Ni Jose Maria Sison
Nobyembre 23, 1994
Lektyur sa isang klase sa pananaliksik
sa Ilalim ng American Studies Program
ng Unibersidad ng Utrecht
Sa punto de bista ng Europa, nasa Dulong Silangan ang Pilipinas. Isa itong grupo ng 11 pangunahing pulo at mahigit 7,000 maliliit na pulo. Ang mga pulong ito ay bumubuo ng mahigit 300,000 kilometro kwadrado ng lupa sa Pasipiko.
May konpigurasyon ang kapuluan paayon sa aksis na hilaga-timog, kahilera ng baybay-dagat ng timog Tsina at Vietnam na daan-daang kilometro ang layo pakanluran. Nasa hilaga ang Taiwan at Japan at nasa timog naman ang Silangang Malaysia at Indonesia, na alam na alam ninyo sa kasaysayang Dutch. Nasa silangan ng Pilipinas ang malawak na Karagatang Pasipiko at ilang libong kilometro pasilangan din ay naroon ang United States of America.
Mula noong digmaang Espanyol-Amerikano sa pagtatapos ng ika-19 na siglo, minataan na ng United States ang Pilipinas bilang malaking isda na mainam bingwitin at gawing kolonya dahil sa marami nitong likas na kayamanan at sa estratehikong lugar nito sa imperyalistang pakana ng U.S. na gawing lawang Amerikano ang Pasipiko para sa malalaking negosyo nito at para makakuha ng parte sa dambuhalang pamilihang Tsino.
May populasyong 67 milyon ang Pilipinas sa kasalukuyan. Ang (Kabuuang Produkto ng Bansa o GNP) nito ay mga US$50 bilyon. Kapag kinuwenta ang abireyds nito, makakakuha ka ng abireyds na taunang kitang per capita na mga US$700. Nakakalungkot na nga ang halagang ito, pero di hamak na mas masahol pa ang riyalidad. Malaking bahagi ng kita, sa katunayan, ay napupunta sa mga dayuhang korporasyong transnasyunal at bangko at mga lokal na uring mapagsamantala. Nasa ilalim ng pobertilayn (poverty line) ang mga 80 porsyento ng mamamayan, na ang karamiha'y manggagawa at magsasaka, kabilang ang mga tagalunsod at tagabaryo na kung anu-ano ang trabaho.
Maituturing na Malay ang mga 85 porsyento ng mamamayan. Kabilang sa iba pa ang mga Negrito, mga tribong tagabundok na nagmula sa lahing Austronesian at mga mistisong inapo ng mga Tsino at Caucasian, kabilang ang mga mistisong Kastila, Amerikano at Indian. Mula 500B.C., naninirahan na ang mga Malay sa may baybay-dagat at malalaking pampang. Mahigit 87 wika at dyalektong Malay ang kanilang sinasalita. Pero ang higit na nakakarami ay nagsasalita sa 8 pangunahing wikang Malay: Tagalog (29.7 porysento),Cebuano (24.2 porsyento), Ilokano (10.3 porsyento), Ilonggo (9.2 porsyento), Pangasinan (1.8 porsyento) at Waray (0.4 porsyento).
Ang mga Malay ang pinakanalantad sa kontrol at impluwensya ng kolonya-lismong Kastila at Katolisismo mula noong huling parte ng ika-16 na siglo hanggang katapusan ng ika-19 na siglo. Sila rin ang pinakanalantad sa kon-trol at impluwensya ng imperyalismong U.S. mula noong umpisa ng siglong ito. Pero napapanatili nila ang kanilang pagkakaiba-iba sa lipi at wika.
Mga 4.3 porsyento ng populasyon ng Pilipinas ang kabilang sa 12 etno-linggwistikong komunidad kung tawagi'y mamamayang Moro, na nasa timog-kanlurang Mindanaw at sa Islam nakasentro ang kultura mula noong ika-13 siglo. Mga 5 porsyento ang kabilang sa mga tribong tagabundok na ang pinagmulan ay matutunton sa paglikas ng mga Austronesian papunta sa kapuluang ito noong panahong neolitiko. Maliit na bahagdan lamang ng isang porsyento ang kabilang sa mga angkang Negrito na ang pinagmulan ay matutunton naman noong 25,000 taon na ang nakakaraan, ayon sa ebidensiyang arkeyolohikal.
Tagalog-Maynila ang pambansang lingua franca. Dumarami ang nakaka-intindi ng wikang ito at nagiging popular ang paggamit nito pangunahin sa pamamagitan ng mga network ng radyo sa buong bansa, pelikulang Tagalog, komiks, sistema ng paaralang publiko at mabilis na paglikas-likas ng mga tao mula sa isang pulo papunta sa isa pa. Pero nariyan ang panrehiyong lingua franca sa iba't ibang parte ng bansa.
Napapanatili ng mga mamamayan ang mga wika ng rehiyon at lokalidad, kahit lumalaganap ang Tagalog-Maynila, kahit mas gustong gamitin ang Ingles bilang midyum sa pagtuturo sa mga paaralan, bilang upisyal na wika sa burukrasya at wika ng pangunahing masmidyang elektroniko at nakaimprenta, at kahit ginagamit ang Taglish (halong Tagalog at Ingglis) pangunahin ng mga nakapag-aral o nag-aaral sa kolehiyo sa Maynila.
Walumpu't limang porsyento ng mga Pilipino ang bininyagan o rehistradong Katoliko; 4.3 porsyento ang Muslim; 3.9 porsyento ang kabilang sa Philippine Independent Church (isang makabayang pagkalas mula sa Simbahang Katoliko Romano pagkaraan ng lumang demokratikong rebolusyon sa Pilipinas); 3.6 porsyento ang kabilang sa mga simbahang Protestante na nagmula sa U.S. at 1.3 porsyento ang kabilang sa Iglesia ni Kristo, isa pang sektang Protestante na sa Pilipinas nagmula.
Maikling Praymer sa Kasaysayan at Kultura ng Pilipinas
Ang kasaysayan ng Pilipinas ay mahahati sa limang panahon: ang panahon bago ng pananakop ng mga kolonyalistang Kastila na tumagal hanggang huling parte ng ika-16 na siglo; ang panahon ng kolonyal at pyudal na paghahari ng mga Kastila mula noong huling parte ng ika-16 na siglo hanggang katapusan ng ika-19 na siglo; ang maikli pero makabuluhang panahon ng lumang demokratikong rebolusyon mula 1896 hanggang 1902; ang panahon ng kolonyal at malapyudal na paghahari ng U.S. hanggang 1946, na pinatlangan ng kolonyal na paghahari ng mga Hapon mula 1942 hanggang 1945; at ang kasalukuyang panahon ng paghaharing malakolonyal at malapyudal na nag-umpisa noong 1946.
