KRISIS AT REBOLUSYONG PILIPINO
25 Abril 1986
Ang kultura ay repleksyon ng ekonomya at pulitika. Ang dominanteng mga pwersa at bagong lumilitaw na mga pwersa sa ekonomya at pulitika ay kapareho niyong sa kultura. Ang nagsasalungatang pwersang ito at ang mga esensyal na kontradiksyon ng mga ito ay nagkakaroon ng mga porma sa ideolohiya at may depinidong mga makinarya sa larangan ng kultura.
Sinasaklaw ng kultura ang mga paraan ng pag-iral at tunguhin ng kaisipan sa pilosopiya, pulitika, ekonomya, sysensyang pangkalikasan at panlipunan, sining at literatura, sistema ng batas at moralidad. Kabilang sa mga makinarya ng kultura ang mga institusyon, iba't ibang tipo ng organisasyon at tauhan na nakakonsentra o may espesyalisasyon sa gawaing pangkultura.
Gayunman, ang kultura ay hindi simpleng repleksyon sa ideolohiya ng mga kasalukuyang pwersa at kontradiksyon sa ekonomya at pulitika. Ito rin ay akumulasyon ng mga ideya, kostumbre, kagawian at katulad nito,mula pa noong bago isinulat ang kasaysayan, at nananatili sa kasalukuyang kalagayan hanggat may mga tagapagdala at parte ang mga ito ng sikolohiyang panlipunan ng mamamayan.
Pangunahing tuon ng diskusyong ito na mailahad ang krisis sa kulturang Pilipino kaugnay ng krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunan. Tinutuunan natin ang dominanteng mga pwersa sa kultura na hindi lamang sumasalamin kundi nagbibigay rin ng ganting-aksyon sa mga realidad at tunguhing pulitiko-ekonomiko, at sa proseso ay may kontradiksyon sa bagong lumilitaw na mga pwersa sa kultura at gumaganap ng reaksyunaryong papel nila sa krisis ng kultura at lipunang Pilipino. Tuunan natin ang dominanteng mga pwersa habang ginagampanan nila ang kanilang antinasyunal, anti-syentipiko at anti-mamamayang papel laban sa bagong lumilitaw na mga pwersa ng pambansa, syentipiko at pangmasang kultura.
Ang Dominanteng Mga Pwersa sa Kultura
Ang imperyalismong US at Simbahang Katoliko Romano ang dalawang dominateng pwersa sa kulturang Pilipino. Ang imperyalismong US ay mas dominanteng pwersa. Sa malakolonyal at malapyudal na kultura ng Pilipinas, ang mga pwersang ito ang maydala ng dominanteng mga ideya at maykontrol sa dominanteng makinarya sa kultura. Sa paggapi sa lumang demokratikong rebolusyon at pagpapataw ng kapangyarihan nito sa mamamayang Pilipino, ginamit ng US hindi lamang ang superyor na kakayahang militar at kahandaan nitong itaguyod ang pag-unlad ng lokal o Pilipinong malaking burgesyang komprador kundi pati ang ideolohiyang pro-imperyalistang demokrasyang liberal para akitin ang rebolusyonaryong nasyunalismo at progresibong demokrasyang liberal ng lumang demokratikong rebolusyon.
Itinayo at pinalawak ng US ang sistema ng edukasyong publiko at itinatag nito ang University of the Philippines para madala ang propaganda ng modernong imperyalismo (ipinahayag sa mga termino ng konserbatibong demokrasyang liberal) at makalikha ng mga nakakabasa't nakakasulat na mga manggagawa at mas maraming katutubong propesyunal at teknisyan na mailukugar sa sistemang kolonyal at pyudal.
Para mapalitaw ang pinakamahuhusay na Pilipinong edukado sa US, ipinatupad ng US ang sistemang pensyunado noong panahon ng kolonyal na paghahari nito. Noong panahong malakolonyal, ginawa ng US ang pagkakaloob ng iskolarsip sa ilalim ng mga opisyal na ahensya at pribadong pundasyon ng US para magkaroon ng pro-US na mga bagong akademisyan, teknokrata ng gobyerno at pribadong manedyer. Sistematikong nagsanay ito ng mga Pilipinong opisyal militar sa mga kuta ng US.
