanap ng kaugnayan ng panitikan sa buhay sa lipunan, boring na, kaya ang napagtuunan ng pansin ay ang pagsusuri sa akda upang hanapin kung ano ba ang katangian ng akda na nagbibigay dito ng katawagang artistiko o artistic. So nandoon sa pagsusuri sa porma, sa anyo, pamamaraan. At ang ganitong kritisismo ay nagsimulang tawaging new criticism.

Natapat sa panahon ng Cold War ang ganitong pagsibul ng new criticism. Sa Cold War kasi naging matindi ang kumpetisyon ng kultura ng mga kapitalistang bansa, tulad ng Estados Unidos, Inglatera, at Sosyalistang pagpapahalaga sa karanasang panglipunan. Yung Cold War ay sinabing tunggalian ng dalawang idyelohiya: idyelohiyang Kapitalismo at idyelohiyang Sosyalismo. At sa ganitong tunggalian, sinuportahan ng pamahalaan ng Estados Unidos, sa pamamagitan ng CIA, ang panibagong pagugod sa consciousness o kamalayan ng mga intelektwal sa lipunan. Ang pinakamahalaga ay yung pagsusuri pampanitikan na sinabing paghahanap sa mga katangiang artistiko ng may-akda, yung pagbibigay sa akda ng sariling buhay. Pagkalikha sa isang akda, yon ay nagkakaron ng sariling mundo at hindi kailangan ito ay iugnay sa mundo ng realidad. Sa ganitong pananaw ay naging malaganap, at ang akademya ng Estados Unidos ay nagsimulang maging muog ng new criticism. Kaya yung mga manunulat, kritiko na nagdaan sa unibersidad sa panahong ito ay lubos-lubosang napainugud na maging bahagi ng kilusang new criticism.

Sa Pilipinas nung 1940, ikalawanghati ng 1940, nang ang Pilipinas ay muling sinakop ng Estados Unidos, nagkaron ng programa ang pamahalaang Estados Unidos, sa pakikipagtulungan ng panitikan ng pamahalaan ng Pilipinas, magpadala ng mga intelektwal sa Estados Unidos… Syempre ang layuning itong malinaw ay akitin yung mga intelektwal na Pilipino na umanib sa Estados Unidos. May panglikurang dahilan dito, dahil ang ikalawang bahagi ng 1940 ay panahon ng pagkabalisa ng mga lipunan sa Central Luzon. Lumabas ang impluwensya ng Partido Komunista ng Pilipinas, at bunga ng ganitong kalagayan, nandoon yung posibilidad na yung mga intelektwal, mga periodista; mga author, ay maakit na pumanib sa mga Komunista. Kaya ang programang cultural exchange sa pagitan ng Estados Unidos at Pilipinas ay isang politikal na programa upang ang mga guro, mga manunulat, mga intelektwal ay ipailalim sa impluwensya ng Estados Unidos.

So yung maraming mga manunulat ang ipinadala sa Estados Unidos, nagaral sila para sa graduate degree sa mga unibersidad sa Estados Unidos o kaya ay binigyan sila ng travel grant, nag-obserba sila sa iba’t ibang unibersidad tungkol sa creative writing at nung sila’y bumalik sa Pilipinas syempre sila ay new critics na. Ang mag-asawang Tiempo ay siyang nagpasimula ng new criticism sa Pilipinas. Sila ay nakabase sa … University, at sa pamamagitan ng workshop na kanilang itinayo, ang mga manunulat, mga intelektwal na magiging kritiko ay hinubog sa mga hinubog na mga kaisipan ng new kritisismo.

Sa bandang 1960, nagkaron ng hiwalay na pagsibul ng mga organisasyong pang-kabataan at ang mga organisasyong na ito ay may ibang oryentasyon sa oryentasyon ng akademya. Samantala ang mga nasa akademya ay masiglang nagpapalaganap ng mga ideya ng new criticism. Yung mga organisasyong pangkabataan, yung pinangunahan ng sa simula …, sa UP pagkatapos ng Kabataang Makabayan ay naghimagsik na sa pagtuturing sa panitikan bilang isang hiwalay na larangang ayaw magpakita ng kaugaya nito sa nagaganap sa lipunan . Ngayon, yung issue ng art against propaganda ay naging matingkad sa panahon na ito. Ano ba yung puon ng tunggalian sa pagitan ng sining ika nga at saka ng propaganda? Sinasabi nila na ang sining ay isang larangang malinis, isang larangang dalisay, pure, at ang propaganda ay isang larangan na kataliwas ng sining. Kasi pilit iniuugnay ng propaganda ang sining at ang pagkilos ng mga artista sa mga nagaganap sa lipunan. At saka sa ganung paraan nababahiran ng di kanaisnais na mga katangian ng lipunang kilusan ang panitikan. So pati kahit ang art against propaganda sa taon dekada 1950.