Bago ng kolonyal na pananakop ng Pilipinas, nakakapangibabaw sa hanay ng mga nakararaming Malay ang mga maliliit na nagsasariling lipunan na pinaiiralan ng patriyarkal na pang-aalipin. May mga nagmamay-ari ng alipin, malaking bilang ng mga malayang mamamayan at mga ganap na alipin at malaalipin. Ang pinakamataas na pormasyong sosyo-pulitikal na naabot ay ang sa mga sultanatong Islamiko sa timog-Kanlurang Mindanao, laluna ang sa Sulu.
Nanatili ang kultura ng mga Malay na nagmula pa noong panahon ng bakal. Gayunman, ang mga mamamayan ay naimpluwensyahan ng mga kalapit na bansa sa timog-silangang Asya at ng Tsina. Walang mga istrakturang mega-litiko o yari sa malalaking bato, pero ang mga sultan, raha at pinuno ng baranggay ay may malalaking bahay na yari sa kahoy at mga bangkang iba't iba ang laki at kapasidad. Pangkaraniwan ang bangka na kayang magsakay ng ilang katao. Ang caracoa, na kayang magsakay ng mula 50 hanggang 100 katao, ay ginagamit sa pakikipagkalakalan at pakikipagdimaan sa mga taga-ibang pulo. Ang joangga, na kaya namang magsakay ng mahigit 300 katao ay ginagamit sa mas malakihang pakikipagkalakalan.
Dumating sa Pilipinas ang kolonyalismong Kastila bunsod ng merkanti-lismong Europeyo at ng hangaring palaganapin ang Katolisismo. Nag-umpisa ang proseso ng kolonyal na pananakop noong huling parte ng ika-16 na siglo. Nabuo ang isang kolonyal at pyudal na sistema ng lipunan sa loob ng mahigit 300 taon, na ang mga kolonyal na administrador at prayleng Kastila ang naghahari sa mga kolonisadong mamamayan, nagpapataw ng buwis sa mga ito, pangunahi'y sa porma ng pagpapatrabaho, upa sa lupa, tributo sa simbahan at tubong-komersyal mula sa kalakalang Maynila-Acapulco na tumagal noong mga unang taon ng ika-19 na siglo at sa bandang huli'y tubo mula sa pakikipagkalakalan sa mga bayang kapitalistang industriyal noong malaking bahagi ng ika-19 na siglo.
Sa kolonyal at pyudal na lipunan, ang mga panginoong maylupa ang bumubuo ng pinakamataas na uri sa mga katutubo. Inaabuso nila ang mga magsasaka, na mga 90 porsyento ng populasyon. Minorya ang mga artisano at manggagawa sa manupaktura. Lalong kakaunti ang mga katutubong pari, propesyunal at klerk na administratibo hanggang matapos ang kolonyal na paghahari ng mga Kastila.
Ang nangingibabaw na pwersang pangkultura sa kolonyal at pyudal na lipunan ay ang Katolisismo na pinalaganap ng mga ordeng relihiyoso na napapailalim sa kaharian ng Espanya. Ang mga paring Kastila ay nagpasasa ng kapangyarihang panlipunan, pampulitika, pangkultura at moral mula sa mga kolonisadong mamamayan. Ginamit nila ang katesismo, pulpito, kumpisalan at mga seremonyas para kontrolin ang mga mamamayan at gawing lehitimo ang sistemang kolonyal at pyudal. Sa katunayan, epektibo silang kahati sa kapangyarihan ng mga di relihiyosong kolonyal na administrador ng isang estadong totoo ngang teokratiko.
Noong 1880s, natutunan ng mga repormistang lider ng Kilusang Propa-ganda ng mga indyo at mistiso ang rasyunal na pilosopya at mga liberal na ideyang pampulitika ng Panahon ng Kaliwanagan sa Pransya (French enlightenment), rebolusyong Pranses at ng Panahon ng Kaliwanagan sa Espanya (Spanish enlightenment). Noong dekada 1890, nasapol ng mga lider ng rebolusyong Pilipino ang mga rebolusyonaryong ideya ng nasyunalismong burgis at demokrasyang liberal. Sa gayo'y sumiklab ang rebolusyong Pilipino noong 1896.
Pagsapit ng 1899, naibagsak na ng rebolusyonaryong pwersa ng sambayanang Pilipino ang kolonyal na kapangyarihang Kastila sa buong bansa, maliban sa napapaderang moog ng mga Kastila sa Maynila, at naitatag na ang isang pambansang gubyernong rebolusyonaryo. Pero noong taon ding iyon, pagkatapos magkunwaring tumutulong sa rebolusyonaryong kilusang Pilipino laban sa Espanya, inilunsad ng United States ang digmaang
Pilipino-Amerikano para angkinin ang Pilipinas.
Magiting na nilabanan ng sambayanang Pilipino at mga rebolusyonaryong pwersa ang U.S. na higit na nakalalamang sa lakas militar. Para masakop ang Pilipinas, hindi lamang pwersang militar ang ginamit ng U.S. at hindi lamang maramihang pagpatay ang ginawa nito, kung saan pinaslang ang hindi kukulangin sa 10 porsyento ng populasyon, kundi gumamit din ito ng mapanlinlang na mga islogan ng "benevolent assimilation", liberal na demokrasya ni Jefferson, Kristyanismo at malayang pag-nenegosyo" (free enterprise) para makapanggulo sa hanay ng mga lider ng rebolusyonaryong kilusan.
Ipinataw ng U.S. ang sarili nitong kolonyal na paghahari sa Pilipinas. Pero iba ito sa dating kolonyal na sistema ng lubus-lubusang pandarambong na ginagawa ng Espanya. Ito ay ang kolonyal na paghahari ng isang modernong kapangyarihang imperyalista na ang hangad ay itambak ang mga sarplas nitong produkto at sarplas na kapital sa Pilipinas. Hangad nitong magpasok ng kapital sa kolonya para makapanghuthot ng sobra-sobrang tubo.
Sa umpisa pa lamang, ninais ng U.S. na maitayo ang isang malapyudal na lipunan sa kolonya na kung saan ang malalaking kumprador at panginoong maylupa ang mga batayang uring nagsasamantala, at ang mga panggitnang saray ng mga petiburgesyang-tagalunsod at panggitnang burgesya at mga manggagawa at magsasaka ang siya namang mga batayang uring pinagsasamantalahan.