Sa bawat antas ng sistema ng edukasyon sa Pilipinas, ang mga pro-imperyalistang konsepto at paraan ay nanaig sa pamamagitan ng mga edukador na nagsanay sa US at mga programa sa pag-aaral at materyales sa pag-aaral na nakatuon sa US. Ang mga ito ang bumubuo sa pinakabagong
kolonyal na mentalidad ng mga edukadong Pilipino na karamihan ay nagmula sa petiburgesyang lunsod at bihirang nagmula sa masang anakpawis, at naging matataas na burukrata, propesyunal na may pribadong hanapbuhay, tagapangasiwa sa negosyo at opisyal militar.
Ang masmidya ay isa pang larangan ng kultura na dominado ng
imperyalismong US at mga ahente nito sa kultura. Ang midyang nakasulat at elektronik ay lumago bilang mga behikulo ng pro-imperyalista at reaksyunaryong propaganda at tagaanunsyo ng mga produkto ng US at
tagatimpla ng panlasa ng Pilipinong konsyumer. Ang mga pelikula at programa sa TV na gawa sa US at mga programa sa radyong nakatuon sa US ang mga pinaka-epektibong tagapagdala ng pro-imperyalistang mga konsepto at estilo, kabilang ang pinakabulgar at dekadenteng mga ideya.
Iniangkop ng Simbahang Katoliko ang sarili sa dominasyon ng US pagkasimula nito noong umpisa ng siglo. Noong panahon ng kolonyal na mapaghahari ng Espanya, ang Simbahan ay may malalaking ahensyang komprador, at nakapagbenta ng mga lupain ng prayle para palawakin ang interes nito bilang malaking komprador sa pagbabangko at bagong mga empresa sa komersyo.
Mula noon, napanatili ng Simbahan ang sa esensya'y ideolohiyang pyudal nito kasama ng nangibabaw na ideolohiya ng modernong imperyalismo, at atubiling tinanggap nito ang prinsipyong magkahiwalay ang simbahan at estado. Ang pangingibabaw ng modernong ideolohiyang imperyalista sa ideolohiyang pyudal ay sumalamin sa malapyudal na ekonomya at pulitika.
Bilang institusyon, ang Simbahan ang malakas na tagapagtanggol sa ideolohiya at nagpasagrado ng malaking burgesyang komprador at uring panginoong maylupa. Ang impluwensya ng Simbahan sa kultura ay lumaganap sa hanay ng mamamayan sa pamamagitan ng gawaing katekismo, mga ritwal, sermon, kampanyang dasal, publikasyon at katutubong kaugaliang ginawang Kristyano o ang tinatawag na katutubong Kristyanidad.
Hindi na gayong kaprestihiyoso ang pontipikal na University of Sto. Tomas tulad ng dati nang nasa rurok ito ng sistema ng edukasyon sa panahon ng kolonyal na paghahari ng Espanya. Pero napaunlad ng simbahan ang sariling malawak na sistema nito ng edukasyon. Sa simbahan ang karamihan sa mga pribadong eskwelahan sa bawat antas, kinakaribal nito ang sistema ng edukasyong publiko sa antas ng primarya at elementarya, at nakahihigit ito sa antas ng hayskul at kolehiyo.
Ang "pinakamahuhusay" na eskwelahang Katoliko ay kilalang-kilalang mga eskwelahan para sa mga anak ng mga nagsasamantalang uri. At kahit tinutuligsa ng mga sulat ng Papa sa mga obispo at sa lipunan sa pangkalahatan ang kapitalismo at liberalismo sa isang banda, at ang sosyalismo at Marxismo sa kabila, para itaguyod ang ispiritwal na misyon ng Simbahan at mga minamahalagang pyudal bilang nangingibabaw sa mga uri sa lipunan, sa totoo ang mga Katolikong unibersidad at kolehiyo ay mabisang tagapagpalaganap ng burgis na mga teorya sa ekonomya, paraan ng pamamahala ng negosyo, at pinakapanatikong mga ideyang anti-komunista, anti-mamamayan at kontrarebolusyonaryo.
