Mga Kagilagilalas na Pakikipagsapalaran ng Artistang Bayan ng Dekadang 70's at 80's
ni Bonifacio Ilagan
PAGBIBINYAG SA APOY, PAG-AARUGA SA DUGO
Ang dekadang 70 at 80 ay panahon ng sigalot sa Pilipinas. Kabilang sa mga walang kaparis na pangyayaring naganap noon ay ang 14-na-taong batas militar, isang tinatawag na People Power Uprising na nagpabagsak sa isang despotikong gobyerno, isang serye ng mga bigong kudeta, at ang pamamayani ng isang kilusang rebolusyonaryo, na nagsisimpan ng umano’y pinakamatagal na rebelyong komunista sa Asya.
Sa alimpuyo ng mga nasabing pangyayari, isang kilusang pangkultura ang nagpakislot sa kasaysayan. Isinilang mismo bilang rebelyon laban sa dominanteng kultura ng lipunan, ang kilusang ito ay namandila ng mapangahas na pagkilos at masigasig na paglikha -- na kumalaban sa represyon ng estado, paghaharing militar at kaisipang alipin na kung tutuusi’y sintanda na ng panahon.
Ang sulating ito, paglalahad ng isang tuwirang sangkot, ay isang pagsisikap na arukin ang kilusan ng mga artistang bayan sa Pilipinas nang nasabing panahon, at nagtatangka ring maglahad kung bakit maging ang rebelyong ito sa larangan ng kultura ay namamayani.
* Pasintabi kina Katotong Domingo Landicho at Jose F. Lacaba.
BAGAMAN ikinukubli kami ng maliit na apartment mula sa patrulya ng mga pulis at sundalo, mas mabuti na ring iwasang mag-ingay. Mga walo katao kami – manunulat, artista sa teatro, artista ng sining biswal. Bandang 1973 iyon, santaon nang andergrawnd kung kami ay kumilos.
Abala kami sa sambuong araw na talakayan. Lagpas hatingggabi na. Umakyat na kami sa silid ng ikalawang palapag, naglatag ng banig, saglit pang nagbiruan, at mabilis na nakatulog – ngunit mabilis ring nagising. Nagkakaingay ang mga aso sa kapitbahayan. Alam namin, hindi simpleng dumaraan lamang ang taong bumulabog sa katahimikan ng komunidad na iyon sa Quezon City, alas tres ng madaling araw.
Mula sa de-kurtinang bintana, sinilip namin ang mga lalaking suot-sibilyan, may taling panyo sa ulo. Armado sila ng malalakas na assault rifles. Kami nama’y walang armas kahit ano, walang alam sa pakikipagyera, sabihin mang nakapambalibag na kami ng patpat at bato sa ilang demonstrasyon nitong nakaraan.
Takot ang sumaklot sa amin habang pinapanood ang mga lalaking pumupusisyon sa labanan. Napapaligiran na namin kayo, anunsyo nila. Tapos, nag-utos sila para sumuko ang dapat sumuko. Ngunit nakapagtataka: Hindi sa aming panig nakatingin ang mga armado. Ang mga riple nila ay nakatutok sa ibang direksyon. Nakahinga kami nang maluwag nang mapagtanto namin na hindi kami ang target nila, kundi ang kapitbahay naming diumano’y elementong kriminal.
Katunayan, isang bukodtanging lagim ang ipinunla ni Marcos sa buong Pilipinas noong Setyembre 1972. Ayon sa Konstitusyon, hindi uubrang siya ay magtatlong termino bilang presidente, kaya siya’y nagmaniobra ng sitwasyon para mabigyang-katwiran ang batas militar, at nang sa gayon ay manatili sa poder. Bago pa man binasa ni Francisco Tatad ang Proclamation 1081 sa publiko, ang AFP ay larga na pala sa pang-aaresto sa mga lider ng oposisyon, kabilang ang mga nasa militanteng kilusan.
Ipinagpalagay naming kasama sa listahan ng mga wanted ang mga artistang aktibo sa militanteng kilusan. Kaya nga, sa layuning isulong ang gawaing pangkultura sa nagbagong sitwasyon, nag-andergrawnd na kami.
Ang batas militar ang huling raket ng demokrasyang Pinoy na isinilang ng pag-aarugang Kano noong huling bahagi ng dantaong 19. Ang pinakamatibay na resulta ng nasabing demokrasya ay ang akumulasyon ng yaman at kapangyarihan sa sandakot na pamilyang elitistang nakakabit sa pundilyo ni Uncle Sam, habang ang mayorya ng taumbayan ay naglulunoy sa kahirapan. Naturalmente, ang ganoong kaayusan ay napanatili lamang sa pamamagitan ng todong karahasan ng estado upang sawatain ang pag-aalburoto ng taumbayan.