Para magawang malapyudal ang pyudal na lipunan, hinati-hati ng U.S. ang isang bahagi ng kinasusuklamang mga asyenda ng mga organisasyong relihiyoso, pinayagang kumilos nang malaya ang mga magsasaka para makapanirahan sa mga prontera o makapagtrabaho sa mga plantasyon, binuksan ang mga minahan, ipinasok ang marami pang kagamitang panggiling (milling facilities) sa mga plantasyon at minahan, pinasimulan ang pagmamanupaktura ng mga produktong pambahay na yari sa lokal na materyales, pinahusay ang transportasyon at komunikasyon at itinayo ang isang sistema ng paaralang publiko para mapasulpot ang mga tauhan na kailangan sa pagpapalawak ng mga negosyo at ng burukrasya.
Para makontrol ang ekonomya at pulitika, kinailangan ng U.S. na makontrol ang sambayanang Pilipino sa larangan ng kultura. Ginawa ito ng U.S. sa pamamagitan ng pagkubabaw at panghihimasok ng sarili sa dati nang umiiral na kulturang kolonyal at pyudal at sa kulturang katutubo bago naging kolonya ang Pilipinas.
Pagkaraan ng malupit na pananakop ng Pilipinas, nagpalapad ng papel sa mga mamamayan ang ilang mga tropang Amerikano sa pamamagitan ng pagiging mga titser sa mga paaralang publiko at pagtuturo ng Ingles. Pagkaraa'y barku-barkong dumating ang mga titser na Amerikano. Ang pagpapaunlad sa sistema ng paaralang publiko ay taliwas na taliwas sa kawalan nito noong panahon ng kolonyalismong Kastila. Nagdatingan din ang mga Amerikanong misyonaryong Katoliko at Protestante.
Ingles ang naging wikang panturo sa lahat ng antas ng sistemang pang-edukasyon. Ito ang naging paraan sa pagpapalaganap ng maka-imperyalistang liberal na pampulitikang pilosopiya at sa paninira sa mga makabayan at progresibong ideya at paniniwala ng mga rebolusyonaryo, at ang mga rebolusyonaryong ito mismo ay ining-ganyong pumaloob sa sistemang kolonyal at malapyudal. Kasabay nito, ginamit ang kapangyarihang pampulitika para supilin bilang krimen ang paglaladlad man lamang ng banderang Pilipino o anupamang palatandaan ng kabayanihan sa pamamagitan ng mga sulatin, pagtatanghal o aksyong masa.
Hinubog ang kaisipan ng mga batang mag-aaral sa tinatawag na buhay Amerikano at mas natututunan pa nila ang mga anekdota tungkol kay George Washington kaysa sa mga bayani ng rebolusyong Pilipino ng 1896 at mga makabayan at demokratikong mithiin ng sambayanang Pilipino. Sa murang gulang pa lamang ay tinuturuan na ang mga Pilipinong umayon sa mga ideya, saloobin at panlasa na katanggap-tanggap sa kolonyal na paghahari ng U.S. at sa mga bilihing gawa sa U.S.
Ang pangunahing pinalalaganap ng mga eskwelahang pantitser ng gubyer-nong kolonyal ay ang pragmatistang pilosopya ni John Dewey. Itinatag ang Unibersidad ng Pilipinas sa isang makaimperyalistang tipo ng pilosopyang liberal at naging pinakamataas na institusyon ito ng pag-aaral para sa pagprodyus ng mga lider ng bansa sa lahat ng larangan. Ang tinatawag na sistemang pensyonado ng scholarship grants at siguradong promosyon sa trabaho ay kinapalooban ng pagpapadala ng mga burukrata at gradwadong istudyante sa U.S. para sa mas mataas na edukasyon.
Hindi pahuhuli ang mga Heswitang Amerikano sa Amerikanisasyon ng sistema ng edukasyon at kultura ng Pilipinas, at nanguna sila sa mga organi-sasyong relihiyoso sa pagpapalit ng mga paring Amerikano sa mga paring Kastila sa kanilang mga institusyong akademiko ng mga nakatataas na uri sa lipunan. Samantalang salita sila nang salita na nangingibabaw sa kapitalismo at sosyalismo ang pananampalatayang Katoliko sang-ayon sa panlipunang ensayklikal ng papa, masigla naman nilang inihahanda ang kanilang mga istudyante para propesyunal na makapwesto sa lipunang pinaghaharian ng monopolyong kapitalismo ng U.S.
Sa loob ng maraming taon bago ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nagngawa ang mga kolonyalistang U.S. na tuturuan nila ang sambayanang Pilipino sa "pamamahala nang sarili at sa demokrasya." Patuloy na pinaunlad ng U.S. ang malapyudal na pundasyon ng ekonomya at ang super-istrakturang pampulitika at pangkultura para sa paghaharing malakolonyal o neokolonyal. Ang mga lider sa pulitika, ekonomya at kultura ay tinuruan at inihanda para sa transisyon mula sa kaayusang kolonyal tungo sa kaayusang neokolonyal.
Pagsapit ng 1936, itinatag ang gubyernong Komonwelt para mapaghandaan ang pagtatayo ng republikang neokolonyal pagkaraan ng sampung taon. Sa panahon ding ito, lubusang pinalitan ng Ingles ang Kastila bilang upisyal na wika sa serbisyo sibil. Sa paraang Amerikano isinagawa ang propesyunal at teknikal na pagtetreyning. Inayon ng mga manunulat at artist ang kanilang mga obra sa mga modelong pampanitikan at pangsining ng U.S. Nauso sa kapuluan ang mga pelikulang Hollywood, popular na musika, sayaw at pana-namit na Amerikano at ang mga panggagaya ng mga Pilipino sa mga ito.
II. Imperyalismong Pangkultura ng U.S. sa Neokolonyal na Pilipinas
Pagkaraan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, pinagkaloob ng U.S. ang kunwari'y kasarinlan sa Pilipinas noong 1946, at ibinigay sa mga pulitiko ng malalaking kumprador at panginoong maylupa ang responsibilidad sa pangangasiwa ng bansa. Naging isang republikang neokolonyal ang Pilipinas. Nanatiling malapyudal ang panlipunang ekonomya nito at malakolonyal ang sistema ng pulitika.
Ipinagmalaki ng U.S. ang Pilipinas bilang tanghalan ng demokrasya sa Asya, patunay sa "di pagkamakasarili at kabutihan" ng U.S., hanggang sa pagkaraan lamang ng 25 taon ay ipinataw ni Marcos sa Pilipinas noong 1972 ang 14 na taon ng pasistang diktadura na nagwakas noong 1986.