Dagdag sa mayor na mga pasilidad na disektaryan ang mga Katolikong tradisyunal na pasilidad, eskwelahan, masmidya at ibang modernong pasilidad sa pagpapalaganap ng pro-imperyalista at reaksyunaryong mga ideya at sa pagpapalitaw ng mga lalaki't babaeng mayhalu-halong minamahalaga ng ideyalismong pyudal at suhetibismong burgis.
Ang Antinasyunal na Papel
Sa paglalatag ng pundasyon ng malakolonyalismo sa pamamagitan ng dipantay na mga kasunduan sa ekonomya at militar noong ikalawang hati ng dekada '40, ginamit ng US ang Cold War para itumbas ang anti-imperyalismo sa komunismo bilang kakatwang salita at mura. Sa tusong paraan, ang abstraktong liberal na konsepto ng mga indibidwal na karapatan ay ikinontra ng US at mga Pilipinong ahente nito sa kultura sa konsepto ng pambansang soberanya at sa konsepto ng Pilipinas bilang independyenteng bansang-estado.
Ginagampanan ng US ang pinakamabigat na papel sa pagsalungat sa pambansang soberanya at independensya ng mamamayang Pilipino. Kapag ang mga makabayang Pilipino ay naninindigan para sa pambansang soberanya at independensya, ito ay ipinagwawalambahala o kinukutya ng mga intelektwal na kumikiling sa US at nagbubunsod ito ng kawalan ng oportunidad sa sistema ng kultura at edukasyon, kung hindi man ng pagkahanay sa kinakatakutang klasipikasyong "subersibo".
Ang institusyunal na Simbahang Katoliko ay isang epektibong alalay ng imperyalismong US sa pagbubunsod ng kolonyal na mentalidad at paninira sa anti-imperyalistang kilusan bilang komunistang pakana. Ginampanan nito ang espesyal na papel na ikontra ang mga sentimyento sa relihiyon laban sa anti-imperyalistang kilusan tulad ng ginawa nito noong panahon ng kolonyal na paghahari ng Espanya laban sa anti-kolonyalistang kilusan.
Noong dekada '50, sunud-sunod ang maingay na pagsalungat ng Simbahan sa rebolusyonaryong kilusang anti-imperyalista, sa pagpapalaganap ng pambansang yamang liberal tulad ng Noli at Fili, sa makabayang krusada ni Recto, sa progresibong mga akdang liberal sa University of the Philippines at sa patakarang "Filipino First" ni Presidente Garcia. Bilang mga intelektwal na komando ng Simbahan, ang mga Heswitang Amerikano at kanilang mga disipulong Pilipino ay tumampok sa paghahangad na supilin ang anti-imperyalista at anti-kolonyalistang mga ideya at sa pagsusulong sa Antisubversive Law.
Pero noong dekada '60, ang anti-imperyalistang inisyatiba ng mga rebolusyonaryong proletaryo at kanilang nagkakaisang-isang hanay kasama ang mga progresibong liberal ay kumilos para ikontra-atake ang mga pro-imperyalista at iyong mga tagapagtaguyod ng Cold War at nakapagtamo sila ng malalaking tagumpay para sa anti-imperyalistang kilusan sa larangan ng pulitika at kultura. Sa kabila ng patuloy na agresyong pangkultura ng US sa pamamagitan ng mga institusyong may pondo ng US, sumibol ang bagong demokratikong kultura na may malakas na anti-imperyalistang nilalaman. Pinangunahan ng Marxismo-Leninismo ang malaking kilusan ng mga intelektwal at sa kultura.
Ibayong ipinagmalaki ng mga Pilipinong intelektwal ang kanilang sariling pambansang wika at pasuway na ginamit nila ito laban sa matagal nang pangingibabaw ng Ingles sa eskwelahan, opisyal na komunikasyon at babasahing mataas ang antas. Matindi rin ang pagmamalaki sa rebolusyonaryong tradisyon at katutubong tagumpay sa pambansang mana sa kultura.
