Thursday, February 8, 2007

Prof. Roland Tolentino


KULTURANG POPULAR, IMPERYALISTANG GLOBALISASYON AT GAWAING KULTURAL

Binigkas sa Philippine Cultural Summit ng Amado V. Hernandez Resource Center
September 12 – 14, 2006, St. Michael Retreat House, Antipolo City

Magkalinawan muna tayo. Sino ka ba sa kulturang popular? Ikaw ba ang mangangalakay at basurera sa bundok ng Payatas na handang gumasta ng ilang pisong tinging tipid-load para tignan kung mabuti ang lagay ng iyong mga musmos na anak sa paanan? Ikaw ba ang pumila sa Ultra Stadium isang lingo bago ang anniversary show ng Wowowee para sa pagkakataong maging kontestant—sa pila ka na kumain, natulog, nag-alaga ng anak, at namatay? Ikaw ba ang kabataang nagtratrabaho sa fastfood o call center na nagkaroon ng instant na pang-ekonomiyang kapangyarihan, nakabili ng bagong cellphone, nakatulong sa gastusin sa bahay, pati pag-aaral ng nakakabatang kapatid, at kayang bumili sa nagsulputan tulad ng kabuti na 24/7 na mga outlet ng pang-araw-araw na pangangailangan? Ikaw ba ang manggagawang bumibili ng pirated na DVD player—pinapili ka pa nga ng brand na itatak sa iyong makina--para magpalabas ng isiniksik na siyam na pelikula sa pirated na dividi? Ikaw ba ang anak ng magsasakang sa hacienda sa Villa Escudero, na tumutulong sa pangongopra sa tag-ani at sa ibang panahon ay pinagsasayaw ng tinikling at pandanggo sa ilaw sa resort ng hacienda? Ikaw ba ang muy bueno familia na hindi kukurap sa anumang nais mapasaiyo, madalas pa nga ay ang produkto at serbisyo ang lumalapit sa iyo? Ikaw ba ang intelektwal na nakakabili ng art at cult films sa Quiapo, nakakapag-ukay sa Anonas at Baguio, nakakabili ng segunda-manong mature (mateorya) na libro sa Booksale? At huli, ikaw ba ang aktibistang nakikibaka laban sa imperialismo, burukrata kapitalismo at pyudalismo, gayong sa labas ng publikong politikal ay isa ka rin sa mga naunang identidad?

Paano maging aktibista sa larangan ng kulturang popular? Kung itong politikal na gawain ay nanghihimok ng nasyonalisasyon ng industriya, hustisya sosyal at tunay na kalayaan, bakit naninigarilyo ka pa rin ng Marlboro o Winston, nakasuot ng Levi’s o Wrangler, nakikinig sa alternatibong mga banda, nasisiyahan kapag nakakakain sa Jollibee o McDonald’s at kapag nagmo-malling sa SM, ang entidad na nakaperfekto ng subcontractual labor praktis sa bansa? Madaling sabihin na napakalaganap na ng kulturang popular na hindi na tayo maaring makatakas pa rito. Kung gayon, bakit pa tayo nakikibaka sa pambansa at pandaigdigang antas kung hindi rin pala mapapagpag ang imperialismo at ang kulturang kaakibat nito? Bakit sa hanay ng aktibismo ay nakikita ang politikal at kultural bilang magkaibang spero ng gawain—hardcore at purista kapag usaping politikal, samantalang kontradiktoryo, kundi man hypokritikal, sa usaping kultural. Pwede ka bang maging aktibista na sabayang gusto ang kulturang popular at ang imperyalistang kulturang kaakibat nito, at ang pakikibaka para sa sambayanang inaapi, kung saan integral ang kulturang popular sa pagpapadaloy ng kaapihang ito?

Mag-prayer meeting muna tayo—gunitain ang operasyon ng kulturang popular at matapos, magkaroon ng malalim na paninindigan para sa tunay na kultural na transformasyon ngayon pa lamang. Kung tunay na kaakibat ang kultural na rebolusyon—na oposisyonal na sasagka sa naghaharing elitista, pyudal at kolonyal na kultura—sa politikal na masang pakikibaka, lalo na sa gawaing rebolusyonaryo (literal at figuratibo), hindi ba’t ngayon pa lamang ay sustenidong nagsusulong na ng kulturang nasyonalistiko, syentipiko at makabayang kultura—ang mga salik ng mismong kultural na rebolusyon? Tila ba ibang spero ng gawaing politikal ang gawaing kultural, magkasalikop lamang kapag nagtatagpo sa masang kilusan? Instrumento lamang ba ng gawaing politikal ang gawaing kultural, ginagamit sa politisasyon, mobilisasyon at organisasyon ng masa? Kung hindi, paano ba sisipatin ang gawaing kultural para maging mabisang pwersa, tulad ng politikal na gawain, sa politikal na transformasyon na may relatibong autonomiya ng dalawang mahahalagang spero o ng partikulardad ng gawaing kultural, sa isang banda, at sa kabilang banda ay ang pagkalahatang diwa ng rebolusyonaryong gawain—ang paglulunsad ng rebolusyonaryong kultural na kamalayan sa rebolusyonaryong politikal na gawain na may sabayang pagkabig sa politika at kultura? Maari bang ang politisasyon ay kaabikat ng kulturalisasyon, paglulunsad ng kontra-namamayaning kultura, at politika na rin?

Sa sanaysay na ito, nais kong bigyan-diin ang gawaing kultural sa rebolusyonaryong gawain na sabayang may natatangi at pangkalahatang ugnay sa politikal na rebolusyonaryong gawain—natatangi dahil ang mismong gawaing kultural ay tumutumbas sa relatibong autonomiya ng spero sa pagbabaklas ng namamayaning kamalayan at pagkilos, nakaugnay dahil hindi lalampas sa potensyal ng politikal ang gawaing kultural—nananatiling nakapaloob ang anumang pagtatangkang baguhin ang pangkamalayan sa aktwal na kondisyong panlipunang pinamamayanian ng pambansang saklaw ng tradisyunal na politika. Ang pakahulugan ng rebolusyonaryong gawain ay antitetikal sa namamayaning ekonomiya, politika at kultura ng gobyerno sa partikular, at estado sa pangkahalatan na nagdulot ng mabigat na paghihirap at pambubusabos sa nakararami at nagbiyaya sa iilan, mga pambansang kubrador sa partikular. Ito ay sumasakop mula sa egalitaryong layunin ng burgesyang lipunan hanggang sa aktwal na rebolusyon ng pambansang demokratikong kilusan; kung gayon, mula sa transformasyong reformista hanggang himagsikan laban sa gobyerno at estado. Sa ganitong pagturing lamang maaring baklasin ang kalayaang indibidwal bilang bahagi ng dispensasyong pang-estado sa binibigyan-pribilehiyong ideal na mamamayan at mamimili (consumer), at pagtataguyod ng aspirasyon para sa kolektibong kalayaan ng bansa laban sa tumitikis at umaapi sa nakararami.

May kakatwang puwang ang malawakang pagtanggap sa kulturang popular bilang normal na operasyon ng karanasan sa pang-araw-araw na imperialismo, burukrata kapitalismo at pyudalismo dahil ito ang pangkaraniwang kulturang binabagtas sa kalunsuran at urbanisadong kanayunan. Kung ang kulturang pyudal—direktang dulot ng kawalan ng edukasyon at maledukasyon na nagbibigay-pribilehiyo sa politika at pang-ekonomiyang pamamatronahe ng panginoong maylupa sa periperi—ang siyang humuhubog sa kamalayang pangkultura sa kanayunan, maaring isipin na ang pangunahing humuhubog ng kamalayan sa kalunsuran at urbanisadong kanayunan ay ang kulturang popular—indirektang dulot ng maledukasyon na nagbibigay-pribilehiyo sa politikal at pang-ekonomiyang pamamatronahe ng burgis komprador sa sentro. Bagamat magkasalikop rin ang mga usapin, ang partikularidad ng kulturang popular sa formulasyon ng kultura sa kalunsuran ay simptomatiko ng namamayaning kultura ng elitista, kolonyalista at pyudal. Maari pa ngang isipin, sa implementasyon ng pambansang kaunlaran ng pamahalaan, ang isang pangunahing motibasyon ng mito ng pag-unlad na ipinapalaganap ay ang urbanisayon at kosmopolitanisyon ng bansa: hindi ba’t ang isang marka ng pagiging urbanisado ng lugar ay ang pagkakaroon ng McDonald’s at Jollibee na ang signage ay kasing-taas ng kampanaryo ng simbahan? o ang paghahanay-hanay ng mga bagong tayong bahay at bungalo sa gitna ng di man lang sementadong kalsada ng mga liblib na lugar ay dulot ng informal na recruitment ng mga OCW sa kanilang kapitbahay? o ang ukay-ukay ng brand labels na sinusuot ng mga taong ni hindi man lang kilala ang mga ito?