Sa simula
Freshman ako sa UP Diliman noong 1969. Para makalibre sa matrikula, sumali ako sa isang grupong panteatro na ang pangalan ay UP Mobile Theater. Ang guru namin ay si Wilfrido Ma. Guerrero, naging Pambansang Artista. Nangangastila si Freddie, nagsusulat sa Ingles at isinasalin sa Pilipino. Kabilang sa aming repertoire ang isang-yugtong dulang “Wanted: Muchacho” na may mga tauhang Pinoy na sinisiklot ng tunggalian ng palipas na mga kostumbreng Kastila at nauusong kaugaliang Amerikano.
Noong panahong iyon, ang UP Mobile Theater, na nagbabayan-bayan sa pagpapalabas, ay igpaw sa tradisyon ng lehitimong dulaan – dahil, ayon sa turong kolonyal, ang teatro, upang maging lehitimo, ay kailangang ipinapalabas sa mga prestihiyosong tanghalan, gumagamit ng kagalang-galang na wika, kabilang na ang pagiging Ingles.
Ang ganitong artistikong paghuhusga ay nagsantabi sa sining at panitikan ng mga katutubo at ng mga mayoryang grupong etnolinggwistikong Pilipino. Kung ang teatrong Pilipino ay masasabing teatro, iyon ay segunda klase.
Ngunit ang pinakatampok sa akreditasyon ng lehitimong sining at panitikan ay ang kung paanong ang mga iyon ay umaayon at nagpapatatag sa status quo. Ang sining at panitikang umiistorbo sa status quo ay tinatatakang subersibo, gaya ng mga dulang sedisyoso, may kalahating dantaon na ang nakakaraan.
Hamon ng bagong kilusang pangkultura
Kasabay ng pagsali ko sa UP Mobile Theater, may bagong kamulatang nagkakahugis sa kampus – isang aktibismo na nagsasabing ang sistemang panlipunan ang maysala sa siklo ng kahirapan at korapsyon na bumibiktima sa taumbayan. Inusig nito ang isang naghaharing uri at ang patron nitong dayuhan bilang promotor ng paghihirap at nakikinabang sa korapsyon. Iginiit nito ang isang agresibong nasyonalismo, pambansang identidad at tunay na hustisya’t demokrasya. Kung paanong ang aktibismong ito ay mabilis na nakilala sa pagiging radikal, ganoon din iyon kabilis sa pagkabig ng mga disipulo -- isang simulaing naghihintay na maihayag, maiguhit sa kanbas, awitin, isadula.
Noong una ay dula-dulaan lamang ng mga grupong walang pangalang artistiko. Pagkatapos ay nakilala na ang Samahang Kamanyang, Panday Sining, Gintong Silahis, Tanghalang Bayan, Nagkakaisang Progresibong Artista-Arkitekto, Siningbayan, Panulat para sa Kaunlaran ng Sambayanan, Tambuli at iba pang grupong pangkultura sa labas ng Maynila. Kabataan-estudyante ang panimulang kasapian, na naging multisektoral kalaunan. At naganap: Isinilang ang kilusang pangkulturang humamon sa sining at panitikan ng status quo sa Pilipinas.
Ang mga ideya, tema, tauhan at tunggalian ay hinango namin sa pakikibaka at pangarap ng mga karaniwang taong nagpapatakbo ng pabrika at nag-aaruga ng bukirin. Sila ang mayamang bukal ng dramatikong materyal na nagpabulaklak sa aming panulat at pinsel.
Upang mas mainam na lumikha ng sining at panitikan, ang mga artistang bayan ay nakipamuhay sa masa, natuto sa kanila, sumali sa kanilang digma, nakibahagi sa kanilang mga pangarap.
Ang pinagpapalabasan namin ay plasa, patyo, basketbulan, palengke, plantasyon, welgahan, pati ang gate ng Clark Airbase. Ngunit hindi gaya ng dati kong mobile theater na nagtatanghal sa mga komunidad bilang isang outreach program, ang teatro ng kilusang masa ay nagpapapalabas bilang gawi ng buhay. Nagpapatawa rin ang teatrong iyon. Ngunit ang mas matingkad nitong papel ay ang paghimok sa marurungis at di-nakapag-aral upang mag-organisa, at umigpaw sa kanilang kaapihan at pagkaalipin.
Sa pagyaman ng praktika, nagawa naming iangat ang karanasan sa antas ng karunungan. Sa pagyaman ng karunungan, naintindihan namin ang teorya at ang pagpapalawig nito para sa instruksyon at sistematikong pagsasanay.