Noong 1970-72, sumigabo at namulaklak ang bagong demokratikong rebolusyon sa kultura. Ang malalaking bilang ng nakapag-aral ay nag-umpisang magtanong, pumuna at tumanggi sa mga imperyalistang katangian ng kultura at edukasyon ng US. Naligalig sila ng krisis ng naghaharing sistema at nabigyan ng inspirasyon ng lumalaking kilusang masa. Nararapat ang natatanging pagbanggit sa Unang Sigwa ng 1970. Ang nakapag-aral ay nasuklam sa gerang agresyon ng US sa Byetnam, at nagkalakas-loob dulot ng halimbawa ng papalaking bilang ng mga intelektwal na Amerikano na tanggihan ang realidad at mga pag-aakala ng imperyalismong US sa ideolohiya.
Ang pagpapataw ng pasistang diktadura noong 1972 ay desperadong pagtugon ng US at mga lokal na reaksyunaryo sa umuunlad na kilusang anti-imperyalista. Tulad ng lahat ng ibang rebolusyonaryong pwersa, ang mga pwersa ng rebolusyon sa kultura ay patuloy na dumami sa kilusang lihim sa kalunsuran at sa mga sonang gerilya.
Isinagawa ng pasistang diktadura ang mga rekomendasyong idinikta ng US sa PCSPE (Presidential Committee to Study Philippine Education) na pasimplihin ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas diumano sa layuning magkaroon ng mas maraming magtatapos na may kabihasaang teknikal para sa mga dayuhang empresang multinasyunal. Pero ang mga trabaho sa palubog nang palubog na ekonomya ay hindi kailanman makabuluhang pinarami ng mga dayuhang monopolyo .
Isinagawa rin ng pasistang rehimen ang patakarang idinikta ng US na gumawa ng mas maraming librong may pondong pautang ng World Bank. Ang mga libro ay naging behikulo ng pro-imperyalista at pasistang propaganda para dagdagan ang araw-araw na propagandang inilalabas ng kontroladong masmidya.
Ang edukasyong publiko ay ginutom ng gobyerno sa pondo. At ang mga guro ay pinagkaitan ng disenteng sweldo habang ang mga estudyante ay pinahirapan din ng mas mataas na gastos para mabuhay at makapag-aral.
Inendorso o kinunsinti ng mga lider ng Simbahang Katoliko ang pasistang diktadura ng pangkating US-Marcos dahil pinalabas nito ang sarili bilang pwersang anti-komunista. Pero sa halos buong dekada '70 at pasulong, lumitaw ang parami nang paraming progresibong lider relihiyoso at taong simbahan na pumanig sa mamamayan sa pagtatanggol ng kanilang mga karapatang tao sa harap ng nakakapagngalit na kabuktutan at pang-aabuso ng mga pasistang sinulsulan ng US, gayundin sa pagtatanggol ng kanilang mga pambansang karapatan sa harap ng imperyalistang pandarambong sa pamamagitan ng mga multinasyunal na empresa at bangko, at paglabag sa pambansang soberanya at teritoryal na integridad sa pamamagitan ng mga base militar ng US.
Manipestasyon ng krisis sa sistema ng kultura na pro-imperyalista at reaksyunaryo ang pagtalikod ng mga nakapag-aral sa antinasyunal na kontrol sa kultura at impluwensya ng imperyalismong US, gayundin ang pagdami ng mga progresibong relihiyoso na makabayan ang paninindigan sa
loob ng Simbahang Katoliko.
Ang malalaking bitak sa mga dominanteng pwersa sa kultura ay tiyak na lalawak at sasamantalahin ng mga pwersa ng bagong demokratikong rebolusyon sa kultura.
Ang Anti-siyentipikong Papel
Madali ang mapahanga ng syentipiko at teknolohikal na mga pagsulong ng US at mapaniwala na makakatulong ang US sa syentipiko at teknolohikal na pag-unlad ng Pilipinas.
