Thursday, February 8, 2007

Dir. Joel Lamangan

SENSURA SA PELIKULA AT ANG KALAGAYAN NG INDUSRIYA NG PELIKULA
Binigkas sa Philippine Cultural Summit
ng Amado V. Hernandez Resource Center

September 12 – 14, 2006, St. Michael Retreat House, Antipolo City

Magandang-magandang hapon sa inyo mga kasama. Natutuwa ako at narito ako. Nakita ko ang mga dating kasamahan, propesor, at mga kaibigan..

Hindi ako ang dapat narito ngayon dahil ang naimbita ay si Dirketor Carlitos Siguion-Reyna upang tumalakay sa kanyang assigned topic. Pero siya ay pinadala namin sa Kuala Lumpur dahil mayroong kumperensya ng mga manggagawang pampelikula na nagaganap doon. Bilang kasapi ng nagkakaisang manggagawa ng pelikulang Pilipino, na bagong tatag lamang noong isang taon, ako ang naatasang pumalit sa kanya. Walang papel na nabuo dahil mabilisan ang pagbabago ng aming pakikipag-ugnayan sa avhrc.

Naatasan sa akin na talakayin ang kasalukuyang kalagayan ng industriya ng pelikulang Pilipino, at kaakibat ang topic sa sensura. Ngayong hapong ito, magandang sipatin talaga natin ang tinatawag nating industriya ng pelikulang Pilipino. Bigyan natin ito ng siyentipikong pagtanaw sa kung ano bang klaseng industriya ito. Ito ba ay totoong industriya?

Tingnan natin kung ano ba ang sine. Ang sine na pinapanood natin, pumapayag na ngayong ng mahigit na 100 piso. Doon sa mga first class mall umaabot sa 250 to 300 upang makapanood ka ng sine. Hindi kagaya noong unang panahon, noong dekada sisenta at setenta, na mura lang ang sine. Ngayon, ang nakakapanood lang ng sine ay ang makakapag-shell-out ng 200/ 300 para makapanood ng sine. Ano ba ito? Itong sine ay pinagtagni-tagning mga imahe ng isang kuwento o kasaysayan batay sa interpretasyon ng grupong gumagawa ng pelikula. Ang pelikula bilang sining ay hindi ginagawa ng isang tao, kundi ginagawa ng isang komunidad ng tao. Sa isang pull-out (isang araw na shooting) ng shooting na komersyal/ mainstream, may 150 to 250 na manggagawang involved sa pagbuo ng sine. Lahat ng involved doon, most of them ay casual/ di permanente. Kundi man, arawan ang bayaran. Ang casual sa sine, kung gaano katagal ang shooting ng sine, ganoon din kalayo ang iyong trabaho. 25 days, 15 days, ngayon uso na ang 8 o 7 days. Pagkatapos noon wala ka na uling trabaho. Maghahanap ka na uli nang panibago. Walang tinatawag na seguridad sa mga manggagawa roon sa pelikula. Ang may seguridad lang, ang kapitalistang nagpo-produce ng sine.

Ano bang pagkakaiba ng sining na ito sa ibang sining? Ito nga ay binubuo ng komunidad na gumagawa. Maraming taong involved sa pagbuo nito. Maraming utak sa pagbuo nito, bagama’t ito’y pina-pilot ng isang direktor, at galing sa utak minsan ng grupo ng mga writers. Pero sino ba talaga ang nasusunod pag ito’y komersiyal? Ang nasusunod doon ay ang naglalabas ng pera. Ang prodyuser. May isang direktor na papasok. Mayroon siyang ideya. Sabihin nating kakaiba. Maganda. Subalit sa tingin ng prodyuser hindi kikita. Hindi iyon kukunin. Hindi iyon magiging pelikula. Ang sine ay dapat tingnan bilang isang produkto at negosyo. Saan papasok ang pagka-sining nito?