Ang mga informal na referensya ng di-pantay na karanasan sa kulturang popular ay indikasyon na malaganap na ang kulturang ito sa paghubog ng namamayaning kultura, at kung gayon, ang kulturang binabagtas at nagsusubstansya sa gawaing kultural. Sa pagpapaliwanag kung ano ang kulturang popular, paano ito ginagamit sa pagpapayaman ng namamayaning kultura, at paano rin ito magagamit para sa pagbalikwas ng sarili nitong operasyon sa gawaing kultural ay mga mahalagang usapin para mailugar ang puwang ng sabayan at magkahiwalay na gawaing kultural at politikal sa pagrerebolusyon. Ang rebolusyon ay mahalagang larangan ng literal at figuratibong espasyo ng transformasyong panlipunan. Isinasaad nito ang pangkamalayan at pangmateryal na transformasyon ng namamayaning kaayusang nagdudulot ng napakaraming pang-uri, sexual, pangkasarian, lahi at etnisidad, henerasyon at relihiyosong opresyon sa nakararami at nagbibiyaya sa iilan tungo sa mas egalitaryo, kritikal na publiko, at tunay na demokratikong lipunan. Kung ang namamayaning kamalayan ang nagdulot ng napakarami at napakabigat na bagaheng pinapasan ng mamamayan na nagpapamangmang sa kanila, ito rin ang nagdulot ng imahe at utopia ng rebolusyon bilang paraan ng pagbalikwas sa loob (kritikal na publiko hindi ng civil society kundi ng people’s party at kilusang masa) at labas (aktwal na rebolusyon).

Ang pagsasaalang-alang sa rebolusyon ay naglalahad ng pananaw sa kulturang popular. Walang nasa labas ng namamayaning kultura—kulturang (sa pangunahin) pyudal sa kanayunan at kulturang popular sa urbanisadong lunan. Gayunpaman, tulad ng rebolusyon, ang isinusulong ng gawaing kultural ay pagbalikwas ng namamayaning kultura sa loob (kritikal na publiko ng kilusang masang nagbibigay-diin, sa pangunahin, sa pang-uring politika) at labas (aktwal na rebolusyon, pagtatatag ng sosyalista o kontra-estado ng kasalukuyang lipunan). Sa isang banda, ang sosyalismo ay nananatiling lehitimong utopia sa kasalukuyang dystopia ng masibong korapsyon at paghihikahos; at sa katangian ng utopia, ito ang kolektibong fantasy-ideal kung bakit nanlalaban at nakikisangkot pa rin tayo. Ito o ang wholesale na pagbili sa kasalukuyang predikamento ng kumikitid na panlipuang mobilidad (pangunahin, ang call center at OCW) at ang misrekognisyon na mabuti naman pala ang kolektibong lagay. Sa kabilang banda, ang sosyalismo ang direksyon ng kultural na gawain—pagtutol sa politikal na pagpaslang, sa pagpatay sa mga peryodista, anti-chacha (charter change) at rebolusyon, halimbawa--na nagbibigay-diin sa makabuluhang papel ng people’s parties, kritikal na media, at institusyong nagbabantay at nagtatag ng pambansang soberenya. Ito o ang paglulusaw sa bisyong sosyalismo—kawalan ng kumpiyansa sa progresibong politika, pagsasaalang-alang ng mito ng deglobalisasyon sa edad ng umiigting na neoliberalismo, pagtanggap ng administratibong posisyon sa burukrasya ng kasalukuyang pamahalaan--at kung gayon, pagpapaluwang sa espasyo ng kolonyal at elitistang demokrasyang puno’t dulo ng pagsustina sa pang-ekonomiyang paghihirap ng sambayanan.

Pinangungunahan ko na ang aking argumento. Magsimula tayo sa ilang matingkad na katangian ng kulturang popular, kung paano ito nagnonormalisa ng namamayaning kultura. Maglalahad ako ng apat na tesis tungkol sa kulturang popular sa namamayaning kultura at ang gawaing kultural. Kaiba ang usapin ng kulturang popular bilang aparato ng paghahari ng estado at pagbabalikwas nito ng kontra-estado. Nanghihimok sa gamit ng dahas, hindi aktwal na gumagamit ng dahas ang kulturang popular. Ang sanaysay ay tatalakay sa magkakasalikop na usapin ng kulturang popular dulot ng pag-igting sa kita ng kulturang industriya sa panahon ng imperyalistang globalisasyon. May apat akong nakikitang bahagi ang papel: una, komodifikasyon ng luho bilang pangangailangan; ikalawa, ang tunay (real) at politikal; ang intelektwal na gawain; at ang kultural bilang politikal na gawain. Tatalakayin ko ang usapin ng resureksyon ng Wowowee sa telebisyon, ang proliferasyon ng cellphones at text messaging, ang dominasyon ng Hollywood at ang pag-unlad ng dokumentaryong kolektibo (Sipat/Kadao/ST Exposure), at ang digital film movement ng kasalukuyang panahon bilang paraan ng pagpapalawig sa apat na paksa. Nilalayon ng papel na linawin ang usapin ng kulturang popular bilang insidente ng panghihimok ng negosyo at estado sa naghaharing kaayusan, at ang lalo pang pag-igting ng pagnanais kumita sa edad ng lumalawak na kahirapan sa panahon ng imperyalistang globalisasyon. Nilalayon ding linawin ng papel ang halaga ng kulturang gawain para sa politikal na pagbabago.
Kulturang Popular at Normalisasyon ng Global na Kasiyahan.

Kapag iniisip ang kulturang popular—ng nangangalakay na nanay sa itaas ng bundok ng basura na ginagamit ang kakakurampot na kita para makapagtext sa anak sa bahay sa paanan ng bundok o sa panonood ng romantikong pelikula, halimbawa—ang isinasaalang-alang ay ang relief, na nakakain na ang mga bata at ligtas sa peligro, o ang temporal na pagkalimot ng sariling pagkatao sa sine para tunghayan at pangibabawan ng pagkatao ng mga bida. Hindi naisasaalang-alang ang kakulangan, kung gaano kasaid ang buhay sa paanan at ibabaw ng bundok, ng abang pagkataong pinagkakaitan ng marami pa ring panlipunang oportunidad sa dilim o liwanag man, sa loob at labas ng sinehan. Ang realisasyon ng kakulangan ay isang politikal na muestra, parang pagtataas-kamao, parang automatiko pero may paninindigang politikal—sabayang reafirmasyon sa realisasyon ng kasalatan at ang posibilidad ng transformasyon sa pamamagitan ng pag-igpaw sa sariling predikamento. Kapag narealisa ng isang tao na siya ay salat, may siwang na pamandaling bumukas para sa politikal na interbensyon—naigpawan na niya ang pagtanggap sa inakalang normal na kalagayan, namarkahan bilang kulang, at nanghihikayat na punan ng ibang larangan.

Kung walang politikal na organisasyon sa lugar, kagyat na nagsasara ang siwang na ito, babalik sa normal na dati. Pero hindi tulad ng lingab, hindi ito naghihilom. Parati itong nagmamarka ng kasalatan at ng salat na indibidwal. Maging ang pagtunghay sa sarili bilang salat ay maaring maging normal, tulad ng normalisadong dysfunctionality--may mali pero bahagi ang sablay ng katanggap-tanggap na normal dahil walang ibang naalok na lagusan. At ito ang kapangyarihan ng kasiyahan sa pasakit at pighati, kayang lunukin ng nauna ang huli bilang mismong relief sa aktwal na karanasan sa huli. Hindi katulad ng realisasyon kapag alam mong inaapi ka na, opresibo na ang kondisyon ng iyong paggawa at buhay, hindi ka masaya dahil hindi kasiya-siya ang kondisyong. Pwede kang maging masaya kahit na malungkot ka, napapangibabawan ng kasiyahan ang paghihirap. Kung gayon, ang kasiyahan sa hanay ng naghihikahos ang muestra o manifestasyon ng kanilang relief sa abang kalagayan. Kakatwa ito dahil ang mekanismong sikolohikal—paghahanap ng relief sa gitna ng masibong anxiedad o pagkaatake sa sarili--ay nagiging pagsipat sa pang-araw-araw na buhay sa kasalatan. Iba rin ang turing ng gitnang uri sa kasiyahan dahil reafirmasyon ito sa karanasan ng kanilang uri, ang uring ginagawang batayan ng kulturang popular. Kung magsha-shopping ang gitnang uring indibidwal, kinokonsumo niya hindi lamang ang karanasan ng pamimili kundi ang aktwalisasyon ng ethos ng kanyang uri—nakakapamili at hindi nangangalakay, may kapasidad magdesisyon sa bibilhin, may pang-ekonomiyang kapangyarihan, may politikal na karapatan habang namimili, at iba pa.