Gayunman, kung isasaalang-alang natin na salungat ang US sa pambansang industriyalisasyon ng Pilipinas, at gusto nitong mapanatiling agraryo ang ating bayan at huwag maghangad ng higit sa ilang empresang ginagamitan ng matinding paggawa, hindi maasahan sa gayon ang US na maging balon ng syentipiko at teknolohikal na pag-unlad para sa bayang nananatiling malakolonyal at malapyudal ang katangian.
Ang sistema ng edukasyong Pilipino ay sadyang walang anumang programa sa pagtataguyod ng mga pag-aaral sa mga saligang syensyang panlipunan. Gayunman, nililikha nito ang malaki-laking bilang ng inhinyero at teknolohista na sobrang-sobra kung ikukompara sa mga oportunidad sa trabaho sa ekonomyang hindi pa industriyalisado o pre-industriyal. Kaya nagtatrabaho sila bilang mga tagabenta ng mga kompanyang multinasyunal. At nangingibang bayan ang mga walang makitang trabaho sa sariling bayan.
Sa paghahambing ang lumilitaw na sobrang inhinyero at teknolohista ay resulta ng mabilis na paglawak ng sistema ng edukasyon noong dekada'50 at '60 at ng mabagal na paglawak ng sistema ng edukasyon na bumubuntot sa pagdami ng bata at kabataang nasa tamang edad para mag-aaral sa kalakhan ng dekada '70. Ang pangkalahatang pagsama ng sistema ng edukasyon na naging matingkad noong dekada '80 ay magbubunga ng bawas na bilang ng mga inhinyero at teknolohista kahit para sa pangingibang bayan.
Nababawasan din ang pangangailangan ng US at iba pang lugar sa mga propesyunal sa kalusugan, inhinyero, teknolohista at bihasang manggagawa. Samantalang gustong bolahin ng ilang tao ang sarili na ang eksport ng mga propesyunal at bihasang paggawa ay manipestasyon ng progresibong katayuan ng Pilipinas, sa totoo manipestasyon ito ng kawalang pag-unlad at krisis - ang kawalan ng kakayahan ng pambansang ekonomya na saluhin iyong kailangan pang ieksport sa murang presyo sa kabila ng mataas na gastos sa edukasyon na kailangang balikatin ng lipunang Pilipino.
May isa ring penomenon na nakakaligtaan. Samantalang pinili ng ilang propesyunal na maghanap ng trabaho sa ibayong dagat, ang iba ay sumama sa rebolusyonaryong kilusan. Ito ay isang penomenon na nagpapakita ng grabeng krisis sa sistema. Sa katunayan, parami nang paraming estudyante at nagtapos sa kolehiyo ang bukas sumama sa rebolusyonaryong kilusan. Ang buong petiburgesyang lunsod ay bumabaling sa panig ng masang anakpawis sa iisang pakikibaka laban sa pang-aapi at pagsasamantala.
Ang pilosopiya, mga syensyang panlipunan, sining at literatura, batas, edukasyon, ekonomika at kurso sa pagninegosyo ay mga larangan ng lantaran at pinalawak na paggawa ng teorya at propaganda ng mga ahente sa kultura at edukasyon ng imperyalismong US at Simbahang Katoliko.
Nasa mga larangang ito ang higit na nakakaraming mayorya ng mga estudyante at nagtapos sa kolehiyo. Sa mga panahong digaanong kritikal, sila ang mga tagapagdala ng ganap na disyentipiko, mapanlito, pro-imperyalista at reaksyunaryong mga ideya. Pero sa panahong mas kritikal, inaatake sila ng mga saligang problema ng lipunan na hindi maipaliwanag ng kanilang pormal na edukasyon, at naaakit sila sa syentipikong teorya at praktikal na pakikibaka ng mga rebolusyonaryong proletaryo at malawak na pambansa-demokratikong kilusan.
Pwedeng tanggihan ng ilan ang suhetibismong burgis ng ideolohiyang imperyalista at metapisikang midyibal ng pinakamalaking simbahan at mahahawan ang kanilang daan tungo sa rebolusyonaryong proletaryong teorya at praktika. Natutuhan naman ng iba na panatilihin ang syentipiko at kapaki-pakinabang sa kanilang pormal na edukasyon at kahit sa kanilang paniniwalang relihiyoso at gayundin maintindihan at matanggap ang pangkalahatang programa ng bago-demokratikong rebolusyon.