Iba ang pelikula na ang target ay upang maging sining. Iyon ay totally different animal. Iba yung pelikulang parang gumagawa ng kendi, na ginagawa ngayon. Para kang gumagawa ng kendi every week. Para iyon lang ang gusto ng tao. Iyon lang ang ipapakita mo. Yoong mga gustong ipakita ng prodyuser sa pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulan, na ang dapat mo lang gagawin ay ang mga produktong ayaw magpaisip sa tao. Dahil natatakot sila, na pag nag-isip ang tao, pag gumawa ka ng isang produkto magpapaisip sa tao, mamumulat ang tao sa katotohanang sila ay inaapi, sila ay pinagsasamantalahan, na kailangan talaga ang rebolusyon. Ayaw nila iyon.

Bakit hinahayaan na ganito na lamang ang pinapalabas? Sapagka’t ito ay umaayon sa plano ng kung sino man ang kumo-kontrol sa industriyang ito, umaayon sa existing na rehimen o pamahalaan, at nang manatiling nasa status quo ang lahat ng nangyayari. Pansinin ninyo, ano bang pelikula ang nagkaroon ng tema na tungkol talaga sa mga manggagawa? Wala. Anong pelikula ang talagang tumalakay sa malalimang problema ng mga magsasaka? Wala. Bakit? Bawal. Bagama’t hindi sinasabi, bawal. Mayroong kalakaran na pumapalaot na ito ay hindi maari, dahil ito ay hindi ipo-prodyus. Hindi ito magkakaroon ng katuparan. Ano ang mangyayari? Magkakaroon ng mga karakter ng mga manggagawa, pero yung malalimang pag-aaral ng pagiging manggagawa, wala. Mayroong karakter na magsasaka, pero walang malalimang pagtalakay sa magsasaka at kanyang mga kontradiksyon, hinaing, at mga programa sa buhay niya. Hindi iyon hindi pinapayagan. Iyon ay bawal. Kung mayroon mang mga tendensiya na tumalakay ang isang pelikula tungkol sa pag-aklas ng tao laban sa kahirapan at pagsasamantala, iyon ay nagiging karampot lang na bahagi ng isang buong pelikula.

Noong dekada sitenta, nagkaroon ng mga ganoong pagtatangka. May mga pelikulang nagnanais na magladlad ng katotohanan, gaya ng ginawa ng mga pambansang artista sa sining kagaya ni Brocka, Bernal. Pero sa kasalukuyang panahon, na tinatawag nating globalisasyon, kung saan lumawak ang produktong Amerikano at tinalo ang produktong Pilipino sa box office, wala nang pinapayagan na gumawa ng anything political. Magtangka ka man, may sensorship na agad sa pag-iisip mo pa lamang. Hindi na makakakuha ng buhay ang iniisip mong ideya dahil bawal na. Hindi puwede iyan. Hindi iyan kikita. Iyon ang kalakaran sa komersiyal na pelikula.

Ngayon, gaano ba ka halaga ang sining na ito? Napakaimportante ng sining na ito dahil napakaramin tao ang nanonood dito. Dahil napakaraming tao ang naiimpluwensiyahan ng sining na ito na maaaring magdulot ng consciousness na mali sa katotohanan. Napakahirap pumasok sa loob ng sining na ito at magsabing mayroon akong ideya na maka-rebolusyonaryo, na magpapakita ng katotohanan, dahil naka-set na ang mga big-wigs ng production outfits. Ayaw na ayaw nila iyon.

Dapat nating pag-aralan nang mahusay kung bakit napakaraming nanonood ng mga pelikulang tinatawag nating basura? Wala namang sinasabi. Dahil kaya wala ng naibibigay na ibang uri ng panoorin? Bilang manggagawang pangkultura dapat lagi nating isipin na maaaring mayroong lengguwahe na nakikita ang ating mga manonood sa mga porma at estilo na ipinakikita sa telebisyon at sa pelikula, na maaari nating gamitin upang maging instrumento ng pagmumulat sa ating mga kasamahan. Imbes na itaas natin ang ating kilay, at i-condemn ang nakikita natin sa komersiyal na panoorin, dapat nating isa-konteksto ang mga napapanood natin at dapat magkaroon tayo ng pag-aanalisa kung bakit kahit ganyan ay maraming nanonood. Gamitin natin ang estilo upang mapaniwala at mamulat natin muli ang ating mga kasama, at mga kasamahang nawala na.