Tulad ng pagpapanatili sa karapatan ng mga korporasyon at mamamayan ng U.S. na magkaroon ng ari-arian sa Pilipinas, karapatang gumamit ng ating likas na kayamanan kapantay ng mga Pilipino, pagpapanatili sa mga base militar at kontrol sa AFP sa pamamagitan ng mga triti at kasunduang ehekutibo, pinanatili rin ng U.S. ang kontrol nito sa sistema ng edukasyon at kultura ng Pilipinas sa pamamagitan ng natipong kaisipang kolonyal at mga bagong aregluhan, programa at teknika.
Ang antikomunismo, na unang tumampok noong dekada 30, ay mas umali-ngawngaw bilang napakahalagang sangkap ng kaisipang kolonyal, at tumindi ito pagkaraan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig bilang reaksyon sa kilusan sa pambansang pagpapalaya sa Pilipinas na pinamumunuan ng mga komunista at bilang reaksyon din sa mga bansang sosyalista at mga kilusan sa pambansang pagpapalaya sa Asya at iba pang parte ng mundo. Ang Cold War ay naging malakas na pwersa sa imperyalismong pangkultura ng U.S. sa Pilipinas.
Ginawang sangkalan ang antikomunismo para sa pagpapatuloy ng domina-syon ng U.S. sa Pilipinas, sa pagpapanatili ng di makatarungang sistemang kolonyal ng malalaking kumprador at panginoong maylupa at sa panunupil sa mga pambansa at demokratikong mithiin ng sambayanan. Naging matibay na panghinang ng antinasyunal at antidemokratikong kumbinasyon ng imperyalismong pangkultura ng U.S. at pyudal na kultura sa iba't ibang antas ng lipunang Pilipino at sa iba't ibang larangan ng aktibidad sa lipunan.
Mula noon, ang mga programa sa pag-aaral at mga teksbuk, sa aspetong ideolohikal ng mga ito, ay pinaplano na at pinangangasiwaan ng mga adbayser sa edukasyon at bumibisitang propesor na taga-U.S. at mga alipuris nilang Pilipino, at pinipinansyahan ng mga grant sa ilalim ng U.S. Agency for International Development (USAID) at nauna ritong mga ahensya, sa ilalim ng U.S. Public Law 480 at ng iba't ibang pundasyong U.S. tulad ng Ford at Rockefeller.
Ang mga scholarship at study travel grant sa ilalim ng mga programang Fulbright at Smith Mundt, ng mga pribadong pundasyong U.S., relihiyosong organisasyong nakabase sa U.S. at ang direktang pagpapalitan ng mga unibersidad sa U.S. at Pilipinas at ng iba pang institusyon ay naging napaka-importante sa paghubog at pag-impluwensya ng pamamaraan ng pag-iisip ng mga propesor sa unibersidad at ng kanilang mga istudyante.
Ang U.S. Information Agency at ang mga nauna nitong ahensya, Voice of America, Peace Corps at mga Amerikanong misyonaryong relihiyoso ay naging aktibo sa pagpapalaganap ng anti-komunista at maka-imperyalistang propaganda at biases laban sa mga pambansa at demokratikong mithiin ng sambayanan.
Ipinapasok sa Pilipinas ang impormasyon mula sa ibang bansa pangunahin sa pamamagitan ng wire services ng U.S., tulad ng Associated Press at United Press International, at Voice of America. Ang CNN sa telebisyon ang isang bagong makapangyarihang pinanggagalingan ng impormasyon mula sa U.S. Sa palihim na paraan ay sinasadya ng Central Intelligence Agency (CIA) na magkalat ng mga istorya sa masmidya sa Pilipinas para siraan at pasamain ang mga personalidad at kilusang itinuturing na sumpa sa pambansang interes ng U.S.
Ang mga ahente ng imperyalismong pangkultura ng U.S. ay laging nag-iiskandalo tungkol sa obhetibong pag-uulat tuwing mahaharap sila sa proletaryong rebolusyong paninindigan at sa anti-imperyalistang linya ng pambansang pagpapalaya. Pero sa katunayan, ang mga balita at palabas sa burgis na masmidya ay bias at kontra sa mga tumututol sa dominasyon ng dayuhang monopolyong kapital at lokal na reaksyon.
Pero hindi kailangang maging Amerikano ang mga direktang tagapagdala ng imperyalismong pangkultura ng U.S. Ang masmidyang nakaimprenta at elektroniko ay isinabansa mula noong 1972, at pinepresyur na naman ng denasyunalisasyon. Gayunman, may kaisipang kolonyal ang mga Pilipinong nagmamay-ari, manedyer sa brodkast at editor, at gumagamit sila ng mga palabas at programa na gawa sa U.S. o di kaya'y gawang Pilipino na gumagaya sa mga kasalukuyang kalakaran o uso sa U.S.
Unang-una na, mas may prestihiyo at mas nagugustuhan ang mga produkto sa pamilihan dahil ang mga ito'y gawa o galing sa U.S. Popular na mga tatak ang Coca-Cola, McDonald's at Marlboro. Ang mga bilihing U.S. ay ginagawang popular ng komersyal na adbertaysing sa midyang elektroniko at nakaimprenta. Pag-aari ng mga Amerikano ang pinakamalalaking ahensya sa adbertaysing sa Pilipinas, o kung Piliino ang may-ari ay mga produktong U.S. ang iniaadbertays at ginagaya ang istilo ng Madison Avenue.
Sa larangan ng aliwang pangmasa at kulturang popular, laluna sa kalunsuran at malalunsod na mga lugar hanggang sa mga poblasyon, walang dudang nangingibabaw ang U.S. at malaki ang kaabantihan nito sa alinpamang dayuhang impluwensya at kahit sa mga naghahangad na mas itampok ang mga pang-kulturang produktong Pilipino o di kaya'y magpasok ng mas Pilipinong katangian sa mga produkto at aktibidad na pangkultura.
Ginagamit ng mga ahente ng imperyalismong pangkultura ng U.S. ang islogang puro aliwan kaugnay ng kulturang popular. Layon nito na magpalaganap ng pagbabalewala (apathy), sinisismo (cynicism) at eskapismo sa pamamagitan ng pagpapaanod sa sariling kutob at ego, pigiling lumaganap ang rebolusyonaryong panawagan sa sambayanan at magtaguyod ng mga ideya at sentimyentong sumusuporta, direkta man o hindi direkta sa pusisyon ng monopolyong kapitalismo ng U.S.
Ang mga pelikulang Hollywood, programa sa telebisyon mula sa U.S., sikat na kantang pop at pananamit ay nangingibabaw sa mundo ng kultura ng mga nakakataas na uri, petiburgesyang-lunsod at panggitnang burgesya, bur-gesya ng kanayunan at kahit maralita ng lunsod. Hindi gaanong nabobomba ng imperyalismong pangkultura ng U.S. ang mga maralita at panggitnang magsasaka at mga katutubo sa mga liblib na lugar. Pero hindi matatakasan ang impluwensya nito sa pamamagitan ng radyo, pagpasok ng ilang produktong U.S. at paminsan-minsang pagbyahe papunta sa kalunsuran.