Harangan man ng sibat
Nakuha namin ang atensyon ng gobyerno, tiniktikan kami. Dumagsa ang mga ulat ng panggigipit. Naroong pigilan kami sa pagpapalabas o pagdaraos ng palihan. O kung nagpapalabas na, biglang mawawalan ng kuryente. O kami’y babatuhin at papuputukan. O aarestuhin. Ang mga ito ay tumindi sa pagbulusok ng kalagayang pang-ekonomya at pampulitika. Ubos na ang argumento ng gobyerno. Ang ipinagdidiinan na lamang nito ay ang panganib ng isang "teroristang planong komunista."
Taong 1971, sinuspinde ni Marcos ang pribilehiyo ng writ ng habeas corpus bilang pasakalye sa martial law.
Ilang buwan bago ang deklarasyon ng martial law, lahat ng organisasyong pangkultura sa teatro, panitikan at sining biswal ay nagbuklod sa isang alyansang tinawag naming Konsehong Tagapag-ugnay ng Rebolusyonaryong Sining (Kontres).
Pagkalipas ng panimulang pagkagimbal sa deklarasyon, pinlano ng Kontres ang pag-angkop sa kondisyon ng batas militar. Kung paanong maiikutan ang batas militar – iyon ang nag-aapoy na usapin. Sinubok namin ang mga dulang iglap. Itinanghal ang mga ito kung saan maraming tao, gaya ng palengke o simbahan kung may misa. Tatlo o apat na aktibista ang gagawa ng eksena na tumutuligsa sa diktadura at mananawagan sa mga tao upang itakwil at labanan ito. Tapos, karipas na sila nang takbo bago dumating ang mga sundalo.
Ang mas nagtagal na paraan ay ang pagbubuo ng mga bagong grupong mistulang inosente, gaya ng isang tinawag naming Babaylan, pangalan ng katutubong pinunong espiritwal. Muling binuhay ng Babaylan ang dramang relihiyoso at ritwal ng masa, na pinalamnan namin ng pagtuligsa sa diktadura.
Mula sa andergrawnd, naglabas rin kami ng mga publikasyong pangkultura na naging daluyan ng rebolusyonaryong sining at panitikan. Hindi miminsang niligalig ng mga iyon ang rehimeng militar.
Paglalaon, ang kilusang antipasista ay pinasigla sa hayag ng mga grupong panteatro sa kampus, gaya ng UP Repertory Company. Kabilang sa mga itinanghal nito ay ang mapangahas na “Pagsambang Bayan” na hayagan kong inialay sa aking kapatid na babaeng artista sa teatro, na dinukot, ginahasa at pinaslang ng militar noong 1977, kasama ng siyam na iba pa. Ang Philippine Educational Theater Association ay tumampok rin sa sunod-sunod na produksyon ng mga dulang kontra sa diktadura. Sa Visayas at Mindanao, naging tuntungan ng gawaing pangkulturang antipasista ang network ng mga simbahan.
Sa kasagsagan ng batas militar noong dekadang 70, binuo ng Kontres ang maliliit na pangkat ng mga manunulat, artista sa teatro at artista sa sining biswal upang ipadala sa kanayunan. Doon, sa piling ng masang magsasaka at katutubo, mas malaya silang nakisangkot sa pagpapaunlad ng mapagpalayang sining at panitikan.
Sa dakilang eksodong ito sa kanayunan, at maging sa kilusang lihim at hayag sa kalunsuran, naging kawangki ang mga artistang bayan sa paglaban sa diktadurang US-Marcos. Di-mabilang ang naaresto, ikinulong, tinortyur, ginahasa, pinatay. Isang henerasyon ng mga makabayan at makamasang artista at manunulat ang lumikha ng tradisyon ng militansya at walang-hanggang paglilingkod sa sambayanan.
Masigabong pag-oorganisa at pagsubok sa estetika
Noong 1981, inalis ni Marcos ang batas militar. Alam ng lahat na kunwari lang iyon, paper-lifting, dahil ang lahat ng presidential decree, general order, at iba pang tuntunin ng batas militar na siya lang ang may gawa ay siya pa ring sinusunod bilang pamantayan ng peace and order at pamamahala. Lahat ng opisyal ng burukrasya na itinalaga niya, laluna ang mga galing sa AFP, ay hindi natitinag sa kani-kanilang pwesto. At – sa kaisipan ng madla, naroong nakatanim na ang kamalayan ng batas militar bilang kalakaran ng pamumuhay.