Kung mahirap ang nakakagawa ng akto ng panggitnang uri, ito ay pagdanas ng lampas at labis sa kanyang uring pinagmulan. May bumubukas na siwang, at ito ang siwang ng uring kasalatan sa kanyang pinagmulan at kalabisan ng kanyang tinatangkang mapantayan, at sa pagitan nito, ang misrekognisyon na kabahagi na siya ng lampas sa kanyang uri. Ang kakatwa rito, sa kasalukuyang proliferasyon ng kulturang popular, ang mahirap ay parating nasa ipinapadanas ang pang-uring siwang. Sa bawat pagmo-malling, panonood ng telenovella at dividi, sa paglalakad lamang sa kalye, kahit pa pamamalimos ng paslit sa nakaabang mag-go na kotse, maging ang nanay na nangangalakay ng basura ng Jollibee o ang pag-uukay-ukay, hindi maiiwasan ang normalisasyon ng panggitnang uri bilang panuntunan ng pagkamamamayang buhay. Natutunghayan ng mahirap ang mga produktong abot-tanaw, abot-pangarap dahil salamin (sa pagitan ng di bumibiling maller at produkto ng tindahan, o ng namamalimos sa driver ng sasakyan) o dukwang (ng nangangalakay ng tira-tirang pagkain sa fastfood) ang pagitan, o ito nga lang ba? Hindi ba’t kosmos ng kontradiksyong panlipunan, historikal at modernidad ang pagitan ng gitling?

Walang nangarap nang mas mababa sa kanyang uring pinagmulan. Ang tunguhin ng panlipunang mobilidad ay mas mataas kaysa sa aktwal na kalagayan. Hindi ito hiwalay sa pambansang kalagayan sa malawakang kahirapan at iilang karangyaan: “In 2003 per capita gross income was US$1,090, below the $1,390 average for lower-middle-income countries. Refelecting regional disparities, in 2003 11 percent of Filipinos lived on less that $1 per day and 40 percenton less than $2 per day, according to the World Bank.”[1] Tinitiyak lalo ito ng karanasan sa kulturang popular. Nililikha ang kasiyahan bilang normal pero normal na ideal na antas, tinitiyak na hindi aktwal na maabot ng nakararami gayong binibigyan ng aproksimasyon para sa nakararami, parang abot-tanaw lahat ng nakakataas na uring pangarap—parating karatig-hapit kahit pa magkaibang mundo ang pagdanas sa mga ito. Nagagawa ito sa pangunahin ng kulturang popular dahil ang direksyong pinaghahalawan at tunguhin nito ay sa global na pamuntunan. Global ang karanasan sa hamburger (McDonald’s at Jollibee), theme park (Enchanted Kingdom at Disneyland), mall (Robinson, SM at Glorietta), mass transportation (MRT, LRT, LRT2), cell phone (Globe at Smart), panlalakeng underwear (Bench) o pambabaeng underwear (Herbench), halimbawa dahil nakamit ng mga ito ang panuntunan ng pwersa ng globalisasyon—mataas na kalidad ng produkto, kapasidad na makapanghimok ng malaking premium sa tunay na halaga ng produkto sa pamamagitan ng kapani-paniwala at nabibiling kwento ng produkto at ng dating (affect) nito, tungo sa pagiging komoditi (produkto plus premium/kwento) at komodifikasyon nito (ang tao ba ang fetishistikong humuhulma sa produkto o ang produkto na ang humuhulma ng tao? Noong 2003, ang Pilipinas ay mayroong 11.5 milyong radio, 3.7 milyong telebisyon, 3 milyong landline at 1.5 milyong computer kahit pa limang milyon lamang ang may access sa internet, 85 porsyento ay umaasa sa dial-up connection.[2] Sa limitadong akses sa komunikasyon at media, bakit nangangarap ng labis?

Ang matingkad na katangian ng global ay ang kapasidad nitong magbenta ng erotisadong kwento, may lahok ng sexual na nasa at kasiyahan sa reafirmasyon ng uring nais o aktwal na kinabibilangan. Ang Bench ay taunang nagtatanghal ng pagdispley ng mga produktong pangkatawan (mismong briefs at ang katawang nakasuot nito) sa one-night event nito. Maging ang pagkain ng Jollibee at McDonald’s na gumagamit ng musmos ay reafirmasyon ng sexual na nasa ng gitnang uring nakakatanda na dulutan ang mga walang kapangyarihang indibidwal ng gratification sa akto ng pagbili at pagkonsumo ng hamburger at iba pang produkto ng fastfood. Bahagi ito ng gitnang uring heteronormativity--pagbibigay pribilehiyo sa rekurso ng heterosexualidad bilang normal na kalakarang panlipunan—na nakasentro sa pamilya at sa lalaking breadwinner. Ang MRT, branch ng McDonald’s sa Angono, Coke na nabibili sa Sagada ay global sapagkat ito ay kahalintulad ng produkto at serbisyong matutunghayan sa iba pang bahagi ng mundo—parehong quarter-pounder (presentasyon, sangkap at maidadagdag na langkap) sa parehong kapaligiran (ilaw, muwebles, lamig, amoy) sa parehong serbisyo (paraan ng pagluluto, pagbati at pagkuha ng order ng crew, pagluluto sa kusina, bilis ng pag-deliver ng order). Kaya kapag sinabing McDonald’s, ang katumbas na kwentong ipinagbibili nito sa premium—malaking lampas sa tunay nitong halaga—ay fastfood, Bench ay sexy underwear, Coke ay real thing, Mercedes Benz ay luxury, Palmolive ay makinis na balat, Sunsilk ay malasutlang buhok, Colgate ay maputing ngipin, at iba pa. Ang kwento ang buod ng partikular na pagnanasa, at ang pagiging brand ng produkto—ang pagkakaroon nito ng mabentang kwento sa likod nito—ang siyang mas mahikal na nagtratransforma sa hilaw na materyales (isda) hindi na lamang tungo sa pagiging produkto (malambot na sardinas na walang mga ulo’t lunod sa sarsa, nagsisiksikan sa lata) kundi sa pagiging komoditi nito (Century Tuna na naglalaman ng omega na mabuti para sa puso sa senior citizen o Century Tuna ginataan flavor sa panlasa ng Bikolanang OCW sa Tanzania).

Sa mahika ng transformasyon, ang nawawala—kahit pa man sa antas ng produkto—ay ang lakas-paggawa. Tila bigla na lamang lumukso ang mga walang ulong isda sa maliit na lata! Nawala ang mangingisda at manggagawa. Kagyat na lamang nagsulputan ang mga lata sa groseriya. Sa antas ng global brand, kahit pa harap-harapan na ang subcontractual na empleyado sa pagkuha at pagluluto ng order at paglilinis ng pinagkanan, nakakayanan na natin siyang gawing invisible. Hindi ito tao, hindi ito manggagawa, ito ay bahagi ng aparato ng mismong global na establisyimento—nandoon pero wala, lahat ay nasa anino na lamang ng arko ng global na komoditi. Kaya nga kung matagpuan ng mamimili ang sarili na napuwesto sa tabi ng salamin at mayroong paslit na yagit na namamalimos sa kabilang panig, hindi ito nadidisoryento dahil malinaw ang prioridad ng panggitnang uring mamimili—ang makonsumo ang kanyang pinapangarap at pinaghirapang kitain-para-mabayaran na hamburger. Makakain pa rin ito kahit na nasa gitna siya ng isa sa pinakamarahas na eksena ng tunggalian ng mga uri. Ang pagkain niya sa fastfood ang kanyang piniling katotohanan at tunay, ang paslit ang aparisyon ng tunay. At tulad ng mga aparisyon, sa pang-araw-araw natin pagtunghay sa kahirapan o mga birheng nagpapakita, hindi na ito nagiging kakatwa dahil wala nang irony rito. Ang pagdanas sa trahedya bilang hindi trahedya ang mismong trahedya ng kalakarang makakita ng kapangyarihan ng diyos sa pang-araw-araw.