Kahit sa isports, napakalakas ng impluwensya ng kulturang U.S. Basketbol ang nagungunang popular na laro ng kalalakihan at larong panoorin sa Pilipinas kahit hindi matangkad ang karaniwang Pilipino. Alam na alam ng mga Pilipino ang mga pangalan at istilo ng paglalaro ng mga sikat na basketbolista ng U.S. sa NBA tulad ng pagkaalam nila sa mga artista sa Hollywood.
Mula noong dekada 60, itinaguyod na ng U.S. ang paraang multinasyunal sa dayuhang pamumuhunan sa Pilipinas at sa pagsasamantala ng sambayanan. Mula noon, tinalo na ng Japan ang U.S. sa pagbebenta ng mga sasakyang dimotor at pangkonsyumer na produktong elektroniko sa Pilipinas. Pero napakahina ng impluwensyang pangkultura ng Japan kung ikukumpara sa impluwensya ng U.S. Maaaring Sony ang tatak ng video-player o compact-disc player pero U.S. pa rin ang pelikulang pinanonood o musikang pinaki-kinggan. Basura ang karaniwang pelikulang Hollywood at nakakatusing na kanta ng pag-ibig ang mga sikat na kantang pop.
Ang pananatili ng Ingles bilang pangunahing wikang panturo sa mga paaralan at pangunahin ding wika sa upisyal at pangmasang komunikasyon ay nagbibigay ng laging maaasahang daluyan ng imperyalismong pangkultura ng U.S. Hindi lamang pangunahing wikang dayuhan sa Pilipinas ang Ingles. Kasama ang Taglish (halong Tagalog at Ingles, tulad ng Brutch sa Nether-lands), Ingles ang nangunguna at malaki ang agwat na pumapangalawa lamang ang Pilipino o Tagalog-Maynila bilang wika sa komunikasyon ng mga Pilipinong nakapagtapos ng hayskul.
Ang mga natamo ng kilusan para sa isang pambansa at demokratikong kultura, mula noong dekada 60 hanggang noong mga unang taon ng dekada 70, ay parang naglaho dahil sa pasistang rehimeng Marcos na nag-umpisa noong 1972. Halimbawa, humina ang lumalalakas na pagkiling ng mga titser Unibersidad sa Pilipino bilang wikang panturo at pagkiling ng mga brod-kaster sa radyo sa musikang Pilipino sa Tagalog. Ipinagbawal syempre ang mga kanta, pelikula at artikulong tumutuligsa sa pang-aapi at pagsasamantala ng imperyalismong U.S. at lokal na mga uring mapagsamantala sa sambayanang Pilipino, at pinalasap ng sobrang pahirap ang mga awtor ng mga iyon, kabilang ang pagtanggal sa tinatrabahuan, pagkumpiska ng kanilang ari-arian, pagkulong at pagtortyur.
Sa mga nakapag-aral sa unibersidad, mas kinikilala ang panitikan sa Ingles kaysa panitikan sa Pilipino kahit mas marami ang mambabasa ng ikalawang nabanggit sa mga publikasyong Pilipino. Sa katunayan, ang mga pamantayan at tuntunin sa kung ano ang itinuturing na mahusay na akda ay itinatakda pa rin pangunahin ng kritisismo ng sining at panitikan na hinango sa burgis na panitikang U.S. ng karaniwang mga propesor sa unibersidad, manunulat at kritiko na halihaliling binibigyan ng mga scholarship at travel grant sa United States.
Anupaman ang mga makabagong teoryang pumapalibot sa "sining alang-alang sa sining" (art for art's sake) o sa tinatawag na kadalisayan ng tula sa hanay ng mga nakapag-aral sa unibersidad, nananatili ang katotohanan na paglabas nila sa mga klasrum ay ordinaryo (mediocre) na nobelang U.S. ang karamihang binibili nila, o di kaya'y mga patakbuhing akdang nagtutuon sa seks at karahasan, at mga komiks at magasing nagtatampok ng mga bituin sa pelikula at sa isports.
Sa resulta ng isang sarbey sa mga batang mag-aaral sa paaralang publiko na isinagawa para sa isang disertasyong doktoral noong dekada 80, matingkad na makikita kung gaano kalaganap at kalalim ang impluwensya ng imperyalismong pangkultura ng U.S. sa Pilipinas. Tinanong ang mga mag-aaral kung sa aling bayan nila gustong maging mamamayan sakaling papipiliin sila. United States ang pinili ng nakararami.
Imperyalista man o hindi, malakas ang impluwensyang pangkultura ng U.S. sa Pilipinas, hindi lamang dahil sa pagkubabaw o pagtagos nito sa kultura ng Pilipinas sa pamamagitan ng mga ahensya at ahenteng U.S. kundi dahil din sa madalas na pagparoo't parito ng mga Pilipino sa U.S. at Pilipinas at sa katotohanang mga dalawang milyong Pilipino ang naninirahan ngayon sa United States.
Mula 1989, nang mayanig ang burukratang kapitalistang rehimeng rebisyu-nista ng Tsina at mag-umpisang gumuho ang ganoon ding mga rehimen sa Silangang Europa at Unyong Sobyet na matagal nang nagkukunwaring sosyalista, lumarga nang husto ang makinarya sa ideyolohiya at propaganda ng U.S. sa pagpapalaganap ng linya na walang pag-asa ang pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya at sosyalismo at na ang kasaysayan ay wala nang isusulong pa mula sa kapitalismo at demokrasyang liberal.
Natatangay ng imperyalistang opensiba sa ideolohiya at pulitika ang isang maliit na seksyon ng intelihensya. At may sandakot na bayarang ahente ng U.S. at ilang di mapagkakatiwalaang elemento na nagpapalutang ideya na laos at inutil na ang pakikibakang anti-imperyalista at makauring pakikibaka. Dakdak sila nang dakdak na wala nang magagawa kundi ang maghangad ng mga repormang burgis-demokratiko sa loob ng "bagong kaayusan sa mundo" (new world order) sa ilalim ng solong hegemonya ng United States. Ang mga NGO na pinipinansyahan ng mga tagapondong ahensya ng U.S., Kanlurang Europa at Japan ay nimisrepresent ang mga sarili bilang alternatiba sa rebolusyonaryong kilusang masa na pinamumunuan ng Partido ng uring manggagawa.