Gayunman, sinamantala ng mga artistang bayan sa mga komunidad ng buong kapuluan, pati na sa malalayong lalawigan ng Luzon, Visayas at Mindanao, ang pagkakataon upang pag-ibayuhin ang pag-oorganisa at pagtatanghal sa hanay ng masa. Ang dekadang 80 ay kinatangian ng walang humpay na pagbubuo ng mga grupong pangkultura at popularisasyon ng iba’t ibang porma at obrang artistiko sa teatro, panitikan, sining biswal, musika at sayaw, kabilang na ang sa Moro, lumad at sambayanang Cordillera. At maging sa mga pook na naaabot ng mamamatay-taong vigilantes, ang mga artistang bayan ng Mindanao ay nagtatanghal. Gayundin, sinimulang tanganan ng mga artistang bayan, gaya ng mga nasa AsiaVisions, ang teknolohiya ng video para sa ibayong pagpapalaganap ng mensahe ng kilusang mapagpalaya.
Ang bunga ng kambal na dambuhalang pagsisikap sa organisasyon at produksyon ay buong-buong makikita sa kalagitnaan ng dekadang 80.
Noong 1983, ang asasinasyon ni Sen. Ninoy Aquino ay kumumbinsi maging sa mga sumang-ayon na sa "awtoritaryanismong konstitusyonal” na dapat ipagpatuloy ang pakikibaka laban sa rehimen -- bagay na siyang ipinupunto, sapul simula, ng kilusang pambansa-demokratiko. Pagsapit ng 1986, ang daigdig ay sasaksi sa isang penomenon, na tinatawag na People Power, na nagpatalsik sa diktadurang Marcos.
Sa pagluklok sa poder ng gobyernong Cory Aquino, ang mga artistang bayan ay nagbuklod sa isang pambansang network na tinawag naming Bugkos. Ito’y binuo sa panimula, ng mahigit sa 300 organisasyong pangkultura ng mga manggagawa, magsasaka, estudyante, kabataan, maralitang lunsod, katutubo. Pumaloob sa Bugkos ang mga panrehiyong alyansa at network ng Cordillera (Dap-ayan ti Kultura iti Kordilyera), Visayas (Dungog), Mindanao (Mindanao Community Theater Network at Mindanao Council for People’s Culture), Bikol (Kaboronyogan), Southern Tagalog (Makabayang Alyansa sa Sining Anakpawis), Central Luzon (Buslo) at Metro Manila (Sining).
Maging ang iba’t ibang institusyong pangkultura sa Luzon, Visayas at Mindanao ay nagbuo ng isang samahan na tinawag namang Consortium of Institutions for People’s Culture.
Naganap sa Bugkos ang masigabong interaksyon ng mga artistang bayan ng iba’t ibang grupong etnolinggwistiko. Sa kanilang pagkakaiba-iba, pinagtibay nila ang pagkakawangis ng mga pakikipagtunggali ng isang sambayanang naghahanap ng pambansang identidad, kalayaan at demokrasya. Pinagtibay rin ng Bugkos ang pagsusuri na samantalang ang bagong gobyerno ay siya nang namamayani sa estado, ang tinatawag na power relations, at ang sistemang sosyoekonomiko ng lumang kaayusan ay naroon pa rin, namamayani at bumibiktima sa taumbayan.
Nauna rito, ang mga artista at manunulat sa mga komersyal na daluyang masmidya, kasama ang iba’t ibang personalidad sa pelikula, ay nagsimulang maging aktibo sa kilusang antidiktadura. Nabuo ang Free the Artist, Free the Media, na nang maglaon ay naging Concerned Artists of the Philippines.
Pumiling sa masa, tumangan sa ideolohiya
Hindi naging banayad ang paglalayag ng Bugkos. Sa paglawak ng kilusan ng mga artistang bayan, nagsulputan ang samutsaring suliranin. Subalit napatunayan nito na ang ang sining at panitikan ng mga artistang bayan ay makikipagmatagalan lamang sa panahon hanggang ang mga artistang nabanggit ay nasa piling ng kilusang masa. Kapag sila’y nahiwalay sa taumbayang kanilang pinaglilingkuran, mahihiwalay na sila sa realidad at di-malayong maligaw. Ang mga kagilagilalas nilang pakikipagsapalaran ay mauuwi sa kabiguan.
Makikipagmatagalan rin tayo sa panahon kung ang mga artistang bayan ay magpapakatibay sa ideolohiyang pinagmumulan ng karapatdapat na komitment, kapwa sa sining at pulitika. Opo, taliwas sa pagkasuklam sa ideolohiya ng ibang tipong artista, dapat tayong tumangan sa bukodtanging ideolohiyang nagliliwanag sa isip at nagpapatatag ng loob upang patuloy na makalikha maging sa pinakamahihirap na kabanata ng buhay-at-kamatayang pagtatanghal ng ating digma at paglaya. ###
No comments:
Post a Comment