Sa mga festivals abroad, marami na rin akong napuntahan, noong una akong nananalo tuwang-tuwa ako. Wow nanalo akong best picture. Wow nanalo nag artista ko ng best actress. Wow kinilala ako. Pero unti-unti kong na-realize, pinapalakpakan pala ako dahil ang pelikula ko, tungkol sa third world. Natutuwa sila dahil ang pelikula ko, nagpapakita ng sinasabi nilang exotica. Pinapalakan ako dahil third world ako. Ang ipinapakita ko ay kahirapan. Ang ipinapakita ko ay kabaklaan. Panalo. Dahil gusto nilang makita na third world lang tayo. Gusto nilang manatili tayong third world. Gusto nilang makita na maganda ang pagkagawa mo ng isang third world na pelikula para palakpakan ka. Inanalays ko kung bakit ganoon ang pagtingin sa isang third world artist. Hindi kailanman makakaagapay bilang kapareho nila. Pag tumalakay ka ng mga universal issues na kaya naman nilang gawin, hindi ka na nila kikilalanin. Pero pag tungkol sa kahirapan, slums, kabaklaan at exotica, doon ka lang nila kikilalanin. Bagama’t maganda ang iyong pelikula, titingnan lang nila ito bilang very good third world movie.

Ano ang nangyayari sa industriya ng pelikulang Pilipino? Dahil sa maraming rason, ito ay nasa kondisyong halos patay na. Sabi ka ni Roland, kakaunti na lang ang pino-prodyus na pelikulang Pilipino. Noong 2005, there are about 30 something. Ngayong 2006, mga 25 na lang. Bakit? Dahilsa pagwawalang-bahala ng gobyerno sa kondisyong ito ng pelikula. Wala namang malinaw na programang pampelikula, o pangkultura ang pamahalaan. At kahit sabihin nating nagbibigay sila ng 5 million pesos sa kung sinumang maaaprub na ma-prodyus ng film development council, nakadepende pa rin ito sa temang gagamitin mo. Kung nagbigay ka ng temang politikal tungkol sa malawakang pagpatay ng rehimeng ito, hindi iyon maaaprub. Kung gagawa ka pelikula tungkol sa eleskyon na fake, na siya ay fake na presidente, hindi iyon maaaprub.

Napakataas ng tax na ini-impose sa industriyang ito. Ito ang may pinakamalaking tax sa lahat ng industriya. Napakalawak ng piracy. Hindi ito makalaban sa in-flux ng pagdating ng hollywood. Hindi ito makalaban sa takilya dahil iba naman ang market ng hollywood. Ang market ng hollywood ay buong mundo. Ang market ng Pilipinas ay dito lamang sa Pilipinas. Samantalang may tinatawag na kontrol ang ibang bansa tungkol dito, tayo nananatiling wala. Sa Korea, may kontrol. Halimbawa ang Warner Bros. ay nag-prodyus ng tatlo, may batas sila na kailangan silang mag-prodyus ng isang lokal. Nanana tiling malamig ang pamahalaan sa estado ng industriya. Hindi nila ito tinitingnan bilang isang industriya o sektor pang-ekonomiya. Tinitingnan lang nila ito bilang tagapag-aliw at tagapagpaiyak na kinakailangan nila tuwing eleksiyon. Samantalang may posibilidad na maging economic power ang industriyang ito kung magkakaroon lang ng maliwanag na programa tungkol dito. Dapat bigyang pansin ang pagma-market dito sa ibang bansa sa isang siyentipkong paraan. Hinuhuthutan lang ang industriya, pero hindi naman tinutulungan. Ang mga proyuser at takot sa pamahalaan. Natatakot nga ako na gigising na lang tayo isang araw at ang magkukuwento ng mga kuwento natin ay HBO at CNN. Wala nang gagawa dahil patay na.

Ang mga batang na gumagawa ng independent film ang pag-asa kung mabibigyan ng tuwirang direksyon sa kung anong market ang dapat nilang i-target, at mabigyan ng oryentasyon sa mga pelikulang dapat nilang gawin. Ang mga kabataan bata ngayon, wala naman talagang ginagawang totoong political movie. They are all individual expressions. Walang socio-political inovolvement. Hindi kasama sa isang mass movement.