Ngayon sa pagsibul ng mga aktibistang organisasyon, ang mga konsepto tungkol sa panitikan sa unibersidad ay nasimulang hamunin ng mga kabataan, at ang sa paghamon na yan, ang mga kaisipan ni Claro M. Recto ay naging panimula para sa pagbabago sa paningin tungkol sa kalagayan ng Pilipinas. Malakas ang reaksyon ng mga Amerikano sa mga ideya ni Recto na nagdidiin sa pangangailangan ng mga Pilipino na magisip ng hiwalay sa mga Amerikano, at pinatuyan ang lakas ng impluwensya ng Estados Unidos nang si Recto ay magkumandidato sa pagka-presidente. At sa hanay ng apat na kandidato, siya ang lumabas na kulelat nung magkaron ng eleksyon. Ito ay tanging, hindi lamang sa impluwensya ng mga Amerikano, pero nandun rin yung impluwensya ng simbahan na bansag kay Recto bilang isang komunista. Pero hindi na mapigilan ang pagsalungat ng mga bagong kaisipan sa mga ideya ng new criticism. Ang organisasyong Paksa, ay isang organisasyon na tahasang nagpahayag na ang panitikang nililikha ng mga tao…

…tahasan naguugnay sa likhang pampanitikan sa mga nagaganap sa lipunan, para sa kaunlaran ng sambayanan. Merong social mission ang pagsusulat para sa mga kabataan sa Paksa. Yoon ay salungat, syempre, doon sa paniniwalang pinalaganap ng new criticism na hiwalay sa lahat ng mga nagaganap sa lipunan ang isang akdang pampanitikan, sapagkat ang akdang pampanitikan ay sining na kailangang magkaroon ng dalisay na katangian bilang isang likhang pangsining.
Nag-iba ang pagtingin sa panitikan mula ng lumitaw ang Kilusang Makabayan. Ang isang konsepto na lumitaw sa pamamagitan ng panitikan … na paksa panitikang pangmasa, panitikan na ang nilalaman ay hinango mula sa karanasan ng masa at binigyan ng anyo ang sining upang ito ay bumalik sa masa, panitikan mula sa masa, tungo sa masa. May tatlong katangian na hinahanap ng panitakang pangmasa: na ito ay maging makabayan, maging siyentipiko, at maging pangmasa. Syempre ang usaping ng panitikang pangmasa ay malaganap sa mga kabataan sa labas ng unibersidad. Sa loob ng unibersidad ay patuloy pa rin na pinaiiral ng mga guro, at mga manunulat na nasa akademya ay ang mga kaisipan ng new criticism. …

Ngayon siyentipiko, nandoon yung pagtatakwil sa mga pyudal na kaisipan sa mga ideyalistang kaisipan na dala ng imperyalismo at ng pyudalismo. At yung sa pangmasa, ang panitikan ay itinuturing isang paraan upang ang nakakarami sa sambayanan ay mapukaw tungo sa paghahangad na kumilos upang baguhin yung kalagayan na ang mga nangingibabaw sa lipunan ay mga nasa uring elitista. Ngayon, so magkakaron ng pangangailangang baguhin ang mga reaksyonaryong pamantayan na pinalaganap ng new criticism. Ang mga manggagawa, magsasaka, mandirigma na hindi nagdaan sa burgis na pag-aaral ng pagsulat at pagbasa ay siyang nais maabot ng panitikang pangmasa. Kaya yung mga burges na konsepto tungkol sa panitikan, na hindi naman naging bahagi ng edukasyon ng nakararaming Pilipino, ay patuloy pa ring tinuligsa dahil ang mga kaisipan ng burgesya ay sa awa ng panahon ng kolonyal na pagaari ng Estados Unidos ay naging bahagi na ng kamalayan ng mga Pilipino kahit na ang mga Pilipinong hindi nagkaron ng mataas na edukasyon.