Simula 1980s, ang pressure ng International Monetary Bank at pamahalaan ng U.S. na mag-deregulate at i-privatize ang sistemang media at komunikasyon, at ang pagpasok ng satellite at digital na teknolohiya, ang nagresulta sa pagsulpot ng higanteng transnasyonal na media.[3] Ang pandaigdigang sistemang media ay pinamamayanian ng siyam na higanteng korporasyon na kabilang sa unang nakakataas na baiting; ang lima sa pinakamalaki ay Time Warner (1997 sales, $24 bilyon), Disney ($22 bilyon), Bertelsmann ($15 bilyon), Viacom ($13 bilyon) at Rupert Mudoch’s News Corporation ($11 bilyon).[4] Noong 1990, 15 porsyento ng kita ng Time Warner at Disney ay galing sa labas ng U.S., noong 1997, ang kita sa labas ay mga 30 hanggang 35 porsyento.[5] Ang kinalabasang higanteng korporasyon sa media ay nakalahok sa maraming industriya ng media—ang ginawang pelikula ng media ay ipapalabas sa kanilang sinehan, at mayroong soundtrack mula sa recording studio, may spin-off na TV show, video games, amusement park na sakay—na hindi kakayanin ng mga korporasyong walang conglomerated holdings.[6] Ang nalilikhang produktong media ay nag-uumapaw sa “hyper-commercialism” o “veritable commercial carpetbombing of every aspect of human life.”[7] Ika nga ng C.E.O. ng Westinghouse, “We are here to serve advertisers. That is our raison d’etre.”[8] May rekurso rin sa imperialistang diskurso ang lohika ng pagpapalaganap ng serbisyo ng media conglomerates, ika nga ng Presidente ng HBO si Jeffrey Bwekes na ang global na paglaganap ng HBO ay “manifest destiny,” tulad ng afirmasyon ng pananakop ng Pilipinas sa Amerika sa nakaraang siglo.[9]

Hindi kakatwa na ang media sa Pilipinas ay kabahagi ng susunod na mga negosyong na bahagi ng kasalukuyang round ng neoliberalisasyon. Kasama ng edukasyon at kalusugan, ang media ay ang isa pang negosyo na tinatarget simula pa sa panahon ni Fidel Ramos na iamenda ang Konstitusyon para makapasok ang dayuhang pag-aari. Sa Medium-Term Philippine Development Plan (MTPDP 2004-2010), ang isa sa mga intension ay pahintulutan ang dayuhang pag-aari ng mga domestikong negosyo na ipinagbabawal ng 1987 Constitution.[10] Bahagi ng mga target pang-ekonomiko ng MTPDP ay ang mga sumusunod: “1) raising the economic growth rate to 7 percent by 2009; 2) reducing the poverty incidence from 28.4 percent of Filipino households to 17.0 percent by 2010; and 3) creating 1.5 million jobs annually.”[11] Inaasahan na sa pagbubukas ng mga negosyo, tulad ng media, sa dayuhang pag-aari na makakamit ang mga pang-ekonomikong target. Pero gaya nang nabanggit ng peryodistang Luis Teodoro, “There’s another objective missing from that list: the making of a compliant media.”[12] Sa pamamagitan ng pagbubukas ng pambansang ekonomiya sa dayuhan, kasama na ng malaki at patuloy na dumarami ng bilang na pagpaslang sa peryodista sa bansa, nahihikayat at napipilit ng pamahalaan na gawing sunod-sunuran ang media. Wika pa ni Teodoro, “The dominance of trivia and avoiding critical reporting or comment on the public issues that are of concern in the Philippines would not only be contrary to efforts to make journalism more meaningful in this country. It would also be no less a Godsend to this as well as future governments.”[13]

Ang nangyayaring pagiging sunodsunuran ng pambansang pamahalaan sa pwersa ng neoliberalismo ay hindi lamang nagbubuyanyang sa kasiyahan bilang katampukang dating kundi pati na rin ng paglalahad ng depolisadong ideolohiya ng pagiging masunuring mamamayan. Wala nang papalag dahil sino ba ang ayaw manood ng D.C. superhero na naging big-budgeted Hollywood film, o ang hindi na bibili ng kiddie meal ng fastfood na may kasamang figura ng karakter sa pinakabagong animation feature? Ang masunuring gitnang uring mamamayan ay nakakakonsumo kaya nagiging kwalipikadong mamimili, hindi lang maller, at mayroong politikal na kapangyarihan, nakakatimbang ng pagpipilian at nakakapili sa pang-indibidwal at kolektibong disposisyon. Mayroon siyang kapangyarihan sa kultura dahil kasapi siya sa komunidad na may rekognisyon sa brand, paraan ng pagdanas nito, at pagpapatuloy ng produkto sa iba pang karanasan sa kulturang popular. Para sa kanya, sapat na ito.

Noong unang panahon, nag-uusap ang magkakalayong tao sa pamamagitan ng sulat, o kung may emergency, ng telegrama. Kung papalarin, matapos ng sampung taong pag-aantay ng linya, nakakapag-usap ang mga tao sa teleponong monopolyo ng PLDT. Ngayong halos kulang sa kalahating Filipino ay may cell phone, anong ganda ng pagbubukang-liwayway! Mula sa panahon ni Marcos, ang anim na diyaryo sa Manila ay naging 12, ang tatlong estasyong pantelebisyon ay naging anim.[14] Labindalawang taon matapos ang People Power 1, may 156 na estasyong pantelebisyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa, 402 na estasyong radio, 25 na diyaryo na may pambansang saklaw na hindi lalampas ng apat na milyong sirkulasyon bawat diyaryo, at higit sa 200 na lingguhan o dalawang beses-isang buwan na diyaryo.[15] Noong 1980s, ikatlong bahagi lamang ng mga bahay ang mayroong telebisyon; noong 1997, sinasabing 87 porsyento ay nanonood ng telebisyon, 97 porsyento sa Metro Manila.[16] Tinatanya na kalahating milyong telebisyong ang binibili taon-taon noong 1990s.[17] May kalahating milyong subscribers ang SkyCable, pag-aari ng pinakamalaking media conglomerate ABS-CBN, 60 porsyento ng cable market na inaasahang madoble matapos ng limang taon.[18] Noong 1996, binili ng PLDT na may hawak ng 45 porsyento ng landlines ang pinakamalaking internet service provider sa pananakot dito na puputulan ng linya kapag hindi ito pumayag sa pagbebenta.[19] Ang isang resulta ng convergence ng media, ayon kay Sheila Coronel, ay “it will provide a backdrop that will allow foreign firms to own media networks. Most of the new telephone ventures set up since 1992 involve foreign capital.”[20] Samakatuwid, kahit hindi pa naamenda o nababago ang Konstitusyon, may ilang maniobra na ng pagpasok ng dayuhang pag-aari sa pambansang negosyo na lalo lamang iigting sa mas malawakan pang kontrol kapag nabago ang Konstitusyon.

Ang pangunahing motibasyon ng dayuhang industriya ng kulturang popular at media ay magdulot ng kasiyahang mabebenta nang may premium. Kaya mas matindi ang kasiyahan, mas mabenta ang produkto, mas nagiging transformatibo sa komodifikasyon ng produkto at ng mamimili. Kung mas matindi ang pagtataya sa kasiyahan, mas matindi ang pagtatago sa pasakit at pighating nagkukubli sa at pinagtutuntungan ng kasiyahan. At kung magpaganito, mas depolisado ang ipinapalaganap na ideolohiya ng estado at negosyo (mutlinasyonal na kapital at kubrador nito sa uring burgis kumprador): mas nagiging katanggap-tanggap ang pinakarumaldumal na karanasan sa politikal na pagpaslang, ng lumalawak na paghihikahos at kamangmangan, ng korapsyon at pamamaluktot ng politika sa personal na interes, ng pagsasanla ng intelektwal at artista sa pinamalaking makakapagbayad, ng mga telebiswal na trahedya ng kontestants na namamatay sa stampede at pagka-promote sa heneral na berdugo ng mga aktibista sa burukrasya ng pamahalaan, ng pagpapalaganap ng cha-cha bilang imperatibo ng pambansang pag-unlad, ng pagso-sorry bilang resolusyon sa bintang ng masibong pandaraya sa eleksyon, at iba pa.

Ang politikal na kaguluhan na may potensyal ng transformatibong pangkamalayan ay itinatatwa bilang hindi kasiya-siya dahil pinaglumaan na—People Power, at pagpapatalsik at akusasyon ng korapsyon at nepotismo kay GMA, halimbawa—kaya may imperatibong mapalitan ng kasiya-siyang spektakularisyon ng pang-araw-araw na karanasan, tulad ng pagtatagumpay ng Pilipinas sa 2005 Southeast Asian Games, pagkapanalo ni Manny Pacquiao, beauty contestants at iba pang Filipino sa internasyonal na kompetisyon ng spesyalisadong kagalingan, at iba pa, at maging ang mga ito ay naluluma rin sa takdang panahon. Niluluma ang politikal at ang nilikhang bago ay ang reimbensyon ng politika, lalo na sa media at industriya ng kultura. Ang paglalahad ng bago at ang kabago-bago ay ipinapasok sa parametro ng politika ng global na kulturang popular—bagong Superman na naman, bagong branch ng Starbucks, bagong mall, bagong modelo ng cell phone, at kung magpaganito, bagong kasiya-siyang karanasan. Ito o ang luma, alin ang mas gugustuhin? Ang fetishismo ng relasyon, tulad ng sadista at masokista, ng nambubugbog at binubugbog, ng nang-aapi at inaapi ay nakapaloob rin sa kahalintulad na predikamento ng kasiyahan ng bago: itong abusadong relasyon o ang kawalan ng relasyong humuhubog ng pagkatao? Kung magpaganito, paano lalampasan ang kawalan ng pagpipilian? Paano gagawing politikal ang kultural na predikamento?