Kaya namin binuo ang nagkakaisang manggagawa ng pelikulang Pilipino (ito ang mga marginalized sector sa pelikula, mga extra, stuntman, projectionist, lagarista, bookers, takilyera, crew sa production, sa shooting, at sa post-production) na umaabot sa 10,000 na pamilya. Pero napaka-volatile pa ang sitwasyon. Pinag-aaralan pa kung paano ito mapapaunlad dahil napaka-piyudal ng set-up sa isang pelikula. Napakalakas ng takot panginoong prodyuser, panginoong may-pangalang artista. Halimbawa FPJ, Bong Revilla, Rudy Fernandez, at Sharon Cuneta. May mga taong ang loyalty nila ay parang isang sakada sa isang panginoong maylupa. Itong malalaking tao ang nagbibigay sa kanila ng pero tuwing pasko. Kawang-gawa ang tinatawag. Pag may nasaktan sa kanila, hihingi, bibigyan ng pang-ospital. May ganoong uri ng loyalty. Kaya napakahirap iorganisa ang mga ito. Hindi pa siya isang sektor, dahil hindi nga niya maipagtanggol ang kanyang sarili. Wala siyang mukha. Ang parating nakikita ay ang mukha ng artista. Bagama’t kasapi nila ang mga artista, mas maraming mukha sa likod ng kamera. Mas malawak ang nagpapawis para mabuo ang pelikula. Ang mga manggagawa ang pinaka-insecure dahil wala naman silang SSS, GSIS, at security of tenure. Sila ay nanatiling may trabaho kung kinuha sila ng direktor o artista na kaibigan nila. Or else, wala na silang trabaho sa isang taon o dalawa. Dalawang pelikula sa dalawang buwan lang. Magkano ang sweldo nila? Mura lang. Pero nananatiling naririyan sila dahil nakikita sila ng mga kamag-anak nila sa pelikula at pinapalakpakan sila, bagama’t kakaunti ang kanilang sinasahod. Ang Mowelfund, na isang government agency na itinayo ni Erap, ay nagbibigay ng insurance sa mga manggagawa. Pero kakaunting manggagawa lang ang kaya nilang isama. Hindi kasama ang mga non-formal sector na binanggit ko sa inyo. Ang mga kasama lang ang mga editor, director, at production designer. Ang mga nasa upper bracket lang kasama. Ang mga nasa lower bracket o non-formal walang gumagawa nun para sa kanila. Kaya binuo ang nagkakaisang manggagawa ng pelikulang Pilipino.

Ganyan ang sitwasyon sa ngayon. Halos lahat ng tao sa pelikula ay walang trabaho. Umaasa na lang ngayon sa telebisyon. Telebisyon na ngayon ang pangunahing source ng income. May mga manggagawa sa pelikula na hindi maka-transfer sa tv dahil hindi nila alam ang midyum. Dahil walang mahusay na pagsasanay para malaman ang bagong midyum ng telebisyon. Ang mga iyon, wala na silang lahat na trabaho. May mga nakatira na sa kanila sa sementeryo. Ang iba naman napunta sa mga relocation sites.

Sana magkaroon ng pag-aaral sa tv. Ang tv ang pinaka-potent na midyum sa kasalukuyan dahil napakalawak ng sakop nito. Nasa bahay ka lang at palipat-lipat ng channel. Hindi ka nagbabayad ng 100 hanggang 200 pesos. Nagbago na ang uri ng mga nanonood ng pelikula. Hindi na nanonood ng pelikula ang mga nasa below poverty line. Umaasa na lang sila sa pirata. 30 pesos lang, isang barangay na ang nakakanood sa kanila. Hindi sila gagastos ng 200 pesos. Bibili na lang sila ng bigas. Ang mga nanonood na lang ngayon ay ang upper middle class. Pero ang audience ng tv, iyon ang pinakamarami. Iyon ang dapat nating pag-aralan.