Manipestasyon ng krisis sa kultura at lipunang Pilipino ang matingkad na pagbaling sa pambansa-demokratikong kilusan ng mga estudyante at nagtapos sa kolehiyo. Nananawagan sila para sa
makabuluhang edukasyon at radikal na transpormasyon ng lipunan.
Ang Anti-Mamamayang Papel
Magkasamang nilikha ng imperyalismong US at Simbahang Katoliko ang malakolonyal at malapyudal na kultura na nababagay sa malaking burgesyang komprador at uring panginoong maylupa bilang mga naghaharing uri.
Ang kulturang ito ay nagsisilbi para mabigyang katwiran, magawang sagrado, lehitimo at maganda ang sistema ng pang-aapi at pagsasamantala.
Hangad nitong disarmahan at ihele ang mga inaapi at pinagsasamantalahang mamamayan sa paraang mental, emosyunal at moral at ipatanggap sa kanila ang kanilang kalagayan.
Sa pinakamatataas na antas ng sistema ng kultura, nananaig ang mga naghaharing uri bilang mga tagagawa ng patakaran, may-ari at tagakontrol ng mga pangunahing institusyong sa kultura, sistema ng edukasyon, masmidya at lahat ng ibang mayor na paraan ng pag-impluwensya sa pag-iisip, pagdamdam at moralidad ng mamamayan.
Ang intelihensya ang pinagrireklutahan ng pinakamahuhusay na personel sa kultura ng naghaharing uri. Pero ang higit na nakakaraming mayorya ng intelihensya ay hindi makakaangat sa lipunan mula sa antas ng swelduhan tungo sa pagiging naghaharing uri. Sa panahon ng krisis, ang intelihensya ay may tunguhing umugnay sa masang anakpawis na mga manggagawa at magsasaka at lalo pang pumuna at tumuligsa sa sistema ng pang-aapi at pagsasamantala.
Sa lantaran at pinong mga paraan, ang malakolonyal at malapyudal na kultura ay hindi lamang naggigiit ng mga tanging karapatan ng malalaking komprador at panginoong maylupa kundi nagkakait din ng pagkakataong makapag-aral sa milyun-milyong bata at naglilimita sa karamihan ng batang mag-aaral sa antas ng Grade IV, antas na hindi naggagarantiya ng kakayahang makabasa at makasulat. Naglalabas pa ito ng bulgar at mapanghamak na porma ng kultura para alisin ang atensyon ng masang anakpawis na manggagawa at magsasaka sa sariling makauring interes at
tunggalian ng uri.
Pero ang krisis ng sistema ng ekonomya ay nagiging krisis ng sistema ng pulitika. Ang ligalig sa lipunan at kawalang kakayahan ng mga naghaharing uri na maghari sa dating paraan ay nagbubunga ng pinakamatitinding tunggalian sa ekonomya at pulitika sa hanay ng naghaharing uri at sa pagitan ng mga naghahari at pinaghahariang uri. Umaabot sa larangan ng kultura ang tunggalian ng mga uri.
Sa paghahangad na makuha ang poder sa pulitika, ang pinakaabanteng pwersa sa produksyon at pulitika - ang uring manggagawa - ay kinakatawan ng partido nito na may teorya at praktikal na programang sumasaklaw hindi lamang sa mga layunin sa ekonomya at pulitika kundi pati sa layunin sa kultura - ang bagong demokratikong kultura na pupukaw at magbubuklod sa saligang alyansa ng uring manggagawa at uring magsasaka bilang pangunahing pwersa, at kakabig sa panggitnang saray ng lipunan sa isang pambansang nagkakaisang prente.
Ang bagong demokratikong kulturang ito ay nagsisilbi sa mamamayan at binabaka nito ang anti-mamamayang kultura ng lipunang malakolonyal at malapyudal.
* * *
No comments:
Post a Comment