Unang Eksena: Komodifikasyon ng Luho Bilang Pangangailangan
Nabuhay tayo minsan sa panahon ng walang cell phone, kasabay ng ginhawa (kaligtasan sa konektado-tayo-sa-mundo) at panganib (ilan na ang pinatay sa ngalan nito?) nito. Sa kasalukuyan, sa akto na makalimutan ang cell phone sa bahay o sa di inaasahang pagkawala nito, tila tayo kulang, napilayan, may kabawasan, hindi buo, hindi na ang regular na Maria o Jose. Naging integral ang cell phone, tulad ng iba pang modernong gadget at serbisyo, sa panggitnang uring buhay na umaasa ng pang-indibidwal na seguridad, expektasyon, kalidad ng serbisyo, estetika, halaga at iba pa bilang kolektibong karanasan sa uring ito. Sa isang banda, mismong ang panggitnang uri ay ginawa nang komoditi, itinampok bilang kanasa-nasang buhay, buhay na bumebenta sa takilya, CD at magazin dahil namumutiktik sa material at sikolohikal na mga detalye nagmamarka ng pakiiisa at pakikipag-kapwa sa uring ito. Pero bago pa man ang uring ito ay naging komoditi, ang produktong ipinapatangkilik sa kanya ay bumagtas na sa kaangkupan ng komoditi sa kabilang banda.

Nagkaroon na ito ng kwentong kabenta-benta, naging brand na, na ang binibili ay hindi na lamang ang panghugas ng buhok kundi ang buhok na nakakabit sa babaeng naliligo sa maluhong bathtub, naggagayak ng marangyang kasuotan para sa pakikipagtagpo sa kanyang prince charming kinagabihan. Ito ang buhok na tumatangkilik ng shampoo brand. Ang shampoo ay nilalahukan ng kwento at ang kwento ay bahagi ng naratibisasyon ng panggitnang uring buhay bilang pamantayang pang-ekonomiya, politika at kultura. Lampas sa tunay na halaga, nag-uumapaw sa labis na kwentong hindi kakamit-kamit, at higit sa lahat, may masang napapatangkilik dahil sa lampas at labis. Ang produkto ay naging komoditi para sa gitnang uring pangarap ng mismong nagnanais mapabilang sa at mareafirma ang pagiging gitnang uri. Ang kulturang loop ay naghuhudyat ng pagkalusaw ng politikal dahil wala nang pagtatanong sa naturalisasyon ng komodifikasyon at ideolohiya. At kahit pa ginagamit ang shampoo para lang mapanlinis ang buhok, hindi naman aabot ang shampoo mula manggagawa sa pabrika at manggagawa sa groseriya hanggang sa mamili (na malamang ay manggagawa o anakpawis rin) kung hindi naging konduit at daluyan ang komodifikasyon sa paglilipat-lipat ng proseso ng produksyon at konsumpsyon. Hanggang ang produkto ay nagnanais na mabentang hiwalay sa paggawang lumikha nito, ito ay kagyat na nakapaloob na sa proseso ng komodifikasyon, alam man ng tumatangkilik ang kwento sa likod nito o hindi.

Sa ganitong komodifikasyon ng produkto, pagbibili at mamimili na ang luho ay nagiging pangangailangan ng karanasan sa gitnang uring buhay. Sa isang banda, napapatangkilik tayo ng luho—mula Jollibee hanggang bagong modelo ng cell phone, depende sa persepsyon ng uring kinabibilangan—dahil tila tinatangkilik ito ng iilang may mas higit na ekonomiyang kapangyarihan kaysa sa atin. Sa pagdaan ng panahon, simula ng pagkilala sa bago at paghudyat at pagiging lumaan na nito, nagkakaroon ng tila demokratisasyon sa produkto, napapamura ito dahil may pumapalit nang bagong uso na mas mahal at di-asesible sa nakararami. Gayunpaman, lumilikha ang kapitalismo ng niche markets na mabebentahan pa rin ang bawat uri ng pinapatangkilik na produkto—pinakabagong modelo ng cell phone sa maykayang uri, ang susunod na tier ng medyo lumang uso para sa gitnang uri na minsanan lamang makakabili, at mga lumang-lumang uso para sa naghihirap na uri, bagong nakaw na luma at uso para sa lumpen proletaryado. Sa kabilang banda, sa familiaridad sa uso at produkto, sa akto ng pagkaalam at pagbili ng mga mga ito, ang produkto ay nagiging pangkaraniwan na, kabahagi na ng mga bagay at detalye na nagbibigay-definisyon sa gitnang uring karanasan.

Tinatayang mayroong 30-40 milyon ang may cell phone sa Pilipinas, gumagamit ng Global System for Mobile Communications, isang second-generation digital na teknolohiya na ginagamit ng 71 porsyento ng mundo.[21] May apat nang domestikong carrier ang pinahintulutan na ng National Telecommunications Commission na magdulot ng third-generation cellular service simula 2008 na may kapasidad na high-speed, high-bandwidth video application sa cell phone.[22] Ang Short Message Service (SMS), ang sistema para sa text message na may kulang ng 160 karakter ang haba ay malaganap ang gamit at may 200 milyon messages ang ipinapadala sa bawat araw gayong hinihikayat rin ang pagpapadala ng Multimedia Message Service simula pa 2003.[23] Sa ibang pagtataya, ang bilang ng text messages na ipinapadala ng bansa ay umaabot ng 350 milyon, mas malaki pa sa pinagsama-samang SMS volumes ng European na bansa, Amerika at China.[24] Ang Smart Communications ay may hawak ng 54 porsyento ng market noong 2003 at ang Globe Telecommunications ay hawak ang 46 porsyento, at sa taong ito, nagsimula rin ang Sun Cellular na nag-aalok ng mas mababang halagang serbisyo.[25]

Walang lalampas ang araw na hindi nag-a-advertise ng dalawang buong pahinang may kulay ang dalawang kompanyang telecommunication. Walang oras na lalampas sa telebisyon at radyo na hindi rin ito ginagawa ng mga kompanya, o isang gabi na walang spino-sponsor na event na magtatampok sa kanilang serbisyo. Ipinapalaala sa atin dahil kay daling makalimutan na ang cell phone ay luho at hindi pangangailangan. Araw-araw ay nire-referendum tayo ng mga kompanya sa moral na dilema nito, para bumotong pabor sa pagpapatuloy ng kanilang serbisyo. Hindi nga ba’t ang isa ring silbi ng cell phone ay magtext sa panahon ng kaburyongan (boredom). Sa ilang sandali, nawawala ang buryong, nagiging mas interesante ang buhay. Para sa karanasan ng gitnang uri, ang text ay nakakapagdulot ng ginhawa at relief. May seguridad na alam mong mahuhuli ang dapat mong katagpuin sa isang partikular na oras at may magagawa ka pang ibang bagay. May ginhawa sa pag-alam na ligtas ang mga bata sa sakuna sa lugar na tinirhan, lalo na sa OCW na ina; o kahit pa ang balitang namatay na ang magulang ilang segundo matapos mangyari ito. Para sa kinakailangang impormasyong magbibigay ng seguridad, ipinapakita natin ang mga kompanyang telecommunications. At tulad ng call center sa information technology, ang texting ang ating niche market sa information, communication and technology—ang mga Filipino raw ang may pinakamabalis na mga daliri sa buong mundo. Ang mababang kapasidad ng mga Filipino sa larangan ng ekonomiyang global ay naghuhudyat lamang ng ating mababang antas sa pandaigdigan at sexual na dibisyon sa paggawa.