Sa kabila ng hegemonya ng imperyalismong pangkultura ng U.S. sa Pilipinas, na pinatitindi ng mataas na teknolohiya sa transportasyon at komunikasyon, sinasakyan nito ang patung-patong na kulturang pyudal at katutubo dahil sa di nagbabagong malakolonyal at malapyudal na katangian ng lipunang Pilipino. Naglalabanan at nagtutulungan ang kulturang imperya-lista at kulturang pyudal pero pangunahing schizopherenic na nagtutulungan ang mga ito, laluna sa pagpapanatili ng kalakaran sa ekonomya, pulitika at kultura.
III. Paglaban sa Imperyalismong Pangkultura ng U.S.
Ang imperyalismong pangkultura ng U.S. ay malakas at pursigidong nila-abanan ng mga makabayan at progresibong pwersa na tumatangan sa pangkalahatang linya ng pambansa-demokratikong rebolusyon at nanana-agan para sa isang pambansa, syentipiko at pangmasang kultura. Ibinibilang ko ang aking sarili sa pwersang ito. Hindi naman sa pagmamalaki, nakilala ako bilang tagapagpahayag ng pwersang ito mula pa noong 1959 nang gradwadong istudyante pa ako at lektyurer sa Unibersidad ng Pilipinas.
Ang kasalukuyang pambansa-demokratikong rebolusyon ay maituturing na pagpapatuloy ng di natapos na rebolusyong Pilipino ng 1896. Isa itong kilusang magkukumpleto sa pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya at demokrasya laban sa dominasyong dayuhan at pyudal. Binigo na ng U.S. ang pakikibakang ito mula pa noong umpisa ng kasalukuyang siglo.
Mailalarawang bagong tipo ang isinasagawa ngayong pambansa-demokratikong rebolusyon. Ang makauring pamumuno ay nalipat sa uring manggagawa mula sa burgesyang liberal na papausbong noong panahon ng lumang demokratikong rebolusyon ng 1896. Nasa ubod ng rebolusyonar-yong kilusan ang mga kadre na ginagabayan ng Marxismo-Leninismo, samantalang ang nasa ubod ng rebolusyong Pilipino ng 1896 ay mga kadreng ginagabayan ng anti-kolonyal na ideolohiyang liberal-burgis.
Isinasaalang-alang ngayon ng pambansa-demokratikong rebolusyon ang mga obhetibo at suhetibong kundisyon sa panahon ng modernong imperyalismo at proletaryong rebolusyon. Habang itinataguyod ang makauring pamumuno ng uring manggagawa, umaangkla ito sa alyansa ng uring manggagawa at uring magsasaka, naghahangad na makuha sa panig ng rebolusyon ang mga panggitnang saray ng lipunan at nagtatangkang samantalahin ang mga kontradiksyon ng mga reaksyunaryo para labanan at ibagsak ang dayuhang monopolyong kapitalismo, lokal na pyudalismo at burukratang kapitalismo.
Programadong hinaharap ng pambansa-demokratikong rebolusyon ang mga isyu sa pulitika, ekonomya at kultura para mapukaw, maorganisa at mapakilos ang mga mamamayan. Layunin nitong palitan ng demokratikong estadong bayan ang estado ng malaking kumprador-panginoong maylupa na kontrolado ng U.S. nang sa ganoo'y malusaw ang malapyudal na ekonomyang agraryo sa pamamagitan ng programa sa pambansang industriyalisasyon at reporma sa lupa at gayundin ang antinasyunal, pyudal at anti-mamamayang kultura sa pamamagitan ng pambansa, syentipiko at pangmasang kultura.
Bakit dapat maging pambansa ang kulturang Pilipino. Matagal na itong bihag, problemado at pinagsasamantalahan ng kaisipang kolonyal sa ilalim ng mahigit tatlong siglo ng kolonyalismong Kastila at pagkaraa'y ng kaisipang kolonyal at neokolonyal na ipinataw ng imperyalismong U.S.
Ang lokal na kultura at ang umuunlad na pambansang kultura ay dapat mahalin at pagtibayin at gawing bahagi ng rebolusyonaryong kamulatang pambansa nang sa ganoo'y makapagsilbi sa pambansang pagpapalaya at maiwaksi ang mapanghamak na pagiging sunud-sunuran sa dominasyon ng mga dayuhan. Sa gayo'y marangal na makakapwesto ang bansang Pilipino sa komunidad ng mga bansa.
Bakit dapat maging syentipiko ang kulturang Pilipino? Dapat nitong iwaksi ang nakamamatay na epekto ng kulturang pyudal at malapyudal, palayain ang sambayanan sa pagkakagapos bunga ng mga pamahiin, kawalan ng edukasyon at misedukasyon at pakinabangan ang mga pag-unlad ng syensya sa mundo.
Dapat palayain ng syentipikong kultura ang mamamayang anakpawis at iba pang pwersang mapanlikha mula sa mga pwersa ng pang-aapi at pagsa-samantala. Dapat magsilbi ang syensya at teknolohiya sa pangkalahatang pag-unlad ng sambayanan. Ang kalalakihan at kababaihang nakapag-aral ng syensya ay hindi na dapat maging tagasilbi lamang ng mga imperyalista at lokal na reaksyunaryo.
Bakit dapat magkaroon ng katangiang pangmasa ang kulturang Pilipino? Higit sa lahat dapat nitong pagsilbihan ang masang anakpawis. Dapat paunlarin ng mga mamamayan mismo ang ganitong klase ng kultura. Nahahango ang pinakamahalagang kaalaman sa pamamagitan ng pag-alam sa kanilang kalagayan, mga pangangailan at kakayahan. Makakayanan at dapat gawing popular ang anumang mas mataas na kaalaman mula sa alinmang seksyon ng mamamayan.
Hindi dapat ituring na walang kabuhay-buhay na masa ang mga mama-mayan. Sa yugtong ito ng kasaysayan ng rebolusyong Pilipino, malinaw na pinamumunuan ng uring manggagawa ang sambayanan at binubuo sila pangunahin ng higit na nakakaraming manggagawa't magsasaka. Dapat kumampi sa kanila ang intelihensya laban sa mga mapagsamantalang may-ari ng lupa at kapital.
Bago mag-Ikalawang Digmaang Pandaigdig, may mga pagsisikap ang uring manggagawa o petiburgesyang-lunsod na ipagpatuloy ang rebolusyong Pilipino. Pero laging nabibigo ang mga pagsisikap na iyon hanggang noong 1959 nang muling magkaroon ng mauumpisahan at mapapaunlad nang tuluy-tuloy magpahanggang sa kasalukuyan.