Ang isang kaisipan na kinailangan isulong ng Kilusang Pambansang Demokrasya ay yung ideya ng popularisasyon at pagtataas ng pamantayan, popularization and raising of standards, ayon sa pananalita ng Yenan Forum. Ano ba yung kung ang kalagayan ng maraming mga mamamayan ay siningil sila at ang kanilang kaisipan sa pamamagitan ng kolonyal na edukasyon, nandun yung pangangailangan na sila ay maisabay sa pagsulong ng bagong panitikan ngunit pano ito magagawa? Kapagka sa panahon ng new criticism, sinasabi ng mga kritiko “Ang isang manunulat ay lumilikha ng akdang itinuturing niyang sining, at ang mga magbabasa na siyang may tungkuling iangat ang kanyang sarili upang maabot nila ang pamantayang kinakailangan upang mapahalagaan yung akda nung mahuhusay na awtor.” So nandun lagi yung paniniwala na hindi mo sinusugalan ang panlasa ng nakararami, kung ang isang akda ay tunay na mahusay ito ay siyang dapat tangkaing maabot ng mga magbabasa. Syempre sumasalungat ito sa katotohanan, sa lipunang Pilipino na nakararaming mamamayan ay tunay na napagiwanan ng mga sinasabing kaunlaran sa paglikha at pagsusuri ng panitikan. Paano ngayon makakaabot ang mga manunulat sa mga taong napagiwanan ng pagunlad ng intelektwal sa ating lipunan? Palagi bang ang paghahalagahan ay ang likha ng mga awtor at sining ng mga awtor kahit na ang mga nakararaming mamamayan ay walang kakayahang magpahalaga sa likha ng mga awtor na ito. Ito ay isang usapin na naging matindi at may kaugnayan na rin ito sa paniniwala na ang awtor ay merong katayuang nakakaaangat sa lahat ng mamamayan, na ang awtor ay namumukod dahil siya ay isang artista, isang taong makasining at hindi dapat pakialaman ang kanyang ginagawa, ang kanyang paglikha.
Pero sa isang kilusan, hindi mangyayaring iwanan ng mga intelektwal ang nakararami. So umangat yung kwestyon tungkol sa popularisasyon. Ngayon kailangan din maitaas ang pamantayan ng panitikan. Papaano mapagtatagpo ang popularisasyon at ang pagaangat ng pamantayan? Ito ay isang usapin na tinalakay na sa panayam ni Mao Tse Tung sa Yenan Forum. Ito ay naging gabay ng mga aktibistang manunulat na kabilang sa Paksa. Ang edukasyong pampanitikan ng mga Pilipino samakatwid ay nagdaan sa yugto na hinubog ito ng kolonisasyon ng mga … nagsimulang magkaroon ng reaksyon sa dekada 1960 nang ang Kilusang Makabayan ay nagsimulang…

Pero ang mga usapin tungkol sa sining ay nanatiling malaking suliranin at ang naging tunkulin ng mga nasa Kilusang Pambansang Demokrasya ay ihanap ng mga, hindi naman solusyon kundi ihanap ng mga pagsusuri ng pagpapahalaga sa akda bilang isang likha na nag-uuganay sa nagaganap sa lipunan na hindi naman sinasakripisyo ang pagiging sining ng akda. Sa ating panahon, may bago nang yugto na nagsisimulang mabuo sa edukasyong pampanitikan ng mga Pilipino. At ito ay paghahanap ng mga pamantayan na nababagay sa mga akda ng mga Pilipino, nababagay sa kasaysayan ng mga Pilipino, nababagay sa kultura ng mga Pilipino. Sa halip na mga pamantayang hiniram sa mga dayuhan, mga pamantayang minana ng panitikan sa Pilipinas bunga ng edukasyong kolonyal na tumubo sa mga kabataan sa panahon ng kolonyalismo. Paano gagawin ito… pamantayan umakop sa kalagayan ng mga Pilipino. Kakailanganin na magkaroon ng pagkilala sa mga akda na sulat ng mga Pilipino, na pagkilala sa nilalaman nitong mga akdang ito, at pagkilala sa kasaysayang humubog sa mga dangasan.

May mga panimulang paglilinaw kung paano magagawa at ang isang paraan na naiharap na sa mga mambabasa ay yung pagbibigay halaga sa pagtanggap ng mga mambabasa sa isang akda. Mapapansin ninyo na sa kahoy ng mga akdang nilikha sa ilalim ng impluwensya ng new criticism, ang mga mambabasa ay hindi na pinaguusapan, hindi problema ang mga mambabasa. Nawari baga, ang mga babasahin nandiyan lamang, lumilikha ang mga awtor. At pagkatapos malikha yung akda, bahala na ang mambabasa kung paano niya pahahalagahan yung akdang nilikha. Pero, sa isang kilusang makabayan, sa isang kilusang naglalayon na isulong ang pangmasang panitikan, hindi mangyayaring ibukod ang mambabasa at ang impluwensya ng mambabasa sa pagpapahalaga sa isang nilikhang sining. Kaya’t ito ngayon ang siyang hinahayaang pagtuunan ng pansin ng mga kritiko, alamin kung sa paanong paraan mapapahalagahan ang pagtanggap ng mga mambabasang Pilipino sa isang akdang nilikha ng awtor na Pilipino, kung papaano ang likha ay hindi para lamang makabuo ng isang nilikhang sining kundi upang ang isang akda ay makaabot, magkabisa sa kamalayan ng mga mambabasa. Hanggang dito na lamang ang aking pagpapaliwanag sa edukasyong pampanitikan ng mga Pilipino, at nasa hantong na magkakaron tayo ng talakayan pagkatapos..

No comments:

Post a Comment