At dahil ito ang bansa ng malawakang korapsyon at paghihikahos, at limitadong infrastruktura, maging ng pinakamaraming pagkakataon ng karanasan sa natural na kalamidad, maraming informasyon ang kinakailangan para magpalagay ng loob. Sa malawakang pagbebenta ng mga produktong ipinapatangkilik, may kapasidad ang malawakang diseminasyon na magkaroon ng sariling pintig sa bawat tumatangkilik nito—iba ang iniiyakan ni Omeng at On-on sa sine kahit pa pareho ang kanilang pinapanood dahil sa ibang sikolohikal na impedimento ipinapapakat ito, magkaiba at magkahalintulad na karanasan sa paglaki bilang mamamayan. Ang pagmanufaktura ng kulturang popular ay nakapaangkla sa kapasidad nitong ipersonalisa ang brand o henerikong karanasan. Makakaisip tayo ng sampung bagay na pwedeng gawin sa cell phone para maging kakaiba ito kaysa sa milyon-milyong cell phones—pagpili ng ring tones, screen saver at wall paper, paggamit o hindi ng mga features nito, kompanyang telecommunication at serbisyong tatangkilikin, casing at holder, paraan ng pagtext at pagsagot, at iba pa. Parang kakaiba lang ang sa atin kahit pare-pareho tayong dumadanas ng karanasan sa kulturang popular. Kaya kapag nawalay o nawala ang objek, tila tayo piglas. Ginagawa nating tao (anthropomorphize) ang objek, kabahagi ng ating pagkatao. Kung magkagayon, sino ang objek at sino ang sabjek ng kulturang popular—ang pinapatangkilik ba o ang tumatangkilik? Sa huli, ang pagmamay-ari mo ay nagmamay-ari na sa iyo, pareho nang naging objek sa kulturang popular.

Ang pakiwari na nakakapagdesisyon (sa features halimbawa ng cellphone) at interaktibo (halimbawa, sa pagboto sa “Philippine Idol” na tulad sa reputasyon ng mga Filipino, ang sumira sa Asyanong record ng pagboto sa mahigit na 300,000 text votes sa isa sa mga unang episodes pa lamang nito) ay kabahagi ng linyang asembleya ng pagiging gitnang uri.[26] Nakakalahok ang liberal demokratiko at konsumeristang sabjek na nakapag-ehersisyo ng kanyang karapatang mamili, makaboto at maging bahagi ng lehitimasyon ng mismong proseso, dito sa kulturang popular. Sa kabilang panig naman, mayroong muling pagsasaayos ng mga objek ng kulturang popular. Ayon sa report ng isang peryodistang Amerikana ukol sa cell phone texting:

The technology is […] changing the organization and dynamics of protests, allowing leaders to control, virtually minute-by-minute, the movement of demonstrators, like military generals in the field. Using texts that communicate orders instantly, organizers can call for advances or retreats of waves of protesters.[27]

May produktibong praktikal na halaga rin ang mga objek ng kulturang popular, kahit pa tila komandista ang nabanggit na deskripsyon sa report. Napapag-alam kagad ang kalagayan, lalo na sa umiigting na dispersal at iba pang karahasan sa kilos-protesta. Tiyak na kasama ang mga aktibista sa hanay ng mga Filipinong pangkahalatan ay nagpapadala ng walong texts kada araw.[28] Nang matanggal nga si Joseph Estrada sa pagkapangulo via People Power 2, umangal ito na ang pag-aaklas na nagyari ay “coup de text.”[29] Gayunpaman, kinakailangan ng hinay kapag sinabi na ang produktibong praktika na dulot ng texting—o kahit ano pang objek ng kulturang popular—ay transformatibo sa politika, tulad ng banggit ng lider kabataan sa pagtatapos ng sanay na ang texting “is a development for democracy.”[30] Pumapasok ang aktibista sa fetishistikong pananaw hinggil sa kulturang popular, na kahit pa normalisado sa gawaing pampolitika ay tumutulong magpatindig sa negosyo ng kulturang popular. Walang ganap na transformasyong politikal kapag walang pagbabago sa nagmamay-ari ng pang-ekonomiyang produksyon.

Sa kontra-insureksyon ng militar at gobyerno, ang mahalagang dokumentong nagtatalaga ng identifikasyon ay hindi naman cell phone. Ito ay sedula na galing sa pinakamalapit na baranggay na tinutunghayan ng kontra-insureksyon na operasyon.[31] Ito ang nagmamarka ng posisyon ng taumbayan, kung sila ay taga-loob (lehitimong mamamayan ng lugar) o taga-labas (iligal na tao at pagkatao, kasapi ng New People’s Army). Hindi nga ba’t ang pagpunit ng sedula ng mga Katipunero sa Pugadlawin ang naging senyales ng Rebolusyong 1896? Na ito ay nananatiling papel ng opisyal na identidad ay patunay na pananatili ng karahasan ng estado. Sa kasalukuyan, ang low-tech na papel ay tinutumbasan ng high-tech na anyo ng pagmamatyag sa cell phone:

Together with the National Security Agency, the Central Intelligence Agency also maintains “Project Echelon,” the most sophisticated and most technologically advanced eavesdropping system that has been devised. Through a relay system of satellites and spook stations in Australia, New Zealan, United Kingdom, Canada and United States, the US intelligence system is able to intercept all (emphasis sa awtor) telephone, fax, e-mail, Internet and cellphone transmissions worldwide. Its nerve center is located at Fort Meade in Maryland where the NSA maintains its headquarters. This has grave implications for both our public and private security.[32]

Samakatuwid, itong objek ng kulturang popular na nagmamarka ng gitnang uring identidad ay instrumental rin sa pagmamatyag at disiplina ng estado at imperyalistang bansa. Kaya ang kulturang popular ay nakaugnay sa relasyon ng estado sa imperyalismo. Ang komodifikasyon ay hindi na lamang sa pagtransforma ng sabjek bilang objek at ng objek na sabjek na naghuhudyat ng tao bilang sabjek; ito ay ang komodifikasyon na rin ng sabjek bilang objek ng estado at imperyalismo.

Ikalawang Eksena: Politika ng Tunay, Politikal sa Tunay
Linawin naman ang usapin ng inaangking katotohanan (truth-claim) ng mga objek ng kulturang popular—lalo na nga ng brand labels—sa pagpalaganap nito bilang namamayaning katotohanan sa larangan ng hegemoniya o ang kalakaran sa ideolohiya at pagkilos ng nakakapagdiktang minoryang may lampas na politika at ekonomiyang kapangyarihan at ng mayoryang tumatanggap ng kaayusan ng kawalan-kapangyarihan. Ang inaangking katotohanan, kapag ipinagpilitan ng pwersa ng pagsang-ayon (ideolohiya) at karahasan (politika), ay nagiging tunay (real). Tulad ng pekeng pagkapangulo ni GMA, sa pagdurog nito sa politikal na tumutunggali sa kanya, pati na ang oposisyong politika, at sa pagkumbinsi sa higit pang neoliberalismo ng kapital at negosyo sa bansa ay nagiging katanggap-tanggap sa nakararami bilang ang kasalukuyang imperatibo ng tunay. Wala nang papalag dahil sa karanasan ng pananakot at panganib ng politikal na pagpaslang at ng karangyaan at kasiyahan ng paggasta at dayuhang kapital. Nililikha ang gitnang uri bilang panuntunan ng pagdanas sa kasalukuyang pagsasabansa, lalo pa sa malakolonyal at malapyudal na sistema na kayang-kayang pagsanibin ang karanasan sa karahasan at kasiyahan sa pamamalakad ng pambansang pamahalaan.

Ang nangyayari sa mga aparatong kultura—media, relihiyon, edukasyon at sining halimbawa—ay gawin itong paramilitar o sumeserbisyo sa militarisasyon ng politikal na aparato ng estado. Tunghayan ang gameshow na Wowowee, na ang isa sa likas na katangian ng format ay ang dispensasyon ng awa at tulong (charity), hindi sa nangangailan kundi sa karakter na pinakarepresentatibo ng media-saviness. Ang kontestant ay ginagawang tao hindi pa sa antas ng pagpapalalim ng pagkilala sa kanyang pagkatao, kundi bilang isang liberal demokratikong tao na nagnanais mapabuti ang kanyang abang kondisyon o ang lagay ng kanyang pamilya. Ang game show host ang representatibo ng media conglomerate na hindi lamang namimili, kundi nagseset ng parametro ng kontest, nagpapakilala sa kontestants, nanghihimok ng partisipasyon ng audience sa bahay, at nagbibigay ng pabuyang premyo sa pinaka-deserving na kontestant. Siya na may media personality na makapagdispensa ng kapangyarihan ay nagmimimick ng kapangyarihang kultura ng kapitalista at burgis kumprador ay naghahanap rin ng kahalintulad niyang pinakarepresentatibo ng tagapagpadaloy ng kapangyarihan sa hanay ng kontestants. Ang kapitalista at burgis kumprador naman ay gumagaya sa kapangyarihan ng estado. Para sa kapitalista at estado, ang charity ang mekanismo ng pamumudmod ng ekonomiyang ganansya sa naghihikahos na nakararami.