Ngunit bakit ba nariyan ang sensura? Bakit ba sila nilagay diyan? Sila ay pulis ng rehimen para mapanatili ito sa puwesto. Upang walang makagawa ng anumang bagay na makakapagpainit sa kalooban ng mga tao nang sila ay mag-aklas dahil sa kanilang kalagayan. Kaya naririyan ang MTRCB. Anumang rehimen ay may sensura. Sabi nila wala raw. Pero meron, kasi naging miyembro ako noon. The mere fact na dinidiscourage mo na gumawa ng ganitong mga topic, sensura iyon. Bakit ganito nahulma ang utak ng mga gumagawa ng pelikula sa mainstream? Dahil hindi na sila makaisip ng iba pa. Hindi na sila binibigyan ng pagkakataon na umisip ng iba pa dahil bawal, sensored. Sa punto ng estilo at content, hulamado na. Dapat ganito ang lalabas. Other than that, hindi puwede dahil ayaw ng prodyuser na mapaaway at makabangga ang sensura, sa gobyerno o kung anumang kumakatawan sa estado. Nariyan ang sensura para pangalagaan ang ineteres ng pamahalaan.

Mamaya na natin palawakin ang usapan sa pamamagitan ng inyong mga katanungan. Hanggang dito na lamang. Maraming salamat.

1 comment:

red seed said...

Magandang araw!

Kamusta? Ako pala si Peds. Isa akong manggagawa sa midya at gusto ko ring isiping higit sa lahat ng mga bagay na aking ginagampanan sa mundo, isa muna akong manggagawang pangkultural.

Natunton ko ang site na ito mula sa pagkasabik na mas lalong malaman pa ang tungkol sa NMPP. Kani-kanina lang, nabasa ko sa magasin ang isang lathala tungkol sa inyong organisasyon na agad nagpasigla ng aking interes.

Naisip kong ano kaya kung tangkain kong makipag-ugnayan kay Direk Joel at ibahagi ang sarili kong mga kaisipan na samantala'y malaki rin ang pagkakatulad sa mga adhikain ng inyong grupo.

Ang totoo, mahabang istorya kung ikukwento ko. Pero sa loob ng dalawa nang taon, pinilit ko rin (kahit na sa hamak ko lang na paraan... bilang isang ordinaryong manggagawa sa midya) na maghikayat ng (kahit) iilan na mga indibidwal (lang pansamantala) at bumuo ng grupo na nakabatay sa magkaka-tulad at magkaka-ugnay na mga hangarin at sentimyento hinggil sa empleyo at panlipunang tungkulin.

Wala pa ring signipikanteng kinahihinatnan ang mga pagtatangka kong ito. Subali't 'di pa rin naman ako nawawalan ng pag-asang magkatotoo ito balang-araw.

At mabalik uli sa pagkumento sa artikulo at sa NMPP... gusto ko sanang itanong kung may puwang rin ba ang mga manggagawa sa telebisyon at iba pang larangan sa midya sa inyong grupo?

Kagaya ko... minsan ay nagkakaroon rin naman ng mga pagkakataong makasama sa paggawa ng pelikula pero syempre, mulat rin sa reyalidad na ang mas bubuhay sa gaya natin ay ang pagta-trabaho nga sa telebisyon, advertising, PR at iba pa.

Karamihan rin ng gumagawa ng pelikula ngayon ay naghahanap-buhay rin sa telebisyon gustuhin mang mag-fulltime sa pagpepelikula.

'Di rin nalalayo ang ilang mga kinakaharap na isyu ng mga manggagawa sa ibang larangan sa midya. At sa pinaka-payak na kaanyuan... lahat tayo ay mga manggagawang pangkultural.

Kaya't naisip ko na magtanong at magmungkahi na rin na kung may posibilidad ba na magkaroon ng sangay o anuman ang inyong grupo na bukas para sa iba pang manggagawa sa midya na naghahanap rin ng tunay at aktibong organisasyong kukubabaw sa kanilang mga interes.

Naisip ko, kung hindi man at sadyang sa inyo'y 'di pa hinog ang panahon para palaparin ang saklaw ng NMPP, may maaasahan kaya ang tulad kong may inisyatibong magsimula rin ng (kahit kaswal munang) grupo ng tulong mula sa inyo?