Itinatag noong 1959 ang Student Cultural Association of the University of the Philippines bilang tagapagtaguyod ng bagong demokratikong rebolusyon at ng kulturang umaayon sa pangkalahatang linyang ito. Kabilang sa SCAUP ang isang lihim na ubod ng mga Marxista-Leninista. Sa bandang huli'y naging pangunahing makina ito sa pagtatatag ng Kabataang Makabayan o KM, isang komprehensibong organisasyon ng kabataang manggagawa't magsasaka,istudyante at propesyunal, noong Nobyembre 30, 1964.
Ang KM ang naging pinakatampok na organisasyong nagtataguyod sa ligal na kilusang demokratiko noong kalakhang bahagi ng dekada 60 hanggang 1972. Itinuring ng KM na ang programa nito sa edukasyon, ang propaganda nito at mga militanteng aksyong masa ang bumubuo ng Ikalawang kilusang Propaganda, na nakakapagpaalala ng unang kilusang propaganda noong dekada 1880 na nagbigay-daan sa rebolusyong Pilipino ng 1896.
Sa katunayan, ang KM ang naging sanayan ng mga rebolusyonaryong kadre sa larangan ng pulitika at kultura. Sa iba't ibang tipo ng organisasyong masa, ito ang naging pangunahing responsable sa pagtataguyod ng bagong demokratikong rebolusyong pangkultura laban sa dominanteng kulturang maka-imperyalista at reaksyunaryo mula pa noong ilkalawang hati ng dekada 60 at paglulunsad ng Sigwa ng Unang Kwarter ng 1970, na kinapalooban ng serye ng aksyong masa ng 50,000 hanggang 100,000 katao at sa kalauna'y naging inspirasyon sa pagbubuo ng ilang organisasyong pangkultura at pampanitikan nagtataguyod ng pambansa, syentipiko at pangmasang kultura.
Mula dekada 60 hanggang 1972 nang iproklama ni Marcos ang batas militar, itinaguyod ng KM ang paggamit ng pambansang wika bilang pangunahing wikang panturo sa lahat ng antas ng sistema ng edukasyon; ang muling pagbubuo ng mga kurso sa pag-aaral at pagbabasa para maisama ang mga progresibo at rebolusyonaryong akda; ang programa sa pagpapadala ng mga tim ng istudyante, manunulat at manggagawang pangkultura sa mga pabrika at sakahan para magsagawa ng imbistigasyong panlipunan at matuto sa masa; at ang pag-oorganisa ng mga grupong pangkultura sa mga manggagawa at magsasaka.
Dahil sa rehimen ng batas militar, napwersang mag-underground ang KM at lahat ng ligal na makabayan at progresibong organisasyong pangkultura. Pero marami sa mga aktibistang pangkultura ang sumama sa rebolusyonar-yong armadong pakikibaka sa kanayunan at nagpatuloy sa rebolusyong pangkultura sa mas malawak na saklaw at mas malalimang paraan. Mula 1969 nang itatag ng Partido Komunista ng Pilipinas ang Bagong Hukbong Bayan o BHB, nagtataguyod na ito ng anti-imperyalista at antipyudal na rebolusyong pangkultura sa kanayunan.
Maging sa panahon ng matinding kalupitan ng batas militar, nabuhay ang mga anti-imperyalista at antipyudal na mga pangkulturang aktibidad kahit sa kalunsuran sa kabila ng pagsesensor at panunupil ng militar. Palihim na isinulat at ipinakalat ng mga kadreng pangkultura ang kanilang mga tula, dula, maikling kwento at nobela. Marami ang nangahas na mapanlikhang makapagtanghal sa intablado sa mga manggagawa at magsasaka. Nagkaroon ng mga mabilisang pangkulturang palabas (lightning) at mabilisang eksibit ng mga sining biswal. Nang mag-umpisang gumuho ang pasistang rehimen at tuluyang bumagsak noong 80's, ang rebolusyonaryong kilusang masa at ang pinayabong nitong kilusan sa kultura ay tumampok at nagningning.
Ang kilusan sa kultura ay isang mayor na bahagi ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Kunektado ito sa ligal na demokratikong kilusang masa na nakabase sa kalunsuran at gayundin sa digmang bayan na nakabase sa kanayunan. Ang mga kadreng pangkultura ay nagsasagawa ng mga pangkulturang pag-aaral sa piling ng masa, lumilikha ng mga obra tulad ng musika, peynting, tula, dula, maikling kwento, nobela at pelikula at nagtatanghal sa intablado at lansangan.
May mga ispesyalisadong asosasyong pangkultura, hayag man o under-ground. Hayag ang Concerned Artists of the Philipines, Bugkos, Panulat at iba pa. Ang pinakatampok at pinakakomprehensibong underground na organisasyong pangkultura ay ang ARMAS, na isang alyadong organisasyong kabilang sa National Democratic Front o NDF. May sariling mga grupo ng kadreng pangkultura at tagapagtanghal ang mga pangunahing ligal na organisasyong masa ng manggagawa, magsasaka, kabataan at kababaihan at marami sa mga nakabababang yunit ng kanilang organisasyon.
Sa kanayunan, mayroon ding mga tim na pangkultura na nakakawing sa BHB at naroon ang napakaraming grupong pangkultura ng mga lokal na komunidad. Ang maamong nilalaman at mga porma ng katutubong kultura ay ginagamit at isinasanib sa proletaryong linyang rebolusyonaryo ng uring manggagawa, pambansa-demokratikong programa at ng pambansa, syentipiko at pangmasang kultura. Nilalagyan ng rebolusyonaryong nilalaman ang mga tradisyunal na porma ng sining at panitikan.
Maitatanong ninyo kung ang pambansa-demokratikong rebolusyon at ang kilusan nito sa kultura ay negatibong naapektuhan ng globalisasyon ng produksyon na ngayon lamang nangyayari, ng hindi kinukwestyon na solong hegemonya ng U.S., ng paggamit ng mataas na teknolohiya sa paghuthot ng sobra-sobrang tubo, ng pagguho ng mga rebisyunistang rehimen na pinagharian ng mga burukratang kapitalistang nagkukunwaring sosyalista, ng tila pagtatagumpay ng neokolonyalismo at ng imperyalistang opensiba sa larangan ng ideolohiya at pulitika mula noong 1989.
Tulad ng sinabi ko kanina, isang maliit na seksyon lamang ng intelihensya ang nalilito at nadidismaya. Iyon din ang seksyon na laging nagiging sunud-sunuran sa U.S. at mga lokal na uring mapagsamantala. Ang ilang elemento sa seksyong ito ng petiburgesya ay pumusturang Kaliwa noong nakaraan, laluna sa pakikibaka sa pasistang rehimeng Marcos, pero nang mabigo ang kanilang mga ilusyon na matamo kaagad ang tagumpay sa rebolusyon ay lantaran nilang pinanghawakan ang pusisyong maka-Kanan.