Noong Pebrero 2006, para sa unang anibersaryo ng Wowowee na nagpakalat ng balitang dodoblehin ang premyo, marami na ang pumila ilang araw bago ang palabas. Pitongpu’t tatlo ang namatay sa stampede nang magkagulo ang mga tao sa labas ng pila sa ULTRA Stadium hindi dahil sa pag-aakalang hindi sila makakapasok kundi dahil sa balita na namang may perang pabuya ang unang ilang daang makakapasok. Nakipagsapalaran ng kanilang buhay ang mga tao para sa balita, sa fantasya na makakapasok sila kahit malinaw na sa dami ng bilang ng pumila ay hindi mapapagbiyan ang lahat. Walang paghahanda sa crowd control dahil akala ay kakayanin na ng balita at impormasyon (tagapaghatid ng balita ng posibilidad na makaangat) na madisiplina ang malaking hanay ng hindi lamang naghihikahos kundi yaon pang gustong mapabilang sa nakakaangat na hanay. Silang nabubuhay sa kahirapan ay hinahayaang mamatay sa kanilang paghihikahos.

Ilang araw matapos ang stampede ay nabura na ito sa alaala ng gitnang uring mamamayang kumondena sa pangyayari. Hindi naman ito kaiba sa iba pang gawang-taong trahedya sa bansa, walang nangyayari sa sampu-sampu, daan-daan o libo-libong buhay na namatay sa kasakiman ng kapitalista at paggarantiyang seguridad ng estado sa kanilang tagapagtaguyod: 4,000 ang namatay sa paglubog ng Dona Paz noong 1987, tinagurian bilang pinakamalubhang maritime disaster sa postwar era; 5,000 hanggang 8,000 ang nasawi sa flash flood sa Ormoc, Leyte noong 1991 dahil sa illegal logging; gayundin, 1,500 ang nabaon sa putik sa Aurora at Quezon noong 2005.[33] Naabswelto ang mga kinasuhang opisyal sa 400 kabataang namatay sa sunog sa Ozone Disco, at nananatiling nakatakas ang may-ari nito. Malinaw na hindi sa dami ng bilang ng namamatay sa mga gawang-taong trahedya ang pinagtutuunan ng pansin sa trahedya kundi ang paraan ng pag-manage ng trahedya bilang exemption o ang krisis na sandali, at ang kawalan nito bilang ang normal o ang kawalan ng krisis. Pinapatingkad lamang ng trahedya ang pagdanas ng krisis bilang normal at ang kawalan nito bilang exemption. Minomobilisa ng kapitalista at ng mga alipores nito—iba pang contract artist ng media conglomerate, pag-iyak ng host sa ibang show sa telebisyon, telebiswal na pagpapamisa, at paghina ng coverage ng anti-GMA rallies, halimbawa—at ng estado—pakikiramay ng pangulo, paghingi ng pondo sa publiko para sa biktima ng trahedya, paggawa ng fact-finding body, at iba pa.

Ang trahedya ay hindi na lamang misrekognisyon ng krisis bilang karaniwang karanasan sa pagsasabansa kundi sa pagtanggi na nagkaroon ng trahedya. Sa ganitong pagtanggi nagtatagumpay ang estado na maghugas ng sariling kamay dahil ang trahedya ay nangyayari sa spero ng negosyo, kahit pa magkasiping naman ang mga ito. Ang kultural na gawain ay ang pagbaklas ng tunay sa antas ng anti-administrasyon (sa pag-igting ng pasismo at neoliberalismo) at anti-estado (na ang mga pangulo pa sa hinaharap ay lalo lamang magpapaigting sa karahasan at kahirapan). Ang kulturang popular ay may afinidad sa kapitalista at estado kaya ang tungkulin ng aktibistang kultural ay ang ideolohikal na pagbaklas nito—kritikal na pagbasa at pagtingin, at artistikong gamit—konsistent sa materyal na pagbaklas nito sa aktibistang indibidwal at sa kanyang politikal na hanay. Ito ang pagpapatuloy ng comeback ng mga opresibong trahedya ng mga luma, nakilatis na at patuloy na nagkakaroon ng kumikitang buhay sa kasalukuyang kapitalismo.

Sa pagbabalik ng OCW na domestic workers mula sa ginigiyerang Lebanon, ginawang guests ang 235 na OCW na tumakas sa giyera sa Wowowee noong 5 Agosto 2006, nagpamigay ng P1 milyong piso (ang parehong halaga ng premyo sa anniversary show noong Pebrero) na pantay na paghahatian ng kontestants. Kumpleto na ang comeback ng luma at ng binaong trahedya. Heto ngayon tayo sa mas mabigat na trahedya na kahit na nasa harap na natin ay hindi pa rin nakikilala ang pagdating, pag-abang, pagtunghay at pag-alis nito.

Ikatlong Eksena: Intelektwal Bilang Ubod ng Gawaing Kultural
Ang organikong intelektwal sa malay ng marxistang Antonio Gramsci ay nanggagaling mula sa hanay ng kilusan, hinulma ng kilusan at nakakasagap ng lakas sa kilusan, gaya ng pagbibigay ng lakas niya rito. Intelektwal dahil kritikal—umuusbong na alternatibo at oposisyonal—ang kanyang inihahayag na posisyong panlipunan at historikal. Siya ang kontra sa kultura ng namamayaning kapangyarihan. Ang gawaing intelektwal, sa aking palagay, ang ubod ng gawaing kultural. Kung ang politika ay tumutukoy sa pamamalakad ng pamahalaan na nilalahukan ng palitan ng pabor, ang politikal ay katawagan sa transformatibo tungo sa mas egalitaryong kaayusan hanggang sa anti-estado. Maaring isipin ang kultura-kultural sa ganitong pagpapakahulugan: na ang kultura ay tumutukoy sa ideolohiya at praktis ng namayaning kapangyarihan ng estado at negosyo, at ang kultural ay ang transformatibong panlipunan.

Pinakaabante sa gawaing intelektwal ang manggagawang kultural dahil sa kanyang hanay nasisiwalat ang pagpapalawak at pagpapalalim ng politikal na kaisipan, panunuri at pagkilos. Sila ang nagdaraos ng mga ensayo ng aktwal na rebolusyon. Ang kaibahan niya sa proletaryado ay ang paraan ng pagkamulat na hiwalay sa produksyon. Ang manggagawang kultural ay may iba’t ibang pinanggagalingang uri ngunit may kaisahan tungo sa pagbabagong ideolohikal na nakabatay sa sosyalistang hinaharap sa pagdanas ng kasalukuyang kapitalismo—at ang ideolohikal na ito na ang pangunahing sangkap ay intelektwal ang siyang impetus para sa aktwal na gawaing politikal: sa partikular, ang pagpapalawak ng hanay ng kultural, at sa pangkalahatan ang paghulma at pagsubstansya ng kamalayan at praktis na babalikwas sa imperyalismo, burukrata kapitalismo at pyudalismo.

Paano sasagkaan, halimbawa, ang pamamayani ng Hollywood na pelikula gayong ito ay napakalawak na ng saklaw, hindi lamang sa Pilipinas maging sa buong bahagi ng mundo? Ang Hollywood films sa partikular ang kumakatawan sa tinatawag na “kultural na imperialismo” o ang dominasyon ng imperyalistang bansa sa industriyang kultural ng ibang bansa, ang kung magpagayon, ng hulmahang kultural ng naturang mamamayan. Noong 2004, may 53 na pelikula na lamang na naipalabas mula sa lokal na industriya sa Pilipinas. Noong 2005, ito ay 36 na pelikula na lamang. Lubhang mababa na ito kung ikukumpara sa 1990s na produksyon na umaabot sa 150 pelikula kada taon, ginagawang isa sa pinakamaraming pelikulang nagagawa ang bansa sa buong mundo. Wala nang makakatawad pa sa global na pamamayani ng U.S. sa produksyong pampelikula. Noong 1998 ang overseas box office ng US ay US$6.821 bilyon na halos katapat ng domestikong kita ng $6.877 bilyon.[34] Ang pinakapopular na 39 na pelikula sa buong mundo noong 1998 ay galing ng U.S. kahit pa ito ay gumagawa lamang ng maliit na porysento ng pandaigdigang feature film.[35] Sitenta’y singko porysento ng kita sa sinehan sa buong mundo, at mas malaking porsyento kapag isinama ang video rentals at pagbenta nito.[36]

Ayon sa Social Weather Station (SWS) survey, 52 porysento ng matatanda sa bansa ay nanonood ng sineng Filipino ng isang beses o higit pa isang linggo pero 6 na porsyento lamang ang nanonood sa sinehan.[37] 29 porsyento ang nanonood na lamang ng sine sa telebisyon, isang indikasyon ng paghihirap ng buhay ng gitna at mababang uri.[38] Edukado ang manonood ng pelikulang Filipino: 49.4 porsyento ay high school o nakapagkolehiyo, 18.9 porsyento na nakapagtapos ng elementarya o nakapaghigh school, at 17.8 ay tapos ng kolehiyo o nag-aaral nang higit pa rito. Ang educational capital ay natatanghal sa akto ng panonood ng sine, kakatwa na hindi na pejoratibong “bakya crowd” o ang mga di-aral ang manonood ng pelikulang Filipino. Ipinapakita nito ang pagbabago ng paradigmatiko ng panonood ng sine—ito ay hindi na batayang pangangailangan, ito ay luho na, gamit sa pag-eehersisyo ng gitnang uring identidad, kahit pa nga sa telebisyon na ito tinutunghayan.