Inaamin ko kahit noon pa mang binukas ko sa ilang kaibigan ang ideyang ito... na sa sarili ko lang, 'di ko kakayanin i-materyalisa ang ambisyosong pangarap na ito.

Marami na rin akong nilapitan at istratehikong ginawa para magbigay daan kahit sa isang simpleng pagtitipon man lang na may tsansang makapagkita-kita ang mga artista't maggagawa sa midya at malayang makipagtalakayan at magmungkahi ng pagbubuklod-buklod... 'di ko rin naisakatuparan.

Para sa isang gaya kong mag-iisang dekada na sa industriya na sa kasawiang-palad ay wala pa ring nalasap na pag-unlad o kahit yun na nga lang sayang dala na magampanan ang malalim na layunin ng gawaing midya... madalas ang mga isiping saan nga ba tutungo ang pagmamatigas ng ulong magsumiksik sa magulong mundong ito? May maliwanag pa nga ba at makabuluhang patutunguhan ang mga susunod na guguguling panahon rito o marapat bang mag-isip nang tumahak ng ibang landas habang may nalalabi pang kabataan at ideyalismo sa katawan?

Lumulobo na ang populasyon natin sa 'di naman lumalaki at signipikanteng umuunlad na industriya... alam nating lahat ito.

Alam rin nating habang lumalaon... mas umiiksi ang 'expiration date' ng empleyo sa kalakarang ito.

Samantala, ang mga bagong tubo ay mas maalam na sa mga makabagong teknolohiya't handang pumalit sa ating naririto na... iyon rin nga ang problema dahil bumababa ang kalidad ng kanilang pagka-gagap sa esensya ng gawaing midya. Mistulang mga skilled workers na lang sila imbes mga bagong kritikal na propesyunal na tutulong sa pag-angat ng kalagayan ng lokal na midya.

Sa gitna ng lumalalang krisis ng ating lipunan, malaki ang kawalan ng aktibong pag-atake ng mga sektor ng midya at ng sining. Patuloy pa ring sablay ang mga pinag-aaksayahan natin ng pagod, panahon, pinansya sa mga tunay na pangangailangan ng mga mamamayan. At patuloy pa rin tayong kani-kanya ang laro.

Nananatili pa ring walang siyentipiko at mahusay na ugnayan ang mga behikulong ito ng kultura... na potensyal sanang tatapat sa basurang kulturang malaganap. Nakapanghihinayang ito sapagka't sa kabila ng mas demokratiko na ngayong mga teknolohiya sa komunikasyon... tila hirap pa ring magkaroon ng pagkakaugnay-ugnay ang mga magkakapatid na larangang ito.

Sa aking palagay... 'di mahirap pukawin ang diwa at boluntarismo ng iba't-ibang propesyunal at manggagawang midya. Nasasabi ko ito dahil sa karanasan kong makalangoy sa iba't-ibang trabaho sa pamamahayag. Napag-alaman kong parang naghihintayan lang ang lahat na may magpasimuno't maging prominente... at marami na ang susunod na magbigay ng kani-kanyang bahagi sa pagbabago.

Marami sa atin ang malaki ang diskuntento sa takbo ng buhay at lipunang Pilipino, kabilang na rin dito ang kalidad ng iniaatang sa kanilang gawain sa industriya. Sa sirkulo pa lang ng mga kaibigan ko at maging sa lahat ng nalibutan kong mga kumpanya, marami ang sukang-suka na sa kababawan at 'di naaangkop na mga pinag-gagagawa ng midya.

Nariyan ngang marami na rin ang nagtataguyod ng kani-kanilang mga bulto ng nagkaka-isang ganiyan at ganito ngunit wala pa ring nangingibabaw at matingkad na nag-aadbokasiya ng pagbubuklod-buklod para sa tunay na pagbabago ng takbo ng industriya.

Sana... kayo na itong hinihintay ng lahat. Ito na ang pinaka-tamang panahon. Lubos na ang pangangailangang baguhin natin ang internal nating pulitika nang sa gayon ay magampanan na natin ang tunay na tungkulin bilang mga alagad ng kultura.


Paumanhin sa haba ng mensahe ko. Nwa ay makatanggap ako ng reaksyon mula sa inyo.

Maraming salamat!