Kung ang tatanungin ay ang masa ng manggagawa at magsasaka at kalakhan ng petiburgesya, matatag nilang sasabihin na wala silang mapipili kundi ang ipagpatuloy ang kanilang anti-imperyalista at antipyudal na pakikibaka, tulad ng hindi pagtigil ng mga naunang rebolusyonaryo sa kanilang pakikibka para sa pambansang pagpapalaya at demokrasya sa kabila ng daan-daang taon ng kolonyal na paghaharing Kastila at deka-dekada ng imperyalistang dominasyon ng U.S. Tinatanaw nila ang muling pagbulwak ng kilusang anti-imperyalista at kilusang sosyalista na ibubunga ng kasalukuyang ligalig sa mundo.
Panghuling Pananalita
Bilang pagtatapos, gusto kong magbigay ng ilang pananalita na nagha-hambing sa Pilipinas at Netherlands kaugnay ng impluwensya ng U.S. sa kultura. Umaasa ako na makakatulong ito na patalasin ang inyong pag-unawa sa paksang tinalakay ko nang malawig.
Tiyak na may malakas na impluwensyang pangkultura ang U.S. sa Nether-lands. Sa mga bansa sa kontinenteng Europa ngayon at mula nang lumikas papunta sa Hilagang Amerika ang mga setler na Dutch, ang Netherlands ay isang bansang madalas ilarawang may pinakamahigpit na relasyong pangkultura sa United States. Malapit itong alyado ng U.S. sa lahat ng larangan at isa sa mga pangunahing alyado ng U.S. sa kolonyal, imperyalista at neokolonyal na pagsasamantala sa Asya nitong ika-2- siglo, sa cold war ng nakaraang bipolar world at sa kasalukuyang bagong ligalig sa mundo.
Litaw na litaw ang imperyalismong pangkultura ng U.S. sa Pilipinas dahil ang aking bansa ay isang di pa industriyalisadong neokolonya ng United States. Di hamak na mas independyente ang Netherland dahil isa itong maunlad na maunlad na bayang industriyal at isa nga itong kapangyarihang neokolonyal.
Hayaan ninyong gamitin ko ang isyu ng lenggwahe bilang halimbawa. Gina-gamit ng mga Dutch ang Ingles bilang pangunahin nilang lenggwaheng internasyunal dahil obhetibong ito ang pangunahing lenggwahe sa mga usaping internasyunal. Pero sa loob ng Netherlands at sa mga mamamayang Dutch, ang wikang Dutch ay laganap at nangingibabaw sa alinmang dayu-hang wika sa lahat ng larangan ng aktibidad. Sa kaso ng isang neokolonya tulad ng Pilipinas, ang wikang Ingles, sa katunayan, ay nangingibabaw sa pormal na kinikilalang wikang pambansa at nagiging behikulo ng mga ideya, saloobin, at panlasa na nagpapailalim sa sambayanan sa kapangyarihan ng United States.
May mga produktong U.S. na pinakakainteresan nang husto ng mga konsyumer sa Netherlands. Pero ang mga mamamayang Dutch ay di hamak na may mas maraming iba't ibang sariling produkto at mas maraming mapagpipiliang imported na produkto kaysa mga Pilipino. Ang mga tagasyudad sa Pilipinas ay bihag ng maraming iba't ibang produktong U.S. na pang-konsyumer at sila'y walang tigil na dinadagsaan ng mga kumersyal hindi lamang sa midyang elektroniko at nakaimprenta kundi pati sa napakapangit na mga bilbord.
Ang Netherlands, sa palagay ko, ay di hamak na mas mapili sa pag-aangkat ng mga pelikulang U.S. Pero ang Pilipinas ay walang pakundangan sa pag-aangkat, at nagtutuon sa mga pinakabulgar na panlasa. Di hamak na mas maraming pelikula ang ipiniprodyus ng mga Pilipinong prodyuser ng mga pelikula kaysa mga Dutch, pero ang karamihan sa mga pelikulang Pilipino ay pattern sa mga pelikulang Hollywood at sa mga pelikulang martial arts mula sa Taiwan at Hongkong. Mas malalaki ang mga sinehan sa Pilipinas dahil mas kakaunti ang mga videoplayers at hindi kayang bilhin ng mga mamamayan na higit na maliit ang kita kumpara sa taga Netherlands.
Ang mga istasyon ng telebisyon sa Pilipinas at Netherlands, sa palagay ko, ay mahilig sa mga programang U.S., laluna sa mga serye ng drama at komedi. Sa ngayon, hindi ko pa natatantya man lamang kung gaano kalulong sa ganyang mga programa ang mga mamamayang Netherlands at ng Pilipinas.
Kaugnay ng mga popular na nobelang U.S., siguro'y mas maraming Dutch na mamimili ng mga ito, sa orihinal na Ingles at sa saling Dutch, sa mga bukstor ng bruns kaysa mga mamimiling Pilipino na karaniwang nakapag-aral sa unibersidad at na mas gustong basahin sa Ingles ang mga nobelang ito kaya hindi na isinasalin sa Pilipino.
Inaasahan ko na sa pagkukumpara ng impluwensyang pangkultura ng U.S. sa Pilipinas at sa Netherlands ay masasapol ninyo ang mga kaibahan at pagkakahawig ng isang aliping neokolonyal at ng neokolonyalistang kapartner ng United States. #
wowch!
ReplyDeletei'm so smart in thiz page..
hehehe...
do u know y?!
cauze in diz page..
its so interesting....
so i can learn lots of diz thing...
by da way..
change topic!
add me on ur friendser..
nica10_playgurl12@yahoo.com...
tenk you!
_pLaYgUrL_
hi aira po
ReplyDeletetenk you poh..
sa mga nag-lalagay ng mga search...
kung wla poH i2!!!
hhhhhmmmmmmmmmm........
wla poH aQonG sGoT sA aSsiGnMenT..
ty po ulit...
hi my name iz aira patricia,,.,
ReplyDeletetenk you kzi my na search na rin aq0H swks....,,,..
aNd im soH glad dat i do it..,,
T.Y.
aira poH uli..!!!!
hi my name iz aira patricia,,.,
ReplyDeletetenk you kzi my na search na rin aq0H swks....,,,..
aNd im soH glad dat i do it..,,
T.Y.
aira poH uli..!!!!
haixsss salamat may isasagot na ako sa report ko
ReplyDeleteThis comment has been removed by the author.
ReplyDelete