Ang pandaigdigang epekto nito ay malawakan din. Nagbagsakan na sa Europa at iba pang bahagi ng mundo ang domestikong industriya: sa Germany, 10 porsyento na lamang ay kita mula sa lokal na pelikula; Britain ay 12 porsyento; France ay 26 porsyento; Spain ay 12 porsyento; Canada, 2 porsyento; Australia, 4 porsyento; at Brazil, 5 porsyento.[39] Ang kabuuang laki ng industriyang pampelikula sa Europa ay 1/9 na lang ang laki kung ikukumpara noong 1945.[40] Dagdag pa, sa Western Europe noong 1985, 41 porsyento ang kita ng Hollywood na pelikula, at ng 1995, ang kita ay lumaki sa 75 porsyento.[41] Mula sa kitang $11 bilyon sa pag-export ng pelikulang Hollywood noong 2002, ito ay lalaki sa $14 bilyon sa 2004, at inaasahang kumita ng $24 bilyon sa 2010.[42] Kaya ang dating kita na 50 porsyento ng pelikulang Hollywood mula sa ibayong dagat ay lalaki pa hanggang sa 70 porsyento.[43] Natitiyak ng World Trade Organization at General Agreement on Tariff and Trade ang pagdaloy ng pelikulang Hollywood sa higit pa nitong paglaganap sa ibang bansa dahil walang lubos na lokal na industriya, maliban na lamang siguro ang India at China, ang makakatapat dito.

Ang unang antas ng pagsagka ay ang kritikal na pagbasa sa pelikulang Hollywood, ang hayag at kubling ideolohikal na plataporma nito, ang paglalatag ng mga detalye at kabuuan ng panggitnang uring karanasan sa liberal na demokrasya. Kinakailangan dito ng literacy training na naghahayag ng mga kritikal na kapamaraanan ng pagbasa, panonood at pagtunghay sa pelikula at iba pang media. Ang layunin nito ay lumikha ng antas ng kritikalidad sa hanay ng mga indibidwal at ng sektor na mahalaga sa paggiya ng materyal na artistikong produksyong sasagka sa ideolohikal na agenda ng pelikulang Hollywood at iba pang objek ng kulturang popular. Sa antas ng artistikong produksyong kultural, maaring lagumin ang karanasan ng nagsulputang documentary film collectives sa iba’t ibang rehiyon. Ang documentary film collectives, tulad ng Southern Tagalog Exposure, Sine Patriyotiko (Sipat ng Metro Manila), Kodao, at iba pang grupo sa Bikol, Central Luzon, Kordilyera, Ilokos, Visayas at Mindanao, ay binubuo ng mga aktibistang kabataan na filmmakers.

Ang proyekto ay kultural—artistikong produksyon ng kontra-estadong mga dokyu (dokumentaryong pelikula) na ang pangunahing layon ay magturo ng pagsusuri sa mga isyu at pangyayari at politikal—pagtaas ng panlipunan at historikal na kamalayan, pag-organisa at pagmobilisa. Kultural ang proyekto dahil rin ito ang paglikha ng kultural na akda ay nakabatay sa politikal na kilusang masa—sa pag-aaral ng kondisyong panlipunan at pangkasaysayan at mula rito, pag-angkat ng kontra-estadong pagsusuri sa mga kasalukuyang isyu at kaganapan. Iba rin ang moda ng produksyon—kolektibo ang proseso ng artistiko at lohistikal na pagdedesisyon, multi-tasking ang filmmakers (kadalasan, editor, cinematographer, direktor, scriptwriter, at iba pa sa iisang pagkatao), low-budget, issue- at cause-oriented ang motibasyon ng paglikha, ibinabalik sa masa ang nalikhang pelikula. Ang inilalahad ng gawaing kultural ay ang itelektwalisasyon—sa artistikong politikal na kapamaraanan—ng isyu. Parang nag-iisip pa rin sa mas malaking kahon ng politikal sa gawain na gamit ay lente ng kultural na diin ng masining at mapagturong kapamaraanan. Ang kasiningan nito ay nagmumula sa kakayahang bumaklas ng namamayaning kapangyarihan at magtatag, kapalit nito, ng alternatibo o oposisyonal na pinagmumulan ng kapangyarihan, mula sa hanay ng nakikibakang masa.

Ikaapat na Eksena: Gawaing Kultural Bilang Gawaing Politikal
Ang gawaing kultural ay gawaing politikal sa ilang mga antas: sa indibidwal na aktibistang antas, ang kultural na internalisasyon sa pang-araw-araw na buhay na nadudulot ng maraming katanungan hinggil sa kontradiksyon ng posisyong gitnang uri sa kamulatang makamasa; sa loob ng hanay, ng artistikong produksyong kultural bilang moda ng pagtaas ng kamulatan, pagmomobilisa at pag-oorganisa, tulad ng pagwelga sa manggagawa bilang impetus ng pagtaas ng kamulatang politikal at kultural; sa labas ng hanay tungo sa mas malaking kilusang politikal, ang kultural na pananaw sa politikal na isyu at kaganapan bilang paraan ng konsolidasyon ng muestra at pagkilos. Maari ring ilahad ang proposisyong ang gawaing politikal ay gawaing kultural hindi lamang sa kumprehensibong pagsinop ng politikal na pagsusuri na naglalahad ng makabago (sosyalista) na paraan ng pananaw, pag-iisip at pagkilos kundi sa mulat na internalisasyon ng politikal at kultural bilang magkahalintulad at produktibong nakikipag-usap na pwersa sa rebolusyonaryong gawain.

Kung magkagayon, maari tayong tumunghay sa posibilidad ng mga gawain: sa hanay ng kultural, digital feature films dagdag sa mas mahabang panahon sa pananaliksik sa full-length na documentary films o dokyung iglap na kagyat na nakakatugon sa kahilingan ng napapanahong isyu, live animation (tinutunghayan ng kamera ang mga model figures at kapaligiran) na naglalahad ng mga progresibong kwento, makabayang sing-a-long videos, literary readings na high tech at may vcd at dividi, multi-media dance presentation, at tungo sa tunay na second-generation sa visual arts, halimbawa; sa hanay ng politikal, kultural na manggagawa sa iba’t ibang hanay, cultural nite bilang anyo ng konsolidasyon, writing at performance workshops sa loob ng piketlayn o mass leave ng mga guro at kawani sa gobyerno, mass leader na nakakatula at nakakaawit, at matulain na palaban na kilusan, halimbawa. Kung walang nasa labas ng namamayaning kapangyarihan at kulturang popular, ang kapamaraanan ng pagbalikwas mula sa loob ay nangangahulugan ng higit pang pagkamalikhain at politisadong kapamaraanan, hanggang ang kulturang popular, sa abot ng makakaya, ay maging kulturang mapagpalaya nang nakararami.

Ang mga posibilidad ng politikal sa pamamagitan ng gawaing cultural ay imperatibo sa pambansang kondisyong malakolonyal at malapyudal na tumutukoy sa kondisyon ng lampas ng 700 at tumataas pang bilang ng politikal na pinaslang, at walang nakukulong, nasasakdal at napaparusahan sa isang banda, at tumitindi pang pagbaba ng sweldo at kawalan ng seguridad sa trabaho, pabigat na kahilingan ng gawain, call center at pag-OCW bilang tanging kambal na opsyon ng bagong graduate, pagbukas ng pinakamalalaking malls, sa kabilang banda.[44] Ang tanging kalayaan sa kasalukuyan ay ang mapanlikhang posibilidad ng aktwal na paglaya. Ang pag-ehersisyo at pag-eensayo ng kalayaan sa posibilidad ang tutumbas sa rebolusyonaryong pagkakamit nito sa hinaharap. Kung gayon, ang gawaing kultural at kultural na produksyon sa kasalukuyan ay nagaganyak sa mamamayan para sa rebolusyon.

2 comments:

Noel Sales Barcelona said...

Hi! Mali po ang link ninyo sa Pinoy Weekly. http://www.pinoyweekly.org/ po ang tama. maraming salamat at mabuhay kayo!!!

Anonymous said...

Ito ay isang pangkalahatang pahayag sa publiko mula sa Mayo Clinic at interesado kaming bumili ng mga bato, kung interesado kang magbenta ng isang bato, mabait makipag-ugnay sa amin nang direkta sa aming email sa ibaba sa
mayocareclinic@gmail.com
Tandaan: Ito ay isang ligtas na transaksyon at garantisado ang iyong kaligtasan.
Mabait na magpadala sa amin ng isang email message para sa karagdagang impormasyon.